Ilang buwan na ang nakakaraan nang muli kong balikan ang pag-iiskeyt.
Maraming nagsasabi na ito diumano ang “pandemic sport” dahil muli itong nauso sa panahon ng Covid-19. Isa na nga ata ako sa mga nahuli sa balita, dahil nito ko lang din nalaman na ang lawak na ng mga komunidad ng mga skaters lalo na sa Facebook, mapa-quad skates man o inline skates (na mas kilala sa tawag na roller blades).
Hindi ko na matandaan kung ano ang okasyon noong una akong makatanggap ng isang pares ng roller skates. Ang mas naaalala ko ay isa iyong dilaw na pares na gawa sa plastik at doon isinisilid ang sapatos para ka makagulong sa sahig. Ang tita ko ang nagturo sa akin kung paano ito gamitn, mula sa pagbalanse, pagbuhat ng paa, at pag papadulas nang hindi bumabagsak. Natural, nakailang bagsak ako bago ko natutunang gamitin ito.
Kalagitnaan iyon ng dekada-90 nang una akong mahumaling sa pag-iiskeyt, lalo na nang mauso ang roller blades. Halos lahat ata ng mga bata sa barangay naming ay nag-iiskeyt, at bilang taas-baba ang mga kalsada sa amin, minarapat ng konseho ng aming lugar na magpagawa ng skating rink. para na rin maiwasan ang mga nagbabadyang sakuna.
Siguro ay may dalawa o tatlong taon na nanatiling uso ang pag-iiskeyt, hanggang sa ito ay unti-unting nalimutan ng karamihan. Marahil ay dahil sa ang mga dating sabik mag-iskeyt ay mga bata at sa kanilang paglaki ay nag-iba rin ang kanilang mga hilig. Pati rin naman ako. May panahon na mas naging uso ang skateboard, na di hamak na mas mura at mas madaling aralin kumpara sa pagrampa na may mga gulong sa bawat paa.
Tuluyan ko atang inabandona ang pag-iiskeyt pagtungtong ko ng hayskul. May isang beses ako na nag-iskeyt sa Quezon City Circle, noong panahong malapit nang gibain ang lumang skating rink sa loob nito. Minsan din ay nagawa kong rumampa sa Tacloban, isang dekada halos bago ito muling bumalik sa uso.
Kung susuyurin mo ang Maynila, panigurado ay may makakdaupang-palad ka na mga nag-iiskeyt. May mga grupo na rumarampa sa mga aspaltong daanan ng CCP, o di kaya sa may tapat ng Malate Church, o tuwing Sabado’t Linggo sa BGC. Ang iba naman ay dumadayo sa mga “skate park” sa Tondo, Cainta, o Tagaytay. Ako naman ay malimit na nag-eensayo sa isang paradahan ng mga sasakyan as Mandaluyong halos gabi-gabi.
Pero kung tutuusin, kami na may mga espasyo na mapag-gugulungan ng aming mga paa ay masasabi mong mga pinalad. Bakit, kamo? Kami itong may pamasahe para dumayo, o mga nakatira malapit sa mga lugar kung saan ligtas kaming makakarampa. Ang ibang mga espasyo na itinayo alang-alang sa mga nag-iiskeyt ay may bayad.
Madalas rin na dahil sa hindi lubusang naiintindihan ng ibang mga tao kung ano ang halaga ng pag-iiskeyt, marami sa amin ang hindi pinapayagan na mag-ensayo sa mga pampublikong lugar, tulad na lamang sa mga plaza o basketball court na kung saan mas ligtas kami dapat na makakapaglaro.
Ang dapat siguro mabatid ng madla na ang pag-iiskeyt ay higit pa sa isang hilig, o isang larong nawawala at bumabalik sa uso depende sa panahon. Isa itong mabisang paraan upang makapag-ehersiyo, dahil lahat ng kasu-kasuhan ay ginagamit upang mapanatili ang iyong balanse habang umaandar sa semento.
Isa rin itong alternatibong paraan ng pagbiyahe, lalo na noong kasagsagan ng quarantine at limitado ang pampublikong sasakyan. May mangilan-ngilan ding skaters na ginamit ito sa kanilang mga raket tulad ng paghatid ng gamit o pagkain. Sa ibang bansa, may mga paligsahan para sa mga nag-iiskeyt na halos humahanay sa ice skating at hockey. Ang skateboarding din, ay isa nang larong pang-kompetisyon sa nagdaang Tokyo Olympics.
Maraming magagandang oportunidad ang nag-aabang para sa mga nahihilig mag-iskeyt, pero paano namin makakamit ang mga ito kung wala ang isang bagay na tunay naming kailangan: ang ligtas na espasyo?
Patuloy kaming nakakaranas ng pagtataboy dahil maaari kaming masangkot sa aksidente at makasira ng pag-aari ng iba. Baka rin maging kargo pa kami ng may-ari ng lugar kung saan kami sumemplang o nabalian ng buto. Madalas rin kaming tignan na para bang nakakaulang sa mga aktibidades ng ibang mga gumagamit ng pampublikong, tulad ng mga nagbibisikleta at ng mga nag-eensayo sa pagtakbo.
Delikado kami sa kalsada. Limitado ang mga lugar na pumapayag na doon kami maglaro at rumampa. Ang iba, may oras at kailangan ipakausap. Ang iba naman ay malalayo. At ang ibang mga bagong tayo na espasyo para sa mga skaters ay may bayad, na kalimitan at hindi abot ng karamihan sa amin.
Kaya ang tanong ng mga tulad ko ngayon, saan kami lulugar?
Matagal nang wala ang skating rink sa barangay na aking kinalakhan; ginawa na itong hardin na pinagdarausan ng mga kasal o binyag. Marahil kung andoon pa iyon ay doon ko pipiliin na mag-iskeyt. Pero sa ngayon, kung hindi sa dulo ng iskinita malapit sa tulay na nagdurugtong sa Pasig at Kyusi, mapipirmi muna ako sa paradahan na sa tuwing pagsapit ng dilim ay saka lamang nagpaparaya sa aking napiling layaw.