Tatlong Tula ni Bryan Edward S. Ramilo

Bangin Ng Pag-ibig

Kapain mo ang lalim
Ng hindi masukat na bangin.
‘wag mong hayaang dumampi
ang ‘yong mga paa sa bingit ng pagkalunod.

Dahil tíla isang buháy na hukay
ang nakapalibot sa ‘yo.
Isipin mo na lang kung nakalulunod ang pag-ibig
ay may pag-ibig bang nais makasákit?

Isipin mo ang pag-ibig at ito’y nasa puso,
Ngunit kung isasapuso ang pag-ibig
hindi ba’t lagi nitóng kinakapa ang isip?

Hindi maaaring nag-iisa ang umiibig.
Dahil hindi na lingid, na kung sa gamugamo ihahambing,
Di ba’t kamatayan ang magmahal sa nakabibighaning gasera?

Kayâ kung iibig,
Ay tiyaking hindi nitó tutunguhin ang panganib.
Dahil ang pag-ibig ay dapat sa matamis na altar,
At hindi sa bangin ng sugat kamatayan.

Paano siyang nagmamahal?

Para lang nagluluto,
Sinasangkutsa ang sangkap,
Pinanunuot sa karne ang timpla,
Binabalanse ang alat,

Binubudburan ng tamis ang pait;
Ng pagmamahal.

Lalasahan ‘pag nagtagal-tagal,
At kung sakto na ang timpla,
Hihintayin na lang lumambot ang pagnanasa,

Hahaluan ng sayá,
Hahalukayin ang gálit at pagdududa,
At kapag tiwala’y naluto na,
Ihahain na sa pinggan,
Ng maging handang iaalay sa iba.

Mga Bubog Ng Kasaysayan

Tuwing pinapahalagahan mo
ang bubog ng ‘yong kasaysayan,
Marahan itong kakatok sa pinto
ng ‘yong kasalukuyan.
Nakangiti;
Walang habas mangumusta.

Aayain ka nitong uminom sandali,
aakalain mong pahinga.
Matalinhaga ang kasaysayan,
bibigyan ka nitó ng palaisipan.

Ng paunti-unting pagtataka,
babásahin nitó ang ‘yong aklat,
aakalain mong masaya.
Iiwanan ka nitong lasing,
at susuray-suray sa agos ng mga memorya.

Gigising ka sa umaga
maiisip mong ang ‘yong kasaysayan
ang pinakasuwail mong bisita.


Si Bryan Edward S. Ramilo ay isang manunulat na tubong Tanauan City Batangas, dalawampu’t dalawang taông gulang at kasalukuyang kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Business Administration sa La Consolacion College of Tanauan.