Nakaabang ang Tiya Ising niya. Walang kibo at halata agad ni Archie ang panglaw sa mukha nito.
ni Efren R. Abueg
(UNANG LABAS)
SINAPO ni Archie ang baywang ni Demy nang pasakay na ito sa taksi. Naudlot ito at naibaling ang mukha sa lalaki.
“Sige na, baka kung ano pa ang mangyari!” apurang sabi ni Archie na halos dumaiti ang bibig sa tainga ni Demy.
“Bakit nga?” agaw ng babae. “Ayaw mong makitang kahit kapiraso…ipanganak kong may pingas si Baby?”
Isip na lamang ni Archie ang sumagot ng “siyempre!” Nakangiting sumakay si Demy sa upuang pampasahero ng taksi.
“Huwag kang mag-alala. Ipanganganak kong buo at singganda ko rin si Baby!” Mariin ang dugtong ng babae.
“Confident ka, ha? Ilang linggo pa naman bago mo siya ipanganak!”
“Saan tayo, Sir?” tanong ng nakalingon, napapangiting tsuper ng taksi.
Sinabi ni Archie sa tsuper ang addres nila, saka bumaling sa kasama. “Pakasalan na kaya kita bukas para hindi na kita laging inihahatid sa inyo.”
“Itinatanong nga ni Nanay,” pahiwatig ni Demy na prenteng umupo sa hulihan at umusad para bigyang-espasyo si Archie.
”A, nang dahil sa preparasyon, inabot na nga ng laki ang t’yan mo! Okey ba naman sa mother mo na maglakad ka nang pauyad-uyad patungo sa altar?”
“Parang pato!” Tumawa si Demy na yumapos pa sa braso ni Archie. “Siyempre, gusto naman ni Nanay na parang dalagang ihahatid mo sa altar ang kaniyang anak! Pero ngayon, may magagawa pa ba siya?”
“Kung gan’on, stick tayo sa dating iskedyul?” agaw ni Archie. “Kakahiya nga sa ibang tao. Sasabihin nila…nasa parte ko ang pagkukulang!”
“Alam na ni Nanay ‘yon! Puwede namang wala nang kasal…!”
“Ayoko nga! Nasabi ko nang gusto kong makasama sa simbahan si Tatay,” giit ni Archie.
Kinurot ni Demy sa baywang ni Archie. Bumulong. “Nakapag-antisipo ka na naman…may magagawa pa ba sina Nanay?”
Alam ni Archie na kung gusto man niyang magsiping sila uli ni Demy kung may lakad silang dalawa na out of town, hindi naman iimik ang ina o ama nito!
“Oo naman! Wala ka namang magagawa kahit iniisip mong gusto kong umatras!” Patawa pang bulong ni Archie.
“Hoy! Magaling na lalaki! Kitang-kita na ang ebidensiya…’yan pa ang sinasabi mo! Kung narito ang Tatay mo, bimbang tiyak ang aabutin mo!”
Pinagkukurot pa ni Demy si Archie na idinidipensa naman ang baywang! Noon natanaw ni Archie ang hilera ng streetlights sa kanilang distrito.
“Ang bait talaga ni Nanay! Kahit gabihin tayo, wala siyang sinasabi!” papuri ni Demy sa sariling ina.
“‘Kuuu! Ayaw lang n’yang pahalata…kita naman ang ibidensiya!” Tumawa pa si Demy.
Ngayon, natanaw ni Archie na nakaabang sa kanilang bahay ang Tiya Ising niya o Nerissa Carreon! Ipinagtaka niya agad ang panglaw sa mukha nito. Sa mga sandaling ganoon, sanay siyang datnan ito na lagi sa kusina at abala sa pagluluto ng kanilang hapunan. Padaskol man niyang isaksak sa pinto ang dala niyang susi, at maingay man sila ni Demy na pumanhik sa hagdanang bato, parang hindi nababalino sa pagluluto ang itinuturing niyang ina!
Nakatanaw ito sa kanilang parang mapanglaw ang mga mata. Inalalayan ni Archie sa pagbaba sa taksi ang buntis niyang kasama.
“Ba’t, ‘Nay Ising?” tanong niya kahit malayo pa sila rito.
“Galing ako sa bangko bago mag-alas tres dahil sa perang padala ng Tatay mo. Hindi lang maganda ang balita!” sagot nito sa kaniya.
“Bakit ho? May nangyari ba kay Tatay?” May tigatig agad ang boses niya.
Nagpauna sa pagpasok sa kabahayan ang Tiya Ising niya. Alalay naman ni Archie si Demy sa paitaas na paghakbang sa ilang baitang na sementadong hagdanan.
“Idineretso na sana kita sa inyo…”
“Ano’ng sasabihin ng Tiya mo? Ilang liban na ba ang nagawa ko? Ilang araw na akong hindi naghapunan dito?” ani Demy.
Ngunit nagbiro na naman si Archie. “Baka naman gusto mo lang sariwain ‘yung minsang ginabi ang Tiyang sa labas ng bahay at kunwari gusto mong mainspeksiyon ang maruming kuwarto ko.”
Pasaway, nangurot si Demy. “Tama na nga! Nangyari na ‘yon!”
Ilang saglit pa, iniisip na ni Archie ang nakuhang balita ng Tiya niya sa bangko kangina lamang. Nawala naman agad sa paningin niya ang kaniyang Tiya na nagtuloy sa kusina. Kadalasan, sumusunod sila sa kusina at inaasistehan ni Demy ang kaniyang tiya sa pagluluto kung kailangan. Ngunit ngayon, nagpauna na si Archie na parang natigatig sa “ibinalita” ng kaniyang Tiya. Nakahabol naman sa likuran niya si Demy.
“Ano hu ba ang talagang nangyari kay Tatay?” Matiim na ang tanong ni Archie gayong kabubungad pa lamang niya ng kusina.
“May pasabi ang office-restaurant ng Tatay mo sa google ni Ms. Diaz, ang general manager. Pinuntahan ko kaagad siya pagkasabi ng kakilala kong teller.”
“Ano nga ho ang balita ni Misis Diaz?”
“Maysakit daw ang Tatay mo, kaya tumelepono agad ako sa office niya.”
Nakatulala si Archie sa kaniyang tiya na ilang hakbang lamang ang layo sa kanila ni Demy.
“Nag-iwan din daw ng message sa email mo!” Parang sumisigok si Misis Carreon.
Kagagawan ng Tatay niya kaya nagkalapit ang Tiyong niya sa kaniyang Tiya Ising noong nagliligawan pa lamang ang mga ito.
Tumalikod sa tiya si Archie at mabilis na pinuntahan ang kaniyang kuwarto para buksan ang computer doon. Nakasunod ang pauyad-uyad na si Demy.
“Cool ka lang, Archie…” Dinig niya ang boses ni Demy.
Binuksan agad ni Archie ang computer, saka pinalitaw ang sulat sa Yahoo at nang hindi makita roon ang pasabi sa bangko, lumipat ito sa Google. Nabasa ni Demy, na nasa likod ni Archie, ang “pasabi” ng bangko. Sinabi pa roon na nakausap ng kaniyang Tiya ang bangko na dinedeposituhan ng Tatay niya.
May isang talata ang teksto at nabasa ang lahat nang iyon ni Demy. Nakatulala naman si Archie kaya niyakap ito ni Demy.
“Di na siya makamamartsa sa ating kasal!” mahinang bulalas ni Demy.
“Sorry, Demy. Ipaalam mo na lamang sa iyong mga kamag-anak na hindi makakarating si Tatay!”
“Naiisip ko ang Uncle mo!” sabi ni Demy. “Nasa lahi yata ninyo!”
“Hindi mangyayari sa akin ‘yon! Maingat naman ako!” Nakikita ni Archie sa mga mata ni Demy ang katotohanang nangyari sa kaniyang Tiyo sa ibang bansa dahil overseas Filipino worker rin ito!
NOONG huling Todos los Santos, nang may isang taon na sila ni Demy, isinama sila ng kaniyang Tiya sa sementeryong kinaroroonan ng labi ng asawa nito. Isang kulong na kubol iyon. May nitsong marmol sa ulunan na kinasusulatan ng pangalan ng ama ‘t ina ng kaniyang Tatay, katabi ang isa pang pangalang Carreon– sa kaniyang Tiyo na asawa ng kaniyang Tiya na may sampung taon nang nag-aalaga sa kaniyang pagiging ulila.
Sa ibaba, sa tapat ng nitsong may mga nakasulat, magkatabing nakalagak sa lupa ang mga labi ng kaniyang Lolo Elias at Lola Asuncion. Sa gawing kanan, doon naman ibinaon ang katawang lupa ng kaniyang Tiyo, ang nakatatandang kapatid ng kaniyang ama. Sa paanan naman nito nakahimlay ang katawang lupa ng kaniyang ina na hindi na iniuwi ng mga kamag-anak nito sa siyudad ng Davao.
“Ako naman, sa tabi ng Tiyo Magno mo!” Lagi nitong sinasabi sa kaniya kapag dumadalaw sila sa libingang iyon.
“Hindi mo hahayaang malibing ang iyong ama sa lupain ng mga lawa (fjord), bundok at yelo!” sasabihin pa nito.
Inilalagay ba nito sa isip niya na kailangang iuwi niya ang kaniyang ama sakaling may “mangyari” rito sa ibang bayan?
Tama! Iba ang nakalagak sa sariling bayan, naisip ni Archie. Panatag. Walang anumang sagka sa pagpanhik sa kaharian ng Diyos. Gayunman, nakayuko lamang siya, tinatanggap sa kaniyang kalooban ang sinabi ng kaniyang tiya.
“Dalawa lamang ang mga anak ng iyong lolo at lola. Hindi mo babayaang magkahiwalay pa hanggang sa paanan ng Diyos ang magkapatid?”
Kahit para sa kaniya ang tanong, sa direksiyon ni Demy ipinukol iyon ng kaniyang Tiya. Tinitiyak ba ng kaniyang Tiya Ising na pinagbuhol na ang kapalaran nila ni Demy?
Tumingin sa kaniya si Demy, saka napayuko na lamang ito. Ngunit alam niya ang sagot sa itinatanong ng kaniyang Tiya. Kung sakali, pupuntahan niya ang kaniyang ama sa dayuhang bayang iyon dahil tungkulin niyang ilagak ang walang buhay na katawan nito sa kulong na kubol na iyon!
Noong gabing pagkahatid niya kay Demy, nagbalik si Archie sa bahay na naiwan sa kaniyang ama. Pagkayao ng kaniyang Tiyo, ipinagbili ng kaniyang Tiya Ising ang naiwang bahay ng asawa nito. Lumipat pagkaraan sa bahay ng kaniyang ama na naiwan dito ng kaniyang lolo at lola.
“Alam mong ako na ang magiging Nanay mo mula ngayon. Hindi sa sinisingil ko sa iyo ang ginawa ng Tiyo mo na pagbawi sa iyo sa mga sundalong umampon sa iyo. Pero wala na akong mga kamag-anak. Nasa probinsiyang lahat ang umaako na kamag-anak ko sila. Iba naman ang mga apelyido nila… malalayo na sila sa akin.”
Nang mamatay ang kaniyang Tiyo, nagtatrabaho sa isang insurance company ang kaniyang Tiya Ising. Ginawang cash nito ang insurance policy ng kaniyang Tiyo, nagbitiw sa trabaho, ipinagbili ang lahat ng pundar ng kaniyang tiyo at ang naipon nitong salapi ang ginugol sa pagpapalaki sa kaniya. Mula sa dayuhang bayang iyon, may dalawang taon din na “naputol” ang pagpapadala ng kaniyang ama at nito na lamang nagkaroon ng trabaho sa Dubai sa Gitnang Silangan nagkaroon ito ng correspondent bank na palagiang nagpapahatid ng hindi kalakihang halaga para sa kaniyang pag-aaral at pang-araw-araw na panggastos.
“Magaan ang buhay natin, Archimides! May natitipon pa ako para sa iyo. Sakaling may pangangailangan ka at ang iyong ama, wala tayong inaasahang magiging problema.”
Parang lalaki ang kaniyang Tiyang Ising sa pagmamantine ng iniwang bahay ng kaniyang ama. Luma’t sa arkitekturang Amerikano sunod ang bahay.
“Iyo at sa magiging asawa mo ang bahay na ito,” sabi pa ng kaniyang Tiya Ising. “Pero may ipinagbilin ang yumao mong Tiyong. Ama mo lamang ang maaaring gumalaw ng kuwartong may pintong mahogany. Kabilin-bilinan ‘yon sa akin ng Tiyong mo at ng iyong ama!”
Nagtataka lamang si Archie kung bakit bawal sa kaniyang “pasukin” ang silid na iyon at “pakialaman” niya ang lahat ng nilalaman niyon!
“Maging ang iyong Tiyong…hindi ginalaw ang mga librong iniwan ng iyong lolo. Tanging ang ama mo ang nakapasok doon, pero nang maging OFW na siya, wala nang nakapapasok doon…”
Iginalang ni Archie ang bilin ng kaniyang ama, ang laging paalaala ng kaniyang Tiyo noon at ang “pagkawala” ng susi na alam niyang itinatago ng kaniyang Tiya Ising.
“Siguro, pag nakasal na tayong dalawa, maita-turn over na sa iyo ang susi ng kuwartong iyon!” sabi pa ni Archie kay Demy.
“Hindi, Archie. Kaming dalawa ng Tiya mo ang hahawak ng susing iyon…!”
Hindi niya kinalimutan ang sinabi ni Demy.
FALSE ALARM ang pagkakasakit ng ama ni Archie sa Dubai. Para matiyak ang anyo nito, ipinagamit ni Archie sa ama ang cellphone nito.
Bahagyang chubby ang kaniyang ama, umeedad na, ngunit masayahin at sa tingin ni Archie, marami itong nakakasalamuha sa “hanapbuhay” nito.
“Restaurant manager ka d’yan! Madali kang makauuwi!” Lagi niyang sinasabi kapag nagkakausap sila.
“Ito ang trabahong pinili ko dahil may koneksiyon sa accounting na hindi ko tinapos!” sabi nito. “Pero mahirap palang iwan ito dahil laging nasa overseas ang may-ari nito na may iba pang restaurant sa ibang mga bansa!”
“Uuwi ka dahil malapit na akong ikasal! Inaasahan ka ni Demy, ang magiging manugang mo!”
“Pinag-aaralan ko na ‘yan ngayong tumatanda na tayo.”
“Ikaw ang magiging kasama ko sa simbahan!”
“Babae lamang ang inihahatid sa altar,” sagot ng kaniyang ama. “Pero dahil hindi ako nakakauwi d’yan sa buong buhay ko, asahan mo ako!”
Tuwang-tuwa si Archie. Halos buong buhay itong “nawala” at hindi nakakatuntong sa sariling lupa. Sa larawan lamang sa cellphone at sa screen ng computer napahalagahan niya ang sariling ama.
“Kailangan mong magpaospital at nang makita ang lagay ng kalusugan mo!” paalaala nman niya rito.
“Ginarantiyahan ng ospital na pag-iingat lang sa katawan ang kailangan ko. Pero kung ano ang inirerekomenda ng aking anak, bakit naman hindi ko susundin?”
Masayang ibinalita ni Archie kay Demy kinabukasan ang pag-uusap nila ng ama sa zoom. Inihatid niya sa trabaho ang buntis na kasintahan.
“May babaing foreigner na hinahanap ng mga tauhan ng DOH sa Cebu,” sabi ni Demy sa kaniya nang umagang iyon.
“Tiyak na nasa first class resort lang ang taong ‘yon!” patawang sagot ni Archie.
“Sana…sana nga!”
Ngunit kinabukasan, iisa ang paksa ng lahat ng headline ng mga diyaryo: COVID-19 HAS ENTERED THE PHILIPPINES!
May side stories na tungkol sa kakaibang pandemya sa mga bansa sa Europa, Africa at Estados Unidos.
(ITUTULOY)