HUDHUD: Ang Pagpapayabong Sa Tanyag Na Epikong Obra Maestra Ng Mga Ifugao

ni Richard Faller

BUKOD sa pagiging malikhain ng mga kamay ng mga Ifugao sa paghulma ng Hagdan-Hagdang Palayan ng Banawe na nirekognisa ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) bilang World Heritage Site, may anyo ng panitikan na higit nilang pinaglaanan ng kanilang malawak na imahinasyon at kaisipan kaya kinilala rin sa buong mundo: ang kanilang epikong Hudhud.

Pinaniniwalaang nagsimula pa ang epikong ito – na mahabang kuwentong inaawit – bago pa dumating ang ikapitong siglo na ipinasa ng mga ninunong Ifugao sa sumunod pa nilang mga henerasyon hanggang sa kasalukuyan – sa pamamagitan ng salimbibig.

Parangal sa Dakilang Obra Maestra

Kinilala ng UNESCO ang Hudhud bilang “Masterpiece of the Oral and Intangible Heritage of Humanity.” Naunang inilista naman ito para sa kaparehong kategorya ng Philippine Registry of Cultural Properties. Patunay lamang ito na nakalilikha na ang ating mga ninuno ng mga malikhaing panitikan bago pa man dumating ang mga dayuhang mananakop.

Tampok na Paksain

Tinatalakay sa Hudhud ang pakikipagsapalaran ng mga ninunong bayani ng mga Ifugao, ang kanilang kinaugaliang mga batas, mga tradisyon at paniniwala, mga bagay na pinahahalagahan, ugnayang pampamilya at pang-ili o komunidad, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa kanilang mga diyos at espiritu, kasama ang pagsasagawa nila ng mga ritwal. 

Pagbigkas ng mga Episodyo

Ang epikong Hudhud ay binubuo ng 200 mga salaysayin na may 40 episodyo bawat salaysay. Pinangungunahan ito ng munhaw-e o punong mang-aawit, na kadalasang isang matandang babae, na nagdadala ng salaysay. Sinasambot iyon at ipinagpapatuloy ng isang grupo o koro, ang mun-abbuy, na binubuo ng mga kababaihan. May mga pagkakataong panandaliang sumasali sa pagkanta ang ilang mga lalaki – ngunit ayon sa matatanda ay taliwas ito sa kanilang tradisyon. Inaabot ng ilang oras, isang araw o ilang mga araw ang pag-awit ng mga kabanata ng Hudhud.

Estilo ng Literatura

Punumpuno ng mga matalinghagang pahayag ang diyalektong Ifugao na ginamit sa paglalahad ng epiko. Matutunghayan ang mga tayutay – tulad ng mga aliterasyon, pag-uulit, metonimiya, pagwawangis o metaphor, at  paghihimig o onomatopoeia. Ito ang dahilan kaya mahirap unawain ang epiko at bihira ring matagpuan ang nasusulat na mga transkripsiyon nito. 

Mga Okasyong Pinagtatanghalan

May ilang mga okasyon kung kailan ay inaawit ng mga Ifugao ang Hudhud. Ito ay sa panahon ng pag-aani ng palay; sa pagdadamo sa mga palay o pag-aayos ng mga payyo; sa lamay sa patay lalo na kung ang nasawi ay isang mayaman o prestihiyoso; sa bogwa o ritwal ng paghuhugas ng mga buto ng bangkay; maging sa mga kasal, at iba pang lokal na selebrasyon.

Buod ng Epiko

Sa nayon ng Hannanga, isinilang ng mag-asawang Amtalao at Dumulao si Aliguyon. Lumaki siyang matalino at masipag na bata. Tinuruan siya ng kanyang ama ng maraming bagay, maging ang pakikidigma. Nang magbinata, ipinasya niyang sagupain si Panga-iwan, ang mortal na kaaway ng kanyang ama, sa nayon ng Daligdigan. Ngunit ang humarap sa kanya ay ang anak nitong si Dinoyagan, na bihasa rin sa pakikihamok. Ipinukol ni Aliguyon ang kanyang sibat dito. Ngunit sinalo nito iyon saka ipinukol pabalik sa kanya. Iniwasan niya muli iyon at sinalo upang ihagis muli sa katunggali. Hanggang animo kidlat na nagparoo’t parito ang sibat. Kung saan-saan sila naghamok na inabot nang kung ilang taon. Hanggang mapagtanto nilang walang mabuting idudulot ang kanilang hidwaan. Payapang nagkausap at nagkasundo sila. Ipinagdiwang ng mga tao ang kanilang pagkakaibigan. Hanggang pakasalan ng dalawang mandirigma ang kapatid na babae ng bawat isa. At namuhay sila nang masaya. 

Pagpapahalagang Moral

Ipinapakita ng epiko ang hindi pagdulog sa digmaan upang malutas ang isang matandang alitan. Dahil walang mabuting idudulot ito kundi pagkasawi lang ng maraming buhay. Ang mapayapang pag-uusap at pagkakasundo ang solusyon sa hindi pagkakaunawaan. Dahil ang lahat ay magkakapatid na dapat magtulungan at magmahalan. 

Banta ng Paglaho

Ang pagkakabinyag ng mga Ifugao sa pagiging Katoliko ay humahatak sa kanila palayo sa kanilang kinagisnang kultura. Mga traktora at makinarya na rin ang ginagamit sa pag-aani na hindi na nangangailangan ng pag-awit ng Hudhud. Kung pumapailanlang man ito, iyon ay nakarekord na lang sa mga CD habang pinatutugtog. Karamihan din sa nalalabing mga tagapagsalaysay ng epiko ay sobrang matatanda na. Ang mga kabataan naman sa makabagong henerasyon ay abala sa kanilang pag-aaral o trabaho kaya hindi na nagkakaroon ng puwang para sa mga tradisyong ito. 

Pagpapayabong

Nakapagsagawa na ng mga proyekto ang pamahalaan para sa dokumentasyon at pagrerekord ng epikong ito. Nakapaloob dito ang diseminasyon ng impormasyon at audio-visual sa mga tao at pagtuturo nito sa mga pampublikong paaralan sa Ifugao at sa Schools of Living Tradition (SLT), at pagtatanghal din sa mga kultural na selebrasyon.

Kamangha-manghang malaman na noong sinaunang panahon ay mayroon nang mayamang panitikan ang ating mga ninuno. Ang mas lalong maipagmamalaki ay nagawa nilang maipagpatuloy ito hanggang sa makabagong panahon at kinilala pa sa buong mundo. Sana lang ay magpatuloy ito sa pagyabong at hindi malubog sa pagkalimot.


Si Richard ‘Chad’ Faller ay isang award-winning writer. Bukod sa pagiging manunulat sa wikang Filipino, isa rin siyang English teacher. Nakapaglathala na siya ng mga nobelang pangromansa, nobelang gothic romance, romance stories, horror stories, maikling kuwento, kuwentong pambata, lathalain, sanaysay at tula sa mga kilalang publikasyon ng diyaryo, magasin at pocketbook sa bansa.