ni Edgar Calabia Samar
(IKA-6 NA LABAS)
GALING
AKALA RAW ni Yannis, nananaginip siya.
Pagmulat niya, naaninag niya ang isang bata na nakatayo sa paanan ng ibaba ng double-deck na hinihigaan nilang magkuya. Dahil madilim pa at halos balangkas lang nito ang nakikita niya sa anag-ag mula sa ilaw ng poste sa tapat ng kuwarto nila, muntik na raw siyang mapasigaw. Pagkatapos, naramdaman niya agad na siya rin ang batang iyon, nasa tatlong taong gulang at sumasampa ngayon sa kama para tabihan siya. Hindi niya maipaliwanag ang pinagmumulan ng pakiramdam na iyon, basta’t siguradong-sigurado siya na siya rin iyon. Ilang segundo pa bago luminaw sa kaniya na hindi nga ito panaginip. Gising siya at kasama niya talaga ngayon ang siya sa nagdaan. Ang alaala niya o ang espiritu niya o ang kung anumang siya basta’t siya rin mismo ang batang ito.
Pinakiramdaman niya ang Kuya Gino niya. Nasa itaas pa niya ito. Dinig niya ang mahinang paghinga nito, pero hindi ito gumagalaw. Ginigising na nga niya ito minsan, di pa rin magising, ngayon pa kaya ito basta magising. Kinapa niya ang cellphone sa ilalim ng unan. Mag-aalas-tres pa lang ng madaling-araw.
Dahil sa liwanag ng screen ng phone, nakita niyang nakangiti ngayon ang batang siya sa kaniya at parang gustong makipaglaro. Makipaglaro talaga? Hinihila siya para bumangon sa kama. Pero ni hindi siya makagalaw. Pagkatapos, iniabot nito sa kaniya ang isang itim na dice. Pero sa halip na mga bilog ng bilang na 1 hanggang 6, isa-isang titik ang nasa bawat panig.
Ano ito? gusto niyang itanong. Pero wala ring lumalabas na boses sa bibig niya. Pagkatapos, hindi na niya maalala ang sumunod na pangyayari dahil pagkahawak niya sa dice, biglang dinapuan ulit siya ng matinding antok at nakatulog ulit siya.
Paggising niya bago mag-alas-sais ng umaga, nalimutan niya ang nangyari sa pagmamadaling maligo para pumasok. Nang nagbibihis na siya, noon niya napansing nakapatong sa ibabaw ng kutson niya ang dice. Noon bumalik sa kanya ang nangyari.
Dinampot niya. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya.
Male-late na siya sa klase, makikipag-agawan pa siya ng FX papasok kaya inilagay niya lang ang dice sa kaliwang bulsa ng maong niya.
Lumipas pa ang halos isang araw bago niya iyon tinawag na ngilag.
At lumipas pa ang panibagong isang araw bago niya nalaman ang kakayahan ng ngilag.
At panibagong araw pa ulit bago niya ipinakita iyon sa kuya niya.
At sa kasunod na gabi, sa Papa niya.
Ito ang alam na kuwento ni Gino na ikinuwento naman niya agad sa Papa niya.
Ngayon, halos tatlong buwan nang nawawala si Yannis.
Ini-report na nina Greg agad noon sa baranggay. Pagkatapos, sa pulis. Nakailang libong share at retweet ang post ni Gino tungkol sa nawawalang kapatid sa FB at sa Twitter, na pinick-up na rin ng ilang online newspaper. Pagkatapos, umabot kahit sa TV Patrol dahil UP student ang nawawala at teacher pa sa Ateneo ang ama. Kung ano-anong posibilidad ang tinitingnan ng mga balita.
Pinatay.
O napatay.
Imposibleng kinidnap lang dahil walang nagpaparamdam na kidnapper.
Inangguluhan ng ibang pagbabalita ang posibleng papel ng pagiging tibak ni Yannis. Taga-UP, puro tweet & retweet ng mga laban sa gobyerno, may lumitaw na kuha ng pagsama sa isang rally para pagbabalik ng lupa sa mga lumad at magsasaka. Hindi alam ni Greg ang mga ito, pero hindi naman siya nagulat. Kabi-kabila ang balita ng mga student activists na dinadakip at pinapaslang. Sa iba’t ibang panig ng bansa, pataas din nang pataas ang bilang ng mga environmental at land activist na pinapatay. Kasabay ng mga ito, tuloy pa rin ang pagpaslang sa mga menor de edad na karaniwang isinasangkot sa droga. Puro mahihirap. Halos hindi na makahabol ang pagbabalita sa kaliwa’t kanang kamatayan sa paligid. Maraming ni hindi na napapangalanan. Mga apat, lima, pitong taong gulang na bata na namamatay nang walang kalaban-laban sa mga tama ng bala sa mga buy-bust operation. Mga teen-ager na nagbebenta raw ng droga at naunang nagpaputok sa mga pulis na huhuli dapat dito. Kahit iba ang sinasabi ng mga kapitbahay na saksi at ng mga kuha ng CCTV. May magkasintahang naglalakad lang sa kalye at basta pinaputukan ng baril ng mga maskaradong nakamotorsiklo. May kabataang natagpuan na lang ang bangkay sa loob ng sako malapit sa estero, puro saksak sa dibdib. Lahat ng mga karahasang ito, pumaparada sa isipan ni Greg araw-gabi. Hindi niya alam kung anong gagawin kung sakaling biglang mapabilang sa statistics na ito ang anak niya. Hindi pa rin nila ma-hack ang FB at Twitter ni Yannis para makita kung sino-sino ang mga huling naka-chat nito. Hindi na rin nila na-trace kahit ang cellphone nito. Ang tanging pag-asa lang na kinakapitan niya ay na walang natatagpuang bangkay ni Yannis.
Buhay pa siya, Pa, baka sinadyang umalis sa kung anong dahilan, sabi ni Gino sa kaniya isang araw. Mas mahirap makita ang hindi naman nawawala talaga kundi sadyang nagtatago, sabi pa nito.
Pero hindi kumbinsido si Greg. Bakit sila basta iiwan ni Yannis nang walang kahit anong pasabi?
Sinubukan niyang makipag-usap sa mga kaklase at ka-org ni Yannis sa UP nang nagkaroon ng pamisa sa simbahan sa Diliman, pero walang masabing kahit anong ibang lead ang mga kaklase at ka-org ni Yannis na naroon. Kinausap niya ang dalawang teachers ni Yannis na nakuha niya ang pangalan mula sa mga estudyante. Wala ring masabi ang mga ito maliban sa maayos namang estudyante si Yannis. At pakiramdam din ni Greg, kung may alam man sila, hindi nila basta-basta sasabihin siyempre.
Kinausap niya nang masinsinan si Gino kung may alam ba ito sa pagsali ni Yannis sa kung anong grupo ng mga aktibista sa school.
Hindi sigurado si Gino. Sinabi nito sa ama na posible namang may mga sinalihan si Yannis nang hindi ikinukuwento sa kaniya. Kahit siya, hindi rin naman niya nakukuwento lahat sa kapatid. Ang alam niya, mga dalawa o tatlong beses na itong nakasama sa mob. Wala naman siyang inisip na kakaiba roon. Tingin niya, normal lang iyon sa taga-UP. Naisip din niya na baka paraan din iyon para masanay agad sa college ang kapatid niya. “Ang alam ko, tumutugtog-tugtog lang siya sa mga rally na ’yun, Pa,” sabi ni Gino kay Greg. “Ang alam ko, mas nag-e-enjoy siya sa pagbabanda niya.”
Wala namang kaso kay Greg kung sumama sa mga rally ang anak. Walang problema kung maging aktibista ito. Ang naghahalo-halong lungkot at galit sa sarili sa loob niya ay na hindi niya nalaman ang mga ito. Kailan ba talaga sila huling nagkuwentuhang mag-ama? Iyung totoong kuwentuhan. Ang kilala pa rin niya, mga kalaro nito noong bata pa ito. Sina Edmon. Si Karlo.
Hindi ko ba talaga naalagaan ang bunso natin, Lina?
Hindi alam ni Greg kung mas mabuti pa bang malaman na lang nilang bangkay na si Yannis kaysa ganitong para silang nakalutang, hindi alam kung anong gagawin. Parang may malalim na balon ng takot sa loob. Pagkatapos, na-guilty rin siya agad na naisip niya iyon. Na naisip niyang sumuko at tanggapin na lang na wala na si Yannis. Humingi siya agad ng tawad sa anak at kay Lina sa isip niya, sa kaloob-looban ng puso niya. At saka mas tumindi pa ang lakas ng loob niya para sikaping hanapin ang bunso.
Nag-file siya ng LOA sa pagtuturo para mag-concentrate sa paghahanap sa anak. Kinausap siya nang personal ng dean nila na naging mentor din niya noon sa department nila nang nagsisimula pa lang siyang magturo. Hindi nito tinanggap ang LOA niya, sa halip ay binigyan siya ng pagkakataong gamitin ang naipong paid leaves niya sa loob ng isang buwan. Kapag hindi pa rin okay pagkatapos noon, saka raw nila pag-usapan ulit ang official na LOA. Nagpasalamat si Greg sa dean.
Hangga’t maaari, ayaw niyang asahan si Gino sa paghahanap kay Yannis dahil graduating nga ito. Kailangan nitong mag-concentrate sa pagtatapos. Pero siyempre, alam din niyang hindi rin naman ito madali sa panganay niya. Hindi lang basta magkapatid ang dalawa. Matalik na magkaibigan din. Lalo na nga dahil napakabata pa ng mga ito nang iwan sila ni Lina. Wala pang pitong taon si Gino noon. Pero may isip na ito. Kaya pakiramdam nito, responsibilidad din nito si Yannis na katatatlong taon lang naman noon. Mas tama sigurong sabihing magkatulong nilang pinalaki ni Gino si Yannis kaysa pinalaki niya ang dalawang anak.
Ilang beses nire-rewind ni Greg sa isip niya ang huling naging pag-uusap nilang mag-ama. Ilang beses din niyang ipinaulit-ulit kay Gino ang kuwento ni Yannis dito kung paano nito nakuha ang ngilag. Kahit hindi matanggap ng rasyonal niyang utak na may kinalaman ang batong iyon sa pagkawala ng anak, parang handa na siyang tanggapin ang kahit anong posibilidad ngayon.
“Anong sinabi niyang kakayahan ng ngilag?” Nitong nagdaang tatlong buwan, ilang beses na niya itong narinig kay Gino, pero kailangan ulit niyang marinig ngayon. Walang pasok si Gino at isasama niya ito sa mahalagang lakad nila. May pandesal na sa mesa. Nagprito rin siya ng hotdog at itlog.
Nagtitimpla naman ng 3-in-1 sa sari-sarili nilang mug si Gino. Tumingin ito sa kaniya na parang nagmamakaawa ang mga mata na tama na, huwag na nilang ulit-ulitin iyon. Pero hindi rin nito kayang hindi sagutin ang ama. “Nakikita raw po niya ang hinaharap sa tuwing mabubuo niya ang ngilag. Palayo nang palayo. Mamaya. Bukas. Tapos, sa isang araw. Tapos, isang linggo, isang buwan. Ganu’n. Parang naroon siya na wala siya roon. At… at parang may kailangan daw po siyang gawin sa… sa bawat nakikita niya para… para magpatuloy ang mundo…”
Nang una niya itong marinig kay Gino noon, noong isang linggo pa lang nawawala si Yannis, hindi niya ito masyadong pinansin. Marami pang ibang puwedeng kapitan noon ang pag-asa niyang makikita ang anak. Pero pagtagal nang pagtagal, mas binabalikan niya itong mga dati’y parang walang katuturan at kaugnayan.
“Paanong nakikita? Paano niyang nakikita? Sa isip niya? Nasa harap niya? Napupunta siya roon?” Hindi na rin alam ni Greg ang iisipin niya. May problema ba ang anak na hindi nito masabi-sabi sa kaniya? May sinasabi ba ito sa kaniya pero hindi siya nakikinig? O naririnig niya pero hindi niya naiintindihan? “Bakit niya pinoproblema ang mundo? Hindi niya kailangang problemahin ang mundo!” Napaupo si Greg nang mapansin ang pagtaas ng boses niya.
“Sorry, Pa,” sabi na lang ni Gino. “Wala na talaga akong alam. Ilang beses ko ring pinipiga sa utak ko ang lahat ng mga pag-uusap namin ni JM. Lahat. Lahat… hindi lang nu’ng linggo bago siya nawala, pero lahat. Lahat… kahit mula noong bata pa kami… kung meron ba akong nasabi na hindi niya nagustuhan… naiisip ko lahat ng mga maliliit na hiling niya na di ko napagbigyan. Iniisip ko lahat, iniisa-isa ko lahat, Pa, pero… pero… sorry, Pa.”
Nilapitan ni Greg ang anak at sinubukang yakapin. “Pasensiya ka na rin, anak,” nabasag na naman ang boses niya. Hindi niya gusto pag nagkakaganito siya. Hindi niya kailangang pahirapan pa lalo ang nararamdaman nila ni Gino. “Pagkakain natin, maghanda ka na rin.”
Ngayon sila makikipagkita kay Dr. Panganiban na baka makapagtuturo sa kinaroroonan ni Yannis.
HALOS isang buwan na nang masumpungan ni Greg ang tungkol sa retired professor na ito ng philosophy sa UST na may mga sanaysay sa mga journal at libro tungkol sa intersections ng game theory, string theory, at narrative theories sa pamimilosopiya. Si Dr. Ruel Panganiban. Kilala na niya ito noong undergrad pa lang siya. Nabasa rin niya ang dalawa o tatlong paper nito sa mga klase niya noong college nang mag-minor siya sa Philo. Pero ang tagal na noon. At mas interesado siya noon sa Metaphysics kaysa Epistemology at Logic kaya hindi niya ito gaanong pinagtuunan ng pansin noon. Dahil sa ibang philosophical inquiry na focus ng graduate studies niya, hindi na halos nababanggit ang pangalan nito noong nag-masters siya at kahit ngayong nagpi-PhD nga siya.
Pero hindi mga sinulat at libro ng propesor ang tumawag ng pansin niya rito ngayon. Ang mga podcast nito. Tungkol sa mga bagay sa kasaysayan at panitikan na hindi malinaw ang pinagmulan––ang batong Chintamani, kalasag ni Bantugen, helmet ng paglalaho ni Perseus, USB ni Janus Silang, damit ni Labaw Donggon, bangibang ni Aliguyon, pangil ng bakunawa, mata ni Horus, kusanagi-no-tsuguri ng Japan, atbp.
Halos nasa dead-end na noon ang paghahanap nila kay Yannis. Dalawang buwan na at wala nang nagbabalita tungkol dito. Natabunan na ng napakaraming ibang nangyayari sa bansa at sa personal na buhay ng mga tao. Wala nang nagse-share kahit paulit-ulit na mag-repost si Gino sa FB. Ang natatanggap nila, kung meron man, puro mensahe ng awa o panalangin na sana ay makita pa nila si Yannis. Pero walang kahit anong konkretong lead. May nagse-send na nakita ang kamukha ni Yannis sa ganoon o ganitong lugar, pero palaging nagkamali lang pala ang nagpadala. Nabasa na nang paulit-ulit ni Greg ang notebooks sa school ni Gino mula grade school hanggang college na nasa kuwarto pa nito. Wala siyang makitang kahit anong clue o kakaiba na puwedeng magturo sa kaniya kung nasaan ang anak. Ni hindi siya nakakita ng kahit ano na puwedeng ikahiya ng anak niya sa kaniya. Nakaramdam ng bahagyang pride si Greg sa anak. Hindi naman talaga siya binigyan nito ng kahit anong sakit sa ulo. Kaya rin siguro nakampante siya. Masyado itong naging mabuting anak.
Nang balikan niya ang mga laruan ni Yannis noong bata sa maliit na estante sa kuwarto ng magkapatid, naalala siya si Karlo Z. Nagtaka siya na hindi niya makita si Karlo Z. Hinalungkat niya ang buong estante bago isinaayos ulit ang mga laman pabalik. Wala talaga. Wala rin ang ngilag. Pero inaasahan na niyang wala ang ngilag. Malamang na dala ni Yannis ang ngilag kung nasaan man ito.
Napadalas nga ang pag-i-internet ni Greg noon para magbasa-basa sa mga kaso ng iba pang nawawala. Kung ano-anong espekulasyon ng mga dahilan mula sa pinaka-obvious hanggang pinakaabsurdo. Hanggang sa nakita niya ang link sa podcast ni Dr. Panganiban sa isang YouTube video na napanood niya mula sa pagra-random search tungkol sa “ngilag” o “mahiwagang bato” o “disappearances.”
May 13 episodes ang podcast ng propesor na ginawa nito noon pang 2009, noong ni hindi pa uso ang podcast sa bansa. Halos buong gabi niyang pinakinggan ang lahat ng episode, kahit habang kumakain. Isinusulat niya sa notebook niya na para talaga sa paghahanap nila kay Yannis ang anumang marinig niya sa podcast na maaari niyang saliksikin pa. Nagi-guilty siya kapag naiisip niya paminsan-minsan na mukhang may maisusulat siyang paper tungkol dito, sa halip na talagang tumutok lang sa posibleng nangyari kay Yannis. Pasado hatinggabi na nang matapos niya ang lahat ng episode. Parang umaalingawngaw pa rin sa isip niya ang mga sinabi ni Dr. Panganiban tungkol sa mga OOPArt o out-of-place artifact, tulad ng Antikythera mechanism ng mga Griyego na mula umano sa taóng 87 BC o mas malayo pa. Para raw itong isang analogue computer na ginamit sa panghuhula sa galaw at kinaroroonan ng araw at buwan nang ilang dekada sa hinaharap para maitala nang tama ang mga penomenong darating pa lamang tulad ng eclipse. At wala umanong kapantay man lamang nito na teknolohiyang lumitaw sa kasaysayan hanggang makalipas ang 1000 taon! O sa isang episode, ang Petradox, isang bato na parang may plug na panaksak sa socket ng koryente, at tinatayang nagmula sa 100,000 taon na ang nakalipas! Maraming nagsasabing hoax ito, pero wala pa ring sapat na paliwanag kung paano at saan talaga ito nagmula.
Tatlong beses pang pinakinggan ulit ni Greg ang buong podcast series ni Dr. Panganiban nang mga sumunod na araw. Pagkatapos, ilang beses niyang sinubukang kontakin ang propesor sa email, kahit sa inactive FB at Twitter accounts nito. Wala. Bumisita rin siya sa Department of Philosophy ng UST pero retired na nga ito at sinabi ng department secretary roon na malamang na nasa farm nito sa Quezon ang matanda kasama ang asawa nito. Ayaw namang ibigay sa kaniya ang address o contact number ng propesor. Sinubok saliksikin ni Greg ang profile ng ibang mga propesor sa iba’t ibang unibersidad pero wala siyang nakitang may parehong interest sa mga uri ng bagay na maaaring katulad ng ngilag ni Yannis maliban kay Dr. Panganiban. Mukhang panibagong dead-end ang propesor. Hanggang noong isang araw nga, nakatanggap siya ng email mula rito.
(ITUTULOY)