ni Wilson E. Fernandez
BAGAMAN pandemya, ramdam pa rin natin ang diwa ng Pasko. Mga makukulay na parol at Christmas lights, magaganda’t naglalakihang Christmas tree ang masisilayan sa bawat bayan at mga tahanan. Siyempre pa, hindi mawawala ang napapanahong kakanin tuwing Kapaskuhan, ang bibingka at puto-bumbong. Tradisyunal na makikita ang mga kakaning ito tuwing Misa De Gallo at kadalasang matatagpuan ang mga hilera ng mga nagtitinda sa labas ng mga simbahan.
Sa sarap ng mga kakaning ito, hindi kataka-takang pilahan at dagsain ito ng mga tao, upang malasahan ang linamnam, tamis at init ng mga ito. Katulad ng init at tamis ng pagsasama ng bawat pamilyang Pilipino, hindi na rin maaalis ang tradisyon ng puto-bumbong at bibingka na nakaugalian nang pagsaluhan tuwing Kapaskuhan.