Tula ni Teo S. Baylen
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Enero 9, 1956)

Hayun…payao na ang abang Matanda
Sa dilim ng kanyang pinagmulang wala;
Baon ay sambigkis na poot at sumpa,
Katawa’y gusgusin sa pilat ng digma!


Anino ng isang pangitaing guho
Na ang dinaana’y landas na may dugo;
Ang ubaning ulo’y nagkakangyuyuko
Sa bigat ng kanyang pasang pagkabigo!


Sa sanga ng daan nama’y pasalubong
Ang nagtatalalan na bilugang Sanggol;
Ang kawalang-malay nito’y nagtatanong,
At ang kasaguta’y nasa iyo ngayon.


Anong pasalubong ang ipamamata
Sa Batang wala pang bahid ng pangamba?
Inggit? Lupit? Banta?… o ang natitira
Kay Pandorang kahong hintay ng lahat na?


Ipamamalay ba nating magkapatid
Na tayo kapuwa’y may sandatang sukbit?
Ang musmos bang iya’y dapat makarinig
Ng ngipin sa ngiping naglangi-langitngit?


Akayin ba natin ang Sanggol na ito
Sa daang may siga’t nagkalat na buto?
Dapat bang marinig sa aki’t sa iyo
Ang daing ng isang dayukdok na mundo?


O, ano nga kaya ang magiging handog
Ng sangkatauhang dinatnan ng lugod?
Tungayaw o awit?…Sandata o Kurus?
Kalapati kayang ipaiimbulog?