Nais Kang Mahalin

ni Armando T. Javier

(Ika-3 na labas)

“HI, boys!” 

Lumapit si Princess sa umpukan.

“Hi!” ganting-bati ng tatlong lalaking nag-iinuman. “Upo! Upo!” Binigyan siya ng mauupuang plastik. 

Nilingon ni Princess ang lalaki. Asiwa ito. Tila naaasar na kay bagu-bago niya roon ay nakikiumpok siya nang walang pangimi sa mga nakahubad-barong tomador.

“Muk’ang okey ang toma n’yo, a?” sabi ni Princess. Nakahalukipkip habang tinitingnan ang iniinom na long neck ng grupo. Sardinas ang pulutan. Maaga pa ay maalinsangan na. Pawisan ang tatlo. Mapupula na ang mukha at ngayo’y malisyoso ang tingin sa kanya.

“Tagay mo, miss,” alok ng isa.

Tumingin muna siya sa lalaki at nang walang makitang reaksiyon sa mukha nito, inabot niya ang baso at lumagok ng alak. Umaskad ang mukha niya. Nagngitian ang tatlong nag-iinuman.

“Olrayt!”

“Kabalahibo pala ‘to, p’re!”

Pumalakpak ang dalawa. Ngumiti lamang ang lalaki nang tapikin ng kainuman at sabihan, “Okey s’ya, pards!”

Nakipag-toast si Princess. Bumuntunghininga ang lalaki, tila tinatantiya siya.

“Ipakilala mo naman kami sa kasama mo,” sabi ng isa.

Napatanga ang lalaki. Hindi alam ang pangalan niya.

“Ako si Princess.”

“Si Princess,” ulit ng lalaki. “Si Totoy, si Ponso, si Dagul. Barangay tanod dito–sa gabi. Sa araw-barangay tagay!”

Halakhakan.

Parang nakasaya sa lalaki na napatawa nito ang tatlo. Pati na si Princess.

Nahuhuli niya ang panakaw na tingin ng tatlong tanod. Nakatutukso naman talaga ang matutulis na dunggot ng nipol niya sa suot na kamiseta. Nakapagpapainit ng dugo. Mamatay kayo sa gigil!

Lumalaban siya nang kuda sa tatlo. Game siya. Sanay sa berdeng biruan. Napansin niya, tila naiinis ang lalaki. Naiisip ni Princess na sa sulyapan ng tatlo, iniisip ng mga ito na may ‘nangyari’ sa kanila ng lalaki. Mamatay kayo sa inggit, nasabi na naman niya sa sarili.

“O, ‘sang round pa, ha?”

Tumayo ang tinawag na Ponso, astang bibili ng isa pang long neck.

“Hataw!”

“Matibay pala ‘tong bata mo, Gus,” sabi ng tinawag na Totoy at Dagul.

At Gus pala ang pangalan. Ano kaya? Gaspar?

Ang akala siguro ng mga lalaki ay pipitsugin siya at mapatutumba sa inuman. Mapapasubo kayo!

Totoo nga. May tama na si Gus, matino pa siya. Inalalayan niya ito pabalik sa bahay.

“Sa uulitin, pards!” Kumaway sina Totoy, Ponso at Dagul. “Iha, ikaw na’ng bahala sa kebigan namin!”

“Aprub!”

Bumalandra si Gus sa sopa.

Tanghali na nang gisingin niya.”Mag-aalas-dos na. Hindi ka pa kumakain.”

Naghikab si Gus. Nag-inat. Tumayo. Gumigiwang pa ang lakad. Nakasama yata ang magkasunod na lasing nito. Nakahain na si Princess. Mainit ang sabaw ng pinesang tilapia.

Tiningnan siya ni Gus nang tinging nagtatanong.

“Inabot ko pa ‘yung naglalako ng isda. Dinukot ko na ‘yung wallet mo. Wala kasi ‘kong pera.”

Hindi ito kumibo. Naupo at kumain. “Ikaw?”

“Tapos na ‘ko.”

Sarap na sarap si Gus sa paghigop ng sabaw.

“Marunong ka palang magluto?”

“Pakialamera kasi ‘ko!”

Napansin ni Gus na naiba ang suot niya. Nakilala ang long sleeves.

“Naligo ako, e, makati’ng-makati na’ng balat ko. Nilabhan ko na ‘yung t-shirt at pantalon ko. Kaya…pinakialaman ko na rin ‘yung kabinet mo.”

Mahaba sa kanya ang manggas at laylayan. At nakapanloob lang siya. Nilingon nga ni Gus ang mga hita niya. Tinampal niya ito sa kamay. Iniisip siguro nito na pakialamera nga siya. Una’y sa jeep, ngayon naman ay sa wallet at sa damit.

“Nagsusuot ka nang ganyan, e, hindi mo alam kung mabuting tao ako. Kung na-rape kita?”

“Makaya mo kaya? Plastado ka nga sa kalasingan!”

“Nang-iinsulto ka?”

“Hindi.” Tumawa siya. “Pikon!”

Nilikom niya pagkatapos ang pinagkainan.

Iiling-iling na pumasok sa kuwarto si Gus. Kumuha ng tuwalya at underwear. Maliligo. Malagkit na maanghot na ang amoy nito. Mahirap pa naman ang tubig doon. Kailangang sa gabi pa lamang ay mag-ipon na sa container dahil patak-patak ang tulo ng gripo kung araw. Pinagsupladuhan siya ni Gus habang naghuhugas siya ng pinggan. Tuluy-tuloy ito sa banyo.

Kung anong bilis nitong pumasok ay siya rin namang bilis na lumabas. Nakaangil.

“Princess!”

Nabitiwan niya ang sinasabong plato. Nabasag pagbagsak sa baldosa.

“B-Bakit?”

“Sino’ng umubos ng tubig sa container?”

“E…a-ako.”

“Kahapon ko pa pinuno ‘yon. Hindi mo ba alam kung ga’no kahirap umigib ng tubig dito?”

“H-Hindi. S-Sori…”

“Perwisyo ka talaga!”

Lalo pang umusok ang ilong nang makita ang pira-pirasong bubog ng nabasag na pinggan. Nasabunot nito ang buhok. Namumula sa inis ang mukha.

“Matutuyuan ako ng dugo sa ‘yo!”

Napakagat-labi si Princess, isa-isang dinampot ang mga bubog. Nagdadabog na bumalik sa kanyang kuwarto si Gus, nagsisintir pa rin. Pabiling-biling sa kanyang kama; busa nang busa hanggang sa hilahin na naman ng antok.

Agaw-dilim na nang muling magising.

Ang container ng tubig nang dyuminggel siya ay nakita niyang puno. Nangangalahati na rin sa tubig ang ikalawang container. Hindi gayon kadaling mapupuno iyon kung iaasa lamang sa patak-patak na tubig mula sa gripo.

Wala ang malaking timba na ginagamit niyang pang-igib sa pampublikong poso. Malayo iyon sa inuupahan niya, mahaba ang pila at makikipot ang mga eskinita. Wala rin si Princess.

Narinig niya ang pag-ingit ng pinto. Lumabas siya sa CR. Pawisan at humihingal si Princess. Bigat na bigat sa malaking timbang puno ng tubig; bahagyang basa ang suot na long sleeves. At hindi makatingin nang tuwid sa kanya.

Kinuha niya rito ang timba.

“Ba’t nag-igib ka pa? Maraming loko ro’n sa poso, kung bastusin ka do’n?”

“N-Nahihiya kasi ‘ko sa ‘yo. Inubos ko’ng pampaligo mo.”

“S’ya. S’ya. ‘Pahinga ka na.”

Ipinasok ni Gus ang timba sa banyo at naligo.

Pagkuwa’y hapunan na.

“Nakakaistorbo na ba ‘ko sa ‘yo, Gus?”

“Bakit?”

“Feeling ko kasi’y naaasar ka na sa ‘kin…parang ninanakawan kita ng privacy.”

Hindi kumibo si Gus, ngumiti lang.

“Gus pala’ng pangalan mo. Ano ‘yon pinaikling tigas?”

“Hindi. Gaston.”

Natawa siya.

“Bakit?”

“Matigas talaga. Gaston. Dapat na palayaw mo’y Gas-ti!” Tumawa na naman. “Gaston. Pangalang matanda yata ‘yon? Ilang taon ka na ba?”

“Twenty eight.”

“Hindi ka muk’ang twenty eight, muk’a kang thirty eight!”

“Bakit?”

“Ang…ano mo–ang rugged.”

Ang dungis. Balbasin. Mahaba ang buhok. Malungkot ang mata at malalaki ang mga eyebag. Hindi nga siya mukhang twenty eight. Napaismid si Gus.

“Ano nga pala’ng ginagawa mo sa highway kagabi? Nakasampa’ng ‘sang paa mo sa bakal na railing ng tulay?”

“Sinasalamin ko’ng muk’a ko sa tubig,” sarkastikong sabi ni Gus.

“Ows?”

“Obvious ba na tatalon ako?”

“Oh!”

Inihit siya nang tawa.

“Bakit?”

“’Yan ang pinakamagandang joke na narinig ko ngayong gabi!”

Umasim na naman ang mukha ni Gus. “Hindi ako nagbibiro.”

Tumatawa pa rin si Princess; yumuyugyog pati mga balikat.

Buwisit na buwisit si Gus.

“Ba’t ka naman magsu-suicide?”

“Obvious ba na nagsasawa na ‘ko sa buhay ko?”

“Bakit nga?”

“Wala!”

“Magpapakamatay ka–nang walang dahilan?”

“P’wede ba, ‘wag na nating pag-usapan ‘yan?” Tumayo.

“Tingnan mo ‘to, ang pikon…”

Lumapit sa bintana si Gus at nanigarilyo. Sa labas, nagyayao’t dito pa rin ang mga tao. May ilang kabataang lalaki at babae na magkahawak-kamay, naghaharutan palabas sa eskinita. Nagrerekorida na ang mga barangay tanod.

Sa kapitbahayan, may naulinig si Princess na iyak ng bata; sinaklot na naman siya ng guilt. Napakagat-labi siya. Napatungo. Ipinilig ang ulo. Pilit na iwinawaksi ang alaalang idinulot sa kanya ng narinig na iyak ng sanggol. Sa pagtataka niya, nakarinig din siya ng hikbi. Nag-angat siya ng tingin at nakita ang tahimik na pag-iyak ni Gus sa pagkakatayo nito sa tabing-bintana.

“G-Gus…?”

Atubili ang pagbaling ng mukha pero nahuli pa rin ni Princess ang pamamasa ng mata saka muling tumingin sa labas ng bintana.

Ano ang dinaramdam ni Gus? Munti man ay nakalugod sa kanya ang isiping may dinidibdib din itong sugat.

Paris niya.

(ITUTULOY)