ni Manuel Principe Bautista
Unang nalathala: LIWAYWAY, Disyembre 12, 1960
HUWAG mong hanapin sa dati kong hapag
Ang labis na dulot ng naunang galak!
(Ang aking inani ay di makatumbas
Ng pinuhunan kong pagod sa magdamag!)
DAHOP ang Pasko ko! Huwag kang humiling,
Higit na marami ang nagsisidaing!
(Bayaan mo sanang muli kong maangkin
At maipamudmod ang ‘tinapong aliw!)
PAYAK, walang rangya, ang Pasko ko ngayon,
Di gaya ng mga tinalikdang taon;
(Tagsalat ang puso, nguni ang yamungmong
Ng nagdaang Pasko ay di naluluoy!)
Kung wala man ako ngayong maihandog
Upang ang damdamin ay magtamong-lugod—
Kasabay rin nating ang Pasko’y dudulog.
Kahit na ang hapag ay kulang at dahop!