Online Dating: Mabisa bang Paraan para Mahanap si Prince Charming?

ni Richard Faller

NAHAHALING ngayon ang marami – lalo na ang mga kabataang milenyal – sa online dating. Nakapupukaw nga naman ng pananabik kung may bago kang makikilalang potensiyal mong maka-date, makarelasyon, maging ‘perfect match’ at ‘forever’ pa. Lalo na ngayong panahon ng pandemya na halos lahat ay idinadaan na online, masyadong kombinyente ang pakikipagkilala sa Tinder o Filipino Cupid, halimbawa, habang nasasalikupan ng mga dingding ng iyong bahay. Ngunit epektibo bang kadluan ang naglipanang mga online dating sites upang matagpuan ang iyong pinakamimithing si Prince Charming o Cinderella?

MGA BENTAHA

Ang Oras ay Ginto

AMININ mong busy-busy-han ka rin, sino ba ang hindi? Malamang na hindi ka makapaglalaan ng oras para pandalasang personal na makipagkita at makipag-usap. Sa online chatting, ang laki ng matitipid mong oras. Maisisingit mo lang ito sa iyong time table. Kapag personal na kayong magde-date ay maii-schedule mo. Hindi mo sasabihing nagsayang ka lang ng maraming oras at panahon kung malalaman mo sa huli na hindi pala kayo ang magkakatuluyan.

Walang Daigdig na Pagitan

KAHIT na afam/ foreigner o Pinoy na nasa kabilang ibayo pa ng daigdig, hindi problema ang LDR/long distance relationship. Wala ring sinumang makahahadlang sa inyong ugnayan, kahit ang iyong pamilya. Puwede mong panatilihing sikreto ito upang hindi kayo ma-judge. 

Umaapaw na Opsiyon

KUNG ikaw ay babae – gusto mo ba ng borta, atleta, henyo o milyonaryo? Kung lalaki ka naman – ibig mo ba ang Maria Clara, beauty queen, kolehiyala o hot mama? Walang patid ang mga opsiyon na mapagpipilian – base sa edad, hitsura, hilig, trabaho, paniniwala o ano pa man. Malaya kang makakapili depende sa taste mo. Kung hindi mo naman nagustuhan, isang swipe lang ay mapuputol na ang inyong ugnayan.

Mabutingting na Pagsala

KUNG personal kang makikipagkilala hanggang makipag-date, magkadebelopan ng damdamin at magpakasal – baka may makilala kang ibang tao na sasabihin mong siya palang tunay na itinitibok ng puso mo. Mahirap sikilin ang sariling damdamin. Ngunit kung sasalain mo muna nang mabuti ang natitipuhan mo online, mapag-iisipan mong mabuti kung siya ba ang “the one.” 

Walang Tali

WALANG hinihinging obligasyon ang pakikipag-date online. Hindi awtomatikong hahantong agad iyon sa kasalan. Puwedeng para sa friendship lang, short-term relationship; o long-term pero walang commitment. Sa ganitong paraan, mahahanap mo pati ang iyong sarili. Marami ka ring matututuhan sa iyong mga pakikipagrelasyon. Na magagamit mo kung matatagpuan mo na ang lalaking gusto mong makasama habambuhay.

MGA DISBENTAHA

Sa Likod ng Maskara

MAY mga nagtatago sa likod ng pekeng pangalan o profile photo. May iniiba ang kanilang edad, timbang o sasabihing single pa kahit nakatatlong asawa na. Dahil hindi obligado ang dating sites na magsagawa ng background check sa mga miyembro nito, puwedeng palsipikahin ninuman ang kanyang profile info. Puwedeng irepresenta niya ang kanyang sarili bilang manager ng bangko pero kawatan pala. Nakikipag-chat ka sa isang akala mo ay guwapong binata pero may edad na pala at masagwa ang hitsura. O baka isang killer. O may sakit na nakakahawa. 

Mga Lihim na Intensiyon

MAY ilang nakikipagkilala online pero may lihim palang agenda. Kapag nagkita na kayo, doon na isasagawa ang kanyang maitim na balak. Kaya may mga nagiging biktima ng pangingikil o date rape.

Mga Multong Walang Anino

MAY mga ghost profile na hindi naman totoong tao ngunit inilalagay lang ng site owner upang makakuha ng mga miyembro o advertiser. Mayroon ding mga mate na pagkatapos mong makilala at makarelasyon, bigla na lang maglalahong parang bula, o nag-‘ghosting.’ Nadebelop na ang iyong feelings pero hindi mo alam kung paano siya muling kokontakin.

Hungkag sa Realidad

HINDI mo madama ang tunay na interaksiyon ng inyong mga damdamin. Hindi mo alam kung totoo ba siya sa kanyang mga sinasabi. Mahirap ding maiparating sa kanya ang tunay mong damdamin.

Marriage for Convenience

MALAMANG na pipiliin mo ang mayaman o may sinabi sa lipunan dahil makasisiguro ka nang maayos na buhay – kahit hindi mo naman talagang mahal – basta pag-aaralang mahalin. Sino ba ang pipili sa isang ‘nobody?’

ALIN ANG MAS MATIMBANG?

MAY mga nakatagpo ng kanilang significant other sa online dating at nabuno ang isang long-term relationship habang ang iba ay naging mag-better half pa nga. Habang mayroon din namang naging biktima ng mga false identiy o date rape o nagsisisi sa kanilang pagpapatali sa kasal. Mainam din kung maglalaan ka ng mga opsiyon upang mahanap ang iyong ibig makasama – lalo pa kung may wheels at riche-rich. Ngunit wala nang sasarap pa kung hahayaan mong kusang tumibok ang iyong puso sa taong masisilayan ng iyong mga mata at hahabulin ng iyong mga paa at samantalahin ang tsansang iyon upang makilala siya nang personal – hanggang makuha ang kanyang mga palad. Hindi ba’t sa ganoong paraan nagkatagpo sina Prince Charming at Cinderella na naging tapat at maluwat ang pagsasama dahil sila ang itinadhana para sa isa’t isa?


SI Richard ‘Chad’ Faller, ay isang premyadong manunulat sa wikang Filipino at isa ring guro sa Ingles. Nakapaglathala na siya ng mga nobelang panromansa, nobelang gothic romance, romance stories, horror stories, maikling kuwento, kuwentong pambata, lathalain, sanaysay at tula sa mga kilalang publikasyon ng diyaryo, magasin at pocketbook sa bansa (Liwayway Magasin, SGE Publications, MindMaster Publications, Diyaryong Pang-Masa/ PM tabloid, Pilipino Star Ngayon, Inquirer Publications, Atlas Publishing Company, at iba pa).