Hiling Na Pambagong Taon

Ni Gervasio B. Santiago
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Enero 12, 1959)

KUNG minsan sa buhay ng tao’y napaniniwalang nakapangyayari rin ang kamay ng kapalaran, na gumagawa sa lihim at kahiwagaan ng buhay, naglalagay ng guhit ng mangyayari at di-mangyayari, nagtatakda ng landas na tutunguhin at lalakaran, at ang tao’y walang ginagawa kundi ang lumakad lamang sa nakahanda nang landas na iyan. Iyan lamang ang sukat ng kalayaan ng tao sa mga pangyayari sa kanyang buhay at sa kanyang paligid.

Ang kahiwagaang iyan ang siyang napagwawari-wari ni Consuelo nang mga sandaling iyon na kasayaw niya si Jaime. Masigla at masaya ang sayawan sa pagtitipong idinaraos sa sariling gusali ng Club Fell nang gabing iyon ng paghihiwalay ng taon. Hindi akalain ni Consuelo na makadadalo siya sa pagtitipong iyon na ang karaniwang dumadalo lamang ay mga kilala sa mataas na lipunan. At lalo ring hindi niya inakalang makakatagpo niya si Jaime, na may ilang buwan na niyang kilala sa pangalang Jaime lamang, at bahagya na niyang nakita noong una ang mukha. Ngayo’y nakikilala na niya ito sa buong pangalan, Jaime de la Peña.  Ngayo’y kasayaw pa niya ito. Akalain ba niya!

—Alam mo, Aling Consuelo…natitiyak ko sa aking sarili na nagkita na tayo. Hindi lamang ngayon nagkita tayo! — sabi ni Jaime habang parang wala sa loob na sumusunod sa tugtog ang kanilang mga paa.

Nagkita na tayo, nguni’t napigil ni Consuelo ang mga katagang iyon, sa Miramonte, may dalawang buwan na ang nakararaan.

—Hindi ko maisip kung saan tayo nagkita, — dugtong pa ni Jaime. —At ako, Aling Consuelo…hindi ba ninyo natatandaan kung ako’y nakita na rin nga ninyo?

Napailing si Consuelo. Hindi niya mawari sa kanyang sarili kung bakit tumubo sa kanya ang pagnanasang sabihin ang totoo na sila ni Pura ang sumunod na umokupa sa cottage na pahingahan sa Miramonte, matapos na iwan iyon ni Jaime.

Natatandaan ni Consuelo ang pangyayari. Iyon mang pagbabakasyon niya sa Miramonte ay waring inihanda rin ng kamay ng kapalarang gumagawa sa lihim. Akalain ba niyang makapagbakasyon siya sa Miramonte!

Ni hindi nga pinangarap iyon ni Consuelo. Karaniwan ang labinlimang araw na bakasyong tinatanggap niya taun-taon sa bahay-kalakal na pinaglilikuran ay pinalilipas niya nang pagayon lamang. Ni hindi siya nakalalayo sa Maynila. Sa kanya, ang kahulugan ng bakasyon ay mga araw lamang na walang ginagawa, na ang pagkainip ay pinalilipas niya sa pahiga-higa at sa pagbabasa.

Nguni’t inibig ng kapalarang makagiliwan siya ni Pura Gonzalves, anak na dalaga ng may-ari ng bahay-kalakal na kanyang pinaglilingkuran. Bagong galing si Pura sa Estados Unidos, at sa pagbabalik ay naging pangalawang tagapamahala ito ng bahay-kalakal. Si Consuelo ang kalihim ng matandang Gonzalves, at sa mga unang araw ng pagbabalik ni Pura ay nagsanay ito sa ama ng mga gawain tungkol sa bahay-kalakal, kaya nagkasama sila sa silid ni Don Matias Gonzalves. Iyan ang pinagbuhayan ng matalik na pagsasamahan nila ni Pura.

—Magbabakasyon ako sa Miramonte, — isang araw ay sinabi ni Pura kay Consuelo. —At sasama ka sa akin. Lalakad tayo bukas.

—Pero sa isang buwan pa ang talagang bakasyon ko, — naisagot ni Consuelo.

—Kunin mo na ang bakasyon mo ngayon. Sinabi ko kay Papa na isasama kita at pumayag naman siya. Nakarating ka na ba sa Miramonte?

Umiling si Consuelo.

—Ang Miramonte ay nasa Look ng Linggayen. Makikita mong isang magandang bakasyunan iyon. Tahimik. Noong hindi pa ako nagtutungo sa Estados Unidos ay doon ako madalas na namamahinga.

Nakaligaya kay Consuelo ang pangyayaring iyan. Ang hindi niya magagawa sa kanyang sarili lamang ay magagawa niya ngayon sa tulong ni Pura. Makapagbabakasyon siya nang totohanang bakasyon. At nang sumunod na araw nga, sakay sila ng sariling kotse ni Pura na ito rin ang nagmamaneho, ay umalis na silang patungo Miramonte.

TANGHALI na noon nang dumating sila sa nasabing bakasyunan. Naging isang mabuting kapalaran nila iyon ni Pura na nakakuha sila ng cottage na ang dating umookupa ay aalis nang tanghali ring iyon.

Ang lalaking-umokupa sa cottage na kanilang nakuha ay nakasalubong nilang palabas, sakay ng isang paupahang awto, kaya kinailangan muna ni Pura na ihinto ang kotseng sinasakyan nila sa pangharapang daan bago lumiko sa munting daang patungo sa cottage upang paraanin ang awtong papaalis.

Hindi naiwasan ni Consuelo na mapatingin siya sa lalaking nakasakay sa awtong paalis. Nagkatama ang kanilang tingin. Ang lalaki’y bahagyang yumuko at ngumiti, marahil ay sa kahulugan ng pagbating “kayo pala ang hahalili sa akin sa cottage na iyan”. At hindi naman napaglabanan ni Consuelo ang gumanti siya ng ngiti.

Sa maikling mga sandaling iyon, hindi napalingid sa paningin ni Consuelo na ang lalaki’y bata pa, marahil ay may dalawampu’t limang taon lamang. Hawas ang mukha. Waring yayat at maputla. Ang ngiting iniukol sa kanya ay parang pilit lamang na ipinagmagandang-loob ng isang maramot na kalungkutang tinataglay.

—Tamang-tama ang pag-alis ng lalaki, — wika ni Pura. —At hindi niya nalalamang nakapagmagandang loob siya sa atin. Kung hindi siya umalis ay wala tayong makukuhang cottage.

—Huwag kang mag-alaala, Pura, — sagot ni Consuelo. —Nginitian ko siya bilang pagpasalamat.

Tinapunan ni Pura ng tingin ang lalaking nasa awto, at nang makalampas na ang sasakyan sa kanila’y saka lamang ipinasok ni Pura ang kanilang kotse. Bumaba sila at nagtungo sa cottage. Wala pa ang tagalinis, kaya tumambad sa mata nila ang sukal sa salas—wala sa ayos ang set ng mga upuang yantok, nagkalat ang pira-pirasong papel at mga peryodikong luma, at ang senisera sa ibabaw ng mesita’y puno pa ng mga upos ng sigarilyo.

—Mapagkikila mo ngang lalaking hindi marunong mamahay ang tumira rito, — sabi ni Consuelo na umiling-iling.

—Ang nakikita mong ‘yan ang nagpapatotoo na kung walang babae ay santambak na sukal ang daigdig na ito! — sambot ni Pura na nagtawa nang malakas. Napasunod si Consuelo sa tawang iyon.

Ang cottage na iyon ay may isang silid lamang. Tinungo nila ang silid na iyon. Dalawang kama ang naroroon. Nguni’t isa lamang ang may saping kubrekama at may unan na nagpapakilalang iisa nga lamang ang lalaking nanirahan doon.

—Talagang walang kasama rito ang lalaking iyon, — nawika ni Consuelo at nagtataka siya kung bakit may iniwang bakas sa kanyang isip ang nakangiting lalaki.

—Siguro’y ibig patunayan sa sarili na hindi naman niya kailangan sa daigdig na ito ang babae. Pero madali niyang nakilala ang kanyang pagkakamali, — pakli ni Pura. —At tingnan mo lamang ang ayos ng silid na ito.

Gusot na gusot ang kubrekama, naghambalang sa ibabaw ang dalawang unan, ang kumot ay nakatumpok sa paanan. Sa ibabaw ng mesitang naroroon ay nakakalat ang mga gusot na puting papel na sulatan.

—Mahilig sa pagkakalat ng papel ang lalaking iyon, — muling nawika ni Consuelo at marahang humakbang, tinungo niya ang mesita, dinampot ang isang papel na naroroon at marahang binuklat. May nakatitik na sulat-kamay sa papel. Binasa niya.

—Baka mahilig ‘yon sa pakikipag-pen-pal, —pakibit-balikat na sagot ni Pura. —Baka kaya nagtungo rito sa Miramonte ay upang masulatan lamang ang maraming kaibigan niya sa panulat.

Parang hindi narinig ni Consuelo ang pabirong wika ni Pura. Nakatawag sa kalooban niya ang nabasa sa papel. Saglit siyang napakunot-noo.

—Pura, basahin mo nga ‘to…— ani Consuelo at inaabot ang sulat.

Binasa naman ni Pura. Isang liham iyon, at ang pinag-uukulan ay isang babae. Ang pangalan ng babae ay Ernestina. Maikli lamang iyon, at ganito ang isinasaad sa isang bahagi:

…Hindi ko maipaliwanag kung bakit ngayong takdang araw ng ating kasal ay naparito pa rin ako sa Miramonte at kumuha ng isang cottage na gaya ng ating binalak. Kabaliwan ko ito ano? Napatatangay ako sa pagdurusa ng aking damdamin. Marahil naman ay hindi ngayon. Marahil, kaya ako naparitong nag-iisa at kahit hindi ka kasama ay upang tuparin kahit sa sarili ko man lamang ang ating pangarap na tinalikuran mo. Usapan natin, sa pag-iisandibdib natin ay dito sa Miramonte tayo magdaraos ng ating pulutgata. Alam kong sa mga sandaling ito’y nagpupulutgata ka sa Hongkong na ang kasama’y ang lalaking minahigit mo kaysa akin, pagka’t mayaman at hindi katulad kong isang kawani lamang na kakarampot ang sinasahod, na kinakailangan pang mag-impok nang apat na taon bago mapangahasang itakda ang ating kasal at mabalak ang pagpuputgata rito sa Miramonte.

Pero hindi kita sinisisi, Ernestina, kung tumalikod ka man sa akin. Karapatan mong angkinin ang lalong makaliligaya sa iyo. Si Diego Montarez ay mayama. Maibibigay niya sa iyo ang hindi ko maibibigay. Hindi ko sasabihing hindi ako nagdaramdam. Nguni’t malilimot kita…Kaya ako naparito ngayong dapat na tayo’y nagpupulutgata rito at patunayan sa aking sariling kaya kong batahin ang pagdaramdam, at mula sa pagdaramdam na iya’y mapag-aralan ko naman ang lumimot.

Nguni’t ano ba’ng kabuluhan at ginawa ko ang sulat na ito? Hindi ko naman maipapadala ito sa iyo. Marahil ay dahil sa wala akong ginagawa rito at ang isulat-sulat ang laman ng aking damdamin ang napaglilibangan ko upang hindi mainip…

—Nag-iisa palang naghanimun dito ang lalaking ‘yon, — nawika ni Consuelo nang matapos ni Pura ang pagbasa.

—Si Diego Montarez ang napangasawa ng kasintahan, — ani Pura. —Kilala ko ang Diegong ‘yan. Kaibigan ng Papa ang kanyang mga magulang. Mayaman din nga ang mga ‘yon. Nabasa ko sa peryodiko ang kasal ni Diego…Naroroon ang kanilang larawan.

—Kaya pala napansin kong malungkot siya…— sabi ni Consuelo at ginugunita niya ang lalaking nakita sa nakasalubong nilang awto, —pati ang pagngiti niya sa akin.

Ang iba pang lukot na mga papel na naroroon ay binuklat ni Consuelo. Nguni’t ang nakasulat sa mga iyon ay katulad din ng nabasa nila sa unang binuklat. Talaga ngang naglilibang lamang sa pagkainip ang lalaking iyon.

Dumating ang matandang babaing tagapaglinis ng cottage at nagsimulang maglinis. Sinasamsam ng matanda ang mga lumang pahayagan sa salas nang makita iyon ni Consuelo. Ipinapalagay sa ibabaw ng mesita. Nasa isip niyang baka makita niya roon ang sinasabig Ernestinang kasintahan ng lalaki.

—Kayo rin po ba ang dating naglilinis dito? — tanong ni Consuelo sa matandang babae.

—Ako nga po. Bakit po?

—Di kilala ninyo ‘yong lalaking umalis dito?

—Si Mang Jaime po ba?

—Ilang araw po siyang tumagal dito?

—Isang linggo po.

—Isang linggong panay na pagkakalat ang ginawa rito, — wika ni Consuelo na marahang nagtawa. —Kaya ganito kasukal na iniwan itong cottage.

Hindi mawari ni Consuelo kung anong damdamin ang nagtutulak sa kanya at nakadarama siya ng masidhing paghahangad na tuklasin niya ang anumang maaaring matuklasan tungkol sa lalaking iyon. Jaime pala ang kanyang pangalan! naibulong niya sa sarili at tinalikuran na ang matandang naglilinis.

Sa mga lumang pahayagang naroroon ay nakita nga ni Consuelo ang larawan ni Diego Montarez at ang napangasawang si Ernestina Pagaduwan. Nakita niyang maganda si Ernestina.

Sa pamamagitan ng matandang babae ay nabatid niyang bihi-bihirang manaog ng cottage si Jaime. Palaging nasa bahay iyon at nagbabasa. Kung nananaog man ay naglalakad-lakad lamang sa pasigan o kung di kaya’y umuupo kung hapon sa lilim ng punong niyog na nasa harapan ng cottage.

Kapag gabing nakahiga na sila ni Pura ay kung bakit nagiging bukang-bibig ni Consuelo sa kanilang pag-uusap si Jaime. Kung anu-anong palagay tungkol sa binata ang nasasabi niya kay Pura. Siguro, ‘ika nga, ay lungkot na lungkot ‘yon. Siguro’y mahal na mahal ang Ernestinang ‘yon. Kung di ba naman, ‘ika pa niya, tinupad ang pangarap na paghahanimun kahit nag-iisa….

—Ano ba ang nangyayari sa iyo, Consuelo? —naipansin tuloy ni Pura. —Pulos na lamang ang Jaimeng ‘yon ang nasasabi mo. Ang pakiramdam ko tuloy ay parang kasama natin dito ang lalaking ‘yon!

—Ewan ko nga ba, parang nakikita ko siya sa lahat ng bagay na naririto. Marahil ay kinaawaan ko siya. Malungkot na talaga ang nangyari sa kanya. Isipin mo naman…—At magsisimula na naman si Consuelo ng kanyang mga pala-palagay tungkol kay Jaime nang putulin ni Pura ang kanyang pangungusap.

—Husto na ang lahat ng tungkol sa kanya, — agaw ni Pura. —Hindi ko naman masasabing iniibig mo siya, pagka’t sa awto mo lamang siya nasulyapan.

Nagtawa lamang si Consuelo.

Ilang araw lamang silang tumagal sa Miramonte. Nguni’t sa pakiramdam ni Consuelo, sa loob ng ilang araw na iyon ay para nang kasa-kasama niya ang binatang bahagya na niyang nakikilala.

Pumanhik sila ni Pura sa Bagyo, nguni’t maging sa Bagyo man nama’y parang aninong nakabuntot sa kanya si Jaime. Naging malungkutin siya. Napupuna rin naman niya ang kanyang sarili at sa kanyang sarili’y madalas niyang masabi: Baka, Consuelo, nababaliw ka na? Ano’t pinag-uukulan mo ng isip ang Jaimeng iyon?

Pinilit niyang iwaksi sa isip si Jaime.

Sa loob ng dalawang buwan, nang magbalik na sila sa Maynila at pumapasok na siyang muli sa bahay-kalakal, ay sumasagi pa rin si Jaime sa kanyang isip. Kung siya’y naglalakad, madalas biglang kumaba ang kanyang dibdib sa pagsagi sa kanyang isip na baka kaya makasalubong niya si Jaime. Mamukhaan kaya siya ni Jaime kung masalubong man, naitatanong niya sa sarili.

AT ngayon ngang gabi, sa paghihiwalay ng taon, nakadalo siya sa Club Fell. Hindi niya maaaring maapakan iyon kung sa kanyang sarili lamang. Isinama siya ni Pura. At saka nga, parang inihahanda talaga ng kapalaran, ay sa Club Fell na sila nagkitang muli ni Jaime.

Inilapit ito sa kanya ng isang kakilalang binata. Namukhaan agad ni Consuelo si Jaime. Gayon na lamang ang kaba ng kanyang dibdib. Dela Peña pala ang kanyang apelyido, nasabi niya sa sarili. Hindi niya namamalayang napatitig siya sa mukha ni Jaime – naroroon pa rin, kahit sa ngiti nito ang kalungkutang tinataglay ng puso.

Nagsayaw nga sila. Natutuwa siyang namumukhaan siya ni Jaime kahit hindi matatandaan nito kung saan siya nakita. Hindi niya masabing sa Miramonte, pagka’t kapag sinabi niya’y para bang ang kalahati ng nilalaman ng kanyang puso’y ipinahahayag na niya. Kataka-takang matandaan niya agad ang isang lalaking nakasulyapan lamang sa pagsasalubong ng kani-kanilang sasakyan.

—Hindi ako nagkakamali, nakita ko na kayo…nakita ko na kayo noong araw pa, —narinig ni Consuelo na wika uli ni Jaime.

—Huwag na ninyong piliting isipin kung hindi ninyo maisip! — nakangiting pasaring ni Consuelo.

Walang anu-ano’y may nakabangga sila, kaypala’y sapagka’t wala sa loob nila ang pagsasayaw. Napatigil sila. Alam niyang hihingi ng paumanhin si Jaime sa panauhing nakabangga nila. Ngunit nakita niyang naiwang nakabukas ang bibig ni Jaime. Walang namulas na kataga.

—Jaime! — pagulat na bigkas ng babae na parehong nabangga nila.

—Ikaw pala, Ernestina. — At nakita ni Consuelo na sumulyap si Jaime sa lalaking kapareha ng babae. —Kayo palang napangasawa!

Ngumiti ang lalaki. Si Diego Montarez iyon, naisaloob ni Consuelo.

—Masaganang Bagong Taon, Jaime! — ani Diego.

—Salamat, at gayundin sa inyong mag-asawa! — tugon ni Jaime. At saka lamang ipinakilala nito si Consuelo sa mag-asawa.

Nahalata ni Consuelo na sinukat siya ng tingin ni Ernestina. Hoy, huwag kang titingin-tingin nang ganyan, ani Consuelo. Maganda ka rin nga, nguni’t sa palagay ko’y higit na maganda ako kay sa iyo. At sinadya ni Consuelo na magiliw na kumapit sa bisig ni Jaime. Natapos ang tugtog. Inihatid siya ni Jaime hanggang sa kanyang upuan. Habang lumalakad sila’y sinusulyapan niya si Jaime. Nakapakunot-noo ito. Sa sarili’y nasasabi ni Consuelo kay Jaime: Hindi ka dapat na magdamdam…Maaari kang makakita ng higit kaysa kanya…

Nang makarating sila sa hanay ng mga upuan ay dinatnan nila roon si Pura. Hindi napaglabanan ni Pura ang panggigilalas nang mamukhaan si Jaime.

—Kayo pala ang kasayaw ni Consuelo, — nasabi ni Pura. —Akalain mo nga naman…nagkatagpo rin kayo nang totohanan!

—At kilala ninyo ako? — may pagtatakang nabigkas ni Jaime.

Sinikap ni Consuelo na masenyasan si Pura, nguni’t hindi siya napansin nito.

—Hindi ninyo natatandaan…sa Miramonte, — sabi ni Pura. — Kami ang dumarating nang kayo’y paalis…kami ang humalili sa iyo sa cottage!

—Natatandaan ko na, — nabiglang sambit ni Jaime na napapasaltik ang dalawang daliri. —Ang dalawang dalagang nakakotse na nakasalubong ko. Ikaw…ikaw ‘yong ngumiti sa akin, Consuelo! — At nakalimutan ni Jaime ang pamumupo.

Napatango si Consuelo.

—Samakatwid ay natatandaan mo ako…ipinagkaila mo lamang sa akin?

—Mangyari’y ikaw ang unang hindi nakatanda, — sagot ni Consuelo.

—Natatandaan ko ang babaing iyon na ngumiti sa akin sa Miramonte, —tugon ni Jaime at nabasa niya sa mga mata nito ang isang gunitain. —Nguni’t hindi ko natatandaan ang kanyang mukha, palibhasa’y bahagya ko na siyang napagmasdan. Madalas na nasasabi ko sa sarili: Sino kaya siya? Napakagaan ng kanyang ngiti…

—Ang sabihin ninyo’y hindi nga ninyo kami matatandaan pagka’t sa Miramonte ay may pinagkakaabalahang iba ang inyong isip, — may paklang pakli ni Pura na tumitig kay Jaime. —At maalala ko pala…narito si Diego, namataan ko kangina ang mag-asawang Diego at Ernestina!

Napakunot-noo si Jaime. Napatitig ito kay Pura at pagkatapos ay lumipat ang tingin nito kay Consuelo. Saglit na nagkasalubong ang kanilang titig. Si Consuelo ang unang bumawi at yumuko.

Narinig na muli ang pagtugtog ng orkestra. Inanyayahang muli ni Jaime si Consuelo na magsayaw sila. Ngayo’y parang may isang kalawakan ng katahimikang nakapagitan sa kanila. Kapwa sila walang kibo.

Ang kasiglahang karaniwan sa nalalapit na paghihiwalay ng taon ay nagsisimula nang bumangon. Sa tugtog ng orkestra’y sumasalit ang dumadalas na tunog ng mga trumpetang papel. Nabubuhay na ang mga alingasngas ng sama-samang tinig na di-magkamayaw at ang masasayang tawanan. Sa kaingayang iyan ay gumigiit na lamang ang tugtog ng orkestra.

Nguni’t patuloy ang sayawan at ngayo’y tila lalong dumami ang nagsisipagsayaw. Sa katahimikang nakapagitan kina Jaime at Consuelo, ang isip ni Consuelo ay lumilipad at naitatanong niya sa sarili: Hindi pa kaya nakalilimot si Jaime kay Ernestina? Dala-dala pa kaya nito ang makirot na sugat ng puso? At nakadarama siya ng lungkot.

—Mabuti yata’y magpasyal-pasyal tayo sa hardin, — maya-maya’y narinig ni Consuelo na sabi ni Jaime. —Siksikan din lamang sa mga nagsisipagsayaw. Baka mayroon pa tayong mabangga. —At marahang nagtawa si Jaime.

Nadama ni Consuelo na naligayahan siya sa tawang iyon ni Jaime.

—Mabuti nga! — ani Consuelo.

Huminto sila sa pagsasayaw. Lumakad na magkahawak-kamay at lumilihis sa mga nagsisipagsayaw hanggang sa makarating sila sa pintuang papanaog sa hardin. Sa harapan ay may nakasalubong silang isang batang lalaking nagbibili ng mga lobo at mga trumpetang papel. Bumili si Jaime ng tigalawang lobo at tig-isang trumpetang papel. Itinali ni Jaime sa pupulsuhan ni Consuelo ang pisi ng lobo. Magkasabay silang humihip ng kani-kanilang trumpetang papel at pagkatapos ay nagtawanan nang malakas.

Magandang-maganda ang hardin. Nagagayakan ang punong naroroon ng maliliit na bombilyang may iba’t ibang kulay. May mga serpentinang naglawit at nagkislap-kislap sa tama ng liwanag ng may iba’t ibang kulay. Marami ring tao roon. Naglisaw ang pare-parehang babae’t lalaki. Tinungo nila ang isang punungkahoy na nasa isang sulok ng hardin.

—May nalalaman ba kayo ni Pura tungkol sa akin at kay Ernestina? — naitanong ni Jaime kay Consuelo.

Tumango si Consuelo. —Nabasa namin ang sulat sa isa sa mga lukot na papel na iniwan mong nakakalat sa cottage. Akala namin walang kabuluhan iyon kaya binasa namin.

—Napakapabaya ko, — ani Jaime na napakamot ng ulo. —Akalain mong iwan ko pa roon ang mga kabaliwan kong ‘yon! Siguro’y pinagtatawanan ninyo ako ni Pura, ano?

—Walang dapat itawa sa bagay na iyon! — sagot ni Consuelo.

—Alam mo…kapag masidhi pala ang pagdaramdam, ang tao’y nakagagawa ng mga kabaliwang katawa-tawa. — At napakamot sa ulo si Jaime. —Ang pangarap namin ni Ernestina ay sa Miramonte kami magha-honeymoon. Nag-asawa nga siya bago dumating ang aming kasal. At nang dumating ang araw ng nakatakdang aming kasal…ay mag-isa akong nagtungo roon. Kabaliwan, ano? Pero ang nasa isip ko’y dapat na harapin ko ang aking pagdaramdam…at limutin agad kung magagawa ko!

—Gayon nga ang nabasa namin sa iniwan mong lukot na papel, — naisagot ni Consuelo.

—At pagkaraan ng isang linggo’y umalis ako roong mamad sa pagdaramdam ang aking puso, — sabi ni Jaime. —Kaya kong dalhin ang pagdaramdam sa aking pagkabigo at sapagka’t kaya ko’y maaari kong malimot.

Nakalimot ka na kaya? itatanong sana ni Consuelo, nguni’t hindi niya iyon nabigkas. Umalingawngaw ang pitada ng masasayang tinig at tunog ng mga trumpetang papel ay nagkasama-sama. Sa daan ay nakatutulig ang pagsambulat ng mga rebentador. Nakisama sina Consuelo sa kagalakang iyon. Hinihipan din nila ang kani-kanilang trumpetang papel.

—Consuelo, sinasabing sa paghihiwalay ng taon ay nakahihiling ang isang tao ng pinakamimithi niyang ibig mangyari sa susunod na taon. Ano ang hinihiling mo sa Bagong Taon? — pahiyaw na wika ni Jaime na nagsisikap mapangibabaw ang tinig sa kaingayang naghahari.

—Ang hinihiling ko ay…ang hinihiling ko ay…— At hindi naituloy ni Consuelo ang kanyang sasabihin.

—Ano? — usisa ni Jaime at inilapit pa ang tainga nito sa dalaga.

—Malimot mo siya!

—Iyan ay natupad na…kasama na ng lumang taon!

—Ikaw, ano ang hinihiling mo?

—Ikaw!

Nagkaugnay ang kanilang titig. Napawi ang ngiti ni Consuelo.

—Ang…ang ibig kong sabihin, — wika ni Jaime, —ay magpatuloy ang ating pagkilala at pahintulutan mong makadalaw ako sa inyo.

—Matutupad din ang iyong hiling!

At sila’y nagkatawanan. Masayang-masayang pagtawanan na tila walang alaalang malungkot ang nakaraan at waring ang lahat ng ganda ng pag-asang nakatuon sa dumarating na Bagong Taon.