Ni B. S. Medina Jr.
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Disyembre 12, 1955)
SINALAT ni Ansel ang katauhang kahoy na iyon; pinaraan niya ang kanyang mga daliri sa buhok, sa noo, sa ilong, sa bibig, sa dibdib nang hindi tumitingin sa kanyang sinasalat… Nguni’t walang larawang mabuo sa kanyang isipan. Pumikit siya sa pag-asang baka may lumitaw na larawan sa saglit na karimlang iyon.
Tiningnan niya ang katauhang kahoy: kahoy nga, walang buhay, di-makapukaw-damdamin sa tumutunghay.
Saka niya pinagmasdan ang mukha niyon. Napayuko siya. Hindi iyon ang nais niyang maiharap kay Pari Manuel.
—Isang munting Hesukristo para sa kapaskuhan, Ansel. Ang Niño na ihihiga natin sa sabsaban para sa simbang-gabi.
Wala sa katauhang kahoy na iyon ang hinahanap niya. Kinuha niya ang pait.
—Ano pa ang gagawin ko rito? Kailangang baguhin ko ito… baguhin…
Nguni’t narinig niya ang tinig sa kanyang likuran: —Ansel!
Si Tata Mundo iyon. Ang amaing nagturo sa kanya ng paglilok sa kahoy, ang taong nagkaloob sa kanya ng mabisang paraang magpapakilala ng kanyang pagka-artista.
—Ano ang gagawin mo, Ansel? —Nabitiwan ni Ansel ang pait. Nawalang bigla ang lakas ng mga daliri niya.
—Wala po… wala po. — Nakakunot ang noon ng kanyang amain.
—Kikinisin na lamang iyan, Ansel. Mapipintahan na ni Guling. Siguro’y maihahatid na natin iyan kay Pari Manuel sa makatapos ng buwan.
Napatango si Ansel. Nang makita niyang lumayo na ang kanyang Tata Mundo’y tila biglang nagbalik ang lakas sa kanyang mga daliri. Dinampot niya ang pait. Kinuha na rin niya ang palo. Itinuon niya ang talim ng pait sa mukha ng katauhang kahoy.
Matagal na niyang hinahanap ang larawang maaaring matularan niya paglilok ng Niño Jesus. Hindi kailangang maging ganap na kagandahan; ang kailangan ay makalikha iyon nang gigising sa kanyang damdamin at bubuhay sa kanyang diwa ng isang paniwalang iyon ang tunay na larawan ni Jesus sa maluwalhating gabing iyon sa Belen.
Ngunit saan niya hahanapin ang larawang iyon?
Saka niya magugunita si Merced: isang gunitang dapat malimot sapagka’t mapait. Magugunita niya si Merced: ang babaing pinag-ukulan niya ng pagmamahal, ng pangalan. Si Merced na dapat maging ina ng kanyang anak.
Ang anak na iyon… iyon ang larawang nawawaglit. Nguni’t saan niya hahanapin ang larawang iyon? Si Merced ay gunitang dapat malimot sapagka’t mapait na gunita.
Napatigil sa paggawa si Ansel. Sira na naman ang mukha ng katauhang kahoy na iyong dapat matapos bago maglipat buwan sapagka’t kailangang maihatid sa kura paroko.
MATAGAL na silang kasal ni Merced. At sa isipan ni Ansel, ang tagal na iyon ng panahon ay hindi gaanong kainip-inip sapagka’t masaya silang nagsasama. Subali’t ang gayong katiwasayan ng mga sandali ay pinipinsala ng mga panunukso.
—Ano ba, tila walang nangyayari, a…— anang isang kaibigan.
—Hindi yata kayo nagdarasal, e…— paalala ng isang matandang dalaga.
Marami nang dasal ang nagawa nilang mag-asawa. Marami na ring simbahan ang kanilang napasok. Sinunod na nila ang mga hatul-hatol. Hanggang sa patingin sila kapwa sa doktor.
—Apat na taon na tayong nagsasama, Merced. Ang mabuti yata’y kumunsulta na tayo.
—Hindi kaya nababalam lamang? Baka kahiya-hiyang patingin tayo…
Napatawa pa si Ansel noon.
—Bakit kahiya-hiya? Kasal na naman tayo.
Napatingin sila. Makaraan ang ilang araw ay bumalik na sila sa manggagamot upang alamin ang kinalabasan ng pagsusuri. Ang pagbabalik na iyon ay naghatid ng kabiguan kay Ansel. Maliit na maliit daw ang pag-asang sila’y magka-anak.
—Huwag mong ikalungkot, Ansel. Hindi naman isang sakuna iyan. Wala namang napinsala sa iyo.
Pilit na ngumiti si Ansel. Si Merced ay sadyang may pangkaraniwang isipan.
—Nguni’t malayo raw na ako’y maging ama! Narinig mo ba? Hindi ba isang malaking sakuna iyan? Hindi ba isang malaking kapinsalaan iyan? Ano na ako sa iyo kung hindi ako maaaring maging ama? Kung maliit ang pag-asang ako’y maging ama?
Napadilat noon si Merced. Napansin ni Ansel na namutla ang kanyang kabiyak.
—Ansel! Hindi naman kita inibig nang dahil lamang sa ibig kong maging ama ka…
Napabuntunghininga lamang si Ansel. Sadyang mapagmahal ang asawa niya.
—Nalalaman ko…nalalaman ko, Merced.
Niyakap ni Ansel ang asawa. —Ang naaalala ko’y ang sasabihin ng mga kaibigan natin. Tutuksuhin nila tayo at sasabihing walang kabuluhan ang ating pag-aasawa…
—Hindi lamang naman iyan ang tungkulin ng mag-asawa. Maski itanong natin kay Pari Manuel.
Nagtungo sila kay Pari Manuel. Para kay Ansel ay kalabisan na ang pagtungong iyon, ngunit pumayag na rin siya bilang pagbibigay sa asawa.
—Kung kalooban ng Diyos na huwag kayong bigyan ng anak, iyon ay matutupad. Subali’t maraming pangyayaring di kapani-paniwala na maipaliliwanag lamang ng pananalig sa Diyos… Manalig kayo sa Kanya at huwag mawalan ng pag-asa.
Nguni’t kay Ansel ay napakahalaga ng sinabi ng manggagamot : Maliit ang pag-asang magkaanak sila.
NOONG una’y kasama si Ansel sa pagsisimba ni Merced. Noong hindi pa siya napatitingin sa doktor. Ngayon, nanghihinawa na siya sa paghingi sa Diyos ng biyayang siya’y gawing isang ama. Ngayon, hinayaan na lamang niya si Merced sa pananalangin nito.
Naiwan siya sa kanyang gawain sa talyer ng kanyang Tata Mundo. Kadalasan, kung nararatnan siyang gumagawa ni Merced ay nasasabi nito: —Isang santo na naman iyan… Isang imaheng kakausapin ko upang sana’y maging ina ako.
Napangiti lamang si Ansel. Napangiti siya sapagka’t inakala niyang kabaliwan na lamang ang umasang maging ina ang kanyang asawa.
—Sumama ka sa akin sa pagsisiyam, Ansel. Nawalan ka na ba ng tiwala sa bisa ng panalangin?
—Nguni’t, Merced, di mo ba narinig ang sabi ng doktor? Maliit ang pag-asang … O, huwag na nga, sumama lamang ang loob ko.
Makikita ni Ansel na luluha si Merced. Ilalayo sa kanya ang mga mata niyong pamumulahin ng luha.
Napakislot sa pagmumunimuni si Ansel.
—Maaari nga kayang mangyari ang gayon?
Ang lakas ng panalangin : ang bisa niyon… Si Merced ay napanibulos sa paniniwala sa panalangin, sa lakas at bisa niyon. Kinakausap nito ang mga santo, ang mga imahen niyon sa maraming simbahang pinupuntahan nito. At hinihingi roon ang isang himala : na ang kanyang asawa’y maging ina.
—Gayon nga kaya?
Hindi makapaniwala si Ansel na tinugon ng mga anghel at mga santo, ng Mahal na Birhen ng Diyos ang kahilingan ng isang babaing maging isang ina sa kabila ng katotohanang tila mahirap maging ama ang asawa.
Hindi makapaniwala si Ansel sa bisa ng panalangin. Kaya, isang gabi, nang buong pagkatuwang ipagtapat ni Merced na malapit na itong maging ina ay natulig si Ansel. Tila umakyat sa ulo ang dugo niya, nagsikip ang kanyang hininga, kaya kinailangan niyang sumigaw : —Walang-hiya!
At sa kauna-unahang pagkakataon, pagkaraan ng kulang-kulang na limang taon, ay napagbuhatan ng kamay ni Ansel ang asawa. Sa sandaling iyon ay bumagsak ang moog ng pag-ibig na itinayo ni Ansel sa kanyang puso.
—Sino? Sino ang ama?
Napadilat si Merced.
—Ansel… ano ang ibig mong sabihin?
Kay Ansel, ang lahat ng pagdaraya : Dinaya siya ni Merced! Hindi ba’t narinig nito ang sinabi ng doktor? Na maliit ang pag-asang maging ama si Ansel?
—Utang na loob, Ansel! — Dininig ng Diyos ang panalangin kong sinabi-sabi sa loob ng napakahabang panahon. Di ba sabi ni Pari Manuel na may mga pangyayaring di kapani-paniwala….
—Kaululan! Hindi ako ang ama niyan! Hindi maaaring ako!
Nang gabing iyon ay umalis si Ansel. Ipinasya niyang huwag nang bumalik sa pook na inakala niyang pinagkamatayan ng kanyang pag-ibig at karangalan. Lumipat siya sa kanyang Tata Mundo.
—Isip-isipin mo lang ang sasabihin ng tao, Ansel, kung tuluyang hihiwalay na kay Merced. Ano na nga lang ang magiging hatol nila.
Hindi makaimik si Ansel. Nagunita niyang masakit humatol ang lipunan. Babalik siya sa kanilang tahanan. Nguni’t nawaglit na ang pag-ibig sa puso niya. At ngayon ay nababatid niyang pagwawalang-bahala na lamang ang maihahalili niya roon.
Bumalik si Ansel sa kanilang tahanan. Kasabay ng pagbabalik na iyon ang pasiya niyang huwag pagkikibuin si Merced.
Hindi nga naging kapansin-pansin sa iba ang tila kakatwang pagsasama ng mag-asawa, sapagka’t kung may ibang tao’y ipinakikita ni Ansel na totoong mahal niya si Merced. At nadarama rin ni Ansel na ang ganito’y napakasakit para sa asawa.
Kaya halos inasahan na rin niya ang pagsasabi ni Merced isang gabi : —Wala kang habag katiting man, Ansel…
—Para ano pa? Ngayong dinaya mo ako?
Hindi na umimik si Merced.
Saka dumating ang pabilin ni Pari Manuel : isang bagong Niño Jesus para sa Kapaskuhang darating.
Hindi makatulog si Ansel. Kabuwanan ni Merced. Tungkulin ng isang asawa – kahit sa pagpapanggap man lamang – na tulungan ang kabiyak. Ang pabiling iyon ng kura paroko ay totoong mahigpit : isa ring bata isa ring sanggol ang kailangan niyang likhain.
At noon niya nagunita ang tumawag sa Diyos : bigyan siya ng kakayahang lumikha ng isang katauhang kahoy na babagay sa pangalan man lamang ng Niño Jesus, isang katauhang kahoy na hindi kailangang maging ganap na kagandahan. Ang kailangan ay yaong bubuhay sa damdamin at gigising sa isipan ng paniwalang ang tinutunghayan ay tunay na larawan ng Diyos Anak.
INIWAKSI niya ang mga gunitang iyon. Hindi muna siya uuwi. Pilit niyang tatapusin ang katauhang kahoy na iyon upang maihatid sa magpipinta at nang sa gayon ay maipadala sa simbahan.
Nakadama siya ng pambihirang sigla. Ang ilang pukpok dito, doon, dito, doon: ilang pagpait, kinis, pait, kinis; ang bawa’t ukit na magawa ay nangangahulugang may pagbabagong mangyayari sa kapirasong kahoy na iyon…
—Tata Mundo!
Madaling lumapit sa kanya ang amain niya.
—Tata Mundo, lililahin na lang… kayo na ang magtapos… maipadala na natin kay Guling. Saka ko na titingnan pag natapos. Napapagod lang ako…
Napangiti ang kanyang amain.
—Umuwi ka na…
Nagtiim ang bagang ni Ansel. Uuwi na naman siya upang makapiling ang babaing hindi na yata niya maaaring mahalin. Uuwi na naman siya upang suruting muli ng mapapait na gunita.
At umuwi nga siya pagkagaling sa talyer. Samantala’y naghihintay namang makapagluwal ng sanggol si Merced.
Saka kumislap sa isip ni Ansel : Ano ang gagawin niya kung sakali’t abutan siya sa bahay ng pagsisilang ng sanggol ni Merced? Ano? Sulyapan ang sanggol na hindi niya maaaring angkinin?
Sa pagbabalik niya nang gabing iyon ay may hanging naghatid sa kanya ng di-karaniwang marinig : umuuhang sanggol… Ibig niyang tumalikod. Ibig niyang magbalik sa kanyang Tata Mundo. Ngunit si Merced ay nag-iisa. At siya, bilang asawa – kahit sa pagpapanggap man lamang – ay dapat tumulong sa babae.
—Mang Ansel! Mang Ansel! Lalaki po… lalaki po…
Lalaki!
Nanlaki ang ulo ni Ansel. Kung magiging kanya nga lamang iyon! Isang likhang may buhay…
Pumanhik siya ng bahay.
Ngunit hindi niya tinitingnan ang bata nang gabing iyon. Pinaraan niya ang ilang araw. Hanggang sa makakilos na si Merced. Sinulyapan niya ang bata.
Nakadama siya ng pangingilabot. Sa isipan niya sa isang saglit ng karimlan – nang ipasya niyang baguhin ang katauhang kahoy na iyon – ay lumitaw ang larawan : yaong kailangan niyang tularan sa paglikha ng bagong Niño Jesus para sa Kapaskuhang darating.
—Hindi! Hindi magkakagayon!
Nagtama ang paningin nila ni Merced. Nakangiti si Merced. Tila ibig ibangon ng ngiting iyon ang pag-ibig na nakalibing na sa kanyang dibdib.
Tumalikod si Ansel.
—Ansel!
Si Tata Mundo iyon. Napasugod si Ansel sa kanyang amain. Dala niyon ang Niño Jesus!
Nadamang muli ni Ansel ang nadama niya kangina. Ang katauhang kahoy na iyon ay bumubuhay sa damdamin at gumigising sa isipan ng isang paniwalang ang tinutunghayan ay tunay na larawan ng Diyos Anak! Ang sanggol ni Merced!
—Iyan ba?
—Ito nga, Ansel. Ibig kong makita mo… at maihambing sa anak… mo…
Natigilan si Ansel. Anak mo!
Ang katauhang kahoy na iyon ay inihawig niya sa isang larawang lumitaw sa isang saglit ng karimlan : ang larawang iyon ay likha niya… At iyon din ang nakita niya sa tabi ni Merced.
—Kung gayon… kung gayon… ako… ako!
Nadama niya ang lubos na kapayapaan ng isip at damdamin nang magunita niya ang sinabi ni Pari Manuel : may mga pangyayaring maipaliliwanag lamang ng pananalig sa Diyos….
—Merced! — Napasugod si Ansel sa asawa. Tiningnan niya ang munting batang katabi ng kabiyak. At sa isipan ni Ansel ay lumitaw ang larawan ng Belen.
—Tata Mundo! Tata Mundo! Masdan n’yo ang Niño at anak … ko!
At naisaloob ni Ansel: Marahil ay ganito rin kasaya ang gabing iyon sa Belen – tigib kaluwalhatian, tigib-kapayapaan…