ni Ave Perez Jacob
(Unang Nalathala: LIWAYWAY, Pebrero 8, 1960)
Bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang ng Sentenaryong Anibersaryo ng LIWAYWAY sa taong 2022, magbabalik-tanaw ang LIWAYWAY sa mga natatangi at klasikong kuwento na isinulat ng mga batikan at haligi na sa larangan ng panulat bilang pagkilala sa kanilang mahahalagang ambag, hindi lamang sa LIWAYWAY, kundi maging sa panitikan sa bansa.
BITBIT ka sa magkabilang balikat ng dalawang nagtutungayaw na tanod-piitan. Nangangalog ang iyong mga tuhod, humihilahod ka at wari’y litang ka nang mga sandaling iyon. Bahagya nang maramdaman ng iyong manhid nang katawan ang maririing hampas at kadyot ng mga batuta, ang walang pakundangang mga bayo at dagok ng mga kamao.
Kangina ka pa nila pinarurusahan. Hindi na sila nagsawa. Kangina ka pa datna’t panawan ng malay. Kangina pa ibig mapugto ang iyong hininga. Nguni’t hindi ka pa mamamatay. Hindi pa ngayon.
Kahit nakapikit ka’y batid mo kung saan ka nila kinakaladkad.
Narinig mo. Hindi. Naramdaman mong may bumukas ng pinto sa iyong harap. Patuloy sa pagmumura ang dalawang tanod na bumibitbit sa iyo samantalang walang lubay ang mga hampas at kadyot, ang mga bayo at dagok, ang mga tadyak at sipa.Sinikap mong imulat ang namimigat na talukap ng mga mata. Tila may agiw ang mga iyon.
Ang tanawing namalas mo’y ilang saglit na nakintal sa iyong isip, kahit sa gitna ng pagkaliyo.
Isang kastilyo iyon, marahil, sabi mo sa sarili. Napipintahan iyon ng puting kalburo. Kaypala’y isang mawsoleo. Libingan ng mga patay. Hindi. Hantungan ng mga buhay na patay. Bilog at kalawangin ang rehas ng mga pintong bakal. Tatlo ang pinto. Sa kabila ng dalawang pintong rehas ay naggigitgitan ang sa wari mo’y mga hayop. Tila ibig nilang umalpas at manila. Matalim ang kanilang mga titig. Hindi. Hindi. Mga tao. Nangakahubad. Balot ng maraming tato ang kanilang mga katawan.
Isa pang ubos-lakas na tadyak ang dumapo sa iyong batok. Binitiwan ka ng dalawang tanod-piitan na bumibitbit sa iyo. Sumubsob ka. Nahalikan mo ang malamig na lupa.
—Demonyo! —halos hindi mo na narinig ang angil na iyon.
—Artista!
—Bangon!
Hindi ka makabangon. Itinihaya ka ng mga paa. Padaskol kang iniupo sa lupa.
—Trustee!
Tumakbong palapit sa iyo ang dalawang trustee. Mga bilanggong pinagkakatiwalaan. Kulay-bughaw ang kanilang suot na uniporme. Makapupong matingkad kaysa bughaw ng langit. Ang kadenang bitbit ng isa ay kumakalansing, lumilikha ng mala-impyernong himig sa iyong pandinig. Ang isa pa ay may hawak namang isang munting sisidlang lata.
—Kadenahin ‘yan!
Mabilis na inihulma sa kaliitan ng iyong mga binti ang mga pakaw sa magkabilang dulo ng maikling kadena. Matalim ang mga gilid ng mga pakaw. Gumawa ng mga galos sa iyong mga binti. Nirematse. Kumagat. Umipit. Ang mga daplis ng martilyo sa rematse ay sa balat ng iyong mga binti dumarapo. Masakit. Nguni’t hindi kasinsakit ng maririing hampas at kadyot ng mga batuta, sa walang pakundangang mga bayo at batok.
—Sa’n ba ilalagay ‘yan?
—Sa’n pa?!
—Siyempre d’yan sa Compartment 2, sa’n pa?
—Walang laman ‘yon, di ba? Matagal nang di nilalagyan ‘yon.
—Oo nga pero di siya puwede sa Compartment 1 o sa 3. Tingnan mo. Masama ang tingin ng mga nasa 1 at 3. Panay bata ni Doy ‘yan. Hindi siya uumagahin pag isinama siya sa mga ‘yan. Lalapain siyang tiyak.
—Siyanga ‘no? Pero baka magpakamatay ‘yan sa 2 gaya no’ng…nagbigti?
—Ewan ko. Nakalimutan ko. Pero hindi naman siguro magpapakamatay ‘yan. Puwede, kung maloko rin siya.
—Pero bilib ako dito. Akalain mo, si Doy pa ang napiling tapusin! Tsamp’yon ‘to, — tinapik-tapik ka sa leeg ng hawak na batuta ng huling nagsalita.
—Oo nga. Bilib din ako. Siga si Doy, a. Labas-masok sa bilibid. Samantalang ‘tong lokong ‘to, e bagitung-bagito sa bilibid!
Binalingan ka.
—Bakit mo tinapos si Doy? —mariin ang tanong na iyon. Nguni’t hindi mo siya pinansin. Pinanood mo ang nagrerematse sa iyong mga pakaw. Nguni’t hindi sa iyong mga pakaw nakadako ang iyong kamalayan. Wari’y ibig mong habulin at minsan pang aluin ang iyong kaluluwang kangina pa umalpas.
—Gago ‘to a, —pagalit na sabi ng kumausap sa iyo. Mabilis na tumumbok sa iyong tagiliran ang dulo ng kanyang sapatos. Napaigik ka. Natagilid ka sa pagkakaupo sa lupa.
—Talagang matigas. Ewan ko lang kung tatagal siya sa Bartolina. Aabutin ‘to ng milnobesentos ewan, palagay ko.
Natapos ang pagrerematse sa iyong mga pakaw at muli kang binitbit. Muli kang kinakaladkad patungo sa iyong selda. Lumikha ng maingay na ugong ang binuksang pintong bakal. Pagkaraa’y inihagis ka sa loob ng selda. Natihaya ka sa malamig at marungis na semento. Nakadipa ang iyong ngalay na mga kamay. Maitim na ang dugong nakakapit sa mga iyon.
Madilim na tila lungga ang seldang iyon. Kakapiraso ang parisukat na bintanang pinaglalagusanng liwanag bukod sa may kaliitan ding pintuan. At ang kaunting liwanag na dulot ng mga lagusang iyon ay lumilikha ng sari-saring hugis at anino sa loob ng silid na iyon. Nguni’t ang mga anino at hugis na iyon ay hindi maaaring magkaroon ng kabuluhan sa iyong muni. Sinasalakay ang iyong pang-amoy ng kulob na hanging pinag-ipunan wari ng lahat ng kabulukan sa daigdig. Naglulundagan sa iyong harap naglalakihang mga daga. Umaamot sa iyong dugo ang mga lamok.
Tahimik, kaya halos di mo marinig pati pintig ng dibdib mong naninikip sa paghinga. Hindi ka pa mamamatay. Angatin mo ang iyong kanang kamay. Mahirap? Totoo. Nguni’t pilitin mo. Dahan-dahan. Ganyan. Damahin mo ang iyong kaliwang dibdib. Tumitibok. Mahina nguni’t tumitibok.
Linawin mo ang iyong inuulap na isip. Sumandali kang magbalik sa malayong kahapon. Tanawin mo ang lumipas kahit ilang saglit. Magbalik ka…tanawin mo…lingunin mo…may panahon pa.
NGAYON ay nakalarawan sa iyong balintataw ang isang munting Paraiso. Isang munting lambak, luntian at mayaman, pinanununghayan ng isang munting dampang nakatirik sa noo ng isang hindi kataasang burol. Mula sa noo ng burol na iyon ay tanaw halos ang buong paligid; ang lambak, ang mga bundok sa dako pa roon, ang bughaw na langit.
Maligaya kayong dalawa sa inyong munting paraiso. Maganda siya. Maitim at bilog na mga mata, maitim at mahabang buhok, balingkinitang katawan, mukhang kasingganda ng umaga. Siya’y si Trining, ang iyong kabyak. Nguni’t lalo siyang kaaya-aya kung sinasalubong ka ng kanyang mga yakap mula sa maghapong paggawa mo sa munti nguni’t mayaman at luntiang lambak, kung masuyong pinapahid niya ang pawis sa iyong katawan, kung buong pagmamahal ka niyang nginingitian.
Isang araw ay pumasabayan ka upang mamili ng iyong pangangailangan sa araw-araw. Minsan sa isang linggo kung gawin mo iyon. May kalayuan din ang kabayanan. May ilang oras na lakbayin. At mabagal ang iyong kalakian. Nang magpaalam ka kay Trining ay lalong matamis ang kanyang halik, lalong mairog ang kanyang ngiti.
Ginabi ka sa pag-uwi. Ang inasahan mong daratnan ay ang kanyang pananabik, ang kanyang mga yakap at halik. Nguni’t nang sapitin mo ang iyong paraiso’y waring pinagtakluban ka ng langit at lupa. Sunog at giray ang inyong munting dampa. Pinagsamantalahan at pinaslang ang iyong mahal.
Ang poot mo’y sumuko sa langit. Ang kalungkuta’y pinanlupaypay ang iyong kaluluwa. Lumapit ka sa mga maykapangyarihan. Naghintay kang ipaghiganti ng katarungan ang iyong kaapihan. Hindi nahuli ang mga tulisang gumahasa at tumampalasan kay Trining at kumulimbat sa kaunti ninyong naimpok.
Ipinasiya mong ikaw ang maghanap sa kanila. Kung saan-saang lupalop ka napadpad. Nag-ayos biyahero ka, nagbalatkayo ka, nakisama at nakihalo sa kung sinu-sinong tao upang matagpuan lamang sila. Nguni’t hindi ka nawalan ng pag-asa. Isinumpa mong kahit saan ka makarting ay magpapatuloy ka sa paghahanap.
Napadpad ka sa Maynila. Hanap dito hanap doon. Wala. Kadiliman. Nagpalabuy-laboy ka sa mga bangketa at lansangan ng lunsod. Wala kang inuuwian. Wala kang kilala. Isang gabi’y dinampot ka ng mga pulis habang natutulog sa isang bakanteng puwesto sa palengke. Vagancia. Kalaboso.
Nakasama mo si Doy sa iyong Brigada. Matigas si Doy. Talaga. At katulad ng maraming matitigas, mahilig magkuwento si Doy. Magaling magkuwento si Doy. Libangan ang pagkukuwento maging sa mga bilanggo. Kaya lamang ay hindi pangkaraniwan ang mga kuwento ng mga tulad ni Doy. Ang madalas nilang ikuwento ay iyong mga krimen nilang hindi nadaliri sa batas, ang kanilang panloloko at pang-aapi sa mga tahimik na mamamayan.
Madalas kang makinig kay Doy at sa mga katulad ni Doy. At isang gabi, kagabi, muling nagkuwento si Doy. Maraming nakinig kay Doy kagabi tulad ng mga nakaraan. Talagang magaling magkuwento si Doy. Para kang nanonood ng isang pelikula.
Tila ka nananaginip samantalang pinakikinggan mo si Doy kagabi.
—Boy, talagang ang ganda no’ng babae! Ang katawan, wow! Una ‘ko siyempre, sumunod lamang ‘yong mga bata ko.
—Sa’n nangyari ‘yon? — tanong ng isang nakikinig. Lalo mong pinag-igi ang pakikinig.
—Do’n sa malapit sa bundok ng Pantay-Bituin. Malayo. — At sinabi pa ni Doy ang petsa.
Ngayo’y wala nang kabuluhan, sa iyo ang iba pang mangyayari matapos mong matiyak na si Doy ang iyong hinahanap at matapos mong ibagsak sa kanya ang lahat ng poot na inaruga ng iyong puso.