Kapag ang isang tao ba ay yumao, sino ba talaga ang namamatay? Siya na nalagutan ng hininga, o ang kanyang mga naiwan?
Kaninang hapon lamang ay napag-alaman kong sumakabilang-buhay na ang kasintahan ng isa sa mga malapit kong kaibigan. May dalawang buwan na rin ata ito na nakaratay sa ospital, matapos maputukan ng ugat sa utak. Bagama’t nakikini-kinita na namin na ito ang hahantungan ng lahat, hindi ko pa rin napigilan ang matulala nang matanggap ko ang balita.
Mabait ang taong ‘yun, sa makailang-beses ko siyang makadaupang-palad kapag pumupunta ako sa opisina kung saan sila nagtatrabaho ng kaibigan ko. Hindi rin lingid sa aking kaalaman na sa kabila ng higit isang dekada nilang pagiging makasintahan, karamihan sa mga gabing kanilang pinagsaluhan ay puro away. Toxic, kung susumahin. Hindi naging mabuting kapareha ang kaibigan ko. Hindi ko na rin mabilang kung ilang ulit niyang sinabi mismo sa pagmumukha ng kanyang kasintahan na sana’y mamatay na ito, sa tuwing sila ay may di pagkakaunawaan.
Pero hindi ko rin magawang maawa. Kung tutuusin, mabuti na rin siguro na nauna na itong sumakabilang-buhay, para na rin maturuan ng leksyon ang kaibigan ko. Sige na, ako na ang walang simpatya.
Ngunit isang dahilan rin siguro na hindi ako pa ako makapaglahad ng aking pakikiramay ay dahil sa nakonsumo na ako pagdating sa pagdadalamhati. Dalawang kaibigan na malapit sa akin ang pumanaw nitong nakaraang buwan, sa panahon pa na ako’y sadsad sa trabaho. Hanggang ngayon ay di pa rin ako makapaniwala na ang musikerong nakakainuman ko, nasulatan ko ng artikulo sa magasin, at nakakasabay kong malakad sa Tacloban at Cubao ay wala na sa mundong ito. Gayundin ang tropa kong nasa akademiya, na mula pa noong ako’y kolehiyo ay katsismisan ko na sa maraming bagay, mula UAAP papuntang pultika, hanggang sa kung paano ba maging ama sa aso niyang si Jingle.
Pakiwari ko, maliban sa nag-iwan sila ng mga alaala na patuloy kong dadalhin habang ako’y nananatili sa mundong ito, may itinangay rin sila mula sa akin.
Hindi ako makaramdam ng kahit ano sa ngayon.
Hindi ko maisip kung ano ang nag-aantay kinabukasan. Baka tulad nila, isang araw, bigla na lang ako matumba, mawalan ng ulirat, at hindi na tuluyang magising.
Hindi ko rin ata mahanap kung saan huhugot ng tapang para harapin ang mga hamon ng buhay-nang buong sigla at pananabik. Tila ba ang mga araw ay nagdaraan lamang, pare-pareho ang pagsikat ng liwanag at pagsapit ng takipsilim. Walang pagbabago, wala nang kahit ano.
Ang mga nararamdaman kong ito ay taliwas sa mga nararamdaman ko noong Nobyembre 2013, noong ako’y nasa Tacloban at humarap sa isang delubyong nagngangalang Yolanda. Sa isang iglap, nawala sa akin halos lahat, at natagpuan ko ang sarili ko na napapaligiran ng mga katawan ng mga nasawi sa bagyo. Pero sa halip na umiyak at lasapin ang lamig ng lungkot, pinilit kong makapa ang natitirang rason para mabuhay, sa pag-aakalang mapalad ako at hindi ako kinuha ng naturang unos.
Subali’t ngayon, ako’y pagod na. Pagod nang mag-isip na may nagtatagong pag-asa sa tabi-tabi. Wala na akong lakas upang salubungin ang bukang-liwayway at damhin ang init ng Haring Araw.
Sabi nila, ang kamatayan ay nagbibigay-daan para sa isang bagong simula. Kung totoo man ito, sana magsimula na ito.
Kung magagawa lang mapawi ng mga mahimbing na tulog ang lumbay na nagpapalala sa namamanhid kong puso.
Pero hanggang sa mangyari ‘yon, marahil ay mananatili akong humihinga ngunit hindi nabubuhay, naglalakad sa mga kalsada hindi bilang tao kundi bilang bangkay.
Para kina Ben, Noli, Mark, at sa lahat ng mga nang-iwan upang maipagpatuloy kong harapin ang mga pagsubok ng buhay, ngayong di pa tapos ang sigwa.