P.P.E. BILANG PERFORMATURA PANDEMIC EDITION

ANG Performatura ay pista ng panitikang patanghal na pandaigdig.

Subalit, kahit biennial, lagi’t lagi itong selebrasyon hindi lamang ng oratura kundi ng literatura.

Mula pa noong kauna-unahang Performatura sa Cultural Center of the Philippines (C.C.P.), ito ay maka-aklat na!

Para makapasok ka, kailangan mong magdala ng libro bilang tiket.Kung sakaling wala kang dala, maaari ka namang bumili sa bukana ng C.C.P. Little Theater.

Doon din matatagpuan ang isang napakalaking imbakan o tambakan ng C.C.P. Library dahil ito talaga ay tulong ng Performatura sa proyekto nilang mamigay ng libreng libro sa buong kapuluan!

Dating Ex Libris noong 2015, ang bentahan ay nag-umpisa sa mga librong inilabas ng CCP.  

Ito ay naging (N.B.D.B.) Book Fair nang suportahan ito ng National Book Development Board noong 2017. Nagkaroon ng buong araw na Forum tungkol sa “Rights Management for New Writers” sa pakikipagtulungan ng C.C.P. at mga bagong kapanalig na Freelance Writers Philippines, Intellectual Property Office of the Philippines, at N.B.D.B. May Readathon din noon ng mga akda ni Balagtas. Binasa ng Dagdag Dunong Reading Center ang La India Elegante y La Negrita Amante, ang Orosman at Zafira ng Pinoy Reads Pinoy Books Book Club, at Florante at Laura ng Philippine National School for the Blind! Nagkaroon din ng pagbasa ng mga dulang Duyan Ka Ng Magiting at Princess Lili ang Women’s Playwrights Inc. Sinundan ito ng Pinoy Storytellers Group at M.A.F.I.A. tuwing hapon sa Silangan Hall.

Noong ikatlong taon ng Performatura, ito ay naging Aklatan: All-Filipino Book Fair. Sumaklolo ang Adarna House, Anvil Publishing, Center for Art, New Ventures, and Sustainable Development (CANVAS). Gayundin ang Ateneo de Manila University, De La Salle University, University of the Philippines, at University of Santo Tomas.

Hanggang ipinagdiwang nga noong 2019 ang sentenaryo ng dalawang Pambansang Alagad ng Sining. Una, Araw ni Francisco V. Coching noong 6 Abril kaya nagkaroon ng di-karaniwang “Comic-Con” sa C.C.P. Main Theater Lobby – sa tulong ng Komiks Guild of the Philippines at Book Development Association of the Philippines – sa ilalim ng isang eksibit na pinamagatang Nasaan Ka Na, Mara-Bini: Tracing Liberation and Empowerment in the Stories of F.V. Coching’s Rebel Daughters ng CCP Visual Arts and Museum Division (VAMD). Ikalawa, Araw ni Edith L. Tiempo noong 7 Abril, itinampok naman ang Hymn, Sob, Psalm – isang eksibit ng mga tula, retrato, at video tungkol kay Dr. Tiempo — katabi ni Estela Vadal na isang makatang robot na nasa nasabing lobby na mas kilala bilang Bulwagang  Carlos V. Francisco.

Ngayong pandemya, P.M.A. o pahinga muna Aklatan.

Pero, COVID-19, virus ka lang…

Voracious kami, wika nga.

Kaya nagkaroon ng P.P.E. o Performatura Pandemic Edition!

Noong 22 Nobyembre — Araw ni Jose Corazon de Jesus — ginanap ang formal na pasinaya ng website para kay Huseng Batute na sinundan ng pagtanggap ni G. Arsenio “Nick” Lizaso, presidente ng C.C.P. at tagapangulo ng National Commission for Culture and the Arts (N.C.C.A.); pagbabalik-tanaw ng apo ni Huseng Batute na si Jesus Jaime Aguila; at panayam ng Pambansang Alagad ng Sining na si Ramon Santos ukol kay Huseng Batute bilang tagaletra ng kanta. Parangal din sa Unang Hari ng Balagtasan ang Pambansang Paligsahan sa Balagtasan sa pakikipagtulungan ng Philippine Cultural Education Program ng N.C.C.A. at ng Department of Education (DepEd) noong hapon. At pagdating ng gabi, tampok sina Mike Coroza, Jeanette Job Coroza, Felipe de Leon Jr., at Sonia Roco sa espesyal na edisyon ng P.L.A.K.A. o Pamana ng Lahi, Arte, Kultura, Atbp. na pinamagatang Mga Piling Tula at Awit na Niletrahan ni Jose Corazon de Jesus.

Ginawang Araw ni Andres Bonifacio ang 23 Nobyembre kahit 30 Nobyembre pa ang kaarawan ng Supremo. Sa ngalan ng mga “Bagong Bonifacio,” inorganisa ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) ang Front (Liners) Act – upang patulain ang mga makata mula sa Asian Hospital and Medical Center, J.B.T. Caing Sr. Memorial Integrated School, Psychiatric Association of the Philippines, Psychological Association of the Philippines, University of Cebu, at iba pang frontliners tulad ni Dr. Tony Leachon! Sa gabi, ang pagbabalik nina Boyet de Mesa at ng S.I.P.A. Secretariat para sa S.I.P.A. International Performance Art Festival na isang proyektong inter-kultural na nagtataguyod ng mga Filipino at banyagang performance artist mula sa Austria, Colombia, England, Germany, Hongkong, India, Indonesia, Japan, Mexico, Myanmar, South Korea, Thailand, at United States. Pero ang gitnang araw ay para sa

Claiming Indie Spaces in Challenging Times ng Indie Publishers Collab-PH (T.I.P.C.-P.H.) na isang kolektibo ng mga pabliser na independent na kinabibilangan ng Aklat Alamid, Alubat Publishing, 8Letters, Librong L.I.R.A., Rebo Press, at Southern Voices. 

At, siyempre, ang 24 Nobyembre ay ang Araw ng mga Aklat at Akdang Bayan na binuksan sa  pamamagitan ng live stream ng N.B.D.B. na nagpasinaya ng Book Nook. Nagbabagong-anyo ang Epic Center bilang Kanto Epiko na sumentro sa Lam-ang, Hinilawod, at Darangen sa direksiyon nina Ron Biñas at Fitz Bitana mulang Luzon, John Barrios mulang Visayas, at Christine Godinez Ortega mulang Mindanao. At sa pakikipagtulungan ng Philippine Librarian Association, Inc. (PLAI) — bilang pagdiriwang ng ika-87 National Book Week — muli nagkaroon ng Tanghal Tula. Sa unang pagkakataon, humirang mula sa mga librarian ng buong bansa — na sina Juirero Abela, Marianne Ledesma-Aves, Jonathan Bareng, Genevieve Calvendra, Mary Rose Navarro, Mary Ann Senillo, Rinebeth Tanaid, Mamerto Tubis Jr., at Christian Paul Umayam — ang mga huradong sina Lourd de Veyra, Mark Ghosn, at Banaue Miclat. Ang itinanghal na “Tanghal Makata ng Taon” ay pinutungan ng lawrel na lilok ni Raul “Tata” Funilas, ginawaran ng tropeong gawa ni Sam Penaso, at lumabas sa likhang pubmat ni Kulay Labitigan. 

Binuksan natin ang taon nang may malungkot na balita.

Ayon sa 2019 Programme for International Student Assessment (PISA), sa 79 na kalahok na bansa, ang pinakamababa sa reading comprehension ay Filipinas.

Para kina John Guthrie at Allan Wigfield, ang sinumang mag-aaral kapag siya diumano ay “motivated” o ganado, siya ay naghahanap ng babasahin.

Dalangin natin na mula 2015 ang Performatura ay nakatulong bilang motibasyon.

Inumpisahan natin ang gana mula sa oratura hanggang sa literatura.

At literasi?

O learning?

Nawa nakaambag nga sa araliw – aral at aliw — ang Performatura!