Pamilya Kaluwalhatian
Matagal ko nang hinihiling,
Na sa ibang tahanan ako gigising.
Isigaw at umiyak sa harap ng Panginoon,
Kailanman sa kanila lang ako mapaparoon.
Dala ko ang mga sugat at mga hampas,
Alaala ko sa pag-iyak hindi mawawaldas.
Nagugulumihanan tuwing napapagalitan,
Respeto lang ang aking pinapahalagahan.
Isasayaw ko si Nanay sa ilalim ng mga planeta,
Hanggang sa mapagod ang aming mga paa.
At kapag ako’y luhaan sa mga kutyain,
Tanging yakap lang ni Tatay ang magpapatahan sa akin.
Ngayo’y ako’y nabuhay at lilipad na sa alapaap,
Ang inaral ko kahapon ay dadalhin ko sa kinabukasan.
Kung aking paglipad ay umabot sa araw o gabi,
Ang aking pamilya ay naghihintay lang sa aking pag-uwi.
Elehiya sa mga Lumisan
Puna ko ang ‘yong mukha,
Sa araw ng pagluluksa.
Mula sa sulok na madilim,
Nananalangin nang taimtim.
Alipin ng kalungkutan
Bihag sa kahungkagan.
Mga kaluluwa pinipilit bumaklas,
Papunta sa piling ng poong nasa itaas.
Himig ng naglumisang kahapon,
Minumultuhan na ngayon.
Patawad, patawad aking Itay,
Sapagkat ang ‘yong imahen ay nanalaytay.
Bubuklurin ang matamis mong yakap,
Habang lumilipad ka sa alindog na alapaap.
Hindi na papansinin ang hikahos at pait,
Tanging pagmamahal ko sa iyo’y magdadala hanggang langit.
Bago Ako Matulog
Bago ako matulog
Aayusin ko ang aking higaan
Simula sa unan at kubrekama
Hanggang sa ‘king paghiga
Bago ako matulog
Marahang isasara ko ang mga bintana
Para pumasok ang umiinog na lamig
Habang pinapalayas ang sidhi sa ‘king silid
Bago ako matulog
Bubuksan ko ang mga ilaw
Upang malayo sa pagsalisi
Ng mga multong nagtatago sa dilim
Bago ako matulog
Magbibilang muna ako ng mga tupa
Nang sa gayon ako’y mainip
At tuluyan nang managinip
Bago ako matulog
Titiyakin kong sarado ang pinto
Para ikubli ang mga sikretong
Nagtatago sa loob
Si Gelo de Guzman ay isang manunulat mula Sampaloc, Manila. Kalihim siya sa kanilang kolehiyong pahayagan na KALasag sa UP. Kasulukuyan siyang nag-aaral ng Malikhaing Pagsulat sa Filipino sa UP Diliman.