Dito muna sa rehas na dinamtan ng magarang palamuti panandaliang magkukubli bibilangin ang umaga at gabi tutunghay sa mga hugis ng ulap na animo’y palaisipan kaparis ng lahat sa akin ngayon.
Dito kung saan abot-tanaw ang mapayapang look ng kamaynilaan, damang-dama ko kung paanong magbunyi ang bawat pagsikat ng araw at kung paano ito magdalamhati sa tuwing magtatakipsilim.
Dito sa payak na silid ng nagtataasang gusali, kay raming nagmamasid sa mga durungawan. Ang tanging kaulayaw ay ang pag-iisa. Inaantay ang tamang panahon ng kaligtasan, ng kapanatagan, at ang pangako, na bukas, lahat ng pangamba at takot ay dagli ring mapaparam.
Dito kung saan ang bugso ng amihan ang nanunuot sa kalamnan, payapang unos ang kinakalaban Patuloy na naninikluhod sa katahimikan. Umaasang huhupa rin ang sigwa sa panahong di batid, sa panahong itinakda
Kaya sa ngayon, dito muna ako.
Paghihimok
Halika dito sa aking mga bisig idantay ang pusong puno ng ligalig Ang makulilim na ulap sa ‘yong himpapawid hayaang bumugso, di natin ipipinid.
Halika dito sa aking tabi di ko babasagin katahimikang nakabibingi. Hahayaan ang lamlam ng iyong mga mata ang s’yang magsalaysay ng ‘yong nadarama.
Halika, pagdaupin natin ang ating mga palad. Manalig na ang bawat guhit nito’y magdadala sa kung saan man natin nais mapadpad.
Halika, sabay nating suungin ang mga daluyong, ang agos, ang daloy ng pakikihimok, ng pakikidigma. At kung sa huli ma’y magwagi o masawata, ang mahalaga’y magkasama sa iisang adhika.
Tomadochi
Hindi kumpleto ang Sabado kapag walang ingay ng tawanan, ng halakhakan, ng iyakan, ng mga dramang paulit-ulit nating pinakikinggan, mga kwentong, tayo naman ang nilalaman.
Binabanggit mga pangalan ng nanakit, ng sinaktan, ng umalis, ng nang-iwan. Sabay sa paghigop ng kape, ginugunita natin ang mapait na gabi, katahimikang nakabibingi alaalang ninais nating isa-isang tabi.
Patuloy tayo sa paglagok ng serbesa. Ninanamnam ang bawat linya ng kanta, tumatagos hanggang sa kaluluwa. Nakamasid. Wala tayong magawa. Ikinukulong natin sa mga piitang bukas-sara mga sariling nating buhay pa, subalit tila nakaligtaan nang huminga.
Bigla. Nagulat. Natulala. Naiwan na lamang ang mga salita na sa araw-araw ay binuburang kusa. Mga kwento’y tinuldukan. Mga kanta’y puno ng katahimikan. Babalik pa ba sa simula o sisimulan nang bumalik sa wala?
Huminto sa tatlumpo. Unti-unting naglaho. Hinahanap sa kawalan kahit walang ingay ng tawanan, ng halakhakan, ng iyakan, ng mga dramang paulit-ulit nating pinakinggan, mga kwentong tayo na ang laman. Nasaan? Hindi na makukumpleto ang Sabado.