ni Edgar Calabia Samar
(UNANG LABAS)
NGILAG
TATLONG ARAW NANG laging dala-dala ni Yannis ang ngilag nang makita iyon ni Greg. Ipinakita mismo sa kaniya ng anak pagkatapos nilang maghapunan. Kasinlaki ng karaniwang dice at kakulay ng buto ng sampalok. Napakagaan pero napakatigas. Nakaukit sa bawat isa sa anim na panig ang mga titik na pinagmulan daw ng tawag dito ng anak. Gusto niyang sabihin sa anak, bakit hindi na lang ‘galing,’ pero bago pa niya nasabi iyon, inalog na ni Yannis ang ngilag sa loob ng kanang kamay nito at inirolyo sa ibabaw ng mesa sa harap niya na tulad ng paghahagis ng isang karaniwang dice. N. Dinampot ni Yannis ang ngilag at inalog ulit sa kanang kamay nito bago inihagis. Tumama pa sa namamawis-mawis na baso ng ama niya bago tumalbog pabalik. G. At sa apat pang sunod-sunod na paghahagis ng bunso niya sa dice, sunod-sunod ding lumitaw ang I, L, A, at G. Alam niyang hindi nag-ulit lang ang G dahil magkaiba ang kulay ng dalawa: malalumot sa pagkaberde ang una, at malamarmol sa puti ang huli. Lahat ng iba pang titik ay parang pula ng dugo.
Ang lawak ng pagkakangiti ni Yannis sa ama. “Astig, di ba, ‘Pa?”
Hindi agad nakasagot si Greg. Anong sasabihin niya? Disisiyete anyos na si Yannis pero parang pitong taong gulang ulit ito sa harapan niya at kinukumbinsi siyang may kamangha-mangha sa hawak nito. Tulad ng mga kuwento nito noon na bumabangon si Karlo Z pag gabi, pag tulog na silang lahat. Karlo Z ang ipinangalan nito sa robot nito. Na mula rin sa pangalan ng kababata nitong pinagmulan ng robot. Isang dekada na pala iyon. Sinubok burahin agad ni Greg ang alaala ng dalawang Karlo sa isip niya. Napasulyap siya sa anak para tingnan kung nabása nito ang pagrehistro ng alaala ng kababata at laruan nito sa isip niya. Mukhang hindi naman. Nasaan na nga ba ang laruang iyon? “Isa pa nga,” sabi na lang niya, nakangiti, sinisikap makisakay sa kalokohan ng bunso.
Inulit-ulit ni Yannis ang paghahagis ng dice sa harapan niya. At kahit ilang beses ulit-ulitin nito ang paghahagis, paulit-ulit lang din ang pagkakasunod-sunod ng mga titik. N-G-I-L-A-G.
Noon totoong naintriga na si Greg. “Ako nga,” sabi niya sabay dampot sa dice na nasa letrang G. Malamarmol sa puting G. Tinitigan muna niya ang dice, sinipat-sipat ang bawat letra. Gawa saan ito? Mukhang hindi plastik. Imposibleng kahoy. Lalong hindi bakal. Naisip niya na walang-wala nga pala siyang kaalam-alam sa mga materyal sa paggawa ng mga bagay-bagay. “Sige, tingnan natin,” bumuwelo siya, inalog sa loob ng magkasalikop niyang kamay ang ngilag, saka niya pinaghiwalay ang mga palad niya sa halos pagkubkob ng mga ito sa dice para kusa iyong mahulog sa ibabaw ng mesa. Puting G. Pagkatapos, puting G ulit. Saka L-G-I-I. GGLGII. Putek, ano ’yun?
Nakangiti pa rin si Yannis sa ama. Parang hinihintay na sabihin ni Greg ang obvious. Na hindi nito nagawa sa dice ang paulit-ulit na nagawa ng anak.
Pero hindi sumuko agad si Greg. Inulit niya ang serye ng paghahagis. Pero wala siyang mabuo-buong kaayusan.
NGLIGI.
LGGAGG.
IILGGN.
Ni hindi niya matsambahan ang GALING. Ni hindi niya magawang walang mag-ulit na titik sa anim na sunod-sunod na paghahagis dito. Napatawa na lang siya nang nakatiyempo siya ng NGIIII. “Give up na ako,” sabi niya, “inaasar na ako nitong ngilag mo.” Saka niya iniabot ulit ang dice sa anak.
Inalog ulit ni Yannis ang ngilag sa kanan niyang kamay bago inihagis ulit. Sa anim na sunod-sunod na pagpatak nito sa ibabaw ng mesa, ganoon pa rin ang nabuo niya. NGILAG.
“Saan mo ba nakuha iyan?” Ang nasa isip ni Greg, malamang na may trick na hindi lang niya alam. Baka nasa paghahagis. Baka may pinipindot. Baka maraming dice. Imposibleng walang trick. Pero hindi niya puwedeng iparamdam sa anak na interesado siyang malaman ang trick. Mas hindi nito sasabihin. Kailangang parang balewala lang sa kaniya.
“Bigay lang sa ’kin, Pa,” sabi lang ni Yannis. Na para bang balewala lang dito. Na para bang walang kakaiba sa nangyayari. “Astig, di ba.”
“Sinong may bigay?”
“Basta, bigay lang.”
“Baka kung anong mga kalokohan mo, ha.”
“Ang OA mo, Pa.”
“E bakit ganyan ’yan.” Prumeno agad si Greg. Kailangang parang balewala sa kaniya.
Napatawa si Yannis. “Magic ha-ha.”
Iyon ang huling pagkakataong nakita ni Greg na napatawa ang anak. Na napatawa niya ang anak, kahit hindi niya sinasadya. Iyon ang hitsura ng anak na lagi niyang naaalala simula nang mawala ito mga isang linggo mula nang gabing ipinakita nito sa kaniya ang ngilag.
O baka mas matagal na pala itong nawawala, hindi lang niya napapansin, dahil hindi naman sila madalas magkita.
Lalong nagsikip ang dibdib ni Greg. Ni hindi niya masigurado kung ilang araw na nga bang nawawala ang anak. Gabi na siya nakakauwi mula sa pagtuturo. Lalo pa dahil sa impiyernong trapik mula Katipunan pauwi sa Concepcion kapag inabutan ng rush hour. Ikalawang sem ni Yannis sa UP. Broadcast Communications. Graduating naman ang kuya nito ng Mathematics Education sa PNU. Minsan, mas gabi pang umuuwi ang mga ito sa kaniya. Hindi na niya nahihintay ang mga ito bago siya matulog lalo pa kung maaga ang pasok niya kinabukasan.
Iniisip niya na napalaki naman niya nang maayos ang mga anak. Na kung narito pa si Lina ngayon, siguradong masaya ito’t proud sa dalawa nilang binata. Kung narito pa si Lina, siguradong mas masaya silang lahat. Masaya naman kami. Abala sila sa kani-kanila nilang ginagawa, pero gustong maniwala ni Greg na masaya naman silang mag-aama kahit paano.
Hanggang bago nga nawala si Yannis.
Si Gino pa ang nagtanong sa kaniya. “Pa, nakita mo ba si JM?”
Iyon ang isa pang palayaw ni Yannis. Na Johannes Milan ang buong pangalan. Na kinuha niya kina Gutenberg at Kundera. Na tinawanan lang ni Lina noon bago nito sinabing bahala siya. Tutal ay siya rin naman ang nasunod sa Jorge Eugenio ni Gino. Naisip ni Greg noon na kung babae ang anak nila, hahayaan naman niyang si Lina ang umisip ng pangalan. Sexist ba iyon? Kontra agad ng lit prof sa utak niya. Pero hindi na nga nila nagawang sundan si Yannis. Ngayon, wala siyang nararamdaman kundi lungkot at pag-iisip kung ano kaya ang ipinangalan ni Lina sa mga anak nila kung hinayaan niyang ito ang pumili sa pangalan ng mga ito noon. Ni hindi nga pala niya ito tinanong man lang kung anong gusto nito. “Wala sa kuwarto n’yo?” tanong niya kay Gino kahit malamang na wala, kaya nga nito hinahanap sa kaniya. “Bakit pala gising ka na?” Wala pang alas-sais ng umaga noon.
“Parang two days ko na siyang di nakikita,” sabi ni Gino, pinapakalma ang boses, pero may bahagyang panic sa mismong pagpapakalma. “O three na ngayon.” Saka na lang nalaman ni Greg na sinadya nga nitong gumising nang maaga kahit hapon pa ang pasok nito nang Biyernes na iyon para abutan siya nito bago siya pumasok.
Napatigil si Greg. Iniisip din niya kung kailan nga ba niya huling nakita ang bunso. “Tinext mo na ba? Tinawagan mo?”
“Kagabi pa, Pa. Cannot be reached.”
Kumabog ang dibdib ni Greg. Pero alam niyang kailangan niyang maging kalmado. Totoong kalmado. Hindi gaya ng pagiging kalmado ni Gino na halatang may bahagyang panic. Pinatay niya ang apoy ng stove, isinalin ang scrambled egg mula sa kawali papunta sa plato niya, at pagkababang-pagkababa ng kawali sa lababo, dinampot niya ang cellphone niya sa ibabaw ng mesa at hinanap ang number ng anak. Cannot be reached nga. “Bakit ngayon mo lang sinabi?” Alam niyang napataas ang boses niya sa panganay na may na tákot na rin sa mga mata noon.
Noong isang araw lang, may dating estudyante siya sa Ateneo na hinoldap at pinatay, ilang kanto lang ang layo sa bahay nila. Limang minuto lang ang layo sa bahay nito. Natagpuang may saksak sa leeg at dibdib. Nakasalubong pa niya sa kampus minsan ang estudyanteng ito na hindi niya maalala noon ang pangalan pero naaalala niya ang maaliwalas nitong mukha. Nalaman niyang nagma-masters na pala ito sa disaster resiliency and mitigation. Na tumutulong pala ito sa disaster management programs ng gobyerno. Napakalayo na sa freshman na tinuruan niya noon ng Panitikan at ni hindi niya halos narinig na nagsalita sa buong sem pero matalas mag-isip sa mga ipinapásang paper. “May kinontak ka na ba sa mga barkada niya? Sa school?”
“’Yung mga kilala ko lang na tagarito rin lang sa ’tin, Pa,” sabi ni Gino. Mga kaklase ni Yannis sa high school. Mga kabarkada nito sa simbahan. Noong active pa ito sa simbahan. Wala pang kilala si Gino sa mga kaklase ni Yannis sa UP. Hindi niya alam kung may kaibigan na ba sa mga ka-block nito ang kapatid. Ni hindi niya alam kung sumali na ba ito sa kahit anong org. “Ngayon ko lang din nabása paggising ang replies ng iba. Di na naman daw nila nakikita si JM, Pa. Matagal na. Iyung ibang di nagri-reply, baka tulog pa.”
“Kailan mo siya huling nakausap?”
“Wala ako nu’ng weekend, Pa, di ba, nasa Batangas ako. So siguro, mga Thursday ng gabi pa…”
Nagpaalam nga sa kaniya si Gino na may lakad ito kasama ang mga kabarkada nito mula sa Parang High School. Hindi niya maalalang sinabi nitong sa Batangas pa pala ang lakad na iyon. Akala niya’y dito lang din sa Marikina, sleepover na inaasahan na niyang may inuman kahit hindi pa inaamin ng anak sa kaniya na umiinom na ito. Pero inalis na muna roon ni Greg ang isip niya. Inisip niya kung kailan nga ba niya huling nakita si Yannis. Friday ng gabi. Wala siyang pasok kinabukasan. Magkasabay silang naghapunan.
Nung ipinakita nito ang dice sa kaniya. Biglang parang rumolyo sa isip niya ang dice na sunod-sunod na pumapatak sa ibabaw ng mesa para mabuo ang salita. N-G-I-L-A-G. Hindi maintindihan ni Greg kung bakit siya bahagyang kinilabutan. May trick, imposibleng walang trick. Nagsisisi siya ngayon kung bakit hindi siya sumuko noon sa anak, kung bakit hindi niya inamin na interesado siyang malaman ang trick ng dice. Kung bakit nagpanggap siyang balewala lang iyon sa kaniya.
Pagkatapos nilang mag-usap noon ni Yannis, nang wala itong sinabi sa kaniya kung paano nito napapalitaw nang sunod-sunod ang NGILAG nang hindi niya ito kailangang pilitin, pumasok na siya sa kuwarto at nag-check ng papel ng mga estudyante tungkol sa ipinabasa niyang unfinished novel ni Rosario Liwanag noong dekada 40 na naka-set sa mga bayan sa palibot ng Laguna de Bay sa taong 2020. Unang futuristic na nobela sana sa bansa kung natapos nito. Pero sa akda ni Liwanag, nag-mutate na ang mga tao at nagkaroon ng mga katangiang malahalaman para mag-survive sa nagbagong heolohiya at klima ng mundo. Malaki ang impluwensiya sa nobela ng pagiging biologist din ni Liwanag. Isa sa mga unang Filipina na nagtapos ng PhD sa Biology bagaman mas nagtuon nga sa pagsusulat ng nobela kaysa scientific research. Mabuti na lang at hindi naging propetiko ang bisyon niya ng 2020 kahit pa may siyentipikong batayan ang ilang detalye niya sa nobela.
“May nabanggit ba siya o ano? Pupuntahan? School activity?”
“Wala, Pa… wala… napag-usapan lang namin ang tungkol sa music… ’yung mga pinakikinggan niya ngayon… ang pagtugtog niya… ang mga kino-compose niya at… at meron pala siyang… weird pero… pero may ipinakita rin pala siya sa akin nu’n, Pa…”
Tiningnan ni Greg ang panganay niya na kaparehong-kapareho ang mga mata ni Lina nang una niya itong makilala noong college sila. Si Lina na nagturo sa kaniya kung paano magbasa ng nobela. “Iyung ngilag?”
“Nakita n’yo rin, Pa?”
Tumango si Greg. Hindi niya alam kung bakit hindi maalis sa isip niya ang posibilidad na may kinalaman ang ngilag na iyon sa pagkawala ni Yannis. Pagkatapos, maaalala niya ang pagtawa nito, ang huling pagtawa nito sa kaniya bago ito nawala. Magic ha-ha.
GALING
TATLONG TAON SIYA nang una niyang narinig ang salitang iyon. Rumehistro ito sa STM (short-term memory) niya sa loob ng 1/5 segundo, iprinoseso sa loob ng sumunod na 2/5 segundo at nang hindi mahanapan ng katulad na datos sa mga nakaimbak na impormasyon sa LTM (long-term memory) niya, isinuksok at isiniksik ito sa kaila-ilaliman ng utak niya, kasama ng iba pang mga banyagang sense-perception na naghihintay lang na muling maantig––na muling may umantig––sa utak niya. Naganap ang lahat ng ito sa loob ng wala pang isang segundo. Kaya naroon na iyon, sa kaloob-looban ng utak niya, simula noong tatlong taon siya, kahit na hindi niya alam. Kahit hindi na niya alam.
… Walang sariling trash bin ang isip ng tao, lahat ng nasasagap nito ay iniipon nito’t hindi pinakakawalan gaano man kawalang-halaga––gaya ng mga sinaunang tao na hindi maitapon-tapon ang mga liham ng namatay nang kakilala, programa sa napanood nang konsiyerto, paperback ng nabása nang paboritong libro, libo-libong digital na kopya ng mga libro na di nila mababasa kahit kailan, mga kinunang larawan ng kung ano-ano sa kung saan-saan, segu-segundong selfie para masapol ang pinakagustong anggulo at tama ng ilaw sa mukha, mga plastik at papel na bag na pinaglagyan ng pinamili, at kahit nagamit nang tiket sa sinaunang sasakyan nila noong tinatawag na bus (noong nahahati pa sa iba’t ibang nasyon ang Sistema, isinusulat ang bus bilang buss, bussi, busz, bws, atbp. sa iba’t ibang teritoryong gumagamit na noon pa man ng text sa pakikipag-usap)––kaya sa isang banda, utak ng tao ang naging pinakamabagal ang pag-unlad, ang nananatiling sinauna, sa loob ng mahabang panahon…
Ito ang pilit niyang inuunawa, makalipas ang labing-isang taon, bilang paghahanda sa System Evaluative Test (SET). Ang alaala ng mga bagay. At ang lokasyon ng mga bagay na iyon sa iba pang bagay sa daigdig. Kailangan niyang magawang muling kathain ang larawan ng daigdig sa utak niya. Isaayos isa-isa. Mula sa pinakamaliit na alabok na kaya niyang makita, hanggang sa pinakamatayog na monumento ng Sistema. Kahit hindi pa niya totoong nakikita ang daigdig labas sa silid na kinaroroonan niya. Magiging karapat-dapat lamang siyang makita ang daigdig kapag nagawa niya itong kathain sa isip niya bago pa man niya ito makita. Parang napakahirap, halos imposible. Kung hindi niya pinagdaanan ang mga paghahandang nalampasan niya.
May tatlong bahagi ang SET na kailangan niyang maipasá bago siya tumuntong ng 15 taon. Hindi niya alam kung anong araw at oras mismo, basta’t mangyayari iyon kapag iniwan na siya ng kaniyang Tagapagturo at Tagapagsanay na 10 taon na siyang inihahanda sa tatlong uri ng pagsusulit.
Una ang pagsusulit sa Gunita at Lunan (GAL). Mga bagay na may kinalaman sa nagdaan at sa espasyo. Aaminin niyang sa tatlo na kailangan niyang lampasan, ito ang pinakamabigat sa kanya. Madali para sa kanya ang bahaging may kinalaman sa Gunita. Kaya niyang isalaysay ang nagdaan, balikan ang hindi naman niya personal na pinagdaanan, unawain ang kinahinatnan ng mga bagay kaya nakarating sa kasalukuyan ang daigdig. Pero nahihirapan siya sa mga usapin ng Lunan. Matagal bago niya nagawang magmapa ng mga bagay sa utak niya para masukat ang lalim, lawak, at layo ng mga ugnayan ng mga bagay sa nagdaang iyon sa isa’t isa. Nalulula siya sa dimensiyon ng mga lugar, ng mga nagtatayugang gusali sa matandang panahon, sa kabila ng iba’t ibang anggulo ng simulation ng mga iyon sa silid niya. Nalulunod siya sa daluyong ng alon sa mga sinaunang pampang sa mga talâ ng mga manlalakbay kahit alam niyang projected na image lang ang tubig na humahampas sa mukha niya. Nababasâ siya ng tubig, nararamdaman niya ang lamig nito.
(ITUTULOY)