Ni Dominic Dayta
Pinanood kitang maglaho
bitbit ng ‘sang dambuhalang tren
na magdadala sa ‘yo sa malayo.
Sino tayo, kundi dal’wang biyahero
na sa isang saglit ay napahinga
sa bisig ng isa’t isa.
Nainitan, maging sa gitna ng ulan.
Hindi nag-alinlangan, kahit sa kawalan.
Ngunit ang saglit, sakupin man
ang walang hanggan ay saglit pa rin.
At ang minsan, abutin man
ng isang buwan ay minsan din.
Ang dalawang biyaherong namahinga
sa dulo’y hahayo rin.
Ngunit saang ibayo ka man abutin,
gaano kalayo pa ang marating –
hindi ka nalalayo sa akin.
Mag-ingat ka sa biyahe mo,
‘pagkat bitbit mo ang puso ko.
Si Dominic Dayta ay isang estadistiko at manunulat mula sa Caloocan. Nailathala na ang kaniyang mga kuwento at sanaysay sa mga peryodiko gaya ng Philippine Daily Inquirer, Philippines Graphic, Brasilia Review, at Quarterly Literary Review Singapore.