ANG ikalimang dimensyon sa pagbasa ay ang paglikha ng sariling kaisipan ayon sa mga kasanayan at kawilihan sa binasang seleksiyon.
Matapos malinang ng mga mag-aaral ang apat na dimensyon sa pagbasa, ang ikalima at huling dimensyon ay kinapapalooban ng mga sumusunod na kasanayan.
1. Pagbabago ng panimula ng kuwento o lathalain. Nakatanim na sa isipan ng mga guro na ang gawaing pagbasa ay isang interpretasyon sa anumang siping nasusulat. Ang ibig sabihin, sa anumang nasusulat ay nabibigyan ng pagpapakahulugan ng mga mag-aaral ang mga nakasulat na kaisipan. Ito’y pagpapatunay na nauunawaan ng mga mag-aaral ang nilalaman at kaisipan ng anumang tekstong nasusulat. Dahil ang pagbasa ay pagpapahayag ng sinumang bumabasa sa mga bagay na kaniyang naunawaan sa binasang teksto, maaaring magkaroon ng pagbabago ang iniisip ng mga mag-aaral sa kabuuan ng binabasang teksto, lalo’t ang tekstong binabasa nila ay may panimulang hindi kasiya-siya sa kanilang panlasa.
Nakagigiliwan ng mga mag-aaral na bumasa ng isang maikling kuwento na makatawag-pansin ang panimula. Ipinagpapatuloy nila ang pagbabasa hanggang sa wakas ng kuwento sapagkat naganyak sila sa panimulang inilahad ng may-akda. Narito ang dalawang maikling kuwento na masasabing nakalulugod basahin dahil nagtataglay ng makatawag-pansing panimula:
- Sa daigdig noo’y walang makikitang anuman liban sa magkatapat na langit at dagat. Sa pagitan ng dalawang ito ay may isang ibong walang humpay sa paglipad. (Alamat: “Si Malakas at si Maganda”)
Maaaring masabik ang mga mag-aaral sa papel na ginagampanan ng ibon sa kuwento. Magkakaroon sila ng kritikal na pag-iisip kung ano ang gagawin ng ibon sa ugnayan ng langit at dagat. - Ang kinagigiliwang Juan Tamad ng Katagalugan ay may katumbas sa mga Maranaw – Si Pilandok. Si Pilandok ay nahatulang ikulong sa isang kulungang bakal at itapon sa dagat dahil sa isang pagkakasalang kaniyang ginawa. (Kuwentong-bayan: “Naging Sultan si Pilandok”)
Mag-iisip ang mga mag-aaral kung ano ang pagkakatulad nina Juan Tamad at Pilandok. Maaaring ibig nilang tuklasin ang pagkakasalang ginawa ni Pilandok.
Kung hindi naging maayos ang pagkakalahad sa simula ng dalawang kuwentong nabanggit, hindi malayong hahangarin ng mga mag-aaral na palitan ang panimula ng mga ito.
2. Pagbabago ng wakas ng kuwento. Maaaring hindi nagiging kasiya-siya ang wakas ng isang kuwento kung kaya’t napapalitan ito ng mga mag-aaral. Masasabing ito’y (1) maligoy, (2) hindi nasolusyonan ang problema ng pangunahing tauhan, (3) gumamit ng pangyayaring walang kaugnayan sa kuwento, o (4) lumikha ang may-akda ng di-kapani-paniwalang wakas.
3. Pagbabago ng pamagat ng kuwento. May mga guro at mga mag-aaral na kritikal ang pagsusuring isinasagawa sa pagtalakay sa binasang maikling kuwento. Matapos mabasa ang maikling kuwento ay nakapagtatanong ang guro ng “Kung kayo ang magbibigay ng pamagat sa binasa ninyong kuwento, ano ang ipapamagat ninyo?” Sa talakayang pangklase ay iba’t ibang pamagat ang naibibigay ng mga mag-aaral. Nakapagpapalit ng pamagat ang mga mag-aaral kung ang pamagat ng maikling kuwento ay (1) sobrang haba, (2) sobrang ikli, (3) walang kaugnayan sa nilalaman ng kuwento, (4) hindi pamilyar ang salitang ginamit at (5) hindi makatawag-pansin.
4. Pagbabago ng mga katangian ng mga tauhan. Hindi maiiwasang magkaroon ng pagpili ang mga mag-aaral kung sino sa mga tauhan sa maikling kuwento ang kanilang naibigan at hindi naibigan. Maaaring nais baguhin ng mga mag-aaral ang mga katangian ng mga tauhan kung hindi nailarawang mabuti ng may-akda ang mga katangiang nais makita ng mga mag-aaral sa maikling kuwento na kanilang nabasa. Ang mga mabubuting katangian ng mga tauhan ay lalong pinagbubuti sa paningin ng mga mag-aaral. Ang mga tauhang inilarawan ng may-akda na sobrang masama sa maikling kuwento ay binabago ng mga mag-aaral lalo’t naniniwala silang likas sa mga tao na magbago kung may mga tao at institusyong makapagpapabago sa kanila.
5. Pagbabago ng mga pangyayari sa kuwento. May mga mag-aaral na nakapagsusuri ng mga pangyayari sa kuwento kung ang mga ito’y makatotohanan o hindi. Maraming mga tanong na bakit at paano ang lulutang pagkatapos mabasa ng mga mag-aaral ang maikling kuwento. Sa puntong ito, dapat ipokus ng guro sa kaniyang pagtuturo ang estilong ginamit ng may-akda sa pagsulat. Mahalagang magkaroon ng malayang talakayan sa klase sakaling maganap ang ganitong sitwasyon.
6. Paglikha ng sariling kuwento batay sa binasa. Pokus sa gawaing ito ang pagkamalikhain ng mga mag-aaral, lalo’t sa Most Essential Learning Competencies (MLCs) na ipinalabas ng Kagawaran ng Edukasyon ay kasama sa lilinanging kasanayan ang Malikhaing Pagsulat. Maaaring dahil sa binasang maikling kuwento ng mga mag-aaral ay nagkaroon siya ng kamalayan na makalikha ng isang kuwentong naganap sa kaniyang buhay bunga ng kaniyang nasaksihan, napakinggan at naranasan.