Apat na Tula ni Amadeo M. Mendoza

Puting Paruparo

Dumapo ka
Sa aking tula
Sa nakalulunos na dilim.

Dumapo ka
Sa tulala kong tula
Sa bitak-bitak na liwanag
Sa nakalulunos na dilim.

Dumapo ka
Sa naninilip at ligaw kong tula
Sa bitak-bitak na liwanag
Sa nakaririmarim na dilim

Sa Colonoscopy Section ng Isang Ospital

Dumapo ka: silip, tulala, bitak-bitak,
Nakalulunos, nakaririmarim, tumatak,
Nagmarka, sa batuhan, sa hardin,
Sa mga taludtod na taimtim
Sa ligaw kong tula
Sa dilim.

May ipinasok sa kaniyang puwet. Bahagya
Siyang namilipit, subalit pinilit
Pa rin, lumuluhang tiniis
Ang nakaririmarim na sakit. Tumingin
Kami sa dambuhalang monitor, nagdarasal
Na wala sanang makitang bukol,
Na parang pumasok lang kami sa time tunnel
Upang maibalik ang panahon
Noong bata pa kaming magkakapatid,
Naglalaro ng Taguan, Luksong-tinik, Bahay-bahayan
At iba pang larong kapana-panabik
Tulad ng panggagahasa
Sa kalikasan habang tamad ang sanlibutan.

Subalit hindi pala, tila mahabang kuweba
Pala ang tumambad sa aming mga mata pagkatapos
Lumiko-liko ang paslit na kamera,
At may namamahay na mga bukol
Na tila stalactites at stalagmites–
Hindi na maitago sa mata dahil
Sa dambuhala nilang laki, at may tinik
Na tumurok sa aking puso, hindi na maitatagong
May kanser ang aking kapatid na si Baby at malala na ito.
At nang matapos ang paglalakbay sa mahabang kuwebang
Iyon ay inalalayan ko na ang ang aking kadugo
Pabalik sa kaniyang silid, sabay pasok ng doktor
At pinayuhan siyang huwag mawalan ng pag-asa.

Subalit noong hatinggabi na’y itinanong niya sa akin,
Sa maputla niyang tinig, kung naaalala ko pa raw ba
Noong kami’y mga bata pa at masayang naglalaro ng
Taguan, Luksong-Tinik at Agawan Base?
Hindi na raw ba pwedeng maulit iyon?

Ang Bulaklak at ang Alon

Sa aking palagay ay may malalim na pagkakaugnay
ang bulaklak at ang alon.

Tubig ang sangkap ng alon na idinidilig
sa bulaklak upang manatili itong sariwa, kaaya-aya.

Ang alon, kapag papalapit na sa dalampasigan
ay tila namumukadkad din.

Para rin itong mga talulot na kumakaway,
nagbibigay-pugay sa langit nang walang humpay.

Subalit kapwa nalalanta ang bulaklak
at ang alon, kapwa lumuluha,
humahalik sa lupa kapag kinapos na ng hininga,
pumapanaw nang payapa.

Sampayan

Maraming isinasampay sa bakuran ng
Philippine General Hospital:
sando at shorts, t-shirts at briefs, at marami pang iba.

Sandali lang si Baby doon,
Subalit maraming shorts, briefs
At iba pang mga damit ang aking naisampay.

Ang katawan ni Baby ay matagal na ring nakasampay
sa mga tubong nagpapahaba lang ng kaniyang buhay,
pinanatili siyang sariwa kahit matagal nang
minantsahan ng kanser ang kaniyang katawan.

Sa labas ng ospital, tatambad
ang kanser ng lipunan. May mga bayarang babae, ang mga hinihithit
ay di matapos-tapos ang sindi, ang mga buhay ng minamahal ay nakasampay
sa kanilang maninipis na tila alambreng kasuotan, babad sila sa alipusta ng lipunan.

Gabi-gabi akong nagpatuyo nang si Baby ay sumakabilang-buhay


Si Amadeo M. Mendoza ay nakapaglathala na sa Likhaan Anthology of Best Filipino Poems, taong 2001. Nagsusulat din ng mga tula sa wikang English na nalathala sa iba’t ibang pahayagan. Dating literature instructor sa University of Santo Tomas.