Ihuhudyat ng mga Bituin

ni Armando T. Javier

Kinabibiliban ni Dory na hindi tumitigil si Tems sa panunuyo nito sa kanya…

(HULING LABAS)

TINANDAAN niya ang bilin ni Mel. Tuwing papasok siya ng silid ni Mark sa opisina, pumopormal siya. Laging may Sir ang sagot niya. Kapag nagpapatawa ito, hindi siya tumatawa. Kapag nagyayayang kumain, lagi siyang may dahilan. Ang kabutihan lang, hindi na siya ibinubuyo ni Mel. Nakahalata siguro, nagtanong kay Mel.


“Galit ba sa ‘kin ‘yang kaibigan mo?” sabi raw.


“Malay ko, Uncle.”


Mula noon, pormal na rin ang pakikitungo sa kanya ni Mark. Nagsawa rin siguro. At marahil, totoo rin ang nabalitaan ni Mel mula sa mga kaanak nila sa Bulacan na di-umano’y may ka-live-in si Mark doon.


“Tama nga ba ang hinala ko na baka kung patulan ko siya’y i-playtime n’ya lang ako,” sabi niya kay Mel.


“Oo nga. ‘Tsaka, hindi naman talaga kayo bagay, gurang na ‘yon, ‘no!”


Natawa sila.


Nang sumunod na linggo, may nangyari. Bali-balita sa opisina na naka-recover na sa stroke ang may-ari ng Gulf Services Ltd. na si Mr. Alfredo Alonzo; wala namang makatiyak. Maging si Mel, hindi rin sigurado. Sa exclusive subdivision daw kasi nakatira ang matandang Alonzo, na ama ni Mark.


Ilang araw pa, nakatiyak sila. Heto na nga ang matandang may-ari, malakas na. At hindi naman pala matandang-matanda, mahigit lamang sa animnapung taon. May suporta pang baston ngunit klaseng magaling na. Binati silang lahat na mga empleyado, sabi’y mag-oopisina na uli. Gumaling daw ang sakit sa pagte-therapy.


“E, ano’ng mangyayari kay Mark?” tanong niya kay Mel.


“Babalik daw uli sa Bulacan, pamamahalaan ‘yung talyer n’ya doon.”


Kay Dory, kasingkahulugan iyon na hindi na niya ito makikita. Nakahinga siya nang maluwag.
Dala niya hanggang sa bahay ang mga pangyayari sa opisina. Para na rin siyang nabunutan ng tinik. Nagpapalipas ng pagod habang nakasandal ang likod sa sopa, napansin niya ang tabloid na iyon sa ibabaw ng mesita. Uwi siguro ni Kuya George, mister ni Ate Emy, na nagtatrabaho sa Cavite. Dinampot niya ang tabloid, binuklat-buklat hanggang sa magawi siya sa pahina ng horoscope. Kailan pa nga ba siya huling nagbasa ng horoscope? Nasa Baclaran pa yata siya. Tila naimpluwensiyahan na nga siya ni Nenit sa malimit nitong pagmemenos sa dating hilig niya sa pagbabasa niyon. Na hindi totoo ang horoscope, na ginagamit lang itong pambenta–come-on–ng mga diyaryo. Anyway.


Pinasadahan niya ang kanyang zodiac sign: ARIES (Mar. 22-Apr. 19) Makakatagpo ka ng bagong pag-ibig. Kalimutan mo na ang nakaraan at harapin ang ngayon at bukas nang may pag-asa. May ligayang naghihintay sa iyo.


Napangiti siya, muling tiniklop ang tabloid at ibinalik sa pagkakapatong sa mesita. Baka malabasan pa siya ni Nenit sa salas, makitang nagbabasa na naman siya ng horoscope ay makantiyawan pa siya.

“ALAM mo, Dory, gusto sana kitang sunduin sa opisina at ihatid sa inyo araw-araw,” sabi sa kanya ni Tems. “P’wede naman. Kasi, may oras din naman ang trabaho ko sa Divisoria.”
“Bakit mo sinasabi sa ‘kin ‘yan?”


“Hinihingi ko’ng permiso mo.”


“Kung hindi ako pumayag…?”


Nagkibit-balikat si Tems. “Wala akong magagawa. ‘Di magtiis.”


“’Drama mo naman! Teka, may itatanong ako sa ‘yo. Wala na ba talaga kayo ni Kukay?”


Iyong pamangkin ni Ma’m Meme na naging girlfriend ni Tems noon.


Umiling si Tems. “Walang-wala na. Napilitan lang naman ako kay Kukay, makulit kasi!”


“Wala ka bang dyowa ngayon?”


“Wala.”


“Nililigawan?”


“Meron.”


“Kita mo na? Me nililigawan ka na pala, e, bakit gusto mo pa ‘kong sunduin at ihatid?”


“Hindi mo naman kasi itinatanong kung sino’ng nililigawan ko…”


“Ano’ng pakialam ko kung sino’ng nililigawan mo?”


“Meron, bah!”


“At bakit ako nagkaro’n ng pakialam?”


Natawa si Tems. “E, ikaw nga’ng nililigawan ko!”


“Hoy…!”


“Totoo. Di ba, matagal na nga. Do’n pa sa Baclaran.”


“Gano’n?”


“Oo. Kaya lang, naunahan ako ni Schwarzenegger.”


Ni Arnold. Natahimik siya.


“Kayo pa rin ba?”


“E, ano sa ‘yo?”


“S’yempre, dapat alam ko. Para naman alam ko kung nakakasagasa ba ‘ko ng dyowa nang may dyowa.”


Hindi niya sinagot, sa halip, nagmatulin siya sa paglalakad. Nasa loob sila ng Fort Santiago. Takipsilim na. Humabol sa kanya si Tems.


“O, ano? Hindi mo na sinagot ang tanong ko?”


“Ang kulit mo kasi, mamasyal na lang tayo.”


Naglalakad sila sa loob ng parke ay iba naman ang tinitingnan ni Tems. Nahuli niya. Iyong pare-parehang sumisimple ng halik habang nakakubli sa malalagong halaman.


“Inggit ka, ‘no?” sabi niya.


“Sana tayo rin.”


Nilabian niya si Tems. At naalala ang mga pang-aasar nito noong sila’y kapwa nasa shopping center pa sa Baclaran. Wala pa ring pagbabago. Na siguro ay siyang natural nitong ugali. Makulit. Masayahin. Masipag. Hindi namimili ng trabaho. Hindi na kinakailangang magbalatkayo pa ni Tems habang lumiligaw sa kanya. Kung ano ang nakikita niyang ikinikilos nito, iyon na.


Malamig ang dapyo ng hangin sa gawing iyon ng Fort Santiago. Sinasabukay ang kanilang mga buhok.


“Hindi kaya uulan?” tanong niya kay Tems.


“Hindi siguro, may mga bituin, o.” At tumuro ang kamay sa langit.


Oo nga naman. Sa pagkakatayo nila roon habang nakatingala sa langit, may dinukot sa kanyang bulsa si Tems.


“May ibibigay nga pala ‘ko sa ‘yo…”


Isang kahita ang ang iniabot nito sa kanya.


“Ano ‘to?”


“Buksan mo, s’yempre.”


Ginawa niya. Tumambad sa kanya ang isang sinsing. Binalingan niya si Tems.


“Para sa’n ‘to? Hindi ko naman birthday?”


“Bakit? Kung birthday ka lang ba p’wedeng regaluhan?”


Hindi siya nakakibo.


“Isukat mo.”


“Ayoko nga!”


“Bakit?”


“K-Kasi, p-parang engagement ring na ‘yan…”


“E, ano naman?”


“Hindi pa kita boyfriend, ha?”


“E, ano naman ang malay ng mga tao na hindi pa tayo mag-dyowa. Tayo na lang ang nakakaalam no’n, secret natin. Sige na, isuot mo na.”


Nang nag-aatubili pa rin siya, dinampot ni Tems ang kamay niya at ito mismo ang nagsuot ng sinsing sa daliri niya.


“’Yan. Bagay pala, e!”


“Thank you, ha.”


“Thank you lang? Wala ba ‘kong kiss?”


“Ano ka?!”


Humalakhak si Tems.


Madilim na talaga. Nagyaya na siya. “Ihatid mo na ‘ko.”


“Tayo na.”


Humakbang sila patungo sa labasan.


“Dory…”


“O?”


“I love you.”


“Tsarot!” Umismid siya.


“Kahit naman binabara-bara mo ‘ko, feel ko naman na type mo rin ako…”


“’Kapal…!”


“Kundi ba naman, kanina pa tayo magka-holding hands, e, hindi ka naman bumibitiw.”


Ganoon ba? Hindi niya namalayan. Nang lingunin niya si Tems, nakangiti ito, parang natutuwa sa ikinikilos niya.


“Buking ka na,” sabi.


“Ikaw talaga…!” Pinagkukurot niya ito. Inakbayan siya ni Tems hanggang sa makalabas sila sa Fort Santiago. Binayaan lang ni Dory. Sa totoo lang, gusto rin naman niya. At magaan na magaan ang pakiramdam niya.


Pagdating sa bahay, naiisip niya, tiyak na magugulat si Nenit sa ibabalita niya.

WAKAS