Kung Kinuha na ang Lahat sa Atin

ni Efren Abueg

“Hindi pa ako kasal kay Amyra, Chito. Nasabi ko na sa iyo ang posisyon ko. Hanggang ngayon, I am telling you that I am with you!”

(IKA-25 NA LABAS)

SAAN nagpunta si Ming?

Tinawagan ni Edel ang ilang kaibigan nito.

“Bakit? Nagkita na ba kayo?”

Nailang si Edel. Alam ng kaibigang ito ni Ming ang pagpapakasal ng kababata niya kay Dino. 

“Hindi! Kaya nga hinahanap ko siya.” Mapagkumbaba ang sagot ni Edel.

“Well, sasabihin ko na hinahanap mo siya kapag nagkausap kami!” sagot ng kaibigang ito ni Ming.

May dalawa pang kaibigang inabala ni Edel sa cellphone. Iisa ang sagot: hindi namin nakita si Ming pagkaraang yumao si Dino.

Nagpasiya si Edel na magtiyagang mag-abang bandang pagabi sa bisinidad ng dormitoryo ni Ming. Hindi agad siya nagpakilala o iniba niya ang kaniyang boses sa pagtawag sa tinitirhan nito.

Hanggang pagkalipas ng isang linggo habang nakatigagal na nakatingin si Edel sa labas ng bintanang salamin ng kaniyang opisina, itinulak ni Amyra ang laging hindi lapat niyang pinto.

“Edel!” Hindi niya agad iyon narinig.

Tinawag pa siya uli ni Amyra bago niya naramdaman ang pagpasok nito sa kaniyang opisina.

“Something is wrong?” 

Napatindig si Edel sa pagsalubong kay Amyra.

“That building you are talking about is starting the foundation?” Ibig niyang iligaw ang pansin ni Amyra.

Nakita niya ang masayang pagtawa ni Amyra. “You have already forgotten! The entire first floor is already in cement!

Hindi ipinahalata ni Edel ang kaniyang pagkapahiya. Dama pa rin niya ang init sa kaniyang mga tainga. Inisip na lamang niyang tuyo na ang tinta sa kontrata nito sa alkalde ng Bulakan na nakasaklaw sa lupang matagal nang nabili sa murang halaga ng matandang Sobresantos.

“Tuloy na pala ang multi-stories building ni Mayor?” 

“He is grinning ear to ear nowadays, balita sa akin ni Atty. Koko!”

Patuloy na naiisip ni Edel ang naganap na pirmahan ng alkalde at ni Amyra sa land deal na iyon sa Bulakan. May lupa pa rin ang matandang Sobresantos sa daang-tren na ininpeksiyon ni Atty. Koko Planas kasama si Amyra? Ngunit hindi siya nagsalita gaputok man noon. Palaging si Ming ang laman ng kaniyang isip. Gaano nang katagal inabang-abangan niya si Ming sa dormitoryo nito!

“Now, what can I do for you?” Nakatawang tanong ni Edel kay Amyra na alam niyang masaya nang mga sandaling iyon.

“Are you not happy that Atty. Koko will finally settle everything with Romina?”

“Settled?” Namangha siya. Hindi siya makapaniwala!

“You have not been with her lately?” salakab pa nito sa kaniya.

Hindi makasagot si Edel. Pagtanggi sa reyalidad ng sinasabi ni Amyra ang naiisip niya ngayon sa naririnig tungkol kay Ming.

“Inaayos pa lang ang one condition…” Mababa ang tinig ni Amyra.

Ano ang sinasabing ito ng kaharap?“I want you really to give up your office with Chito and be with me fulltime!” 

Hindi nawawala sa isip ng kaharap ni Amyra ang buong araw na pagtigil niya sa katabing opisina nito. 

Tungkol pala sa kaniya ang natataunan niyang dinig sa pagbaba ng boses ni Amyra habang kausap si Atty. Planas kung pumapasok siya sa opisina nito para magdala ng mga papeles.

“You want to know all about that business with Romina? Why not call up Atty. Planas or pay him a visit one of these days? That deal with Romina will yield the best results when assent with Chito will finally happen!”

Nagpapahiwatig, kung gayon, si Chito na tutol ito sa pag-alis niya sa law offices!

“Bakit ngayon mo lang nasabi na kinakausap ni Atty. Planas si Chito? May negotiation pala kayo sa law offices nang hindi ko nalalaman!” 

Ngunit nakatitig sa kaniya si Amyra. Halatang hindi nito gusto ang kaniyang sinabi.

“Marami na tayong abugado, Edel! Atty. Planas and some executives of my late brother had already made available some of their lawyers!”

“Bakit hindi mo ‘yan sinabi sa akin?” Naramdaman niya ang poot na namumuyo sa kaniyang dibdib.

Tumagilid si Amyra. Medyo dumilim ang mukha nito.

“Why? I am the lone owner of the Sobresantos enterprises. Whom should I consult but myself!” mahinang sagot nito.

Nakaramdam si Edel na parang binuhusan siya ng malamig na tubig. Umakto na siyang “asawa” ni Amyra ngayong sinasaklaw niya ang katawan nito kung mga gabing sa condomium nito siya natutulog. Mali siya. Abugado lamang siya ni Amyra. Nasa pangalan nito ang lahat ng salapi at ari-arian ng negosyo ng Sobresantos. Kung sakaling makasal siya sa dalaga, maaari itong magpagawa ng pre-nuptial agreement kay Atty. Planas para matiyak kung ano lamang ang ipagkakaloob nitong kabuhayan ang hahawakan niya!

“I am sorry, Edel. What arrangements Atty. Planas are doing with Romina are all my decisions. Very few words are left by Dino. She can’t demand other things. As I have told you, she has to wait for the decisions of Atty. Planas with my imprimatur!”

Tama na naman si Amyra! At iyon ang “maayos” na sasabihin nito kay Ming at magmamasid lamang siya. Ano ba ang kaniyang magagawa?

HALATANG pigil ang nasa kalooban ni Chito. Sinabi nito kay Edel ang gustong mangyari nito sa kasama sa bupete.

“Para na kitang kapatid, Edel. Sinabi ko kay Attorney ang bagay na ‘yon. Kahit isang libong ulit-ulitin ni Amyra na magiging mag-asawa kayo, hindi ako matitinag sa posisyon ko na kabilang ka sa law offices na ito! Ikaw lamang ang magsasabi sa akin na cut off na ang relasyon mo sa amin!”

Ngayon, nasa pagitan si Edel ng nag-uumpugang bato. Sa pamamagitan ni Atty. Koko Planas, sinabi nito kay Chito ang pagpapalit niya ng status. 

“Hindi pa ako kasal kay Amyra, Chito. Nasabi ko na sa iyo ang posisyon ko. Hanggang ngayon, I am telling you that I am with you!”

Tinapik ni Chito sa balikat si Edel. Naniniwala ito sa kaniya, alam niya. Ngunit maaalis ba niyang magduda ito? May relasyon siya ngayon kay Amyra at alam nitong “malaking isda” sa larangan ng negosyo ang babae. Ngunit masasabi ba niya kay Chito na siguradong-sigurado siya sa pagpapakasal kay Amyra? Paano si Ming?

Alam ni Edel na “nakapagitan” siya sa dagat at sa langit. Hindi siya maitatakwil ni Chito. Ngunit alam nitong may mga mangyayari sa kaniya sa hinaharap. At iyon ang hinihintay ni Chito. Saka lamang ito makakakilos. 

“Wala akong tinag ngayon, Edel. Dati pa rin ang posisyon ko!”

Inulit na naman ni Edel sa sarili ang “tatag” ni Chito. Ngunit papaano kung siya ang “bumigay”?

Sumakit ang ulo ni Edel nang nagmamaneho na siya ng kotse palayo sa bupete nina Chito.

Ang kailangan—kausapin niya si Ming. Una si Ming sa kaniyang buhay. Hindi siya mapapakali kung may problema si Ming. At paano ang pasiya niya kung walang katiyakan ang kinabukasan ni Ming? 

Ngunit nasaan si Ming?

Natuklasan ni Edel na nasa kapihan siya na pinag-aabangan niya kay Ming kung nag-uusap sila. Hindi pa sumisipot doon ang kaniyang kababata gayong nakatatlong tasa na siya ng kape. Tumindig siya mula sa pagkakaupo sa sulok na iyon. Pupuntahan niya ang may-ari ng dormitoryo. Kung naroon ito, mag-uusap sila. Kung wala, itatanong niya ito sa sino mang tauhan nito na naroroon.

Napatigagal si Edel nang makaharap niya ang babaing may-ari na may pinagkakaabalahang kargamento na ibinababa mula sa isang mini-truck!

“Nagpasabi siya. May pupunta ritong dalawang sekretarya!”

Sino ang mga iyon? Saan sila galing?

“Galing sa opisina ni Atty. Planas!” Pinagmasdan pa ang kabuuan niya ng may-ari ng dormitoryo, saka may idinugtong. “Bayad nang isang taon ang malaking kuwarto ni Ms. Romina. May magte-take over na dalawang secretaries!” 

Naisip agad ni Edel na kumikilos na si Atty. Planas. Inaayos na nito ang tungkol sa kinabukasan ni Ming, kabilang na ang pag-okupa ng dalawang sekretarya sa malaking kuwarto ni Ming sa dormitoryo.

“Saan ko siya makokontak, Misis?”

Tumingin sa kaniya ang may-ari ng dormitoryo na parang sinasabi na siya ang dapat makaalam niyon. 

“Sorry ho, Misis. Urgent lang na makausap ko agad siya!”

Ngayon, kailangan na niyang puntahan si Atty. Planas tungkol kay Ming. Magkasama nga sila ng abugado sa gusali ng mga negosyo ng Sobresantos, ngunit hindi naman sila madaling magkita ng abugado. Ngunit kailangan na ngayong direktang usisain niya ito tungkol sa talagang “iniwan” ni Dino kay Ming. Hindi lamang ang buwan-buwan nitong tinatanggap na halaga.

Nagpasabi siya ng appointment kay Atty. Koko Planas.

Pag-upo pa lamang niya sa silid na tinatanggapan ni Atty. Planas ng mga bisita nito, humingi agad ito ng dispensa sa kaniya.

“Hindi ka naman kailangang dumaan pa sa ano mang kaabalahan na tulad ng sa mga pulitiko o ehekutibo ng mga tao sa gobyerno!”

Tumawa si Edel. “Just a walk-in?” 

“How many steps do you have to take to my offices?” sabi pa ni Atty. Planas.

“Sa pagyao ni Dino, iba na ang sitwasyon mo, Atty. Koko. Dumami ang responsibilidad mo. Kailangang obserbahan ko rin iyon!”

“Baka naman sinusunod mo all the rules that Amyra impose on all her people in Sobresantos enterprises?”

“Hindi naman, Atty. Koko. Medyo nakakahiya naman sa secretary mo kung iba ang rules for the outsiders and the insiders!” Nagtawa pa siya.

“Hindi naman tayo iba sa building na ito, Edel! I am still the old self that you know!”

“Kung gayon, puwede kong itanong sa iyo nang deretsahan ang ibibigay ni Amyra kay Ming ngayong dalawang secretaries natin ang ookupa ng dating kuwarto ni Ming sa kaniyang dormitory?” 

Nagtawa si Atty. Koko Planas. “Bakit? Lately, di mo ba nakakausap si Romina?”

“A, ‘yung tungkol sa mga secretaries, direkta akong nakipag-usap sa may-ari ng dormitory. Kung nasaan si Ming, talagang hindi ko alam!”

“Hindi sinabi sa ‘yo ni Amyra ang mga detalye ng last will ni Dino?”

Umiling si Edel.

“Well, kung hindi mo siya nahagilap dito sa Metro Manila, saan mo maiisip na nagpunta siya?”

Tumango-tango si Edel. 

“May ilan pa siyang kamag-anak sa pinagmulan niya!”

“Did you try to ask any of her relatives there?” ani Atty. Planas.

“Don’t say that Dino returned to her the place of her birth?”

“’Yon ang ibinigay sa kaniya ni Amyra!”

Napatindig si Edel. Nakatitig kay Atty. Planas.

“Why? I can’t believe Amyra will do that!”

Lumapit si Atty. Planas kay Edel. Hinawakan ito sa balikat.

“She did, Edel! In exchange for the favor that you will give to Amyra!”

Aalis siya sa bupete nina Chito?

TATAPUSIN…