ni Johannes L. Chua
Si Ardie Aquino, 32 taong gulang mula Bulacan, ay unang lumapit sa Liwayway para magbigay ng kanyang kontribusyon sa komiks. Sa totoo lang, nang una kong nakita ang kanyang gawa na “Sinigang,” nanibago ako dahil kakaiba iyon sa mga komiks na madalas kong nakikita.
Hindi “malalim” ang istorya sa komiks ni Ardie; ang kanyang drawing ay parang sa pambata, kumbaga sa ingles, ito ay “whimsical.” Tinanong ko ang ibang tao kung nararapat ba sa isang publikasyon gaya ng Liwayway na maglathala ng ganyang klase ng komiks, may nagsabi na “oo” — dahil sa gitna ng mga mabibigat na mga paksang tinatalakay namin sa bawat isyu, may “Sinigang” na ang kwento ay umiinog lamang sa isang kabataan na nagnanais na humigop ng mainit na sabaw ng sinigang. Simpleng kwento, simpleng paksa, subalit may kurot sa puso dahil pinapakita rito ang pagnanasa sa isang simpleng pamumuhay na nakalimutan na ng marami.
Nagtapos sa FEU, kasalukuyang isang Multimedia Specialist si Ardie. Bata pa lamang siya, nakahiligan na niya ang pagguhit. “Namamangha talaga ako sa mga cartoons noong ‘90s. Kaya ang masasabi ko, malaki ang inspirasyon sa akin ng mga cartoons. Kaya ito rin ang ginagawa ko sa mga artwork ko.”
Bukod sa cartoon, pumupulot din ng inspirasyon si Ardie sa ibang lugar. “Masasabi ko na inspirasyon din ang mga bagay na nangyayari sa tunay na buhay. Halos bawat eksena sa buhay ko, o sa buhay ng mga kaibigan o mga tao sa paligid ko ay nakapagbibigay ng inspirasyon sa paggawa ng kwento sa komiks.”
Sa kanyang karera bilang illustrator, maipagmamalaki niya ang sariling gawa at crowd-funded na anthology na pinamagatan niyang “Balik Tanaw.” Subalit, marami pa siyang plano at nais na maabot sa larangan ng pagkatha. “Nais kong gumawa ng mga kakaibang paraan sa pagpapahayag o pagpresenta ng komiks. May isang sikretong proyekto ako na ginagawa ngayon na naniniwala ako na may malaking impak sa hinaharap.”
Tunay ngang kahanga-hanga ang mithiin ni Ardie dahil ayon sa kanya, marami pang komiks ang aantabayanan natin sa kanya. Kaya para sa mga bata na nangangarap na maging kagaya niya, ito ang payo ni Ardie sa inyo: “Kung gusto mo ang isang bagay, walang ibang magandang panahon na simulan ito kundi ngayon!”
Ardie, naghihintay kami ng mga gawa mo na maglalagay ng ngiti sa aming labi at magsasabi sa amin na buhay ang malikhaing mundo sa iyong mga kamay.
Para makausap si Ardie online, bumisita sa kanyang social media: https://www.facebook.com/Chikidude / https://www.instagram.com/chikidoodledoo