Tatlong Tula ni Shur C. Mangilaya

Ang Gulayan Ni Nanay

Isang araw,
nakita namin ni Kuya
na pinagtataboy ni Nanay
ang aming mga manok at biik
sa kanyang gulayan sa bakuran namin.
Nagliparan ang mga manok
at nagtakbuhang lumusot
sa mga sirang bakod
ang mga biik palabas ng gulayan.

Pinagkakahig pala ng mga manok
ang mga bagong sibol
na mga kamatis, okra at talong.
Pinagsusungkal naman ng mga biik
ang malagong mga alugbati, petsay,
sitaw at talbos ng kamote.

Kinabukasan,
umaali-aligid na naman
sa labas ng gulayan ni Nanay,
ang pumipiyok na mga manok
at umiigik na mga biik.
Ngunit hindi na makapasok ang mga ito
dahil kinumpuni na namin ni Kuya
ang mga nasirang bakod.
At matiyaga na kaming nagbantay
sa loob ng gulayan ni Nanay.

Ang Kalabaw Ni Tatay

Tuwing dapithapon,
ihahatid na ni Tatay mula sa pagpapastol
ang kanyang kalabaw sa sugaan
sa likuran ng aming bahay.
Habang paparating ay patakbong
sasalubungin namin siya ni Kuya.
Aalalayan muna kami ni Tatay
na makasakay sa likod ng kalabaw.
Maghihiyawan naman kami ni Kuya
habang naglalakad ang kalabaw.

Kapag nakatali na sa sugaan ang kalabaw
bababa na kami ni Kuya.
Hahagurin muna ni Tatay sa batok
at tiyan ang kanyang kalabaw bago iiwan.
Hindi muna kami umaalis ni Kuya
habang masayang pinagmamasdan
ang malusog na pangangatawan
at busog na busog na kalabaw ni Tatay.

Ang Mga Sinibak Na Kahoy

Isang umaga,
nagsibak ng kahoy si Tatay.
Pinagpatong-patong namin ni Kuya
ang mga sinibak na kahoy
sa pagitan ng dalawang haligi
sa silong ng aming bahay.
Sinalansan namin ito nang mabuti
hanggang pumantay na sa akin.
Kinabukasan,
nagsibak uli ng kahoy si Tatay.
Muli naming pinatong at sinalansan
hanggang lumagpas sa akin
at pumantay na kay kuya.

Pagkalipas ng ilang araw,
umulan nang malakas.
Sinilip namin ni Kuya
mula sa silat ng sahig na kawayan
ang mga sinibak na kahoy sa silong.
Ayon sa hula ni Kuya,
kahit umulan pa ng ilang araw,
may panggatong pa rin si Nanay.


Si Shur C. Mangilaya ay isang multi-awardee at multi-lingual writer na tubong Bagacay, Ibajay, Aklan. Ang kanyang mga tula, tulang pambata, maikling kuwento, kuwentong pambata, dagli, sanaysay, at komiks ay nalathala sa mga journal, antolohiya, magasin, pahayagan, e-book at e-zine. Empleyado ng lokal na pamahalaang bayan ng Ibajay.