KUNG alam lamang naming malalagutan siya ng hininga noong 29 Disyembre 2020, sana pumayag na kaming ituloy ang Amelia Lapeña Bonifacio Writers Workshop noong taon ding iyon.
Huli kasi namin siyang nakita ay sa isa pang palihan.
Ika-59 ito ng University of the Philippines (U.P.) National Writers Workshop noong 19-23 Oktubre 2020.
Kapiling nga namin siya subalit parang wala rin siya roon.
Nasanay na rin kasi kami sa sandaling pamamahinga ng “Grand Dame of Southeast Asian Children’s Theater” tuwing may buwanang pulong kami.
Subalit iba kapag ang aming meeting ay nasa Zoom.
Bukod sa kitang-kita na ng lahat, naka-record pa!
Parang papet kaming walang papetir.
Walang makapindot sa amin, mula sa malayo, ng Stop Video.
O kahit makipag-Chat man, wala rin siyang katabi para basahin ito.
Isa iyon sa mga dahilan kung bakit namin ipinagpaliban ang palihang isinunod sa kaniyang pangalan.
Hindi namin akalaing iyon na pala iyon.
Nang pumanaw si Lola Amel, nilagom ng pangulo ng U.P. na si Danilo Concepcion ang ambag ng isa sa pinakamahusay nitong Professor Emeritus: “However, her greatest legacy lies in the intangible: in the memories and the imaginations of the generations of children who have watched the beloved characters from their favorite stories come alive, thrilling them with adventures, making them laugh, instilling a love for art and their own cultural heritage, and imparting valuable life lessons along the way.”
Tunay ngang ang kaniyang pamana ay di-mahahawakan.
Ibig namin, o natin, siyang maalala sa araliw o aral at aliw niyang iniwan.
Nagsimula ang “lahat” nang si Lola Amel ay maging Asian and Pacific Council (ASPAC) Research Fellow (1973) na nagpakilala sa kaniya sa bunraku — na mula sa pangalan ng tagapagtatag ng tropa na si Uemura Bunrakuken — na gumagamit ng malalaking manika, nagsasalaysay sa paraang joruri, at tinutugtugan ng munting samisen o lute ng mga Hapon.
Nang pinalad siya muli na maging Asian Research Fellow ng Ford Foundation (1974-1975), mula Japan siya ay nakarating sa Timog Silangang Asya upang mag-aral ng iba pang tradisyonal na teatro at makasulat ng maraming papel na matatagpuan sa kaniyang librong Theater in My Rice Bowl.
Subalit, higit sa anuman, ang kaniyang salita ay naging gawa.
Itinatag niya noong 1977 ang Teatrong Mulat ng Pilipinas.
Agad-agad itong inanyayahan sa International Workshop on Living Children’s Theater in Asia noong 1978 sa 18 lugar sa Japan at International Puppet Festival noong 1979 sa Tashkent, United Socialist Soviet Republic (U.S.S.R.). noong kalagitnaan ng kaniyang grant bilang United Nations Children’s Fund (UNICEF) Research Awardee (1977-1978) at Toyota Foundation Research Fellowship Awardee (1979-1983).
Naging bantog sila ng unang handog — na Abadeja: Ang Ating Sinderela (1977) — na nilapatan ng musika ni Felipe de Leon Jr. Dahil dito, ito ay tiningala bilang kauna-unahang dulang ganap ang haba para sa papet at kauna-unahan ding papet musikal.
Pagkalipas ng walong taon, mas tatanyag sila sa Papet Pasyon (1985) na isa sa pinakamatagal, kung hindi man pinakamatagal na papet musikal hanggang sa kasalukuyan. Sinaliwan naman ng musika ni Rodolfo de Leon, ito ay isang taunang pagsasadula ng buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Hesus na bersiyong papet!
Dumating dito ang Ohanashi Caravan na isang grupong taga-Tokyo na sumama sa Teatrong Mulat para magtanghal sa loob at labas ng Filipinas gaya ng Malaysia (1985), Thailand (1987), at Indonesia (1989).
Sa pagpasok ng Dekada ’90, siya ring pagputok ng Mt. Pinatubo noong 1991. Humingi ng saklolo sa kanila ang Department of Psychiatry ng U.P. College of Medicine. Kaya nagtanghal ng humigit-kumulang 30 palabas ang Teatrong Mulat para ibalik ang ngiti sa labi ng bata at nakatatandang binangungot ng trahedya o trauma.
Bagong milenyum naman ang hudyat para sa kanilang bago ring proyektong Sita & Rama: Papet Ramayana (2004) na pinagtulungang magtagumpay ng mga anak ng mga kaibigan niyang makatang sina Jose Ayala at Tita Lacambra-Ayala na sina Joey Ayala at Cynthia Alexander.
Anak din ni Lola Amel ang tumayong direktor nito na si Amihan Bonifacio Ramolete na ginawaran ng Pablo K. Botor Gawad Lingkod K.A.L. sa kaniyang pagtupad ng tungkulin bilang dekana ng Kolehiyo ng Arte at Literatura noong 2015-2021 na maituturing na pinakamaligalig na panahon mula sunog sa U.P. Faculty Center hanggang pandemya!
Siya rin ang tumayong kahalili ni Lola Amel sa pamumuno ng Teatrong Mulat mula pa noong 2012. Kabilang na rin ang kaniyang mga anak sa pagpapatuloy ng nasabing tradisyong dati-rati ay wala sa bansa.
Nagbukas ang tahanang nilang tanghalan noong 2006 sa tulong ng dalawang pangulo: Fidel Ramos at Joseph Estrada. Dinarayo ito ng mga mag-aaral, guro, at magulang upang makapanood ng nagtuturo habang nang-aaliw na papetring may musika na at may sayawan pa!
Biglang naging Amelia Lapeña Bonifacio Teatro Papet Museo ang Cultural Center of the Philippines noong 11 Disyembre 2021.
Hinawan ng halos lahat ng papet doon ang landas patungo sa Pagpupugay ng Bayan para kay Amelia Lapeña Bonifacio Pambansang Alagad ng Sining para sa Tanghalan.
Bilang kasamahan — sa Likhaan: U.P. Institute of Creative Writing (I.C.W.) — ang inyong abang lingkod ang isa sa naatasang magbaliktanaw.
Sa halip na magkuwento, tumula ako.
Kinatay tuloy ng tugma’t sukat kahit ang katahimikang para sana sa pagtanaw ng utang na loob.
Kaya hayaan ninyo ang pagpapasalamat sa lahat.
Una, para sa Akdang Buhay na hindi sana maisasakatuparan kung wala ang Teatrong Mulat.
Ikalawa, para sa kaniyang pagiging panauhing pandangal sa huling Makiling Inter-Cultural Arts Festival (MAKILINC) na kinalugdan ng hindi lamang ng buong Philippine High School for the Arts kundi ng iba pang bisitang kaparis ng tagahanga niyang si Dr. I. Nyoman Sedana — direktor ng Indonesian Arts Institute — na kanilang pinakain pa ng tanghalian ng kaniyang pamilya bago bumalik sa Bali!
Ikatlo, para sa U.P. National Writers Workshop – na pinangasiwaan ni Lola Amel noong 1995 – na nagsilang, halimbawa, sa Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) at Ilustrador ng Kabataan (I.N.K.) na kinabibilangan ng anak kong si Wika ngayon.
Kung tutuusin, hindi kailangang magpaalam.
Ginawa siyang immortal ng kaniyang 20 libro, 36 na dula, 108 maikling kuwento, 48 sanaysay, 25 tula, at isang nobelang natapos niya noong siya ay 86 taong gulang na!