1. Ang Substrata Factor Theory (Holmes, 1953)
ANG teoryang ito ay nagsasabing ang maraming kasanayan at proseso ay sumasalamin sa bilis at puwersa ng pagbasa. Ito’y nakikilala ng mambabasa sa sistema ng paggawa batay sa kaniyang layunin at pagsasakatuparan ng mga gawain. Malinaw na naipaliwanag ito ni Homes batay sa iba’t ibang pamamaraang ginagamit sa pagtuturo ng pagbasa. Ayon sa kaniya, ang bawat tuon o emphasis sa pagbasa ay nagtataglay ng higit na maraming sistemang kakailanganin sa epektibong pagbabasa.
2. Ang Text-Focused and Content Focused Theory ni Glazer (1997)
SA teoryang ito, binibigyang-tuon ang nararapat na pagsusuri sa isang kuwento. Sa text-focused approach, sinusuri ang elemento ng kuwento upang mabatid ang sapat na kaangkupan nito sa mga pinag-uukulan nitong mambabasa at matukoy ang mga nararapat pang paunlarin samantalang sa context-focused, mahalaga ang kaligirang nakapaloob sa kuwento at mga salik sa pagkakasulat nito ng awtor.
3. Ang Transfer Theory
SA teoryang ito ang kaalaman ay naipapasa mula sa guro patungo sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga elemento sa pagtuturo tulad ng mga estratehiya, kaalaman bilang mahuhusay na mga elemento sa pagtuturo ang magiging daan ng mga mag-aaral upang matamo ang mga karunungan sa araling pinag-aaralan. Nangangahulugan na ang isang guro ay dapat magkaroon ng malawak na kaisipan hinggil sa mga epektibong elemento sa pagtuturo, nang sa gayon ay makatulong sa mga mag-aaral upang mapalawak ang kaalaman sa bawat aralin. Ang teoryang ito ay nakasandig sa kakayahan ng isang guro sa pagtuturo.
4. Ang Sociocultural Theory
ANG teoryang ito ay nalalahad na ang pag-aaral ng tao at ng kaniyang propayl ay naglalarawan ng makabuluhang prosesong sosyal. Ito ang isa sa mga batayan ng guro sa pagbuo at paggamit ng mga angkop na estratehiya sa kaniyang pagtuturo.
Ginagamit din ang teoryang ito upang matukoy ang mga ideyang nakapaloob sa buhay ng isang tao at sa uri ng lipunang kaniyang ginagalawan. Ito’y maituturing ding teoryang pangkognitibo. Inuunawa ng guro ang mga salik sa kapaligiran ng bawat mag-aaral na kaniyang tinuturuan. Ito ang mabilis na paraan upang matuklasan ng guro ang kaalaman, kakayahan at kasanayan ng mga mag-aaral.
Ang teoryang ito ay nagmula sa pag-aaral ng mga sikologo na nagsasabing ang paggana ng isip ng tao ay panimula ng isang organisadong proseso na nabuo sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga kultural na artifact, mga gawaing bunga ng karanasan at mga konsepto. Dahil dito, ang guro ay natututuhan ang mga bagong ideya na kaniyang magagamit sa pagtuturo batay sa kaniyang nasaksihan sa kapaligiran.
5. Ang Bottom-Up Theory
NANINIWALA ang maraming mananaliksik na ang pagbasa ay bunga ng malaking impluwensiya ng teoryang behaviorist na sa paglinang ng pag-unawa sa tekstong binabasa, ang dapat na maging pokus ay ang kapaligiran ng bumabasa. Sa teoryang ito, kinikilala ang pagbasa bilang serye ng mga nakatalang simbolo (stimulus) upang maibigay ang katumbas nitong tunog (response). Kinikilala sa teoryang ito na ang pagkatuto sa pagbasa ay nagsisimula sa yugto-yugtong pagkilala ng mga letra patungo sa pagbuo ng salita, parirala at pangungusap bago pa man mabigyang-pagpapakahulugan ang tekstong babasahin.
Mas kilala ang teoryang ito sa tawag na ‘kumikilala sa salita’ dahil ang teksto ang batayang pokus ng pagbasa. Sa pananaw ni Smith (1983), ito ay data driven dahil nakukuha ng bumabasa ang impormasyon sa teksto batay sa pagkaunawa niya sa binasang teksto.
6. Ang Top-Down Theory
TUNAY na napakahalaga ng pag-unawa sa binabasang teksto. Ito ay nagsimula sa iniisip ng tagabasa (top) tungo sa tekstong babasahin (down). Ang tagabasa ay dati nang may kaalaman (prior knowledge) na nakaimbak sa kaniyang kaisipan kasabay ng pagkakaroon niya ng kakayahang magamit ang wika habang nagagamit ang pakikipagtalastasan niya sa awtor sa pamamagitan ng tekstong kaniyang binabasa.
Taglay ng prosesong ito ang tatlong mahahalagang uri ng impormasyon: 1) Impormasyong Semantiko na kasama ang pagpapakahulugan sa salita at pangungusap, 2) Impormasyong Sintaktiko na kasama ang pagkakaayos sa wika at estruktura ng wika, at 3) Impormasyong Ponetiko na kasama ang pag-uugnayan ng letra at tunog, at pagbaybay ng salita.
7. Ang Interactive Theory
SA ilalim ng teoryang ito ay nakapaloob ang tatlong modelo: (1) ang Modelong Interactive-Compensatory, (2) ang Modelong Interactive-Theoretical, at (3) ang Modelong Interactive-Activation.
7.1 Ang Modelong Interactive-Compensatory
Ayon kay Stanovich, ang pagbasa ay kinasasangkutan ng maraming bilang ng interaksiyon sa teksto. Dahil dito, mahalagang mahanap ng mambabasa ang kaniyang kakayahan sa pagpoproseso ng teksto. Kung ang komprehensiyon ang tunguhin ng mahusay bumasa, sa mga hindi mahusay bumasa ay mahalagang malinang muna ang kaniyang kakayahan sa pagkilala ng mga salita.
Dahil nakita ni Stanovich ang kahinaan sa pagdedetalye ng modelo sa proseso ng pagbasa ni Goodman, gumamit si Stanovich ng pinagsamang top down at bottom up upang mapalawak ang aspeto ng pagbasa. Sa modelong ito ay ginagamit ng mambabasa ang (1) pamilyariti sa paksa, (2) ang dating karanasan sa materyal na nakasulat / nababasa, (3) kaalaman sa pagbasa, at (4) inaasahan sa pagbibigay-kahulugan sa isasagawang paghinuha o prediksiyon.
7.2 Ang Modelong Interactive-Theoretical
Ang modelong ito ay nagpapakita na ang pagbasa ay kombinasyon ng dalawang uri ng pagpoproseso- ang prosesong top down na nakabatay sa mambabasa at ang bottom up na nakabatay sa teksto.
7.3 Ang Modelong Interactive-Activation
Ang modelong ito ay naglalarawan kung paanong ang pananaw ng mag-aaral ay naiimpluwensiyahan ng mga impormasyong leksikal, ortograpikal, semantikal at sintaktikal.
8. Ang Schema Theory
ANG teoryang iskema o teoryang iskemata na kilala rin bilang teoryang Whole-to Part ay nagmumungkahing ang wikang ginagamit ng mga bata at ang kanilang pagbabasa ay nagaganap mula sa kabuuan patungo sa mga baha-bahagi nito, na nangangahulugang nakikita ng mga mag-aaral ang pangkalahatang iskema bago ang kasunod na mga detalye ng pagbasa. Ang isang halimbawang maiuugnay rito ay ang pagbuo ng hulwarang intonasyon sa pagbigkas ng salita gamit ang katutubong wika bago tunguhin ang leksikalisasyon o ang paggamit ng mga pangungusap. Sa pagbasa, nagbibigay muna ng clue o signal ang guro na makikita sa salita sa hulwarang pangungusap bago maipabasa ang salita.
Ito’y nagbibigay ng mahalagang pundasyon ng pag-unawa sa akda o tekstong ekpositori na ipinababasa mga mag-aaral. Nagiging aktibo ang kaalaman ng mga bata sa pamamagitan ng pagbabasa dahil ang mga bagong kaalaman ay naisasanib sa mga kaalamang dati na nilang alam. Dahil dito, ang kawalan ng dating kaalaman ay magiging hadlang sa mabilis na pag-unawa sa binasang teksto.
Natukoy nina Vacca at Vacca (1989) ang tatlong magkakaugnay na problema sa iskema na makahahadlang sa mabilis na pag-unawa sa tekstong binabasa ng mga mag-aaral:
- Pagkakaroon ng iskema. Ang kakulangan sa kaalaman at impormasyon ng mga mag-aaral ay nakapipigil sa mabilis na pag-unawa sa teksto.
- Pagpili ng iskema. Ang kabiguang maibigay ng mga mag-aaral ang batayang kaalaman ay nagiging sagabal habang binabasa ang teksto.
- Pagpapanatili ng iskema. Ang kawalan ng kamalayan sa mga kinakailangang kasanayan sa wastong pagbabasa ay hadlang sa patuloy na pag-unawa sa nilalaman ng binabasang teksto.
Ang pagbuo ng panimulang kaalaman sa pagbasa ay mahalaga sa masaklaw na komprehensiyon. Bukod sa pagbabasa, ang kaalaman ay nakukuha sa iba’t ibang paraan sa tulong ng tuwirang karanasan, masalimuot na karanasan, presentasyong awdyo-biswal, diskurso, o pasalitang interaksiyon.
Samakatuwid, ang Teoryang Iskema ay nagbibigay ng direksiyon sa mga bumabasa kung paano bubuo at gagamitin ang pagpapakahulugan sa dati nilang kaalaman. Ito ang tinatawag sa Ingles na background knowledge. Kung babalangkasin naman ang dating kaalaman sa pangmaramihang proseso ay tinatawag itong schemata sa Ingles.
9. Ang Psycholinguistic Theory
INILAHAD nina Goodman, Smith at Coady (1982) ang modelo sa paglalarawan ng teoryang ito:
- Binabasa ng mga mag-aaral ang maikling kuwento na umaasang may nalalaman sila sa paksa.
- Nakuha nila ang ilang kaalaman sa binasang maikling kuwento batay sa wikang kanilang natutuhan, sa paksa at panimula bilang kapalit ng di nila naunawaan sa teksto.
- Nakabubuo ng hinuha ang mga mag-aaral sa mensaheng nakapaloob sa maikling kuwento.
- Natataya ng mga mag-aaral ang kanilang hinuha habang patuloy nilang binabasa ang maikling kuwento. Nirerebisa nila ang kanilang hinuha batay sa kanilang binabasa.
10. Theory on Text Data
PINATUTUNAYAN sa teoryang ito na ang teksto ay may layunin. Katunayan, sina Gray at Leary (1935) ang kauna-unahang nakatuklas na ang madalas na paggamit ng salita (word frequency) at haba ng pangungusap ay naglalaman ng kahirapan sa pag-unawa sa nilalaman ng teksto. Upang mabilis na maunawaan ang nilalaman ng teksto, iminungkahi nila ang paggamit ng higher frequency words at maiikling pangungusap. Ngunit pinaaalalahanan ang lahat na kahit hugnayan ang pangungusap ay mabilis ding maunawaan ang kahulugan nito kung malinaw itong nagpapakita ng sanhi sa inilahad na sitwasyon.