ni Mellodine Antonio
“ANO ‘TO? Bakit may PM sa akin? Paraan saan iyong pananakot?” sunod-sunod na tanong Eve sa kabilang linya.
Nakakalokong tawa ang sagot niyang ikinayamot.
“Easy, Tiger!”
Hindi siya natawa sa hirit nito.
Mas lalo siyang nayamot.
Mali.
Galit siya.
“Sagutin mo’ng tanong ko!” mariin niyang bitaw.
Walang nakakatawa sa sinasabi niya.
Hindi easy ito kaya masahol pa siya sa tigreng bagong panganak.
“Isa sa mga friend,” tukoy nito sa babaeng nag-PM kay Eve.
Kumunot ang noo niya.
Walang nababanggit na babaeng friend sa kanya si Mon.
Hindi naman sa kilala niya ang lahat ng mga kaibigan nito pero sa daldal nito sa kanya na halos buong talambuhay ay ikuwento nang paulit-ulit kapag magkasama sila, wala ni minsan itong binanggit tungkol sa babaeng isa sa mga ‘friend’ na iyon.
“Nagdi-jelling, e,” dagdag nito.
“Wala akong pakialam sa lintik na friend mo! Bakit ako ipi-pm ng ganito?” Namumula pati dulo ng tenga niya. Hudyat na konti na lang sasabog na siya sa ngitngit. “Kung sino man siya at kung mag-ano man kayo, labas ako!” Nagngangalit ang mga ngipin niyang litanya. “At ‘wag na ‘wag na isasangkot ang pamilya ko, Ramon Deogracias Salvador, hindi ninyo magugustuhan ang gagawin ko!”
Hindi na siya naghintay ng sagot.
Pinatay niya ang telepono nang humihingal sa galit.
Halos lumabas sa dibdib niya ang pusong malakas ang mabilis na tibok.
Kasunod noon ang paghahanap ng buton para sa pagba-block sa ‘friend’ na iyon at mismong kay Mon.
Humihingal siyang isinapo ang dalawang palad sa mukha.
Hindi siya iiyak.
Walang dahilan para pumatak ang luha.
“Baka naman puwede mo ‘kong tulungan,” tila nahihiyang lapit ni Mon sa kaniya para magpatulong sa paggawa ng report na deadline noong araw na iyon.
Bagaman nagulat dahil di naman niya ito personal na kakilala at bago lang siya sa departamento nila, tinulungan niya.
Iyon ang simula ng pagkakalapit nila.
And that was two years ago to be exact.
Marami ng nangyari sa loob ng dalawang taon.
Nagkalapit silang dalawa.
Napagkakamalang ‘sila’ na siya naman nilang ikanatatawa.
Alam nila kapwa ang limitasyon nila.
And for the record, sa pagkakaalam niya, di nila type ang isa’t isa.
Maraming nangyari sa loob ng dalawang taon na pagkakaibigan nila.
Mas lumalim.
Higit na naging kumportable sila sa bawat isa.
Naging sanggang dikit silang dalawa.
Tingin pa lang, alam na ang gustong sabihin ng bawat isa.
Pagkatapos, ito.
Natanggap niya ang ‘mahiwagang’ mensahe ng babaeng kung sino. Ni hindi pamilyar sa kanya ang pangalan at di niya alam na nag-e-exist pala.
Mabigat ang akusasyon kaya naghuhurumentado siya.
Naka-block ba ‘ko sa ‘yo?
Text message nito.
Oo.
Bakit?
Alam mo’ng sagot sa tanong mo.
Ring ang kasunod noon.
Di niya agad sinagot.
“Grabe! Ang tagal ng sagot. Pa-tweetums.” Kahit di nakikita, alam niyang nakangisi ito.
“Ano problema mo?” Wala siya sa mood na makipaglokohan ngayon. Mainit ang ulo niya. Kumukulo ang dugo niya.
“Pasensiya na.” Nagbaba ito ng boses. Dama niya ang sinseridad. “’Di ko alam kung ano ang nag-trigger sa kanya, e. Biglang nagwala.”
“Wala akong pakialam kung ano ang ginagawa ninyong dalawa,” mainit na sahod niya. “Ni hindi ko siya kilala. Bakit ako sangkot sa pagka-trigger niya? Adik ba siya?”
May mahinang tawa sa kabilang linya.
“Minsan, di ko na malaman kung kailan ka galit at nagpapatawa. Iba talaga ang sense of humor mo, e.”
“Tse! Huwag mo ‘kong libangin! Lubayan n’yo ko, ha!”
“Kaya nga humihingi ako ng pasensiya,” seryoso na ito ulit. “Hindi ko nga kinakausap hanggang ngayon, e. Mali iyong ginawa niya. Pinipigilan ko, ginawa pa rin.”
“Napaka-unfair sa akin. Kilala niya ako, ako, ni hindi ko alam na nag-e-exist siya sa mundo. Na may alam siya sa buhay ko. At iyon, dahil sa mga kuwento mo tungkol sa akin sa kanya. Ang lupit mo naman na ni hindi mo ‘ko tinimbrehan.” Ang sama-sama ng loob niya.
“Sorry. I kept that private, e. Gusto ko kasi, sa akin lang muna.”
“I’m not asking you to tell me everything. Pero por Diyos por Santo, ibinebenta mo ‘ko!”
Marami itong ipinaliwanag.
Ayaw na niyang makinig.
Ibinaba niyang telepono.
Napapagod siya sa nangyari.
Gusto niyang ipahinga ang sarili.
Pupunta ‘ko bukas sa inyo. Maghanda ka ng almusal, ha. Mensahe nito sa text.
Di niya sinagot.
Itinulog niya ang konsumisyon.
“Bakit ka nakabihis? Sa’n ang lakad mo?” Nanlalaki ang mga mata nito nang buksan niya ang gate sa pagbusina nito.
“Diyan lang.”
Kumunot ang noo nito.
“Saang diyan lang? Nag-text ako na pupunta ko, di ba?”
“Nabasa ko naman.”
Napailing ito.
“Saan talaga ang lakad mo?”
“Diyan nga lang.”
Lumakad ito pabalik ng sasakyan. Binuksan ang pinto.
“Sakay.”
Umiling siya. Nakasimangot.
“Isasabay kita hanggang sa sakayan.”
Pinagtitinginan na sila ng ilang kapitbahay.
“Ano?” untag nito.
Sumakay siyang naiinis.
“Saan kita ihahatid?” basag nito sa katahimikang kakatwa sa kanilang dalawa.
“Sa sakayan lang,” mahina niyang sagot.
“Saan nga?” Nagpakita na ito ng inis.
“Sa sakayan. Iniisip ko po kung sa’n ako pupunta!” Natutop ang bibig nang mapagtantong nadulas siya.
Mahinang tawa ang sagot nito nang bahagyang lumingon sa kanya.
“Alam ko na kung saan ka pupunta.”
Pamilyar na pamilyar sa kanya ang daan.
Sinagilahan siya kaba.
“Bakit dito? Aano tayo sa inyo? Bakit sa bahay mo?” sunod-sunod niyang tanong na ikinatawa nito.
“Magluluto ako saka tayo gagawa ng mga trabaho.”
“Ihinto mo! Bababa ako!”
Hindi ito kumibo. Hindi rin huminto.
“Ano ba?” gigil na gigil siya sa pandededma nito. “Ihinto mo, e!”
Tiningnan siya nito sa rear view mirror. Seryoso.
“Ano’ng luto ang gusto mo sa baka? Nilaga o kaldereta?”
Nanlaki ang mga mata niya. “Wala akong paki kahit iadobo mo pa! Ihinto mo’t bababa ako!”
“Walang hihinto kasi walang bababa unless nakarating na tayo sa bahay.”
“Hindi ka ba nakakaintindi? Iyong pagpunta ko sa bahay mo ang dahilan ng pang-aaway sa ‘kin tapos, pupunta pa ulit ako? Normal ka ba?”
“Kaninong bahay ba ang pupuntahan natin?”
“Sa ‘yo sa pagkakaalam ko.”
“Sino’ng may-ari ng bahay?”
“Ikaw!”
“Sino ang magdedesisyon kung sino ang papupuntahin o hindi?”
“Iyong may-ari.”
“Sino’ng may-ari?” ulit nito.
“Ikaw nga!”
“So, tama lang na ako ang magdesisyon kung sino ang pupunta o hindi?”
Tumahimik siya.
“I rest my case,” mahinang sabi niya.
“Gusto ko sanang pribado muna kaya di ko sinasabi sa ‘yo,” seryoso nitong simula.
“Hindi kita inoobligang idetalye sa ‘kin. Ang punto ko lang, sana man lang, nabanggit mo para alam ko kung saan ako dapat pumuwesto. Alam na alam mong ayokong may naaapakan ako o nasasaktan. Wala akong sasadyaing gano’n.”
“Alam ko naman. Kaya nga ikinukuwento kita sa kanya para aware siya sa presence mo sa buhay ko.”
“And you hid her from me intentionally, for what?”
“Iikot lang ang usapan natin, e.”
“Hindi ko kasi maintindihan ang diskarteng ginawa mo. Kahit saang anggulo ko tingnan, ako ang nadehado.”
“Wala lang akong makitang tamang pagkakataon para mabanggit sa iyo.”
“Ang sarap magmura sa sinabi mo,” eksasperadong sagot ni Eve. “Nag-iinuman tayo. Nag-uusap nang seryoso. Halos araw-araw tayong magkasama tapos, wala kang pagkakataon? Di ka makatiyempo? Sinong ginagago mo?”
“Mali ako, alam ko.”
“It doesn’t change anything.”
“Magkakilala rin kayo, pasasaan ba?”
“After ng nangyari, gusto mong maging intresado akong makita o makilala siya? Nagpapatawa ka ba?”
“Puwede bang huwag na natin siyang pag-usapan? Nagiging magulo, e.”
“Hindi puwedeng hindi, kasi may nangyari. May ginawa siya. Nanagasa siya. Nanakit siya. Intensiyonal iyong ginawa niya. Nakababae siya. At alam mong di ako ginaganoon. Alam na alam mong di ako binabangga.”
“Alam ko naman ang capability mo. Malayo siya sa ‘yo.”
“Tingnan mo’ng kagaguhan mo. Ano ‘yon, hawa ka na sa utak niya? Hindi ako binabangga dahil kinakaibigan ako. Kung kinaibigan niya ‘ko baka sakaling nag-exchange notes pa kami tungkol sa iyo. Do you get it? Walang usapin ng capability! Hindi iyon ang punto at never iyong magiging punto dahil kahit kailan di ako nag-capitalize do’n!”
“Can we just forget about it and move on?”
“No! We can forget about it and just live separate lives! Kanya-kanya na tayo.” Maging siya’y nagulat sa binitiwan niya. Impulsive talaga siya pag napipikon na.
“Huwag naman! Ayoko!”
“Ako ba tinanong ninyo kung gusto ko’ng pinaglagyan n’yo sa ‘kin? The last time I checked, matinong babae naman ako.”
“Kaya nga wala akong sinasabi sa ‘yo. Kaya nga wala akong ginagawa sa ‘yo kasi ayoko ng problema sa pagitan natin.”
“Sana pinandigan mo na. Sana di n’yo rin ako idinamay.”
Tumayo ito.
“Sangkot ka naman kasi sa buhay ko, e.”
“Pardon.” Kunot-noo si Eve.
“Gusto mo talaga ng no holds barred. Sige, umpisahan natin,” matapang nitong bitaw.
Tumuwid ng upo si Eve para makinig.
“Mahal kita. Noon pa. Ikaw na. Kaso, di ubra. May asawa ka, e. At alam ko, di mo ‘ko gusto. Wala kang tama sa ‘kin. Dama ko ‘yon. Alam ko ‘yon.” Kumuyom ang palad nito. “Kapag ikinukuwento mo’ng asawa mo, parang puwedeng maging santo. Puring-puri mo. Parang walang kapintasan. Samantalang ako, kung hindi mo aalalayan, wala lang.”
Namapamulagat si Eve.
Namutla sa pagkabigla.
Malalim at mabigat ang rebelasyon.
Hindi niya inaasahan ang ganoon.
“Wala akong sinasabi at ginagawa sa iyo kasi takot akong magkaproblema sa pagitan natin. Matapos ang pangit na relasyon ko sa nakaraan, ayokong maulit iyon sa iyo – sa atin. Gusto ko, kahit paano, maging maayos iyong sa atin. Kahit ang pinakamalalim – pagkakaibigan lang, iyong pinaka-intimate – magkasabay sa pagkain at paminsan-minsang pagkakatabi sa upuan.”
Humarap ito sa kanya.
“Alam mo ba kung gaano kahirap iyon? Alam mo ba’ng nakakabuang iyon?”
Napailing si Eve.
Nahihilo siya sa pagkalito.
“Masaya akong naipagluluto kita. Kinukulit kita. Napapatawa kita. Masaya na ‘ko ro’n. Kuntento na ‘ko ro’n. Pero kung may hihigit pa ro’n, mas gusto ko. Mas magiging masaya ‘ko. At alam niya ‘yon. Dama niya ‘yon. Kaya nagseselos siya. Nagagalit. Hindi ko ikinakaila sa kanya’ng katotohanang ‘yon. Paano ko itatago ‘yong pakiramdam kung iyon lang ang panahon na puwede kong ipagsigawan ‘yon?”
Hinamig ni Eve ang sarili. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa mga naririnig. Wala ito sa hinagap niya. Hindi niya naisip na may ganito pala.
“Then, tama nga na putulin na natin ‘to. Mas okey ngang ‘wag na tayong magkita at magkasama,” may bikig sa lalamunan niya. Masakit din iyon para sa kanya. “Tama naman pala na magalit ang ‘friend’ mo. May punto naman pala siya para maghamon ng giyera.”
“Bakit di mo pa ‘ko saksakin na lang para isang sakitan na lang?” sabay tabig nito ng baso sa mesa.
Natapon ang lamang tubig.
Kumalat ang bubog sa lapag.
Sinaklot ng kaba si Eve.
Hindi pa niya nakitang ganito si Ramon.
“Ang lupit mo naman! Huwag naman! Huwag mo naman akong iwan nang gano’n-gano’n lang.” Mas panaghoy ang pakiusap na iyon. “Kaya nga behave ako sa ‘yo, e. Kaya nga, naghanap ako ng pagbabalingang iba.”
Muling napailing si Eve. “Mali. Nakakatakot iyon. Kumportable ako sa iyo kasi ang alam ko, magkaibigan tayo. Iyon lang. Friendship lang. No more; no less. Iba kapag may ibang damdaming sangkot. Nakakatakot iyon. Nakakapag-alala. Paano kapag di na napigilan? Paano kapag masyadong na-overwhelm? Saan tayo dadamputing dalawa?”
“Huwag mo naman akong bitiwan. Huwag mo naman akong iwan.” Kasabay noon ang pamamasa ng mga mata nito. Basag na ang boses nito.
Tumayo si Eve.
Biglang tayo rin si Ramon.
“Teka lang. Kakain pa tayo. Magluluto pa ‘ko,” awat nito.
Ngumiti si Eve.
Malungkot.
“Hindi ako ang dapat na ipinagluluto mo kung ang dahilan, para makasalo ang mahal mo. May iba akong kailangang makasalo, kung iyan ang rason. Hindi ikaw iyon.”
Bumadha ang sakit at pait sa mukha ng lalaki.
“Kahit bilang kaibigan lang. Saluhan mo naman ako. Tulad ng dati. Tulad ng madalas nating gawin,” samo nito.
Muling umiling ang babae.
“Nandito ako bilang kaibigan mo kasalo man o hindi sa luto mo. Pero may asawa ako na hindi matutuwa kapag nalaman ang dahilan kung bakit mo ‘ko ipinagluluto at gustong makasalo.”
Seryoso niyang sinalubong ang mata nito.
“Igalang natin ang mga taong kasama natin sa buhay. Mga taong umaasa sa tapat nating pagmamahal sa kanila. Kung ikaw ang asawa ko at ang asawa ko ay ikaw, matutuwa ka bang nakikisalo ‘ko sa iniluto mo? Baka sa bawat pagsubo ng luto mo, isinusubo rin natin sa kapakahamakan ng kataksilan ang bawat isa. Habang kaya at habang maaga pa, wakasan na natin. Tuldukan na natin.”
“Huwag naman…”
“May para sa iyo. Hindi ako.”
“Mahal kita. Mahal na mahal. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito. Iyong kaya kong magmahal nang malalim na may mataas na paggalang at respeto. Sa iyo lang. Ikaw lang.” Nasa mga mata nito ang katapatan.
“Salamat sa respeto’t paggalang. Mahalin mo ‘ko bilang kaibigan. Hanggang doon lang. Kasi dapat iyon lang.”
“Eve…”
“Iyong unang Eve, dahilan kung bakit natukso si Adan. Hindi ako iyon. Ako iyong Eve na ililigtas ang isang Adan para di pagdaanan ang proseso ng kataksilan. Ako iyong Eve na di kayang pagtaksilan ang aking Adan,” pagtatangka niyang magbiro.
“Iiwan mo na ba ‘ko talaga? Hindi mo ba ‘ko mahal? Kahit konti lang? Kahit ba awa, wala?”
“Mahal! Bilang kaibigan. Walang labis, walang kulang. Iyon lang.”
Kinuha niya ang bag sa upuan.
Isinukbit sa balikat.
Humakbang.
“Hanggang doon lang. Iyong higit, di ko kaya.”
“Mahal kita.”
Ngumiti siya. “Salamat. Ibaling mo sa iba. Mayroon ka namang iba. Ibagay mo sa kanya.”
Walang lingong hakbang.
Walang patak ng luha. Pero maluwag ang hangin na naglabas-pasok sa kanyang baga.
Mas magaan sa pakiramdam ang katapatan sa matrimonyong sinumpaan di lamang basta sa altar kundi sa harap ng Maykapal.