ni Johannes L. Chua
“Ang Mona Lisa na gawa ni Da Vinci ang inspirasyon ng Mohanna Lhasa,” ani Randy P. Valiente sa gawa niya na naging pabalat ng isyu ng Liwayway ngayong Enero 2022. “Nag-isip ako ng ‘Sri Vijaya/ Malay race’ version ng Mona Lisa at aksidenteng pumasok sa isip ko si Mohanna Lhasa. Pabirong konsepto lang ito sa una. Ginawan ko ng sketch at nagulat na lang ako nang ipininta ko na siya gamit ang watercolor at gouache.”
Si Valiente, 45 taong gulang, ay kinikilala bilang isa sa mga popular at tinitingalang dibuhista ng komiks sa kasalukuyan. Ang kanyang komiks-serye, “Wala Nang Tao sa Maynila,” ay tumanggap ng parangal (Best Filipino Graphic Novel) mula sa 2018 Comicon Asia at nailalathala sa pahina ng Liwayway.
Nakapag-aral ng kursong arkitektura mula sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), si Valiente ay lumaki sa Sta. Ana, Lungsod ng Maynila. Bata pa lamang siya ay mahilig nang magbasa ng komiks at ito ang naging daan upang mahikayat siyang gumuhit at lumikha ng mga kuwento.
Mga lokal na komiks ang naging pundasyon ni Valiente kaya karamihan na rin sa kanyang iniidolo ay nagmula sa hanay ng mga manunulat at dibuhista ng komiks. Mailalarawan ni Valiente ang kanyang estilo bilang “Pilipino komiks na minsa’y nahahaluan ng impluwensya mula sa iba’t ibang bansa.”
“Wala na siguro akong mahihiling pa bilang komiks creator dahil halos lahat siguro ng sulok ng paggawa ng komiks ay napagdaanan ko na. Kahit ang pagdu-drawing sa ibang bansa.”
“Wala na siguro akong mahihiling pa bilang komiks creator dahil halos lahat siguro ng sulok ng paggawa ng komiks ay napagdaanan ko na. Kahit ang pagdu-drawing sa ibang bansa,” ani Valiente. “Ang hiling ko lang siguro ay magkaroon ng sapat na panahon upang makagawa ng sarili kong likha at iyon ay pagbubuhusan ko ng tiyaga.”
Bukod sa parangal sa Comicon Asia at paglathala sa Liwayway, may dalawang animation/ film production na ang kumausap sa kanya at balak umanong gawing pelikula ang “Wala Nang Tao sa Maynila” subalit wala pa itong pinal na usapan.
Inaasam ni Valiente na marami pang “creator owned” na likha sa mga darating na panahon. Nais na niya kasing gawin at tutukan ang mga sarili niyang likha. Hinahangad niya na yumabong pa nang husto at lumawak ang “playing field” sa buong mundo ng sining biswal.
Payo niya sa mga kabataang nais na maging katulad niya na kilala sa mundo ng komiks, kailangang “mangarap, magtiyaga, at maging mabuting tao.
“Punuin natin ng magagandang bagay ang mundo,” payo ni Valiente. Sinimulan na niya ito at makakaasa tayo na marami pang darating na magagandang dibuho mula sa kamay at imahinasyon ni Valiente.