ni Armando T. Javier
SA kasambahay na lamang nalaman ni Zar na nag-alsa-balutan si Val.
“At sa’n daw s’ya pupunta?” Pagod siya, puyat din dahil kauuwi niya mula sa isang gig sa probinsiya.
“Sa mommy n’ya raw muna s’ya, kuya…”
Napailing si Zar. Tinoyo na naman siguro ang girlfriend niya. Lagi na kapag may tampo o hinanakit ito sa kanya, nagwo-walk-out si Val, kundi naman ay bibigyan siya ng cold treatment. Susuyuin niya, ide-date, ipags’ya-shopping. Binalaan na siya ng mommy ni Val tungkol sa ugali ng anak nang malamang magkarelasyon na sila.
“Ikaw ang nakatatanda sa kanya, Zar, ikaw na’ng umunawa.”
Spoiled daw kasi sa namayapang ama si Val palibhasa’y solong anak.
“Kung nabubuhay nga’ng husband ko, t’yak na hindi s’ya papayag na mag-live-in lang kayo, pero…ginusto ‘yan ni Val–at matigas ang ulo ng anak kong ‘yan!”
Totoo. Kaya nga bihira ang nasasalihang pelikula o TV series ni Val, na isang struggling actress. Beterana sa mga acting workshops at reality shows, nakalabas bilang bit player sa ilang pelikula at teleserye, pero dahil strong willed at tila mas marunong pa sa direktor, umiikli ang exposure.
“Manyakis ‘atang direktor na ‘yon. Indie film lang, hindi naman ako’ng bida e gusto agad na makipag-bedscene ako? Ano s’ya sinus’werte?”
“Kung mahaba at markado naman ang role mo’t exposure, why not?”
“Inirereserba ko’ng daring roles kung ako na’ng bida. Kung ngayon pa lang e magpapaka-daring na ‘ko, ano pa’ng aasahan sa ‘kin ng moviegoers sa launching movie ko?”
Hindi siya manalo kay Val sa argumento.
Idinayal niya ang number ni Val sa cellphone. Nag-ring, pero hindi nito sinagot. Ipinamulsa uli ni Zar ang cellphone; tinotoyo na naman nga siguro.
Nakilala niya si Val sa isang gig nila sa Pasig. Kasama ito ng kanilang manager, si Chinggay, na ang kaibigang beki ni Val ay kaklase raw nito. Ipinakilala siya ni Chinggay sa dalawa. Nauna pang maglahad ng kamay si Val.
“Faney na faney mo ‘ko!” sabi, kay luwang ng ngiti.
Nilingon niya si Chinggay, ngumiti, saka sinabi kay Val, “Gusto mo ng selfie?”
“Itinatanong pa ba ‘yon?”
Umakbay siya kay Val; humilig ito sa balikat niya; animo’y close sila at matagal nang magkakilala.
Magmula noon, malimit na niyang makita sa gig ng kanilang banda si Val. Pinakamalakas itong tumili; eskandalosa na nga. Napapailing lamang siya at ang kanyang mga ka-banda.
Single siya noon, nakahiwalayan ang matagal niyang girlfriend-model nang may matindi silang pinag-awayang may kaugnayan sa pera. Inginunguso sa kanya ng kanyang mga ka-banda si Val.
“Maganda na, artista pa, kikay pa!”
Hindi pa sila–pero patungo na roon ang relasyon nila; kumpirmasyon na lamang ang kailangan. Malimit na nga silang nagkakasama sa gimikan: sa first day showing ng pelikulang nasalihan ni Val, sa unang airing sa cameo role sa teleserye (pinanood nila sa isang bar sa Poblacion, Makati), kung may okasyon (birthday halimbawa ng sinuman sa apat niyang kasamahan sa banda), sila ang magkasama.
“Kung kayo na lang kaya?” sabi nga ni Chinggay. “Ilang months na namang single si Zar.”
Nilingon siya ni Val, malagkit ang pagkakatingin sa kanya.
“Ano, idol, type mo?”
Isinama niya si Val sa inuuwian niyang townhouse pagkagaling sa birthday party; doon na ito nagpalipas ng gabi.
ANG larawan nila ni Val, magkaakbay at nasa gilid ng bundok, tanaw ang papasikat na araw at ang bulumbon ng mga puting ulap, kuha sa Sagada, ang unang napukol ng tingin ni Zar nang pumasok siya sa kanilang silid. Ikatlong monthsary nila noon. May gig sina Zar sa Baguio, sumunod doon si Val at nang makalibre sila’y nagyaya ito sa Sagada.
“Kung magkaka-baby tayo, lalo’t babae, Gada’ng gusto kong ipangalan sa kanya. Malapit-lapit na sa ganda…”
Napakislot si Zar. “A-At kung lalaki?”
“Sag!” Humalakhak si Val.
Halos magkasunod lamang ang birthday nila. Pebrero 13 ang birthday ni Val kaya ito pinangalanang Valerie. Marso naman ang kaarawan ni Cezar, a-kinse–kamatayan ni Julius Caesar.
Nang magkasundo silang mag-live-in noong isang taon, katatapos lamang mag-birthday ni Val; beinte sais na ito. Magkasama sila sa gig ni Zar sa Libis pagkatapos ay dumiretso na sa Tagaytay. Dalawang araw silang nag-check-in sa hotel doon. Kapwa nakaroba at nakatanaw sa Taal Volcano, nakayakap si Zar sa likuran ni Val, nakahilig naman ito sa kanyang balikat. Biglang nasabi ni Val, “Ano kaya kung mag-move-in na lang ako sa place mo?”
“As in…?”
“As in…!”
“Gusto ko ‘yan,” sabi ni Zar, “e papayagan ka ba ng mother mo?”
Tutol, siyempre pa, ang ina ni Val, pero nakapanaig pa rin ang gusto ng kanyang girlfriend. Naglipat ito ng mga gamit sa townhouse niya nang linggo ring iyon.
Saglit na nagpahinga si Zar, pagkuwa’y naligo saka muling tinawagan sa cellphone si Val. Nagri-ring pero hindi pa rin nito sinasagot. Ipinamulsa niya ang cellphone at sa landline naman sinubok na tumawag; nagbabakasakali siyang damputin ni Val ang telepono at makausap niya ito. Ang tinig ng mommy ni Val ang nag-hello sa kabilang linya.
“Tita, si Zar ho ‘to. ‘And’yan daw ho si Val…?”
“’Oy, Zar, ‘andito nga s’ya pero umalis. Me appoinment daw s’ya sa OB-Gyne.”
“OB-Gyne? Bakit ho, m-me sakit ba s’ya?”
Natawa sa kabilang linya ang Mommy Ludy ni Val.
“Naku, wala. Me isi-share ako sa ‘yo, ‘wag mong sasabihing ako’ng nagsabi sa ‘yo, ha?”
“Yes, tita.”
Nagmahina pa ng boses ang mommy ni Val, tila sadyang nililihim siya.
“Duda kasi s’ya na ano…baka preggy s’ya…”
“G-Gano’n ho?” tila muntik siyang mabulunan.
“Hindi pa kumpirmado kaya nga s’ya kumukunsulta sa OB.” Napahagikhik pa. “Kaya rin siguro masungit at moody.”
Baka nga, pagsang-ayon ni Zar sa isip niya. At nagbalik sa kanyang alaala ang nakalipas na ilang araw. Parang laging iritado si Val; tila naa-allergic sa kanyang pabango; nagbibilin din sa kanya na ipag-uwi niya ito ng honeydew melon.
“Ha? In season ba ‘yon ngayon?”
“Wala namang season ang honeydew. Kahit nga sa supermarket makakabili ka n’yon.”
“At ba’t naman biglang-bigla kang nagke-crave sa milon?”
“Basta!”
Hindi niya binigyan ng importansiya. Naisip niya, baka nagre-reduce lang si Val; baka may pinaghahandaang acting role, na kailangan nitong magbawas ng timbang. Napansin din niya, humihina yatang manigarilyo si Val. Dati’y nakakaubos ito ng isang kaha sa maghapon. Kamakailan, natitirhan pa ito ng sticks ng sigarilyo sa kaha. Kaya pala. At noon pumasok sa isip ni Zar, hindi kaya bahagi pa rin ng paglilihi nito (kung totoo) ang tila pag-iwas at paninikis sa kanya?
Ilang araw na lang Valentine’s Day na. Naplano na sana ni Zar sa isip ang itinerary nila. Yayayain niya si Val sa El Nido, Palawan; doon sila didiretso pagkatapos ng gig nila ng banda. May natanguan nang gig si Chinggay na kailangan nilang siputin. Isasama niya roon si Val, bibilinang mag-empake ng gamit bago pa ang Valentine’s, at mula sa hotel sa Ortigas area, diretso na sila sa airport patungo sa Palawan. Sorpresang lahat sana ito kay Val, pa-birthday na rin at selebrasyon nang isang taong anibersaryo ng kanilang pagsasama.
Kinuha ni Zar sa backpack ang kahita ng engagement ring na balak sana niyang ialok kay Val pagdating nila sa El Nido. Matagal na niyang napag-ipunan ang sinsing. Isinara niya uli ang kahita at ibinalik sa backpack. Napailing siya, sabay ngiti: ang balak niyang sorpresahin ay may inilalaan din palang sorpresa sa kanya. Salamat kay Mommy Ludy at nabigyan siya ng advance information. Babayaan niyang ‘magdrama’ muna ang girlfriend niya (aktres naman kasi ang gusto niyang pakasalan). Bibigyan niya ito ng space. Baka hindi makatiis, bumalik din sa townhouse at ianunsiyo sa kanya ang big reveal.
Nag-message siya kay Val, sinabing doon na muna ito sa mommy niya (kung iyon ang gusto nito) pero ipinaalalang may date sila sa birthday nito, bisperas ng Valentine’s Day, at susunduin niya roon ang girlfriend, saka siya bumalik sa kama at bumawi ng tulog.
Sadyang sinasabik yata siya ni Val, pinasu-suspense; nagising na siya, nakakain na at patungo na sa praktis nila ng banda ay wala pa ring paramdam si Val. Tinotoyo nga!
GABI ng a-trese nang puntahan niya si Val sa bahay ng mommy nito. Bahagya siyang nakaramdam ng kaba habang kinakapa ang kahita ng sinsing sa kanyang bulsa. Paano kung may toyo pa rin si Val at dedmahin siya? Bahala na.
Nakangiti si Mommy Ludy nang pagbuksan siya.
“Buti’t dumating ka na, kanina pa bihis si Val. Naiinip na nga.”
Nakapulang dress nga si Val, backless pa; ayos na ayos din ang buhok, tila galing sa parlor; mapulang-mapula rin ang labi sa ginamit na lipstick.
Bumeso siya rito nang makalapit.
“Happy birthday. Nabasa mo’ng text ko?”
“Oo naman.”
“Wala ka nang soy sauce…?”
Ngumiti, saka siya mahinang binayo sa balikat. Umangkla sa kanyang braso ang kamay ni Val. Nagpaalam sila sa mommy nito na pasimpleng kumindat kay Zar nang siya’y maglingon-likod.
Nakapagpareserba na siya ng mesa sa restaurant ng hotel na iyon para sana sa mismong Valentine’s Day, mabuti’t napakiusapan niyang magamit na lamang ngayong gabi. Nag-dinner sila, sumayaw sa ballroom sa saliw ng isang piyanista; kumukuha pa rin ng tiyempo si Zar kung paano magpo-propose sa girlfriend. Nakabalik sila sa kanilang mesa, wala pa ring masyadong usapan; tila kapwa nagpapakiramdaman. Marami pang ibang parehang magkaka-date sa restaurant. Palasak ang pumpon ng pulang rosas at hugis-pusong kahon ng mamahaling tsokolate. Binalak din niyang dalhan ng rosas si Val pero nakokornihan ito kapag binibigyan niya ng bulaklak; isinantabi niya ang kanyang balak.
“Okey ka na?” maya-maya’y sabi ni Zar.
“O-Okey na ano…?”
“Ba’t ka ba nag-alsa-balutan?”
“Wala.”
“Ang arte mo, ha? Ayaw mo bang mag-explain?”
“Wala nga!”
“K-Kasi, Val, hindi na ‘ko sanay na hindi tayo magkasama…sa bahay. Nag-panic nga ako, na bigla-bigla, nag-evacuate ka sa mommy mo.”
“Para ‘yon lang–konting space?”
“Para saan?”
“Ito naman…kalimutan mo na ‘yon! Sinisira mo’ng mood nitong place.”
Hinawakan niya ang palad ni Val.
“Gusto ko na tayo…as in tayo na–for life!” Saka niya dinukot sa bulsa ng kanyang pantalon ang kahita ng sinsing at marahang itinulak ng daliri palapit kay Val. Nakatingin ito sa kanyang mukha, nakamulagat. Marahang iniangat ang takip ng kahita at tumambad dito ang sinsing. Tumingin uli sa kanya, tila nangilid sa luha ang mga mata.
“Will you…?”
“Yes! Yes!”
Dumukwang siya’t mabilis itong hinalikan sa labi.
Kinabukasan, sa gig nila sa Ortigas, kasama na niya si Val. Nakaempake na sila, handa nang bumiyahe pa-El Nido pagkatapos ng tugtog nila ng banda. Kinasapakat na ni Zar si Chinggay; ibinigay nito ang inorder niyang mga rosas habang nasa stage siya at nagpe-perform. Nasorpresa si Val. Itinaas nito ang pumpon, sadyang ipinakikita sa kanya, at sinamyo-samyo ang mga rosas. Kapansin-pansing hindi magaslaw ngayon si Val. Behaved na behaved; parang ingat na ingat.
Magkatabi sa upuan sa eroplanong patungong Palawan, hinihila ng antok si Zar. Patuloy namang nililikot ni Val ang kanyang ilong, parang ayaw siyang paidlipin; tila napagtitripan siya.
“Hon…”
“O…?”
“Dumilat ka muna.”
“Puyat ako. Patulugin mo muna naman ako, hon.”
“Saglit lang. Sige na.”
Dumilat siya. At ano nga itong hawak ni Val na halos ipagduldulan na sa mukha niya? Pregnancy test kit. May dalawang pulang guhit sa gitna.
“T-Totoo ba?”
“Oo. Happy Valentine’s, daddy!”
Nayakap niya, bigla, si Val. At pinupog ng matutunog na halik sa pisngi.