ni Johannes L. Chua
Gaya ng maraming mga tanyag na mga artist na nagbigay ng kanilang ambag sa pabalat ng Liwayway, nagsimula rin ang paglalakbay ni Neptalie “Rico” Aunzo, 32, sa larangan ng paglikha noong siya’y bata pa lamang.
“Bata pa lang ako, mahilig na akong magdrawing. Sumasali rin ako noon sa mga poster-making competition noong nasa high school ako,” ani Aunzo, na tubong Antipolo. Subalit, hindi naging madali ang buhay para sa kanya dahil hindi niya nakilala ang ama. Dahil dito, kinailangan niyang magtrabaho upang suportahan ang pamilya. Puno ng sipag at tiyaga, nakapagtrabaho si Aunzo sa isang telecom company at sa edad na 29, naisipan na niyang mag-fulltime bilang isang visual artist.
“Nagsimula na akong magpinta, una, gamit ang aking mga saloobin. Gumawa ako ng mga pinta na may mga temang ama-at-anak, marahil dahil sa pag-alala ko sa aking ama na ‘di ko pa natatagpuan. Kaya ang lungkot na nararamdaman ko ay ibinaling ko sa paglikha ng mga pinta kung saan inimagine ko kung ano ang pakiramdam na kayakap ang ama,” kuwento ni Aunzo. “Dasal ko na balang araw ay magkrus din ang aming landas.”
Dumating din ang panahon na naisip niya na mag-“move on” na sa kanyang pag-aalala. Nagkaroon na rin siya ng sariling anak kaya nais niya na maging isang mabuting ehemplo. “Naging bagong inspirasyon ko ang aking anak at napagpasyahan ko na maging isang mabuting ama. Dagdag pa niyan, naging inspirasyon ko rin sa pagpinta ang mga masisipag nating kababayang Pilipino na ginagawa ang lahat para sa kanilang pamilya at sa bayan.”
Ipinagpatuloy ni Aunzo na pagbutihin ang kanyang pagpinta. Pinag-aralan niya ang mga gawa ng mga idolo, gaya nina BenCab, Lydia Velasco, Ang Kiukok, Vicente Manansala, at Pablo Picasso.
“Bilang isang pintor, nais kong makilala bilang pintor na may puso at ito’y makikita sa mga larawan ng mga obra ko—puso sa pamilya, sa bayan, sa kalikasan, sa kapwa, at lalong higit sa lahat, puso sa Diyos. Walang puwang ang kalungkutan sa aking mga obra,” ani Aunzo. Dahil sa isipang ito, ginamit ni Aunzo ang “stage name” na Pedrong Masipag, “upang magsilbing inspirasyon sa mga taong nangangarap din ng mabuting kalagayan sa buhay.”
“Sa pamamagitan ni Pedrong Masipag, naipapakita ko rin sa mga tao ang kagandahan ng isang masayang pamilya at kung bakit dapat ito pahalagahan. Ipinapakita rin ng obra ko ang pagiging masipag nating mga Pilipino na handang magsakripisyo alang-alang sa pamilya, bayan, at kapwa,” ani Aunzo. Dahil dito, nabanggit niya na bihira siyang gumawa ng larawang may negatibong imahe.
“Halos lahat ng mga gawa ko ay ipinagmamalaki ko dahil may isang nangingibabaw sa mga ito —kasiyahan dulot ng pagmamahal ng pamilya.”
Marami pang darating na oportunidad kay Aunzo, na layuning makilala nang mas marami pang Pilipino si Pedrong Masipag. “Kahit papaano sana ay mabago ko ang kaisipan ng tao na tayo ay masipag at hindi tamad.”
Ganito rin ang kanyang payo sa mga batang artist na gustong sumunod sa kanya: “Una sa lahat, huwag sumuko na abutin ang pangarap kahit sa tingin mo ay wala nang pag-asa. Mangarap ka pa rin dahil naniniwala ako na bawat bukas ay may panibagong pag-asa. Pangalawa, maging mapagkumbaba kahit sa tingin mo ay nakakaangat ang kalagayan mo sa iba. Pangatlo, maging mapagpasalamat sa lahat ng bagay na naabot mo o sa lahat ng tao mula pa noong una na tumulong sayo. Iyan ang susi sa tagumpay at mas maganda pang kinabukasang naghihintay.”
Maaaring makipagusap kay Aunzo sa pamamagitan ng kanyang website (Pedrongmasipag.com), email (pedrongmasipagme [at] gmail [dot] com), o sa Facebook/ Instagram (Pedrongmasipag).