ni Armando T. Javier
Tanaw na niya ang tulay. Naliligo nga sa liwanag. Ngunit ang higit na nakalugod sa kanya, may taong nakatayo sa gilid ng bakal na railing. Lalaki.
(UNANG LABAS)
KUNG kay Princess lang, ayaw sana niyang sumamang mag-camping sa tatlo niyang kabarkada. Nababaduyan siya at wala sa mood. Kung tatanggi naman siya, tiyak na kakantiyawan siya.
“Tubuan sana ng wrinkles ang hindi mag-join!” sabi ni Gay, isang tabaing babae, liyebo treinta at part-time teacher.
“How morbid naman!” si Lou, isang sekretarya. Numero-unong nerbiyosa at sobrang chainsmoker.
“I’ll drink to that!” si Pey, nakataas ang lata ng beer. Isang part-time actress at part-time singer din.
“Pagbotohan na lang natin para walang hassle,” sabi uli ni Gay. “Sino’ng in favor?” At naunang nagtaas ng kamay. Sinundan siya ng dalawang kasama.
“Lutong-makaw!” protesta ni Princess.
Ang lakas ng tawanan ng tatlo.
Ang picnic ground ay isang maluwang at mapunong lugar na nasa itaas ng isang burol. Sakay sila ng segunda-manong kotse ni Pey. Kani-kanya silang bitbit ng tent, ng sleeping bag, water jug, cooler at grill.
“Parang wala na kayong balak na bumalik sa Manila?” sabi niya.
“Sana, nagsama tayo ng mhin!”
“P’wede ba? Lakad ng mga mujer ‘to, ‘no! Kalimutan ang mga mhin!”
Tawanan. Tilian.
Nagpadingas sila ng bonfire, at itinayo ang tent. Dusa. Ilang ulit na nabuwal bago nila naitindig nang maayos at matibay.
“Sabi nang dapat talaga’y nagsama tayo ng lalaki,” ayaw paawat ni Gay.
“Wala na ‘kong narinig sa ‘yo kundi lalaki?” si Pey, nakaismid.
“Me sasarap pa bang pag-usapan kundi lalaki?” Nakaarko ang kilay ni Gay. “Palibhasa’y man-hater ka. Tivoli!”
Tawanan. Kinurot ni Pey si Gay.
“Tigilan n’yo nga ‘yan. Inuuna n’yo pa’ng landian, e, hindi pa natin naibababa’ng lahat ang mga gamit sa car!”
Tumigil ang dalawa, nagngitian at nagkindatan.
“Nagagalit na’ng prinsesa!”
Nagpatirapa si Pey sa harap ni Princess, itinaas ang magkabilang kamay at umarte.
“Patawarin n’yo po kami, mahal na prinsesa!”
Hagikhikan sina Lou at Gay. Lalong naasar si Princess.
“P’wede ba? Let’s get serious, ha? Tumigil na kayo!”
Tumayo si Pey. Naiiling na sumunod sa tatlo na patungo na sa kinapaparadahan ng kotse. Na malayo-layo ring lakarin mula sa camping ground.
“Sigurado bang safe dito?” Nakatingin siya kay Gay.
“Oo naman. Dito raw nagka-camping ‘yung mga students ko ‘pag type nilang tumakas sa city. So far, e, wala namang masamang feedback. Occasionally, me naririnig daw silang putukan pero isolated daw naman. Baka mga hunter lang na namamaril ng wild ducks sa ilog sa ibaba.”
Kumibit-balikat siya, hindi pa rin kumbinsido. Hindi siya sanay sa liblib kahit hindi naman talagang liblib ang lugar. Paminsan-minsan, may naririnig siyang naghahagibisang sasakyan, maaaring mga bus o jeep na may mga lulang kalakal.
Nakapag-barbecue na sila. Walang kanin. Tiis sila sa tina-tinapay.
“Ang figure, ‘day!” sabi ni Gay na siyang pinakamataba at siya ring pinakamatakaw.
Abot-abutan sila ng beer-in-can na lalong lumamig sa malamig na klima ng burol. Naglabas ng gitara si Pey at tumipa; salit-salitang kumanta sila. Parang pang-aasar, ulit-ulit na kinakanta ang “Babalik Ka Rin”. Magkikindatan ang tatlo at susulyap sa kanya. Maaasar na naman siya. Isinawsaw niya ang kamay sa natunaw na yelo sa cooler at iwinisik sa tatlong bruha. Tilian.
“Asar kayo, e! Wala na kayong nakita kundi ako?”
Pinagsisihan niya ang pagkukuwento na siya’y binabalikan ni Chicoy na matagal niyang naging boyfriend, nag-abroad, at pagkaraan ng mahabang stint sa Dubai, nagbalikbayan at ngayo’y kinukulit siyang makipagbalikan.
“Hindi mo ba ‘ko titigilan?” sabi niya ritong nakapaywang. “O, baka naman hindi ka na nakakaintindi ng Tagalog dahil sa tagal mo sa UAE? Ayoko na sa ‘yo, tapos na tayo! Tsapter na. Period na.”
Nakakunot-noo si Chicoy, nakaismid, nagtitimping patulan ang pagtataray niya. Lalo itong pumuti, nagkalaman ang butuhang katawan at nagmukhang bata sa tunay na edad. (Sampa na sa treinta anyos si Chicoy.) Ang dating mahabang buhok ay maigsi na at nakulayan ng brown; parang kalawang na ibinudbod sa ulo nito.
“Pinahihirapan mo lang ang sarili mo, Princess. Alam ko namang hanggang ngayon, e, type mo pa rin ako.”
“Ang kapal!”
“Ba’t hanggang ngayon, e, wala pa ‘kong kapalit?”
“Gusto mo talagang malaman?”
“Yeah.”
“For your information, nagka-phobia na ‘ko after ng relasyon natin!”
Wala pa ring emosyon ang mukha nito, paismid-ismid at mailap ang mata.
“Me sasabihin ka pa?”
Tumindig. Asar. “Baka akala mo’y madali akong itaboy? You’re wrong, Princess. Babalikan kita, aaraw-arawin kung kinakailangan–hanggang pumayag ka. Bear that in mind.”
At tumalikod na.
“H’wag ka nang babalik! Konyo!”
MABIGAT na ang talukap ng kanyang mga mata, ayaw pa rin siyang payagang matulog.”Walang tulugan. Ang pumikit, hindi papapasukin sa tent!”
Inis na inis siya. Wala naman siyang makitang dahilan sa pagka-camping nila kundi makatakas sa init ng siyudad. Gusto naman niyang makatakas kay Chicoy at sa pangungulit nito. At siguro, gusto rin niyang maglibang. Sana’y nag-Baguio na lang sila. Wala naman daw datung ang tatlong bruha.
Nagbibidahan sila ay nakikinig lang siya. Mga kuwentong beki at berde ni Gay na napulot nito sa unibersidad, mga kuwentong kaliwaan naman sa opisina ang tsika ni Lou at mga anekdota nang tarayan, plastikan at sulutan naman sa trabaho ang kay Pey.
“Ang tahimik ‘ata ng ‘sang bata d’yan?” parinig iyon sa kanya.
“Ba’t ako nang ako’ng nakikita n’yo?”
“Ba’t ang pikon mo?”
“Ssshhh…tama nang asaran. Kaya nga tayo nag-out-of-town, e, para mag-enjoy. O, toast,” si Lou.
Atubiling nakipag-toast siya; ipiningki rito ang tangang lata ng beer.
Tuk-kooo! Tuk-kooo!
Napakislot sila, nag-ikutan ang mga ulo.
“A-Ano ‘yon?”
“Tuko.”
“Ano nga ‘yon?”
Tawanan.
Sabi ni Gay, “Alam n’yo bringer of bad tidings daw ‘yang tuko.”
“Ngiii!”
Hiyawan. Tilian. Tawanan uli.
“Ssshhh…Aapat-apat tayo, e, ang gugulo natin?”
“’Wag kayong maingay, baka marinig tayo ng kapre.”
“K-Kapre?”
“Ngiii!”
Tawanan. Hiyawan. Tilian. Latag na ang dilim at malakas ang paspas ng hangin. Pasado alas-onse na.
“’Tulog na tayo,” sabi niya.
“Sabi nang walang tulugan, e!”
Nakainom na siya, at siguro’y umakyat na rin ang alkohol sa ulo niya.
“Kung ayaw n’yo, uuwi na lang ako!” Tumindig siya at dire-diretsong naglakad pababa, tinatalunton ang daang pabalik sa main road.
“Hoy!”
Habol siya ng tatlo pero lalo siyang nagmatulin ng lakad, naging takbo at siya’y nakababa na sa kalsada. Malalayo pala ang agwat ng mga poste ng ilaw roon at bibihira ang dumaraang sasakyan. Parang gusto na niyang bumalik ngayong huminto na rin sa pagsunod ang tatlong kasama. Alam sigurong dumadrama lang siya, hindi makakatiis at muling babalik sa camping ground.
Mali. Natatakot nga siya pero ayaw naman niyang makantiyawan na tatampo-tampo siya ay babalik din pala. Natatakot din siya sa kapre at sa tuko. Pinatigasan niya ang pag-aabang ng sasakyang pabalik sa Maynila.
Wala.
Buwisit! Nakahakulipkip siya, pabigat nang pabigat ang talukap ng kanyang mga mata ay ayaw naman niyang pumikit. May dalawampung minuto siguro siyang nakatayo roon nang mula sa kanyang likuran ay mapansin ang papalapit na liwanag ng sasakyang iyon. Nagpapara siya nang nakataas ang hinlalaki, ala-hitchhiker. Malakas ang tunog ng stereo sa loob ng L-300 van.
“Hey. Hey. Tingnan mo nga ‘pag sus’wertihin tayo, guys.” Nakamulagat ang lalaking nakaupo sa unahang upuan ng van. Sa tingin niya, kargado: lasing, maaaring sa alak o sa droga. Mas malamang na sa drugs. Nagsilipan sa bintanang salamin ang iba pang sakay. Mga kabataang lalaki, pawang nakangisi at nanlalaki rin ang mga mata.
“Want a ride, baby?”
“No. Sige na!”
“Come on, masyado ka namang shy. Mababait naman kami, di ba, guys?”
“Of course!”
Binibingi siya ng maingay na tunog ng stereo. Nahiling niyang sana’y naririnig iyon ng kanyang barkada.
“C’mon.” Hinahaplos na ng lalaking nasa unahan ng van ang kanyang kamay. Binawi niya. Lumakad siya palayo; nakasunod sa kanya ang van. Binilisan niya ay inoberteykan naman siya.
Kumaripas na siya ng takbo. Walang lingunan. Bahala na. Basta makatakas siya. Alam niya ang mangyayari kapag naisakay siya ng mga lalaki sa van.
Nang papunta sila sa camping ground, may naraanan silang tulay na bakal sa kahabaan ng ahon-lusong na highway.
“Baka type mong maglagot,” sabi nga ni Gay. “D’yan, t’yak na wala kang kabuhay-buhay!”
Kung ilang kawayan ang taas ng tulay sa batuhang babagsakan sa ibaba.
Mailaw sa tulay. At doon man lamang, mapigil niya ang mga lalaking humahabol sa kanya sa masama nilang tangka. Tanaw na niya ang tulay. Naliligo nga sa liwanag. Ngunit ang higit na nakalugod sa kanya, may taong nakatayo sa gilid ng bakal na railing. Lalaki. At sa di-kalayuan, nakasilip siya ng kaligtasan.
Ang nakaparadang owner-type jeep sa tabi ng poste.
ITUTULOY…