ni Bienvenido A. Ramos
Unang nalathala: LIWAYWAY, Disyembre 19, 1960
NANG hapong iyon ng bisperas ng Pasko’y abalang-abala si Lita sa pag-aayos sa kanilang bahay. Kanginang tanghali niya naihatid ang huling bestidong apurahang tinahi niya. Kangina lamang siya nakapamili ng pagsasaluhan nilang mag-ina sa medya notse. At pagkatapos na maisalang niya ang nilulutong pagkain ay hinarap na niya ang pagkakabit ng kurtina.
—Kahi’t wala siya ay makapagpapasko rin kami ni Narsing na kagaya ng dati, — wika ni Lita sa sarili. —Hindi ko siya kailangan!
Sa sarili ni Lita ay ibig niyang mapasaya ang Pasko nilang ito ni Narsing. Ang mga nakaraan nilang Pasko noong hindi pa umaalis si Danilo ay laging masaya. May handa sila sa Notse-Buwena, may parol sa bintana, may Christmas tree sa salas, at may pagkain sila sa medya-notse. Ibig niyang maging katulad din ng dati ang Pasko nila ngayon ni Narsing, kahit wala si Danilo.
— ‘Nay!
Napalingon si Lita mula sa pagkakabit niya ng kurtina. Nakatingala sa kanya si Narsing. Hawak nito ang maliit na gitarang lata na binili niya kanginang tanghali. Sa mukha ng bata ay nasinag ni Lita ang isang musmos na pangungulila.
—Sabi mo, ‘Nay, ngayon uuwi ang ‘Tay ko, — sabi ni Narsing. —Ba’t ‘ala pa s’ya, ha, ‘Nay?
Hindi agad nakatugon si Lita. Nagunita niya ang madalas na nasasabi niya kay Narsing, kung naitatanong nito ang ama, na sa Pasko uuwi si Danilo. Ang pagkakaalam ni Narsing ay nadestino lamang sa malayong bayan si Danilo. Nguni’t iyon ang sinasabi ni Lita upang matigil na lamang ang madalas na pag-uusisa ng anak. Lalo lamang nararagdagan ang ipinagdaramdam niya kay Danilo kapag naitatanong ito ni Narsing.
—Bukas siya darating, — sabi ni Lita at sinikap niyang huwag mahalata ni Narsing ang kanyang pagsisinungaling . —Bukas pa naman ang Pasko, a.
Malungkot na tumalikod na ang bata. Ipinagpatuloy ni Lita ang pagkakabit ng kurtina.
Katatapos pa lamang ni Lita na maikabit ang kurtina nang kumiriring ang teleponong nakapatong sa mesitang di-kalayuan. Tinungo niya ang telepono upang tugunin ang tawag. Naisip niya na isang suki niya sa tahi marahil ang tumatawag. Isa siyang mahusay na modista at nang lisanin sila ni Danilo ay muli siyang tumanggap ng tahiin sa bahay. Kapag ganoong magpapasko, marami pa rin ang humahabol na magpatahi sa kanya.
Muntik nang mabitiwan ni Lita ang awtibo nang makilala ang tinig ng tumatawag.
—Si Dan ‘to, Lita.
Nadama ni Lita na waring biglang nanuyo ang kanyang lalamunan. Abut-abot ang malakas na kaba ng kanyang dibdib.
—Puwede ba, Lita, na pumunta ako riyan? Ibig ko lang makita si Narsing.
Hindi pa rin makahagilap ng kataga si Lita. Mahigpit na nagtatalo ang kanyang loob. Naigunita niya na naipangako niya kay Narsing na sa Paskong iyon uuwi si Danilo. Nguni’t nadama niya, sa saglit na pag-aalinlangan, na nakapananaig ang pagkamuhi niya sa asawa. Sa pagsasalita pa ni Danilo ay bigla niyang naibagsak ang awtibo. Naghuhumiyaw ang kanyang isip: May hangad pang bumalik! Hindi ko na siya maikararangal! Hindi na siya karapat-dapat na ama ni Narsing. Hindi na namin siya kailangan!
Napakapit siya sa gilid ng mesita. Nakaramdam siya ng tila pagkaliyo. Matagal bago siya nakakilos sa pagkakatayo. Tinungo niya ang kalapit na sopa. Isinandig niya ang ulo sa sandalan at mariing pumikit. At sa pagkakapikit niya ay nabuhay sa kanyang isip ang maraming gunita.
HINDI dating ginagabi ng uwi si Danilo mula sa opisinang pinapasukan bilang katulong na kahero. Nguni’t nang isang gabing iyon ay nakatulugan na ni Lita ang paghihintay sa asawa. At paalimpungat pa siyang nagmulat ng mata nang makaramdam ng mahinang tapik sa pisngi.
Namulatan ni Lita ang namumulang mukha ni Danilo. Agad niyang nalanghap ang amoy-alak na hininga ni Danilo.
—Ba’t ka diyan natutulog? — tanong ni Danilo sa kanya.
—Kumain ka na ba? — ang una niyang naitanong.
—Busog na busog ako… — Dumighay pa si Danilo. —Nagkayayaan kami sa Press Club… at nagkasarapan. Hindi ako nakatanggi, e.
Biglang napatayo si Lita at inalalayan si Danilo nang makitang tila mabubuwal ang asawa sa kalasingan. Hindi na siya nag-usisa. Inihatid niya si Danilo sa silid nila. Inalalayan sa paghiga at hinubaran ng narumihang kamisadentro. Saka siya kumuha ng tuwalya at binasa iyon ng tubig na mainit. Pinunasan niya ang mukha ni Danilo. Nang nakakatulog na ang asawa, saka lamang siya maingat na lumabas sa silid at kumain.
Naulit pa ang gayong pangyayari. Hindi mabilang ni Lita. At ang pangambang pinipilit niyang burahin sa isip ay nagkahugis nang bisperas ng Paskong nakaraan. Ang pag-uwi-uwi ni Danilo nang gabi na, na kadalasa’y amoy-alak, ay tila isang kuwintas na humantong sa huling kawing.
Nang umagang iyon ay mayayari na ni Danilo ang pagpapapel nito sa isang malaking parol. Katabi ni Lita si Narsing na siyang nag-aabot naman sa kanya ng mga ginupit na papel de hapon na kailangan sa binabalutang Christmas tree.
—Tiyak na puputaktihin ka na naman ng mga inaanak mo, dear, — nakatawang sabi ni Lita na lumingon pa sa asawang nakasalampak sa sahig. —Kelanga’y magpabarya ka ng beinte pesos. — At nagtawa si Lita.
—Tama na sa kanila’ng mami-mamiso, — nakatawa ring sabi ni Danilo, —saka, tigi-tigisang mameluko…
—E, ako, ‘ala ba ‘kong aginaldo? — sabad ni Narsing at kinalabit pa nito ang ina.
—Aba, e, itanong mo sa Itay mo, — iwas ni Lita na nakatawa.
—Mam’ya na namin ‘bibigay ng ina mo ang para sa ‘yo, — nakatawa at tila nanunuksong tugon ni Danilo na kumindat pa kay Lita.
—Baka ‘ala, — sabi ni Narsing na naglambitin sa leeg ng ama.
Katulong ni Lita si Danilo nang ikabit nila ang mga kurtina. At magkaakbay pang sinipat nila ang parol nang mayari na iyon, maisabit at mailawan sa bintana. Magkaakbay pa rin sila nang pasa-kusina. Inangat ni Danilo ang takip ng isang kaserola at inamuy-amoy ang mabangong usok ng luto nang ulam. Pagkatapos ay dinuru-duro ng tinidor ang kalamay sa latik na natatakpan ng laib na dahong-saging.
—Ito ang talagang Pasko! — papalatak pang wika ni Danilo at kumurot ito ng kapirasong kalamay, isinawak sa latik at nginuya-nguya.
—Baka malimutan mong sisimba tayo mamayang alas-dose, — sabi ni Lita habang hinahalo ang nilagang karne at manok sa isang malaking kaldero. —Magmemedya-notse muna tayo.
—Baka mapuyat tayo, —pasubali ni Danilo.
—E, ma’no, Pasko naman bukas… ‘ala kang pasok.
Pagkahapunan nila ay lumapit si Danilo kay Lita na nakikinig sa tabing bintana ng nananapatang mga bata sa kabilang bahay.
—Manaog muna ‘kong sandali, — sabi nito. —Me usapan nga pala kami ni Alex.
Nakapolo lamang si Danilo. Nakasapatos. Nguni’t maging sa gayong kasuotan, sa tingin ni Lita ay makisig pa rin at mukhang binata pa ang asawa. Hindi kasi hirap ito sa trabaho. Maykaya ang mga magulang nito, at sila ay nakaluluwag sa buhay.
—Baka magtagal ka, — tanging nasabi ni Lita.
—Hindi! Babalik din ako! — At halos patakbo nang nanaog si Danilo.
Hindi agad natulog si Lita. Maging si Narsing ay naghintay sa ama. Inihanda ni Lita ang mesa at nang pagbabalik ni Danilo ay kakain na lamang sila. Kakain muna sila bago magsimba sa hatinggabi.
Nang maihanda na niya pati ang mga damit na isusuot nila sa pagsisimba ay naupo si Lita sa sopang nasa tabing bintana. Ayaw pa ring matulog ni Narsing at ito’y kumandong sa ina. Sa gayong ayos na sila inabutan ng pagtugtog ng mga batingaw na naghuhudyat ng pagsisimula ng misa. Nakatulog na si Narsing sa pagkakakalong ni Lita ay hindi pa umuuwi si Danilo. At hindi na ito umuwi noon.
BIGLANG nagmulat ng mata si Lita nang maramdaman niya ang magagaang yabag ni Narsing.
—Ba’t, ‘Nay? Ba’t ka umiiyak? — nagtatakang tanong ni Narsing na lumulong pa sa ina.
Saka lamang namalayan ni Lita na may luhang nakapamuo sa sulok ng kanyang mata. Mabilis niyang kinusot iyon.
—A, wala… napuwing lang ako, anak, — pagkakaila niya at kinabig si Narsing at hinapit sa kanyang dibdib.
Maya-maya’y nakarinig sila ng ingay ng isang sasakyang huminto sa tapat. Hindi pinansin iyon ni Lita. Malapit sila sa daanan ng mga diyipning nagyayao’t dito sa mga lansangan ng Maynila.
Ngunit napatayo siya nang sumungaw sa pintuan si Danilo. Payat ito, marumi ang damit, mahaba ang buhok.
Nagkatitigan sila. Parang ibig nitong magsalita, nguni’t walang katagang namulas sa labi. Napatulos ito sa pagkakatayo sa bungad ng pinto.
— ‘Tay! Ang ‘Tay ko! — sigaw ni Narsing at patakbong sumugod sa ama. Tuwang-tuwang yumakap kay Danilo. Buong pananabik ding niyakap ni Danilo ang bata at sinisil ng mga halik ito.
Saka lamang nakapangibabaw si Lita sa pagkakatigil. Bigla siyang tumalikod. Ang kanyang sariling kalooban ang nahihirapan sa tagpong kanyang namamalas. Ibig niyang maiyak, nguni’t ayaw niyang magpakita ng kahit bahagyang pagluha kay Danilo.
Mabilis siyang lumabas sa kusina. Tila ginigimbal ng kung ano ang kanyang dibdib. Hindi niya malaman kung alin ang hahawakan. Nasubuan niya ng kahoy ang kalang kinasasalangan ng luto nang ulam.
Maya-maya’y nakarinig siya ng mga yabag na papalapit, waring bantulot. Hindi siya lumingon. Narinig niya ang tinig na tila iniluwa ng isang kalaliman.
—Katulad din ng dati… may handa ka palang pangmedya-notse.
Biglang humarap si Lita kay Danilo. Pinapanlisik niya ang mata, pinatigas na pilit ang mukha: —Hindi pa kami napakadukha upang di maipaghanda ang notse-buwena kahit pa’no, — may pasaring na tugon niya.
—Siguro’y maituturing mo akong parang isang panauhin mo ngayon, — marahang sagot ni Danilo. —Aalis din ako mam’ya.
—Walang pipigil sa iyo, — badya ni Lita. —Lalo sanang mabuti kung di ka na pumarito.
—Alam kong wala na akong mukhang dapat pang ipakiharap sa iyo, — at bumuntonghininga si Danilo. —Pero kinapalan ko na ang aking mukha. Naalaala ko si Narsing… kapag ganitong Pasko ay masaya tayong tatlo. ‘Ka ko’y baka hinahanap-hanap niya ako.
—Kaming mag-ina’y maaari ring maging masaya ngayong notse-buwena kahit wala ka,— may kapaitang sambot ni Lita.
—Batid kong hindi mo ‘ko mapatatawad, — basag ang tinig na wika ni Danilo. —Gayunma’y ibig kong malaman mong pinagsisisihan ko ang aking ginawa. Matagal na kaming nagkahiwalay niya. Nakilala kong sa buhay ko, ikaw lamang at si Narsing ang mahalaga. Kung mahihingi ko lamang sa ‘yong mabigyan mo pa ako ng pagkakataong maipakilala sa ‘yong…
Tumalikod si Lita. Ipinahalata niya kay Danilo na hindi na niya ibig marinig ang sasabihin nito. Narinig niya ang yabag na palayo ni Danilo, nguni’t hindi siya lumingon. Hinarap na niya ang paghahanda ng hapunan.
Bahagya nang nakakain si Danilo. Sinusubuan nito ang kandong na si Narsing. Panay ang pag-uusisa ng bata na tinutugon naman ng ama. Sa pakiwari ni Lita ay may nakabara sa kanyang lalamunan at hindi rin niya malasahan ang pagkaing inihanda para sa Notse-Buwena.
Pagkakain ay nagligpit siya ng kinainan at hinayaan ang mag-ama na maglaro sa kabahayan. Sa kusina ay nakararating sa kanya ang madalas na paghalakhak ng anak. Nakapagligpit na siya ay hindi pa rin siya pumapasok. Parang natatakot siyang magkausap sila ni Danilo.
Hindi niya matandaan kung gaano siya katagal sa kusina. Kaya lamang niya naisipang pumasok ay nang tumahimik na sa kabahayan. Matagal siyang napatigil sa bungad ng pinto. Sa sopa, nakita niyang natutulog si Narsing sa kandungan ni Danilo, sa pagkakaupo nito sa sopa.
—Nahapo ‘ata’ng anak mo, — sabi ni Danilo at tumingin kay Lita.
Hindi sumagot si Lita. Lumapit siya nang hindi tumitingin sa asawa.
—Ipaghanda mo na nga ng higaan ang bata, — sabi uli ni Danilo na tumayong pangko ang natutulog na anak.
Walang kibong nagpauna si Lita sa silid. Mabilis niyang inayos ang higaan ni Narsing. Matagal bago inilapag ni Danilo ang natutulog na anak sa higaan. Hinagkan pa muna sa magkabilang pisngi.
Marahang kinumutan ni Danilo si Narsing. Saka matagal na pinagmasdan.
Tila nagulat pa si Lita nang mula sa malayong simbahan ay bumasag sa katahimikan ng gabi ang repiko ng mga kampana na nagbabalita ng pagsilang ng Mesiyas. Nakita niyang nakabaling sa kanya si Danilo, na nakatitig sa kanya
—Maligayang Pasko, Lita…— mahinang mahinang sabi nito.
Hindi nakapagsalita si Lita. Maramot na maramot sa kanya ang mga kataga. Punung-puno ng damdamin ang kanyang puso. Nagunita niya ang pagbabatian nila ni Danilo tuwing sasapit ang gayong sandali.
—Aalis na ‘ko, Lita.
Narinig niya ang marahang paglabas ni Danilo sa silid. Ang papalayong yabag nito. Sa malayong simbahan, patuloy ang madalang at bahaw na tunog ng mga batingaw.
Nadama ni Lita ang isang damdaming tila magpapasambulat sa kanya. Napatakbo siyang palabas sa silid. At narinig niya ang kanyang tinig: —Dan! Dan…