Ang Puso Mo’y Aking Parol

ni Andres Cristobal Cruz
Unang nalathala: LIWAYWAY, Disyembre 12, 1955

MAGANANG-MAGANA si Pentong sa paggawa ng parol. Pakanta-kanta, pabulung-bulong, at pasipat-sipat pa siya sa kinayas na kawayang patigas sa parol. Tatlong araw na siyang ganito, at ang mga taga-Looban ay nagtataka. Malaki ang ipinagbago ni Pentong.

—Ano kaya ang nakain? — usisa ni Ka Poleng sa isang kausap.

—Umandar ang kato sa ulo! — sagot ni Ka Inkar.

—Aba’t panay ang labas niya sa dyip ni ‘Mareng Desta. Matino na rin, ano?

—Mukhang nakaraan na ang pagka-kuwan,— ani Impong Itsay.

Matino na si Pentong, ang dating tigasin sa Looban. Para siyang kinasihan ng anghel ng kabaitan. At isang buwan na ngayong walang nakabasag ng garapon o baso sa tindahan sa kanto ni Tonggay. At kung may nag-aaway, si Pentong na rin ang umaawat. Nang minsan, upang maareglo ang dalawang nagsuntukan ay binigyan sila ng kapwa ni Pentong ng kanyang wan-tu-tri. Tapos ang boksing. Mabait nang talaga si Pentong.

Sa mga taga-Looban, ang pagbabago ni Pentong ay himala. Kung sabagay ay walang taong sadyang masama. At si Pentong nama’y hindi katulad ng ibang talagang halang ang bituka.

—Ang sabihin ninyo’y pag-ibig ang dahilan, —may kindat pang wika ni Aling Lulay na kubrador sa huweteng.

At hindi man binanggit ang pangalan ay alam na kung sino ang tinutukoy. Si Tasing ang dahilan ng pagbabagong-loob ni Pentong. Noong araw pang si Pentong ang kinagugulatan at kinatatakutang tigasin sa Looban ay patay-dampot na siya kay Tasing. Nguni’t kung ano ang pagka-siga ni Pentong sa mga gawaing di kanais-nais ay siya namang pagkadungo niya kay Tasing na anak ng binging si Mang Doming na nakatira sa kabilang looban ng Juan Luna. Palibhasa’y binatang-taring si Pentong at sadyang tapat ang pag-ibig sa dalagang nagtitinda ng kakanin sa labas ng pagawaan ng tabako, siya’y nagpakabait-bait upang umamo ang mailap na ibong si Tasing.

Apat na buwan na ang nakararaan mula noong unang pumormal si Pentong kay Tasing. Dumating na ang Disyembre, ang Simbang-gabi, nguni’t hindi pa sumasagot si Tasing, bagaman nakasisinag na ng pag-asa ang binata.

Walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin. Ginawang patakaran ni Pentong ang kasabihang iyan. Siya’y nasa kanyang munting silid sa bahay ng kanyang matandang ale. Dibdiban si Pentong sa paggawa ng parol. Idinikit niya ang papel de hapon sa patigas na kawayan ng hugis-estrelyang parol. Itinali ang dalawang palawit na palamuti. Masayang-masaya siya. Matutuwa si Tasing sa parol na ibibigay niya. Si Mang Doming naman at si Aling Bidang ay tiyak na masisiyahan din. Kakaiba sa karaniwan ang parol na ginagawa ni Pentong.

May kalakihan ang parol. Mahigit na kalahating dipa ang lapad. At talagang pinag-ukulan ni Pentong ng pera, panahon, pawis, at dalangin. Bumili siya ng papel de hapon, ng pula’t luntiang cellophane na ibinibihis sa kawayang kanyang kinayas. Ang kaibhan nito sa ibang parol ay hindi lamang sa laki kundi sa ilawan man.

Maingat na inilagay ni Pentong sa loob ng yari nang parol ang isang ilawang de-kalburo. Katulad ito ng ilawang ginagamit ng mga nagbibingka sa harapan ng simbahan. Isinalalay na mabuti ni Pentong ang ilawang ito sa tanging lalagyan sa loob ng parol. At sinindihan ni Pentong ang ilawang ito. Sandaling sumagitsit ang singaw ng kalburo. At ilang sandali pa’y biglang lumiwanag ang silid, kasabay ng amoy ng kalburo.

Biglang bumukas ang pinto ng silid ni Pentong. —Sus! Akala ko’y nasunog ka na! — anang ale ni Pentong na si Aling Adyang. —Ku! Ang ganda ng ating parol! Hala, isabit mo sa labas!

—Ku! Hindi po! Hindi! — tutol ni Pentong. —Kuwan ho, e, hindi akin, e, kay Tasing ho ito!

—o—

Kinaumagahan ay lumabas si Pentong. Ang inilabas niyang jeepney ay tigib ng pasahero. Yao’t dito ang mga taong nagsisipamili ng mga pamasko. Hindi pa man ay naroon na sa lahat ng pook ang himig at kulay, ang hugis at samyo ng Pasko. Sa Abenida Rizal, ang mga tindahan ay punung-puno ng mg3a tao. Naroon ang mga Santa Claus at Christmas tree. Nang gumagabi na, ang mga bata’y tumatapat sa bahay-bahay ay kumakanta ng Silent Night. Sa mga radio ay walang tigil ang mga Christmas carols. Ang mga tinig, ang mga galaw, ang kilusan ng mga tao ay batbat ng ligaya. At kay Pentong, ang Paskong ito’y siya na yatang pinakamasaya sa tanang buhay niya. Nang hapon, pag-uwi ay nagpahinga na siya, naligo, at halos hindi mahintay ang pagdating ng gabi. Si Tasing ang nasa isip niya sa buong maghapon, at sa laki ng kasabikan ay bahagya nang nakapaghapunan.

Bitbit ni Pentong ang kanyang parol. Sinindihan ang ilawang de-kalburong nasa loob at siya’y lumabas ng bahay upang dalhin ang parol kina Tasing sa kabilang Looban. Pulidung-pulido ang pagkakayari ng parol. Pagdating ni Pentong sa kanto ay hindi iilan ang humanga sa dala niyang parol. Naipamalita na nang araw na yaon ng kanyang aleng si Aling Adyang ang tungkol sa parol ni Pentong.

—Sus! Ganda! — wika ng Tandang Oret.

—Naku! Ipagbili mo, iho, mahal ‘yan,— ani Lola Huwanan naman.

—O, Pentong, eto ang dalawang piso!

Ngumiti lamang si Pentong at nagpatuloy sa paglakad. Ipinaspas ng hangin ang palawit ng parol. Mahusay ang pagkakalagay ni Pentong sa ilawang de-kalburo sa loob ng parol. Ang sagitsit ng kalburong ilaw ay walang tigil, at ang nilalakaran ni Pentong ay maliwanag. Halos bilangin ni Pentong ang kanyang mga hakbang. Nag-iingat siya at baka matisod. Maluluko si Pentong kung masira niya ang parol. Naalaala niya ang sabihan sa kanto: Ipagbili raw ang parol at mabibili!

—Kahit na isang libo, — pasiya ni Pentong, —hindi ko ipagbibili.

Kung ang ale na niya na humihingi sa parol ay hiniya ni Pentong, ang iba pa?

Walang ibang mag-aari ng parol kundi si Tasing. Pagdating sa Juan Luna ay tumingin muna sa kaliwa, pagkaraa’y sa kanan si Pentong. Hinintay niyang magdaan ang mga sasakyan bago tumawid. At sinalubong siya ng mga kaibigang binatang taga-roon sa looban nina Tasing. Pinaligiran si Pentong at hindi sila magkantututo sa paghipo sa parol!

—Dahan-dahan naman, mga abay! — paalaala ni Pentong. —Baka masira!