Tula ni Miguel B. Alvaro
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Enero 12, 1959)
SINDIHAN mo, anak, ang hawak mong lusis
Upang ang karimlan ng gabi’y mapunit;
Tanlawan mong lahat ang kasakit-sakit
Na nangakukubling larawan ng hapis;
Ilawan mo silang ayaw ipasilip,
Ikinahihiya ang pagkamarungis;
Ipaglantaran mo yaong anyong pangit
Ng karalitaan na kalait-lait.
“PAGKA’T ang maysakit ay inilalagay
Sa hagdan ng templo, upang ang nagbuhat
Sa pananalangin ay nakapagbigay
Ng mabuting payo na makalulunas.”
SUSUHAN mo, anak, ang iyong paputok
Upang magkahalo ang ingay at tunog;
Paluin ang lata, upang ang kalantog
Ay makipang-agaw sa taghoy ng lungkot;
Ang karalitaan ng salat at dahop
Makalilimot din na sila ay kapos;
Sa pagkakagulo’y di magsasaloob
Nang paghihimagsik ang nadadayukdok.
“KUNG kaya ang bungo ng patay na tao
Ay sa mga nitso dapat na ilagay
Sapagka’t maganda ang pinta ng nitso,
Hindi iisipin na pangit ang laman.”