ANG pangunahing layunin ng edukasyon ay magturo, malayo sa tradisyonal na uri ng pagkakaloob ng transpormasyon, kundi yaong daynamikong prosesong intersektoral na tumutuklas at kumikilala sa potensiyal at kapasidad ng mga mag-aaral sa paglinang ng mga kaalaman at kasanayan, sa paghubog ng halagang pantao at sa pagbuo ng etika ng paggawa ng mahalaga para sa responsable at produktibong buhay sa lipunan (Villafuerte, 2000).
Ang teorya, pagdulog at estratehiya sa pagtuturo sa ilalim ng harapang pagtuturo (face-to-face classes) ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pagkatuto ng mga mag-aaral ng Filipino, partikular ng wika at pagbasa sa elementarya. Hindi sapat na ang pagtuturo ay magbibigay kaalaman lamang sa mga mag-aaral kundi ito’y nararapat na luminang din ng mga kakayahan at kasanayang pangkaisipan. Ito ay magsisilbing preparasyon sa kanila tungo sa isang buhay na produktibo at progresibo. Ito ay higit na mapagtatagumpayan kung ang guro ay batid ang kalikasan at kakayahan ng mga mag-aaral na kaniyang tinuturuan.
Samantala, ang pagpili ng teorya, pagdulog at estratehiya sa pagtuturo ng Filipino ay hindi madali at nagsisilbing isang hamon, sapagkat ang mga ito ay kailangang pag-ukulan ng mahabang panahon ng pag-iisip upang maiangkop sa paksang tatalakayin, sa layunin ng aralin at higit sa lahat ay sa mga mag-aaral na magtatamo ng karunungan. Kung kaya, mahalagang pagtuunan ng pansin ang mga ito sa pagtuturo ng mga aralin upang magkaroon din ng katiyakan ang guro sa pagpapadaloy ng kaalaman at paglinang ng karunungan sa isang partikular na sitwasyon.
Ang sinumang gurong nagtuturo ng alinmang sabdyek ay patuloy na pinaghuhusay ang kaniyang paraan at pamamaraan ng pagtuturo. Isa sa mga hangarin ng guro ay mapanatiling epektibo ang pagdulog, estratehiya at estilo na kaniyang gagamitin sa pagtuturo sa anumang grade level maging ito’y nasa harapang pagtuturo o (face-to-face teaching) o nasa on line teaching. Malaki ang gagampanan ng guro sa pagbuo ng estratehiya, kung paano lilinangin ang kakayahan ng mga mag-aaral upang sila’y magkaroon ng sapat at epektibong kaalaman. Kung kaya’t ang guro ay humahanap ng iba’t ibang paraan at patuloy na nagsisikap upang maging masigla, masaya, at may buhay ang kaniyang pagtuturo sa loob ng klasrum. Sadyang maituturing na ang pagtuturo ay hindi lamang isang pundasyon ng tagumpay kundi isa pa ring matibay na bantayog tungo sa mabilis na pag-unlad ng lipunan at sibilisasyon kaakibat ng pagsulong ng pandaigdigang globalisasyon. Dahil dito, nahaharap ang guro sa matinding hamon ng edukasyon tungo sa mapaninindigang mga sangkap o elemento sa pagbuo ng prosesong pagkatuto-pagtuturo.
Bunga ng layunin ng kurikulum na maging developmentally appropriated ang edukasyon, sa kabila ng mga suliranin at pangangailangan sa pagtuturo lalo’t nasa panahon ng pandemya, ang guro ay kailangang magkaroon ng mabisang pagpaplano ng mga gawain upang epektibong magamit ang iba’t ibang pagdulog at estratehiya na kaniyang magagamit sa klasrum.
Sa ika-21 siglong pagtuturo, naipahayag ng maraming edukador at mananaliksik na sadyang may mga kakulangan na dapat dagdagan o punuan sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto ng iba’t ibang sistema at pamamaraang patuloy na inilulunsad ng Kagawaran ng Edukasyon sa ilalim ng K-12 Kurikulum. Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng di-mabilang na rebisyon at repormasyon sa mga kaalaman at kasanayan ng mga guro sa larang ng pagtuturo. Naging malaking usapin ang mga estratehiyang ipagagamit kaugnay ng bagong ipinaiiral na sistema ng pagtuturo sa panahon ng pandemya. Dahil dito, patuloy na hinaharap ng guro ang hamon sa paggawa ng modipikasyon at inobasyon upang ang mga konsepto ay maikonteksto sa pangangailangan ng mga mag-aaral na Pilipino.
Maraming pag-aaral ang naisagawa na nagpapatunay ng kawalang sapat ng kaalaman at kakayahan ng ilang mag-aaral sa pag-unawa sa nilalaman ng akda na kanilang binabasa kaya nailunsad ng UNESCO ang temang Pandaigdigang Literasi isang dekada na ang nakakaraan. Dahil dito, ipinalabas ng Kagawaran ng Edukasyon ang DepEd Order # 14 series of 2018 na pinamagatang The Policy Guidelines on the Administration of the Revised Philippine Informal Reading Inventory. Nilalaman sa polisiyang ito ang pagpapatunay na sadyang maraming mga mag-aaral ang mahina sa pag-unawa sa kanilang binabasang mga akda, maging sa paraan ng pagsasagot sa ibinibigay na mga pagsusulit, kung kaya’t kahit sa mga estratehiyang ginagamit ng mga guro sa oras ng pagtuturo ay di rin makasunod o makasabay ang mga mag-aaral.
Maraming teorya, pagdulog at estratehiya na magagamit ang guro sa pagtuturo ng panitikan, partikular sa binabasang mga kuwentong pambata ng mga mag-aaral. Ang mga ito ay maaaring mailapit, mailipat o mailapat sa iba’t ibang pananaw at prinsipyong pedagohikal upang maiugnay ang pagpapayaman ng kognitibong kahusayan sa komunikasyon, kolaborasyon, at paggamit ng kritikal na pag-iisip.
Ang Kahulugan ng Teorya (Theory)
Ang teorya (theory) ay set ng pilosopiyang nagbibigay-tugon sa pangyayari (Anthony, 1963). Ito’y isang ideya o planong pangkaisipan sa paggawa ng isang bagay. Ito’y isang sistematikong paglalahad ng mga simulain.
Ang Kahulugan ng Pagdulog (Approach)
Ang pagdulog (approach) ay set ng mga hinuha o pagpapalagay tungkol sa kalikasan ng wika, pagtuturo at pagkatuto, at pangkalahatang pilosopiya na ginagamit sa pagtuturo (Anthony,1963). Inilalarawan nito ang kalikasan ng paksang-aralin na ituturo. Ito ang lebel ng mga hinuha at paniniwala kung ano ang tiyak na matututuhan sa aralin.
Ang Kahulugan ng Pamaraan (Method)
Ang pamaraan ay isang panlahat na pagpaplano para sa isang sistematikong paglalahad ng wika, at batay sa napiling pagdulog, paraan ng organisasyon ng interaksiyong pangklase (Anthony,1963). Ito ang lebel ng pagsasagawa ng mga pagsasanay sa mga kasanayan at araling ituturo ng guro, at ang paglalahad ng pagkakaayos ng nilalaman ng aralin.
Ang Kahulugan ng Estratehiya (Procedure)
Ayon sa Merriam-Webster Dictionary (1970), ang estratehiya at metodo ay sinonim o magkahulugang salita. Sa kabila nito, may mga nagsasabi pa ring iba ang metodo sa estratehiya. Ngunit kapag sinabing estratehiya, ang tinutukoy ay ang planadong metodo tungo sa pagkakamit ng mga layuning edukasyonal. Anumang metodo o estratehiyang instruksiyonal na ginagamit ng guro ay may bentahe at disbentahe na kinakailangang may preliminaring preparasyon. Madalas, ang isang partikular na estratehiya ay natural na dumadaloy (natural flow) sa iba pa sa loob ng isang leksiyon lamang at ang mahuhusay na guro ay may kakayahang gawin ang proseso ng pagpapalit-lipat mula sa isang estratehiya tungo sa iba pa na hindi halos namamalayan ng mga mag-aaral.
Ngunit aling estratehiya nga ba ang angkop sa isang partikular na leksiyon? Ang sagot dito ay depende sa maraming bagay. Ang ilan sa mga ito ay ang debelopmental na lebel ng mga mag-aaral, kaalaman ng mga mag-aaral ang mga dapat nilang malaman, kontent ng paksang-aralin, layunin ng leksiyon, mga abeylabol na resorses (tao, oras, espasyo, materyal, pisikal na kaayusan, at iba pa). Depende rin ito sa partikular na estilo ng pagtuturo at sa sitwasyon ng leksiyon. Samakatwid, walang isang “tamang” estratehiya sa pagtuturo ng isang partikular na leksiyon, ngunit may ilang pamantayan o kraytirya na makatutulong sa guro upang magawa ang posibleng pinakamahusay na desisyon.
Ang estratehiya ay tiyak na pamamaraan na ginagamit sa bawat hakbang ng pagtuturo (Anthony, 1963).
Ibinigay nina Purves at Beach ang limang pangunahing kategorya o estratehiyang tutugon sa pag-aaral ng panitikan upang ganap na maunawaan at mapahalagahan ang binasang tekstong literari:
1. Pakikisangkot. Ito’y paglalapat ng karanasang emosyonal o relasyon ng mambabasa sa teksto.
2. Pakikipag-ugnayan. Ito’y pagsasalaysay ng magkakatulad na karanasan, saloobin at kaalaman ng tekstong binasa sa iba pang teksto.
3. Paglalarawan. Ito’y pagsasalaysay ng kilos, ugali, paniniwala, layunin at plano ng may-akda gamit ang wika.
4. Pagbibigay-kahulugan. Ito’y pagbibigay ng hinuha, pagpapaliwanag sa mga kahulugan ng mga simbolong ginamit ng may-akda, ang persepsiyon ng karakter at mga prediksiyon sa pag-unawa ng binasang kuwento.
5. Paghatol. Ito’y ang pagkritik sa mga karakter o sa kalidad ng tekstong binasa.
Sa aklat ni Villafuerte (2000) ay inilahad niya ang mga katangian ng isang mabisang estratehiya sa pagtuturo:
1. Angkop sa kakayahan at kawilihan ng mga mag-aaral.
2. Bunga ng pagtutulungan ng guro at mga mag-aaral.
3. Nagtataglay ng probisyon para sa pagkakaiba-iba ng mga mag-aaral.
4. Nagsasaalang-alang sa mga nakaraang karanasan ng mga mag-aaral.
5. Humahamon sa kakayahan ng guro at mga mag-aaral.
6. Nagtataglay ng maayos na pagkakasunod-sunod ng mga hakbang.
7. Nakaaakit sa aktibong partisipasyon ng klase.
8. Bunga ng masusing paghahanda ng gurong nagsasagawa nito.
9. Nakatutulong sa ikatutupad ng layunin ng pagtuturo.
10. Nagsasaalang-alang sa mga batas o simulain ng pagkatuto.