ni Edgar Calabia Samar
(IKA-12 NA LABAS)
NOBELANG KOMIKS BLG. 19
MISTERYOSO SA IBANG PLANETA
Manunulat: Clodualdo del Mundo
Ilustrador: Fred Carrillo
Publikasyon: Liwayway
Bilang ng Labas: 14
Bilang ng Pahina Bawat Labas: 6
Unang Labas: 7 Agosto 1950
Huling Labas: 6 Nobyembre 1950
BUOD
NAGING maayos ulit ang takbo ng buhay ni Kapitan Claudio Mirasol. Kinilala ang ambag ng pangkat niya sa digmaan at lahat ay nagsitanggap ng back pay. Ang pag-iisang-dibdib nila ni Eloisa Valdez ay napinto. Ngunit isang panibagong pakikipagsapalaran ang humadlang sa kanilang kasal: ang panganib ng mga naiibang sasakyang panghimpapawid—ang mga flying saucer.
Umalis si Claudio kasama ang kanyang dating mga gerilyero patungo sa isang lihim na misyon sa Katimugan, sa pulo ng Balabak. Nang dumaong sila sa paligid ng Palawan ay natuklasan nila ang isang kakaibang pook. Doon ay nakatagpo niya si Dr. Xerxes na ang kahiwagaan ay naging sanhi ng pag-aalinlangan ni Claudio kung isang kaibigan o kaaway.
Nang makatakas si Nardo ay ito ang inatasan ni Claudio upang magbalik sa Maynila. Ang hangad niya’y liwanagin kung mayroong dapat liwanagin kina Dr. Xerxes at sa kaakit-akit na anak nitong si Zonya, at sa mga tauhang parang mga tuod na hindi makausap at sunod-sunuran.
Ang balak ni Dr. Xerxes ay tuklasin ang pinagmulang planeta ng kakaibang sasakyang panghimpapawid. Nais niyang si Claudio at si Zonya ang magkasamang magsapalaran sa ibang planeta.
Sa isang dako, si Eloisa at Nardo ay magkasamang nagbalik sa pulo matapos magpilit si Eloisa na maging alagad din ng G-2 na kinabibilangan nina Claudio. Nagbalat-kayo ito bilang isang lalaki. Samantala, ipinaalam naman ni Zonya kay Claudio na may natuklasang isang planeta si Dr. Xerxes, ang Aquador, na pinaghihinalaan niyang pinagmulan ng naiibang sasakyang panghimpapawid.
Si Eloisa, na nagbabalatkayong isang lalaki at napabilang sa mga naglilingkod kay Dr. Xerxes, ay nakapagtago sa flying saucer na gagamitin nina Claudio at Zonya sa pagparoon sa Aquador.
Ang layunin ay malaman kung ano ang binabalak ng mga Aquadoriano sa kanilang sasakyang panghimpapawid na kakaibang flying saucer kaysa niyayari sa Amerika.
Paglapag sa Aquador ay dinakip agad ang tatlo at iniharap sa Haring Akwar. Ipinapiit ang dalawang babae samantalang si Claudio ay dinala sa kulungan ng isang malaking pugita.
Nanlaban si Claudio ngunit nang ipagwagwagan siya ng malalaking galamay ng pugita ay nadurog ang kanyang putong na kristal sa ulo.
Sa utos ni Prinsesa O, ang matapang na taga-Daigdig ay inihatid sa kanyang sariling silid upang dulutan ng “tubig ng paglimot” – isang mahiwagang uri ng inuming hindi lamang magdudulot kay Claudio ng kapangyarihang tulad ng mga Aquadoriano na maaaring tumagal sa tubig, kundi makapagpapalimot pa sa lahat ng kanyang nakaraan. Sa isipan ni Claudio, ang akala niya’y siya nga si Misto na katipan ni Prinsesa O. Siya pa ang nagparusa sa dalawang kasamang babae, na ipinain sa higanteng alimango ng Aquador. Ngunit iniligtas ang dalawa ni Iktor, ang mangingibig ni Prinsesa O. Gusto ni Iktor na tulungan ang mga taga-Daigdig na supilin ang lisyang hangarin sa paghahari sa sanlibutan nina Prinsesa O at Haring Akwar. Sinalakay nila ang palasyo. Kinuha ni Iktor ang prinsesa at sinikap namang madala nina Eloisa at Zonya si Misto sa itaas ng Bundok-Dagat. Nanumbalik sa kanyang dating sarili si Claudio at bago sila bumalik sa Daigdig ay pinasabog muna ang mga kagamitang digma sa Aquador.
ILANG PANSIN
Nagsimula ito bilang ika-34 na labas ng Misteryoso, bagaman idinagdag na nga ang sa Ibang Planeta sa pamagat at malinaw na pagsisimula ng bagong yugto sa pakikipagsapalaran. Nagtapos naman ito sa ika-47 labas bagaman may pahiwatig nga sa dulo na magpapatuloy ang kuwento sa “bagong misyon” para kay Claudio. Hindi kagaya ng naunang yugto ng Misteryoso na maaari nang tingnan bilang tapos na nga ang kuwento, malinaw sa huling panel nitong ika-47 labas na may pagpapatuloy pang maganap. Ang mismong nilalaman ng kuwento sa ikalawang yugtong ito ay para bang pagbabago ng genre ng Misteryoso.
Mula sa historical fantasy ng naunang yugto, naging kombinasyon ng sci-fi at fantasy naman itong ikalawang yugto na nakatuon nga sa paggalugad ng ibang planeta, kaya may mga flying saucer, at may mga kasangkapan din na tulad ng “electro gun” at “interplanetary visto-graph bilang 2.”
May mga trope rito na madalas na makita sa mga kuwentong komiks, tulad halimbawa ng pagbibihis-lalaki ni Eloisa bilang Eloy. Isang bagay itong gagamitin pa rin hanggang sa mga salaysay sa mga susunod na dekada na para bang ang kasarian ay napakabilis ngang makapagbalatkayo sa bihis ng isang tao. Isa pa sa mga naturang trope ang pagbura sa alaala ng isang tauhan, tulad ng nangyari kay Claudio rito na pansamantalang naniwalang siya si Misto.
ITUTULOY…