Teorya ng Unang Panahon

ni Edgar Calabia Samar

(IKA-5 NA LABAS)

LIGANG

#201709202109

{ hello, hans.

{ iyon ulit ang napanaginipan ko. kapag <pinag-iisipan> ko nga, parang hindi panaginip. napakalinaw na, tuloy-tuloy pa. mas pelikula kaysa panaginip. <iyung> mga ayaw nating pelikula ha, iyung masyadong buo, iyung alam mo na kung saan <papunta>. weird nga pala kapag napaka-logical ng panaginip mo. pinuntahan ko nga si dennis. ikinuwento ko ulit <sa> kanya. ayaw na niyang maniwala. ako, parang ayoko na ring maniwala na halos isang <taon> ko nang napapanaginipan ito. o baka nga lampas pa, hindi ko lang naaalala dati <na> napapanaginipan ko. gusto ko sanang <bumalik> kay doc fer kanina after classes. pero alam ko, iyon na naman ang sasabihin niya. write about it. what were you feeling when you woke up? at paulit-ulit din <ang> isasagot ko. isinusulat ko, doc. wala naman, doc, kinakabahan lang ako. hindi ko alam kung bakit. basta doc, kinakabahan lang ako sa hindi ko naman talaga alam kung ano. well, siyempre, hindi ko <sinasabi> sa kaniya na isinusulat ko sa iyo. i mean, hindi ko naman alam kung relevant iyon. hindi naman ako nagsisinungaling sa kaniya dahil hindi rin naman niya itinatanong kung may isang tao ba akong sinusulatan ng lahat ng iniisip ko. well, halos lahat, but you know what i mean.

{ maniniwala ka ba, pinatulan ko na kahit ang iba’t ibang dream interpretation books. pero wala pa <akong> nakitang libro na makapagpaliwanag sa <laman> ng panaginip ko. object-based halos lahat <ng> nakikita kong libro sa lib. pop psychology books lang nung una. na ang kaya lang ipaliwanag, kapag nanaginip ka ng ahas. o <bato.> o bahay. o dugo. <nakaugat> lahat sa mundo. sa ngayon. o sa mga alam na nating larawan ng pantasya’t katatakutan sa nagdaan. kung nasa atisan ako, tiyak na numero sa jueteng ang pantapat ni mang bert para rito. wag mo na akong tanungin kung tiningnan ko ba ang mga scientific journal. sinubukan ko. hindi ko maintindihan. siguro kasi, very western, puro pag-aaral sa panaginip nila. as in puti. na middle class. na napakalayo ng imagination ng kahirapan sa araw-araw na kasalo ng napakarami sa atin dito. tapos, iniuuwi halos <lahat> sa trauma nung bata. o sa mga repressed desire. natatawa ako. may repressed desires pa ba tayo? halos ipinagsisigawan na natin sa mundo ang lahat ng wala sa atin pero wala namang totoong may pakialam. pero sige, pagbigyan natin. kung product ng childhood trauma itong panaginip na ‘to, bakit ngayon lang? ang totoo, ikaw lang naman ‘yung traumatic <sa> kabataan ko. ha-ha. <biro> lang. biro lang ha, baka naman seryosohin mo pati ‘yun. isyu ko muna now, please. so ‘yun, sa ngayon, sinasadya ko na munang iwasan sa lib ‘yung mga scientific journal. <kahit> online. hindi ako sigurado kung masasagot din talaga nila ang pinagdadaanan ko e. fine, wala akong tiyaga. sasabihin mo, malamang naman may mga mas local na studies tungkol dito. okay, ako na talaga ang tamad. pero <seryosong> tanong, bro. sa tingin mo talaga, makikita ko sa mga iyon ang dahilan kung bakit nangyayari sa akin ito? parang mas posible pang magpatuloy lang ako na hindi iniisip ito kahit gabi-gabing laman ng panaginip ko ‘to. totoo nga rin naman kasi na until may real effect ito sa totoong buhay ko, bakit nga ba ako nagwo-worry? minsan nga, kinokondisyon ko ang utak ko, na wala naman itong pagkakaiba sa paulit-ulit na ruta ko sa maghapon kapag papasok, so baka ‘yun nga, nire-reenact lang sa isang mas fantastic at imaginative at well, terrifying, na paraan ng utak ko ang otherwise ay parehong kondisyon naman ng buhay ko. natin. congrats to us, di ba. na ipinanganak sa ganitong mundo, sa ganitong panahon, sa ganitong bayan.

{ pero, putek, paano nga kung iba na talaga ’to. fine, di ko ma-let go, pero only in the same way na di ko rin naman nile-let go ang pag-iisip araw-araw na, god, ito na ba talaga ang buhay ko araw-araw. babangon, papasok, uuwi, matutulog, papasok ad infinitum. well, until mag-good bye nga sa mundo sa isang unforeseen na paraan. parang iyon lang ang exciting in a sense, ano. na wala kang idea kung paano ka talaga mamamaalam. i mean, ilang beses ko nang inisip na nababaliw na ako at nai-imagine ko na sinasabi mo sa akin na baliw naman talaga ako. dati pa. gago. tapos, naiisip ko rin, mahiya naman ako sa mga totoong baliw, di ba. pero paano ko ba talaga malalaman? sobrang nakakaloko lang kasi na ang napapanaginipan ko ay isang mundo kung saan walang panaginip. astig, di ba. sabi ko nga sa iyo, parang pelikula. parang kuwento. <sci-fi>. sabi ni mon, baka dala lang ito ng sobrang pagbabasa <sa> mga libro nina gibson at le guin. pero bro, wala pa halos anim na <buwan> na lagi ngang ito ang napapanaginipan ko, tinigilan ko na sila. halos isumpa ko rin ang naging pagkahumaling sa sandman at mga spin-off nito kahit puro piniratang cbr lang ang kopya ko. kahit mga libro nina asimov at wells, hindi ko <na> pinapatulan kahit nakikita kong bente pesos na lang sa booksale. banas na banas nga si mon nang ibinigay ko na sa kanya nung isang linggo lang ang mga libro ko nina kafka at camus na naiskor ko lang din siyempre sa booksale. sabi niya, anong gagawin ko rito? tawa ako nang tawa. magbasa ka kasi, sabi ko. tapos, ako pa ang nasabihan niya ng gago. tapos, dagdag niya, kung okey lang bang ibenta niya kung may gustong bumili. sabi ko, bahala ka. wala na akong balak magbasa kahit ng mga kuwento nila. pero tingnan din natin. ’yung ilan kasing borges at rare na čapek, pinag-iisipan ko pa kung ipamimigay ko na rin. medyo nakaka-guilty kasi na parang mga kapamilya ko ang <ibinibigay> ko. ang hirap <ng> ganito pero hindi ko naman talaga alam ang ibig sabihin ng ganito. anyway, basta parang nagkaroon na ako <phobia> sa panaginip, kung posible man iyon. sa kahit na anong may panaginip o may kinalaman sa panaginip. para namang nang-iinis, binigyan ako ni jacky ng libro ni murakami. hard-boiled wonderland and the end of the world. wala pa akong nababásang murakami hanggang ngayon, may idea lang ako sa estilo niya dahil sa nadadaanan kong reviews online minsan, pero nang makita ko <sa jacket> na may kinalaman sa panaginip ’yung nobela, ang tindi nung pagka-badtrip ko. hindi ko alam ang gagawin dun sa libro. tawa nang tawa si mon. malamang na wala naman siyang kinalaman sa pagbibigay sa akin ni jacky <nung> libro dahil sa pagkakaalam ko, di naman sila magkakilala. at mukhang clueless nga si jacky sa pinagdadaanan ko kaya di ko na lang sinabi sa kaniya na medyo wrong timing ’yung nobela.  

{ birthday ko pala ngayon, baka gusto mo akong batiin. pero heto ako, di ba, nagsusulat sa ’yo. ewan ko ba. paggising ko kanina, ang balita sa twitter, ang <lindol> sa mexico. mahigit 200 ang namatay. and counting. may mga gumuhong simbahan <at> ospital. ngayon, inililipat daw ang mga pasyenteng nakaligtas. tapos, habang aligaga pa rin ang mga tao, kabi-kabila rin ang mga nakawan. pero i’m sure na mas malaking nakawan ang nasa isip agad ng mga negosyante’t politiko, kung paano pagsasamantalahan ang ganitong sakuna’t kasawian. di ko alam kung anong biro na nangyari raw ang lindol mga two hours pagkatapos ng nationwide earthquake drill nila. what are the odds. grabe, ano. <di> ko ma-imagine kung paano kung kami sa campus, pagkatapos ng earthquake drill, halimbawa, habang nagbabalikan na sa classroom, ganyan, tapos biglang lilindol nang totoo. parang di <totoo.> mas posible ba itong two hours later na ito kaysa kung during earthquake drill mismo? parang niloloko ka na talaga ni bernardo carpio, ano? bukas, wala pala kaming klase. official na, nagdeklara na ang malacañang. national day of protest. bago ano? hindi mo alam kung ’yung ganitong designation ay nagha-highlight sa halaga ng protesta o nagko-confine sa <protesta> para sa araw na ito. ano ang protesta kung sanctioned ng gobyerno? pero siyempre, sasama ako sa rally. parang, alam mo ’yun, ito na lang talaga <ang> magagawa ko dun sa malalaking bagay sa mundo na hindi ko naman talaga <kontrolado>. o hindi nga ba natin kontrolado? gusto ko sanang magpa-deep pa, bro, pero mas may karapatan ka sigurong magsalita tungkol sa kalayaan at pagkakaroon <ng> kontrol sa sariling buhay. ewan ko. madalas naman, feeling ko, nagagawa ko ang mga gusto ko. pero ito na ba talaga ’yun? ’yung mga gusto ko, gusto ko ba talaga ang mga ’yun, o hinubog lang ang isip ko para isiping iyon ang gusto ko. ang totoo, bro, ang nasa isip ko lang talaga ngayon, kung mamayang gabi ba e tuloy pa rin ang panaginip ko. kung hindi ba ako patatawarin ngayon, mag-skip man lang kahit isang araw, tutal e birthday ko naman.

{ minsan nga, naiisip ko, may conspiracy talaga ang buong <mundo> para pagkatuwaan ako. grabeng egotistic e, ano. feeling ko, umiikot sa akin ang mundo. feeling ko naman, ganun halos lahat ng tao. <kasi,> wala ka naman talagang alam na ibang buhay kundi sa ’yo. wala ka naman talagang ibang isipang napapasok kundi sa ’yo. alam mong hindi na ako madalas magsimba kahit dati pa, di ba. pero kanina lang, sinubukan ko ulit dumalo sa misa. iyung pang-alas-dose. miyerkoles naman, wala gaanong <tao>. sabi ko sa sarili ko, baka sakaling mawala ’to. <ang> mas matindi, totoong may bahagyang pag-asa sa loob ko. na-realize ko, hindi na rin pala ako pamilyar sa processional song kaya habang kumakanta ’yung ilang kasabay ko, <pumapasok> lang sa isip ko, paulit-ulit: ayan ha, sumimba na ulit ako, alisin mo na naman ’yung panaginip na ’yun. magaan na sana ang pakiramdam ko. kahit <sa loob ng ilang minuto,> nakumbinsi ko ang sarili kong mawawala na ‘yung panaginip na ‘yun dahil nga nagsimba ako. pero pagdating sa gospel, tungkol sa panaginip ni st. joseph. tapos, sa sermon ng pari, nag-share din siya tungkol sa panaginip niya. sa sobrang pagkainis, hindi ko na tinapos ang misa. lumabas ako ng simbahan at nakita ko si jacky. sabi niya, bakit parang <tinanggihan> sa langit ang hitsura ko. napangiti na lang ako at niyaya siyang maglunch. hindi niya alam na birthday ko. o hindi niya naalala. nakauwi na ako nang mag-text siya at sorry nang sorry habang binabati ako. malamang na nakita niya sa fb ang pagbati sa akin ng iba naming ka-block. niloloko ako ni mon na malamang na may crush daw sa akin si jacky. o ako <ang> may crush kay jacky kaya lagi ko itong <ikinukuwento> sa kaniya. sabi ko, wala. ako sigurado akong wala. at sa tingin ko, wala rin naman siya. nag-e-enjoy lang siyang biru-biruin ako. hindi kasi ako sumasagot. ngingiti-ngiti lang. masarap asarin. 

{ kung tutuusin, okey lang naman sanang managinip. noong bata pa nga ako, naiinis ako paggising kapag hindi ko maalala ang panaginip ko. hinihiling ko na sana e mapanaginipan ko ulit. <pero> ngayon, mas nakakainis pala kapag masyadong malinaw ’yun. kapag naaalala mo lahat. minsan, <natatakot> na rin akong matulog. mas gusto ko pang magpuyat na lang. kahit wala naman talaga akong gagawin. pero ngayon, pipilitin kong matulog nang maaga. maaga ang assembly time para sa rally bukas. naka-assign pa akong mag-orient at magbigay ng brief ed <sa> mga first timer sa mob. enjoy naman. kapag kaharap ko ang mga lowerclass, o kahit ‘yung mas matatanda pa sa ‘kin pero babago ngang makimartsa, damang-dama ko ‘yung rubdob nila. feeling ko, may pag-asa pa. feeling ko, may pinatutunguhan naman itong ipinama mo sa aking pagkakaabalahan sa buhay.  

{ tinakot nga pala ako ni mon kahapon, nung ikinuwento ko ulit ang tungkol sa panaginip ko. sabi niya, mas okey na ’to kesa naman daw hindi na ako nananaginip, di ba. pero hindi ako <sigurado.> wala akong nakikitang problema kung di man ako managinip. sa isang banda, namimiss ko na nga iyon. ’yung sobrang lalim na pagtulog kaya di mo maalalang nanaginip ka. pero hindi naman kasi ganoon sa <mundo> ng panaginip ko. basta wala silang panaginip. hindi bahagi ng mundo nila. ano’ng ibig sabihin nun? bakit ako nananaginip <ng> isang mundong walang panaginip? weird ka kasi, comm student na feeling writer na feeling <rebolusyonaryo> na loko-loko naman talaga, ang laging biro ni dennis, sabay ngisi. at ikukuwento pa nito (for the nth time!): kesa naman nung senior high tayo, naaalala mo, maghapon tayong nag-review for math finals, tapos imagine, nung gabi ring iyon, <ang> napanaginipan ko? nagre-review pa rin tayo ng math. as in. wow, iyon ang nakakabaliw. kahit gusto kong dedmahin, hindi ko rin naman mapigilan ang sarili ko na patulan. wala bang bago, mon? tapos, tawa na naman siya nang tawa. yes, bro, hindi corny sa kaniya iyon. o feeling niya, okey lang talaga sa akin na ulit-ulitin niya sa akin iyon. pero nung minsan, nung di na ako nakatiis, tinanong ko na siya nang medyo pagalit kung bakit ba laging ’yun ang ikinukuwento niya. ang sabi ba naman sa ’kin, dahil iyan ding <panaginip> mo ang lagi mong ikinukuwento e. so quits. tapos, tawa na naman siya nang tawa. bro, bakit ba eto ang tropang iniwan mo sa ’kin? tama naman siya, kung tutuusin. pero siguro, <dahil> nga tama siya kaya ako lalong naiinis. kailan ba talaga matatapos ’tong panaginip na to? kailan ko nga ba unang napanaginipan ito? 10 months ago? 11? o <simula> nung umalis ka? ha-ha. kita mo, kahit wala ka na rito, kasalanan mo pa rin.

{ nag-email din nga pala si doc fer mga three days ago. bakit hindi na raw ako dumadaan sa clinic n’ya. nagsinungaling ako. sabi ko, di ko na naman masyadong napapanaginipan. kasi naman, ilang buwan na rin akong nagpapabalik-balik sa kanya, wala namang nangyayari. siyempre ang bilin lang niya lagi, basta keep your logs. makakatulong iyan. ni hindi na nga pala ako nakapag-reply sa huli niyang e-mail na iyon. well, i guess, alam naman na niya na wala kaming pinatutunguhan. pero sinusunod ko naman siya. sulat lang ako nang sulat. baka nga magkaiba lang kami <ng> gustong mangyari. siya, gusto niyang maunawaan ko ang panaginip ko. pero ako, gusto ko lang namang matapos na ’to. nung una pa lang na kumonsulta ako sa kanya, ayoko nang ipakuwento kahit kina papa. i mean, kahit naman dati pa, di ako masyadong nagkukuwento kina papa kung tingin ko e di naman din sila makakatulong. kung tingin ko, bibigyan ko lang sila ng dagdag na iisipin tapos e pare-pareho naman kaming walang magagawa. tayo lang tatlo nina mon ang may alam. at si doc fer nga. si jacky? hirit ni mon kahapon. suko na ako ’yo, bro, sabi ko sa kaniya. tumawa siya, tapos e bahagyang nagseryoso nung nakitang seryoso ako. tapos, saka ako tinanong kung saan ako magpapainom sa birthday ko. bawal uminom ang may jowa, sabi ko sa kanya. ay, walang ganyanan, sabi niya, sabay-sorry. hindi na raw siya mang-aasar. ang <totoo>, alam mong ako naman ’yung pinakamahirap sumuko, di ba. kita mo nga, heto o, nagsusulat pa rin ako. isa pa, kahit maloko naman ’yung mon na ’yun, natutulungan naman niya akong kalimutan <ang> panaginip ko, kahit paano. at ano pa nga bang choice ko e siya na lang ang andito. ikaw kasi e. okay, sorry, bro. di naman kita sinisisi pero iba siguro talaga kung narito ka.

{ bro, alin ba talaga ang mas <nakatatakot:> ’yung sanay kang nananaginip tapos bigla ka na lang hindi mananaginip, o wala ka pang karanasan ng pananaginip at bigla kang mananaginip? alam mo, kung hindi ko lang pinoproblema talaga ito, <sinulatan> ko na ito ng kuwento. pero ang hirap pala kapag ikaw mismo ang nasa sentro nung drama. ang gusto mo <muna>, maisalba ang sarili mo. nakaka-bad trip kung ikaw mismo <’yung dumaranas>, pero kong ikukuwento mo lang, i guess, ang sarap. i wish ikinukuwento ko lang. 

{ anyway, hanggang dito na <lang> muna, bro. sulat ulit ako pag may update dito. sana, good news. o sana nga, wala akong kailangang ikuwento.

{ p.s. pag hindi ka masyadong busy d’yan, magparamdam ka <naman.> }

(ITUTULOY)