IBA’T IBA ang pamamaraan ng iba’t ibang pangkat ng mga Filipino sa paghahatid ng kanilang mga mahal sa buhay sa huling hantungan. Para sa mga Tagalog, nakagawian na ang pagpaparada ng karosa ng patay sa kalsada habang sinusundan ng nag-iiyakang mga kaanak at iba pang nakikiramay hanggang sa pagsapit sa sementeryo ay ihuhugos ang kabaong sa hukay at pababaunan ng mga bulaklak at dasal. Ngunit bago pa man dumating ang mga Kastilang mananakop, may mga tradisyon na ang mga Tagalog sa paglilibing na tunay na kakaiba: na bagaman ang ilang gawi ay naglaho na, ang iba ay patuloy pa ring isinasagawa.
Paniniwala sa Kaluluwa
May dalawang anyo ang kaluluwa: ang kakambal at kaluluwa. Ang kakambal ay para sa nabubuhay pa at ang kaluluwa ay sa namatay na. Kapag natutulog ang isang tao, maaaring maglakbay ang kanyang kakambal sa kung saan-saang lugar na kung makakaranas ng trahedya ay posibleng humantong sa bangungot. Kapag namatay na, ang kakambal ay nagiging kaluluwa. Dalawang lugar lang ang puwede niyang kahantungan: ang Maca o langit at Kasanaan o impiyerno. Dadalhin siya roon sa pamamagitan ng sagradong mga psychopomp o mga nilalang na tagapaghatid ng mga kaluluwa sa kabilang buhay, tulad ng mga buwaya, o sa bisa ng divine intervention.
Pangangaluluwa
Idinadaan ng mga Tagalog sa pagbigkas o pag-awit ang pagtulong sa paggabay sa kaluluwa ng kanilang mga yumao upang makarating sa Maca o mabigyan ng pagkakataong matubos ito kung naparoon sa Kasanaan. Nanghihingi ng limos ang mga nangangaluluwa sa mga tao na inihahandog naman nila sa mga kaluluwa kinalaunan. Ganito tumatakbo ang kanilang pag-awit:
Kaluluwa’y dumaratal
Sa tapat ng durungawan,
Kampanilya’y tinatantang
Ginigising ang may buhay;
Kung kami po’y lilimusan
Dali-daliin po lamang,
Baka kami’y mapagsarhan
Ng Pinto ng Kalangitan.
Kakaibang Nitso
Buhay na puno bilang nitso ang nakaugalian ng ilang mga Caviteñong naninirahan sa mga baryo. Kapag malapit nang mamatay ang isang tao bunga ng katandaan o pagkakasakit, pumipili na siya ng punong ibig niyang maging himlayan. Isang kubo ang itatayo na katabi ng nasabing puno. Sa kanyang pagyao ay ilalagak ang kanyang bangkay nang patayo sa inukang katawan ng nasabing puno.
Bago naman ang ika-16 na siglo, kakaiba rin ang nagsisilbing nitso ng mga taga-Quezon, partikular ang mga taga-Mulanay. Ang mga bangkay ay inililibing nila sa loob ng batong-apog na ataul. Ngunit sa pagdating ng mga Kastila ay naparam ang kaugaliang ito.
Sinaunang kremasyon
May matandang pamamaraan naman ng kremasyon ang mga Lagueño, partikular ang mga taga-Pila. Hindi kaagad-agad sinusunog ang bangkay. Hinahayaan muna itong kusang maagnas. Kasunod niyon, isang ritwal ang iginagawad. Saka pa lamang susunugin ang bangkay. Isinasagawa nila ito sa paniniwala ng mga matatanda na kapag nailagak sa apoy ang bangkay, magiging malinis ang kaluluwa niyon na parang gintong sinala.
Istatwang ‘Likha’
Mga munting istatwang inukit mula sa kahoy o bato, na isinabuhay na larawan ng mga anito at sumusukat ng anim hanggang 12 pulgada, ang mga ‘likha.’ Kasama itong inilalagak sa punong libingan ng mga Caviteño; sa loob ng gintong-apog na kabaong ng mga taga-Mulanay, Quezon; at sa libingan ng mga abo ng mga Lagueñong taga-Pila. Gayundin sa piling ng mga bangkay na inilibing sa ilalim ng lupa ng mga Batanguenong taga-Calatagan.
‘Larauan’
Ang mga istatwang likha na ibinaon kasama ng mga bangkay ay muling nililikom at nagiging “iginagalang na alaala” ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Kung magkagayon ay tinatawag na itong “larauan.” Ito ang nag-uugnay sa mga nabubuhay at nasa kabilang buhay. Hindi lamang nagsisilbing dekorasyon ito sa bahay kundi ginagamit din sa pagdarasal, pagtatanim, panggagamot, paglalakbay o iba pang dahilan.
Natuklasan ang mga istatwang ito ng mga Kastila sa kanilang pagdating. Naitala nila sa Relacion de las Yslas Filipinas noong 1582 na may mga bahay na natuklasan nilang nagmamay-ari ng isandaan o dalawang daang mga idolong ito. Sa ngalan ng kolonisasyon, sinunog nila ang lahat ng mga ito. Sa kasalukuyan, dalawang likha na gawa sa bato na lamang ang nalalabi ngunit nasa mabuting kondisyon at iniingatan ng Pambansang Museo ng Pilipinas.
Pagdakila sa mga yumao
Pinatutunayan lamang ng mga kaugaliang ito na lubos na pinapahalagahan at dinadakila ng ating mga ninuno ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Isang bagay rin ang kanilang isinasaalang-alang: mas dapat pahalagahan ang araw ng kamatayan kaysa araw ng pagsilang. Dahil sa huling araw ng isang nilalang malalaman kung ano ang kanyang naging buhay at kung paano siya nakapag-ambag sa mundong ibabaw.