MATAGUMPAY na naibalik sa 120 piling lalawigan sa bansa ang limitadong Face-to-Face classes noong Nobyembre 15 sa mula kindergarten hanggang Grade 3. Maraming ipinairal na kautusan sa bawat paaralan upang ganap na maisakatuparan ito gaya ng mga sumusunod:
- Pagpasa sa isinagawang ebalwasyon sa mga paaralan ng Kagawaran ng Edukasyon.
- Pagsunod sa health and safety protocol ng mga guro at mag-aaral.
- Pagpapabakuna ng mga guro at mga namamahala sa paaralan.
- Pagsang-ayon ng mga magulang na papasukin ang kanilang mga anak sa paaralan.
- Pagsunod ng mga magulang at paaralan sa direktiba ng Local Government Unit.
- Pagpapakita ng kahandaan ng mga paaralan sa pagpapatupad ng pagbabalik ng sinaunang sistema at proseso ng pagtuturo.
Nang bisitahin ng ilang kawani ng Kagawaran ng Edukasyon ang ilang mga piling paaralan na kasama sa proyektong ito, napatunayan ng ahensiya na handang-handa na ang mga paaralan sa kaganapang ito. May mga paaralang gumawa ng sariling programa para rito. Ang kindergarten at Grade 1 classes ay magkaklase ng apat na oras sa umaga, at ang Grade 2 at Grade 3 classes ay magkaklase ng apat na oras sa hapon.
Ang pagpapatupad ng face-to-face classes sa 57 pribadong paaralan ay sinimulan naman noong Nobyembre 22.
Samantala, pinag-aaralan pa ng Kagawaran ng Edukasyon ang pagpapatupad ng face-to-face classes sa Junior High School at Senior High School at ng Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED) para sa mga kurso sa kolehiyo at unibersidad gaya ng ipinatutupad sa ilang medical colleges.
Ang isang ipinakitang halimbawa ay ang modelong inihanda ng isang publikong paaralan sa Masbate. Pagpasok pa lang sa gate ng paaralang ito ay may nakahanda ng thermal scanner at alcohol sa mga papasok sa paaralan. Magkakahiwalay ang upuan ng mga mag-aaral, may takip na malaking plastic sa magkabilang gilid ng upuan, may alcohol at sariling comfort room ang bawat klasrum.
Ang face-to-face learning o harapang pagtuturo ay isang pamamaraan ng pagkatuto ng mga mag-aaral kaharap ang guro o sinumang tagapagturo sa isang napag-usapan at napagpasyahang Essential Learning Competencies ng K-12 Kurikulum. Ang mga araling nabanggit na nahahati sa apat na Quarters ay nakabatay sa tinatalakay ng guro kaharap ang kaniyang mga mag-aaral.
Ang harapang pagkatuto o face-to-face learning ang maituturing na pinakaluma o tradisyonal na pamamaraan ng pagtuturo sa mga paaralan ngunit maituturing na pinakapopular sapagkat ilang dekada na itong ginagamit sa antas elementarya, sekondarya at maging sa tersyarya. Katunayan, ito ang pinakagamitin sa isang gawaing pang-interaksiyon, ang pakikipanayam (interview).
Ang Bentahe ng Face-to-Face Learning
MAITUTURING na maraming bentahe ang naibibigay ng face-to-face learning kabilang ang mga sumusunod:
- Higt na nagiging mabisa ang pagtuturo dahil sa pisikal na pagtatagpo ng guro sa kaniyang mga mag-aaral. Dahil dito, higit na napapalalim ang kaalamang naibabahagi ng guro kung ang pag-uusapan ay ang araling dapat matutuhan ng kaniyang mga mag-aaral dahil may kalayaang makapagtanong ang bawat isa sa mga konsepto o kaisipang nais palawakin o nais nilang makahanap ng sagot sa araling hindi nila ganap na naunawaan.
- Naipakikita ng mga mag-aaral ang galaw ng buong mukha kung siya ay sumasang-ayon o di sumasang-ayon sa itinuturo ng guro. Naipapakita ang kilos ng kanilang mga kamay at galaw ng katawan sa pagbabahagi ng emosyon para maipaalam sa guro ang kanilang kasabikan at kasiyahan na matutuhan ang aralin.
- May karagdagang oras ang guro at mga mag-aaral na maisakatuparan ang pagpapayamang gawain (enrichment activity) kaugnay ng natutuhang aralin. Dahil dito, natutuklasan ng guro ang pagkamalikhain ng mag-aaral at paggamit ng kritikal na pag-iisip.
- May karagdagang oras ang guro at mga mag-aaral na maisagawa ang kolaboratibong gawain kung saan ang mga mag-aaral ay sama-samang lilikha ng masining at malikhaing pagtatanghal kaugnay ng natutuhang aralin
- Nagagamit ng guro ang iba’t ibang kagamitan sa pagtuturo na nakadaragdag sa interes ng pagkatuto ng mga mag-aaral gaya ng mga karagdagang aklat, magasin, dyaryo, larawan, graphic organizer, films, slides, mapa, tsart, globo at iba pa.
- Magiging matagumpay ang pagtatanungan dahil mahaba ang oras na mailalaan habang itinuturo ng guro ang aralin at maging sa pagtatapos ng aralin.
- Magaganap ang iba’t ibang pagdulog (approaches) sa pagtuturo ng guro gaya ng pangkatang talakayan, talakayang panel, talakayang simposyum. debate, forum, brainstorming at iba pa.
- Nagkakaroon ng higit na kaalaman, karanasan at kasanayang makagawa sa sariling paraan ang mga mag-aaral. Nakabubuo sila ng mga suliranin, nakapaghahambing at nakabubuo ng kongklusyon. Nakapagbibigay rin sila ng maraming halimbawa.
Natutuklasan agad ng guro ang kahusayan ng mga mag-aaral sa pakikipagtalastasan dahil kaharap niya ang mga nagsasalita at nasusubaybayan niya ang kanilang wastong pagbigkas ng mga salita at pangungusap.
- Naisasagawa ng guro ang pamamahalang pangklasrum (classroom management) katuwang ang kaniyang mga mag-aaral.
- Habang kaharap ang guro, lumalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral sa talasalitaan, at natututuhan nila ang paggamit ng epektibong wika nang wasto at maayos.
- Nagiging malaganap ang classroom-centered activity na ang pokus ay ang mga nagaganap sa loob ng klasrum habang isinasagawa ang aralin gaya ng (1) paksang pinag-aaralan, (2) interaksiyong pangklase, (3) estilo ng partisipasyon ng mga mag-aaral at (4) estilo ng pagkatuto.
- Nagkakaroon ng mga bagong kakilala at kaibigan ang mga mag-aaral at nararanasan nilang makihalubilo sa mga ito nang may kasiyahan at katapatan.