ni Wilson E. Fernandez
NOONG bata pa ako ay isa ako sa mga naniniwalang haunted house ang Villa Valenzuela na matatagpuan sa sinilangan kong bayan, ang Sta Cruz, Laguna. Sa unang tingin pa lamang sa mala-kastilyong mansiyon na ito ay iisipin agad ng mga makakakita na isa itong nakakikilabot na bahay.
Subalit habang ako ay tumatanda ay unti-unti ring nagbago ang aking pagtingin sa puting kastilyong ito. Ang engrandeng mansiyon ay pag-aari pa rin ng pamilya Valenzuela ngunit wala nang nakatira.
Ayon kay Ginoong Peter Jaynul Uckung, Division Head ng Laguna Tourism Culture Arts and Trade Office, pagdating ng mga Amerikano sa Sta. Cruz itinayo ang Villa Valenzuela. Taong 1919 itinayo ang mansiyon na ito, ayon naman sa kasalukuyang may-ari ng Villa Valenzuela.
Isang alkalde sa bayan ng Sta. Cruz (1926-1929) ang nagmamay-ari ng mansiyon, si Don Jacinto Valenzuela (Don Intong). Ang bawat disenyo ng bahay ay sumisimbolo sa katauhan ni Don Intong. Ayon pa kay G. Wilmer P. Gadoy, isang Arkitekto/National Historical Commission of The Philippines na ang arkitektura ng Villa Valenzuela ay pasok sa istilong art nouveau beaux-art.
Kasagsagan ng digmaan noong 1945 ay naging kuta raw ng mga Hapon ang mansiyon. Subalit nagtungo rin ang bazooka troupe sa mansiyon at nagdulot ng sunog sa malaking bahay kaya ang mga Hapon na naroroon ay nagtalunan sa ilog na katabi ng mansiyon upang mailigtas ang mga sarili hanggang sa tuluyan nang mapaalis ang mga Hapon sa aming bayan.
Ngayon, bilang isa na akong photographer, ang takot at kilabot na nararamdaman ko sa tuwing nakikita ang mansiyon ay napalitan ng paghanga hindi lamang sa taglay nitong kasaysayan kundi sa aesthetical nitong kagandahan na sana’y mapangalagaan at mapanatili.