ni Cathlea A. De Guzman
NAIINIP na ang mga anghel sa langit. Kung kaya’t naisipan nilang bumaba sa lupa at humanap ng mga taong puwede nilang tulungan.
Napadpad sila sa isang nayon.
“Napakalungkot naman sa nayon na ito,” wika ng unang anghel.
“Oo nga,” sang-ayon ng ikalawang anghel.
“Maghiwa-hiwalay tayo at tuklasin natin ang pinagmumulan ng kalungkutang ito,” suhestiyon ng ikatlong anghel.
Nagpunta ang unang anghel sa isang bahay at nakita niya ang isang pamilya. Kani-kanyang pinagkakaabalahan ang bawat miyembro nito. Madalang nang mag-usap ang mga ito na para bang hindi magkakakilala.
Ang bunsong si Esang ay dumaing sa sarili. “Si Ate sa ipad, si Kuya sa laptop, si Tatay sa T.V., si Nanay sa kusina, hay, wala man lamang akong makalaro.”
Nakalulungkot na tanawin para sa munting anghel.
Ang ikalawang anghel naman ay sa paaralan nagawi. Maiingay ang mga bata. Matutunghayan ang tuksuhan at awayan.
“Hoy, Bebong, taba… taba,” tukso ng isang bata.
Mga batang wala nang respeto sa kanilang mga guro. Mga gurong wala namang magawa kundi ang magpasensiya at umunawa sa mga bagong sibol na kabataang salat sa pangaral mula sa kanilang mga magulang.
Nakalulungkot na tanawin para sa isang munting anghel.
Mabaho, marumi at makalat na kapaligiran ang natunghayan naman ng ikatlong anghel. Sa nayon na iyong tila ba nakalimutan na ng mga tao ang paglilinis at tamang pagtatapon ng mga basura. Abala sila sa iba’t ibang gawain. Nakalimutan na nila na ang kalinisan ay kasunod ng kabanalan.
Nakalulungkot na tanawin para sa munting anghel.
Nagkita-kita ang mga anghel sa isang munting simbahan. May iilang tao ang nananalangin dito.
Tila ba nakalimutan na rin ng iba ang pagsisimba.
“Nakalulungkot ang aking nakita,” sabay-sabay na wika ng tatlong anghel.
“Isang pamilyang naging hadlang ang makabagong kagamitan para magkaunawaan, ang aking napuntahan,” naluluhang sabi ng unang anghel.
“Ako naman ay mga kabataang nalimot na yata ang kagandahang asal, ang aking nasaksihan,” gumagaralgal na tinig mula naman sa ikalawang anghel.
“Isang nayon na kulang sa kalinisan ang siya namang aking natunghayan,” malungkot ding sabi ng ikatlong anghel.
Bumalik ang mga anghel sa langit at hiniling nila kay Bathala na tulungan ang nayon na kanilang binisita. Hindi nga sila binigo ni Bathala.
Nagkasakit ang mga tao sa nayon dahil sa marumi nilang kapaligiran. Dahil sa pangyayaring iyon, nagtulong-tulong sila upang malinis ang palagid. Ang tamang paghihiwalay-hiwalay ng mga basura at ang tamang pagtatapon nito.
“Kay gandang pagmasdan,” natutuwang sabi ng ikatlong anghel.
Sa paaralan naman, isang bagong punong-guro ang dumating. Isa sa kanyang ipinatupad ay ang palagiang pagsisimba ng mga bata tuwing araw ng pagsamba. Ano man ang relihiyon ng mga bata sa paaralan. Natuto ang mga batang magsimba at higit sa lahat, unti-unting nagbago ang ugali ng mga bata. Natutuhan na nila ang magagandang asal sa tulong ng kanilang mga guro at ng mga pangaral mula sa mga simbahang kanilang sinasambahan. Nahikayat na rin nilang magsimba ang kanilang mga magulang maging ang kanilang buong pamilya.
Tuwang-tuwa ang ikalawang anghel dahil dito.
Dahil sa pagkakasakit ng mga taga-nayon. Naapektuhan ang pamilyang binisita ng unang anghel. Nagkasakit din pala ang kanilang bunso at dahil may kani-kanya silang pinagkakaabalahan, hindi nila ito agad napansin. Muntik ng malagay sa bingit ng kamatayan ang bunsong si Esang at dahil sa pangyayaring ito, iniwasan na ng pamilya at kanilang maling gawi. Sabay-sabay na silang kumakain at palagi na rin silang nagkukuwentuhan tungkol sa mga nangyari sa kanila sa araw-araw.
Nakatataba ng pusong tanawin para sa munting anghel.
Ang bahay-dalanginan na dati ay iilan ang nagpupunta ay unti-unti nang napupuno ng mga tao. Muling nanumbalik ang kanilang pananampalaya.
Ang tatlong anghel ay pumapalakpak sa tuwa.
“Hindi man tayo ang gumawa ng paraan para mabago ang nayon na ating napuntahan, natulungan naman natin silang ibalik ang pananampalataya kay Bathala,” sabi ng unang anghel.
“Totoo ‘yan, tayong mga anghel ay laging nakabantay at laging handang dumamay sa mga tao,” natutuwang sabi ng ikalawang anghel.
“Halina kayo, humanap ulit tayo ng lugar at mga taong ating tutulungan!” masayang sigaw ng ikatlong anghel.
At masayang lumipad muli ang mga munting anghel.