IISA ang petsa ng kapanganakan ni Dr. Bienvenido Lumbera at ng aking maybahay.Kaya para ko na ring pinakasalan ang gaya niya.
Matigas ang ulo, wika nga, ng Aries.
Saksi ako rito dahil ang kaarawan niya tuwing Abril 11 ay natataon sa University of the Philippines National Writers Workshop.
Ang pinakatumimo ay nang makasama ko siya sa isang lumang kuwarto sa isang antigong hotel sa Baguio. Naghihilamos siya nang biglang bumagsak ang lababo. Tinamaan si Sir Bien ng basag na bubog na tumama sa kaniya. Hindi siya napahamak pero pinalanggas at pinalagyan ko pa rin ng band-aid ang kaniyang ulo.
Nag-umpisa akong maglingkod bilang direktor ng Likhaan: U.P. Institute of Creative Writing noong 2003.
Dahil ako ang pinakabata noon kaya palagi kong inaagapan ang pulong upang makasama’t mahingian ko ng payo ang mga dating direktor — at si Sir Bien Lumbera.
Napatunayan ko uli ito noong 2018 nang tuligsain ako sa social media dahil ibinalik ko raw ang Imelda Romualdez Marcos Award sa Philippine High School for the Arts (PHSA) samantalang wala akong kinalaman dito. Proyekto ito ng Cultural Center of the Philippines (CCP).
Bakit hindi ako sumagot?
Sapagkat ito ang payo ni Sir Bien: “Vim, h’wag mo na silang sagutin.”
Desisyon ko itong hindi pinagsisihan.
Katulad ng pagtanggi ko sa pagpirma sa Coalition of Writers and Artists for Freedom and Democracy (COWARD).
Kilala ako ni Sir Bien.
Alam niya — bilang roommate at rumor mate (o ka-tsismisan) — na nasa Edsa ako noong 1986 matapos ang Judges Night ng Ustetika Annual Awards for Literature.
Alam din niya kahit noong Edsa Dos noong 2001 nang kasama kong nagmartsa ang mga estudyante ko mula sa Quezon Hall hanggang Edsa Shrine hanggang abutin ng aking ika-37 kaarawan.
At ang hindi rin alam ng iba, siya rin ang dahilan kung bakit ako nasa U.P. Sinimulan niya ang diaspora – mulang España patungong Diliman – na sinundan nina Rogelio Sicat, Cristina Pantoja Hidalgo, Arnold Azurin, Wendell Capili, Neil Garcia, at marami pang ibang taga-Varsitarian.
Napakaraming dapat ipagunita.
Kaparis ng Performatura 2015 na nakalimutan niyang daluhan.
Kagaya ng aking itanghal ang kaniyang A Eulogy of Roaches noong siya ay iproklamang National Artist noong 2006. Nagtilian ang ilan, nagtakbuhan ang iba sa kaniyang mga bisita – matapos maglabasan ang napakaraming ipis! Mabilis pumuri si Sir Bien. Pero noon, wala lang. Ni ha, ni ho. Hindi ko na rin itinanong kung nagustuhan niya. Ang batid ko lamang ay isang araw ko yatang sinuyod ang paligid ng Quiapo, Sta. Cruz, at Divisoria para makaipon ng halos isang supot na plastic na ipis!
Isang misteryo ito na hindi ko malilimutan mula noon hanggang ngayon.
Walang ipinagkaiba sa pag hindi niya nang alukin siyang maging kauna-unahang direktor ng P.H.S.A..
Isa naming proyekto sa Likhaan – noong kasapi pa ako ng National Committee on Literary Arts ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) noong 2007 – ay ang Pagpupugay sa mga Pambansang Alagad ng Sining.
Ito ay naglalayong ipakilala ang mga National Artists for Literature sa kanilang sinilangang bayan o birthplace.
Kaya dinala namin si Virgilio Almario sa San Miguel, Bulacan; si Francisco Sionil Jose sa Rosales, Pangasinan; si Alejandro Roces sa Maynila; at Edith Tiempo sa Bayombong, Nueva Vizcaya!
At, siyempre, si Sir Bien sa Lipa, Batangas.
Mula sa Lima Hotel, may napakahabang hile-hilera ng mga batang may tangang bandera ang sumulubong sa kaniya hanggang sa aklatang may eksibit para sa kaniya.
Sa gitna ng kaliwa’t kanang tarp – na parang panghalalan — dumiretso siya sa Lipa City Youth and Cultural Center na punong-puno rin ng mga kabataang galing sa iba’t ibang kolehiyo’t unibersidad sa Batangas.
Noon at doon ipinalabas ang halaw sa kaniyang Hibik at Himagsik nina Victoria Laktaw bago siya nagkuwento ng kaniyang talambuhay na pinamagatang Ang Lipa Sa Aking Paglikha:
“Lipa ang bayan kong sinilangan at ang kasaysayan ng bayang ito ang nagbigay sa akin bilang manunulat ng tuntungan sa paglikha ng tula, dula, at kritisismong pampanitikan. At hindi lamang ang aking sining ang nabigyan ng laman, pati ang aking pagkatao na biniyayaan ng pagmamahal sa sariling bayang Filipinas at sa kultura ng mga Filipino.”
Santo Papa siya noon!
Pagkaraan ng limang taon, noong unang taon ko sa P.H.S.A., inimbitahan ako sa National Artist Collection ng Freeway noong 2014 — kasama ang idolo siya na si Tessa Prieto Valdez at ang idolo niyang si Gloc-9.
Noong 2017 siya naman ang aking ginawang Panauhing Pandangal sa pagbubukas ng Makiling Inter-Cultural Arts Festival – tuwang-tuwa siya sa Physical Poets na grupo ng butoh artists mulang Japan.
Inamin niyang natakot siya sa kanila dahil para silang totoong multo!
Noong 2006 nang pumanaw ang ikatlo naming anak na si Awit, dumalaw siya sa Arlington kung saan din siya ibinurol noong 28 Setyembre 2021.
Minabuti kong muling buuin ang aming pamilya kaya ipinagdiwang namin ang aming ika-10 anibersaryo kaya nagpakasal kaming mag-asawa sa simbahan noong 2007 makaraang ikasal sa huwes noong 1997.
Pero parang hindi ako pinatawad ni Sir Bien sa kaniyang bulong: “You mean… you’ve been living in sin?”
Paulit-ulit ko ring bibiruin siya – kunwang tatakpan ko ang kaniyang bibig.
Pag nakita mo ang pilyo niyang mata habang nangungulit.
Bago siya pumayag maging ninong namin sa kasal!
Ang hindi ko malilimutan ay ang regalo niyang silver na Sony.
Radio ito na may cassette at C.D. player.
Tulad ng kaniyang kakulitan, ito ay pinakikinggan namin araw-araw. Tampok ang High School Musical ng panganay naming si Psalma at Avenue Q ng pangalawa naming si Wika. Natigil lamang ito nang nahirapan na itong umikot. Natuklasan kong ginagawa pala itong alkansiya ng bunso naming si Sulat!
Ito pa mandin ang sentro ng aming bawat araw noon.
Walang iniwan kay Ninong Bien.
Siya kasi ang pinasulat ko ng introduksiyon sa kauna-unahan kong librong 15 Lamang noong 1994.
Hindi ko alam na babanggitin siya ni Ka Efren Abueg sa pasakalye ng pinakabago kong aklat: Gadaling-Noo: “Nabaguhan ako at naiwan sa aking alaala ang mapangahas na performance ng makata (si Vim nga). Dahil doon, maaaring tawagin ko na siyang “Ama ng Performance Poetry sa Filipino”.
Si Ninong Bien ang puno’t dulo ng paglilimbag ko.