Kung Kinuha na ang Lahat sa Atin

ni Efren Abueg

“Ha? Teka…hindi mo alam ang tungkol sa mga papeles na dinala rito kangina lamang ng special messenger ni Attorney?”

(KATAPUSANG LABAS)

TOTOONG lahat, kung gayon, ang mga sinabi sa kaniya ni Amyra. Aalis siya sa law offices nina Chito at Torre, Jr. kapalit ng iniwan ni Dino kay Ming! Parang naririnig pa niya ang pahayag ni Atty. Koko Planas tungkol doon.

“Oras na pirmahan nina Chito at Torre, Jr. ang papeles na hawak ko, masusunod ang lahat ng pinag-usapan namin ni Ms. Amyra.”

Pipirma ba naman ang dalawa kung gusto pa niyang manatili sa law offices ng mga ito?

“Alam ito ni Ming?” 

Umiling si Atty. Planas.

“Hindi ibubulgar ni Ms. Amyra kay Romina ang problema niya sa iyo para lang makasal kayo nang maayos.”

Nakahantad noon sa mesa ni Atty. Koko Planas ang mga papeles na iyon. 

“I am sorry, Edel. Nakapirma nga si Dino sa iiwan kay Romina pero kailangan ang counter signature ni Ms. Amyra.”

Ginagamit ba ni Amyra ang lagda nito sa papeles na iniwan ni Dino para mahila siyang palayo kina Chito at Torre, Jr?

“Tulad ng ibang abugado, ayaw ko rin na malayo ka sa law offices nina Chito.  Pero what can I do… abugado lang niya ako?” sabi pa ni Atty. Planas.

Nawala na sa kamalayan ni Edel ang magdaan kahit saglit sa opisina ni Amyra bago siya nagtungo sa paradahan sa basement ng gusali. Mabigat ang pakiramdam niya nang mga sandaling iyon.

Sa ilang taon niyang paglilingkod sa mga Sobresantos, hindi niya nadama ang gayong bigat. Nagdaan siya sa maraming “assignment” na ibinigay sa kaniya ng matanda, at natuto siya ng “paglapit” sa lahat ng klase ng mga tao sa gobyerno. Ngunit kung may mga “follow-up” na kailangang gawin, sa matanda na lamang niya ipinauubaya iyon. 

Ngayong kailangang balikan niya si Chito, saka siya kinakapos ng hininga. Parang kandilang nasasagad ang pagkaupos niya. Sa napipintong pagkawalay niya sa “law offices” ng kaibigan, parang nakita niyang pinapatay pa ni Amyra ang aandap-andap nang sindi ng kaniyang kandila.

Oo. Haharapin niya ang kondisyong iniatang ni Amyra sa kaniyang balikat! 

Nasa isip pa rin niya si Ming.“Mahalaga siya sa akin!” Parang sumisigaw siya sa paradahan sa ilalim ng gusaling Sobresantos.

Alam niyang kalayaan ni Ming ang katapat ng pagyao ni Dino at ang pagkakalas sa pagiging trophy wife nito. Saka mababawi pa ni Ming ang lupang sinilangan nito, kapalit ng kaniyang sakripisyo! Ngunit hangga’t hindi pa siya nakakahiwalay kina Chito, nasa mga kuko pa ni Amyra si Ming!

Makapagtitiis pa siya sa paglilingkod kay Amyra. Patuloy niyang maisusugal ang pagkalalaki niya sa pagkababae nito, huwag lamang parang yagit na magpalutang-lutang sa lungsod si Ming!

Ngunit ibig pa rin na makita si Ming bago siya makasal kay Amyra! At mabawi ang nawalay na lupang kawayanan noon ng yumao nitong ama.

Kinagabihan, nakapagpasiya na si Edel. Gagawa siya ng sulat para sa dalawa niyang kasama sa law offices. Personal niyang iaabot iyon kina Chito at Torre, Jr. para maging bahagi ng opisyal na file ng mga naglilingkod doon. 

“Kailangan ako bilang isa sa mga personal na abugado ng Sobresantos Enterprises,” simpleng sasabihin niya kay Chito at kay Torre, Jr. kung naroon ang mga ito sa bupete.

Alam niyang maiintindihan ni Chito na ikakasal siya kay Amyra. Alam nito ang personal na pangangailangan ng isang magiging asawa sa negosyo nito. 

“Mangyayari ang lahat ng gusto ni Amyra at hindi ka makakatanggi!” Hindi niya inaasahan na iyon ang sasabihin sa kaniya ng kaibigan!

NAGING isang mailap na gubat ngayon kay Edel ang lungsod. Hindi na ito ang larangang pinasok niya nang lumuwas siya para mag-aral ng abugasya. Hindi na ito kailangang igupo niya at iproklamang napagtagumpayan niya ang karalitaan sa kabila ng pagbabatak ng buto ng magsasaka niyang ama. Magiging asawa na niya si Amyra na ginawang pain ang yaman at katawan nito para tuluyan siyang mapabilang sa mga ari-arian nito.

Nagawa na niya ang sulat kina Chito at Torre, Jr. nang gabing iyon nang tumunog ang cellphone niya.

“Nasaan ka?” Tinig iyon ni Amyra.

“Hindi na ako nagdaan sa opisina mo dahil may kailangan akong gawin ngayong gabi.

“I was also busy that I did not know that you have dropped by at the office of Atty. Planas. You know that I have to track down always our engineer to be updated in the progress of our building construction in the University Belt!”

Isa iyon sa mga gusaling may puhunan ang mga Sobresantos.

“Why did you not come back to our office?” 

“Lahat ng mga kailangang gawin ko today…”

Pinutol agad ni Amyra ang mga sasabihin niya.

“You know what we have to discuss since the sale of lands in Bulacan and the erection of our new building in Recto Avenue…”

“We covered a lot of plans after the 40th day of Dino’s departure.” Iyon ang ganti ni Edel sa sinabi sa kaniya ni Amyra.

“Hindi ‘yon about us…”

Ibig na ni Edel na sabihin kay Amyra ang napag-usapan nila ni Atty. Planas.

“You know that after we discussed business, we talked about ourselves!”

“Pagod ako ngayong gabi.”

Hindi umimik si Amyra, ngunit parang nag-isip ito ng iba pang sasabihin sa kaniya.

“Well…you will sleep a lot tonight…”

“Nakahiga na ako nang tumawag ka.” Abala si Edel sa pagrepaso ng sulat na ibibigay niya kay Chito kinabukasan.

“Then come to the condo the earliest time tomorrow!”

“May hindi ka naipasang trabaho sa akin?”

“I don’t feel good after my work in the office.”

“I will come then…” sagot ni Edel.

Wala na siyang narinig mula kay Amyra habang nakaplakda pa sa tainga niya ang cellphone.

SA isang special messenger ipinadala ni Edel kay Chito ang kaniyang sulat kinabukasan. 

“I have to see you one of these days,” mensaheng iniwan pa ni Edel sa file ng kompyuter ni Chito.

Tiyakan sa sulat ang desisyon niyang umalis na sa law offices na iyon. Handa na niyang yakapin ang ano mang desisyon ni Amyra alang-alang kay Ming.

Nagtuloy siya sa condominium ni Amyra. Duplikadong susi ang ginamit ni Edel para makapasok sa malaking apartment ng dalaga.

Alas nuwebe na ng umaga at karaniwang nasa labas na ito sa pag-aasikaso ng mga kabuhayan mula nang yumao si Dino.

Ngayon, sa higaan inabot ni Edel si Amyra.

“Ipagluluto kita…” sabi niya.

“Quick breakfast ang ginawa ko…”

Mukhang nagbalik nga sa kama si Amyra at doon siya hinintay.

“Ipinaghanda naman ako ng boarder ko ng almusal, kasunod ng nangungupahan niyang mga empleyado.”

Naupo si Edel sa gilid ng kama ni Amyra. Hinubad niya ang jacket na suot niya ngayong palapit na ang Disyembre.

“Baka kailangan mong dalhin sa doktor.”

Tuyo ang ngiting isinagot ni Amyra. “No! No!”

“Magpahinga ka na lamang kaya. For several days, hindi ka naman tumitigil.”

Nakatitig si Amyra kay Edel nang mga sandaling iyon.

“You need to talk about all your activities these days?”

Umiling si Amyra at parang may ikinubli nang bumaling sa malapit na durungawan ng condo.

Matalas naman ang pakiramdam ni Edel. Naisip niyang walang katapusan ang trabaho ni Amyra mula nang mamatay si Dino.

“Umiiyak ka, Amyra?”

Hindi na maikakaila sa kaniya ang nakita niya sa mga mata ng babae.

Biglang bumaling si Amyra kay Edel at niyakap ang isang bisig niya.

“You are thinking of Romina after you have not meet her these days?”

Hindi nakasagot si Edel. Bakit ganoon ang tanong ni Amyra?

“Ikaw ang masama’ng katawan. Bakit siya ang sinasabi mo sa akin?”

Lalo lamang niyakap ni Amyra ang isa niyang bisig, saka nagbangon pagkaraang lihim na pahirin ang nasulyapan niyang mga luha nito.

“What you have seen recently with Atty. Planas was an ordeal for him!”

Nakatawa naman kay Edel si Atty. Planas nang bumungad siya. Hindi naman matagal na nag-usap sila.

Ano ba ang isasagot niya kay Amyra? Nililito ba siya nito? Bakit umiyak ito na parang ibig pang itago sa kaniya?

“Mahal mo si Romina, ano?”

Ano ang kaniyang isasagot kay Amyra? Nakasusi na ang pagpapakasal niya rito! Bakit ganoon pa ang tanong nito sa kaniya?

Inulit ni Amyra ang tanong nito tungkol kay Ming.

“Kinausap ko ngayong umaga si Atty. Planas. On the way na kay Romina ang kaniyang messenger!”

Tuyo na ang mga bakas ng luha sa mga mata ni Amyra. Alam nito kung nasaan si Ming?

“You need not talk with Chito and company through Atty. Planas this morning. He had enough info from me to discuss things with you!”

Namangha si Edel sa narinig kay Amyra.

“Maysakit ka nga ba, Amyra?”

Kapwa sila umibis mula sa kama at mahigpit siyang niyapos ni Amyra. Hinalikan siya nito sa bibig.

“You love Romina despite what had transpired with her and Dino…” sabi nitong hindi naman patanong.

Hindi siya magiging matapat sa kaniyang sarili kung hindi niya aaminin ang isasagot kay Amyra.

Nakatitig siya sa kaharap. “Tapos na ang lahat sa amin ni Ming. Bakit hindi ko pa sasabihin na mula sa pagluwas ko sa Maynila hanggang sa mag-aral siya’t makasal kay Dino, di ko pa rin siya nalilimot. Laging kapakanan niya ang naiisip ko.”

Ngayon, nakangiti na sa kaniya si Amyra. “Kung welfare niya ang nasa mind mo, rest assured na wala ka nang iintindihin. What the messenger of Atty. Planas will bring to her is the land now irrigated by the government through the dam we saw above us. Rest assured that such piece of land will bring her a lot, not to mention her income from the beach resort facilities that we built for some years!”

“Salamat, Amyra. Magiging loyal ako sa iyo hanggang gusto mo!”

Tumawa lamang si Amyra.

“You can go to the office now and ask the secretary to do the routine for her today. I will stay here until I am okay tomorrow!” sabi pa ni Amyra.

“Sigurado ka that you don’t need a doctor?”Nakangiti na si Amyra. Nakahinga naman nang maluwag si Edel ngayong patungo na ang mensahero kung nasaan man si Ming.

“By the way, Amyra, saan pupuntahan ng mensahero si Ming?” painosenteng tanong ni Edel.

“Why? Did not I tell you sometime that she is back in the former place of her parents?”

Tumango lamang si Edel at mabilis na nagtungo sa kotse niya sa basement.

WALA gaanong kaabalahan si Edel nang araw na iyon. Nagtungo siya sa mga opisina nila ni Amyra at tinapos ang ilang maliliit na detalye na hindi niya nabasa kahapon. Ngunit na kay Ming ang kaniyang isip. Hanggang nang mga sandaling iyon, ibig niyang makasarilinan ito. Kailan ba niya matitiyempuhan ang kababata kundi ngayon lamang na nasa condo si Amyra at nagpapahinga.

Hindi malalaman ito ni Amyra. Hindi naman magsasalita tungkol sa kanilang dalawa si Ming. Ikakasal na sila ni Amyra at iiwasan nito na makagawa ng ano mang alingasngas.

Kinalkula ni Edel ang oras ng kaniyang paglalakbay patungo sa lugar nila ni Ming. Magmula nang ilunsad ang modernisasyon ng mga kalye sa mga pambansang lansangan, bigla ang pagbilis ng mga biyahe. At hindi naman nila kailangan ang mahabang oras ng pagkikita.

Nagulat nga si Ming pagparada ng sasakyan ni Edel sa makabagong pasilidad sa beach resort. Parang hanging nagdaan siya sa tulay na nag-uugnay sa garden resort na pag-aari ng Sobresantos Enterprises.

“Alam ni Amyra na pupunta ka agad dito?” nasabi ni Ming nang pinatatanghalian na siya nito.

Umiling si Edel. Nakatitig lamang siya sa kababata na parang ilang taon nang hindi niya nakikita.

“Ha? Teka…hindi mo alam ang tungkol sa mga papeles na dinala rito kangina lamang ng special messenger ni Attorney?”Si Atty. Koko Planas ang tinutukoy ni Ming.

“Sige, kain ka na muna. Kukunin ko sa kuwartong ginagamit ko ang mga papeles na padala rito ni Amyra kanina lamang!”

Nakangiti na hindi mawari ni Edel ang ekspresyon sa mukha ni Ming.

Pagbalik ni Ming, balumbon ng mga papeles ang dala nito. Binuklat agad ni Edel ang mga iyon. Napamaang siya.

“Akala ko…mamayang gabi pa ang dating mo,” sabi ni Ming.

Hindi makapagsalita si Edel. Kasama sa mga papeles na hawak ni Ming ang para sa garden resort na inilipat ni Amyra sa pangalan niya. 

“Siguro, pasyalan natin mamayang hapon ang manggahan ng parents mo.”

“Babalik ako sa office ni Amyra mamayang alas sais!”

“Hindi sinabi sa iyo ni Amyra na hindi na matutuloy ang kasal ninyo?”

Napatulala si Edel. Kaya pala umiyak at niyakap siya ni Amyra nang dumating siya sa malaking apartment nito sa condominium na iyon. 

(WAKAS)