ni Edgar Calabia Samar
(IKA-15 NA LABAS)
NOBELANG KOMIKS BLG. 22
MISTERYOSO SA IKATLONG DIGMAANG PANDAIGDIG
Manunulat: Clodualdo del Mundo
Ilustrador: Fred Carrillo
Publikasyon: Liwayway
Bilang ng Labas: 7
Bilang ng Pahina Bawat Labas: 4
Unang Labas: 13 Nobyembre 1950
Huling Labas: 25 Disyembre 1950
PAGKATAPOS ng kanilang kasiya-siyang misyon sa ibang planeta, si Kapitan Claudio Mirasol, alyas “Misteryoso,” ay nagbalik sa daigdig. Napadaan sila sa tapat ng Korea at ang nalalabing nakikipaglabang taga-Hilagang Korea ay pinatamaan nila. Nang maibaba nila uli ang flying saucer at maisaayos ang lahat kay Dr. Xerxes ay tinanggap ni Claudio ang kanyang bagong misyon. Siya at ang kanyang pangkat ay muling tinawagan upang italaga sa mga purok ng daigdig na kailangan ang mga tagapagtanggol ng kalayaan. Kasama pa rin ni Kapitan Claudio ang kanyang maliit na pangkat ng mga beterano sa Bataan, sa larangan ng digmaang hindi inihahayag. Gayunpaman, pagkatapos lamang ng ilang sagupaan at pagkasukol sa isang laboratoryo na gumagawa ng mikrobyo ay bigla na lamang tinapos ang serye sa biglang pagpapatawag kay Claudio sa opisina ng United Nations. Hindi alam kung anong sinabi kay Claudio roon subalit pagbalik niya ay nagpaalam na siya sa kanyang pangkat at saka siya umuwi at muling nakasama si Eloisa. Sa huli, sinabing magkakawing ang kanilang mga bisig na haharap sa isang panibagong buhay, sa daigdig na tinutulungan nilang maitagpo ng kapayapaan.
ILANG PANSIN
⦿ Nagsimula ito bilang ika-48 na labas ng seryeng Misteryoso at kinilala sa unang labas ang sinundang bahagi ng serye sa pamamagitan ng paglalagay ng buod ng mga nangyari roon. Gayunpaman, naging apat na pahina na lamang ang bawat labas mula sa dating anim dahil naibigay nga ang dalawang pahina sa isa pang nobelang komiks ni del Mundo na kapanabayan nito ang paglabas, ang Birtud. Kapansin-pansin ang hindi paglalagay ng pangalan ng dibuhistang si Fred Carillo sa unang labas nitong ikatlong bahaging ito, na muli namang inilagay sa mga kasunod na labas. Malinaw na tanda ito ng pagturing sa mga ilustrador noon na para bang hindi mahalagang bahagi ng “tagalikha” ng komiks kaya’t paminsan-minsang nakakaligtaan.
⦿ Hindi natin alam kung bakit basta na lamang tinapos nina del Mundo ang bahaging ito ng pakikipagsapalaran nina Claudio pagkatapos lamang ng pitong labas, pero malamang na dahil nakahanda na ang kasunod niyang nobelang komiks, ang Fantasma na nagsimula sa unang araw ng 1951. O sadyang hindi na lamang alam ni Claudio ang pagdadalhan pa ng kuwento. Sayang at isa sanang mainam na pagmunian ang posibilidad ng ikatlong digmaang pandaigdig sa konteksto ng kagila-gilalas na Filipino.
⦿ Dahil din sa biglaang pagtatapos na ito, hindi na nabalikan ng kuwento ang orihinal na idea ng nobela tungkol sa pagkakaroon ng kakayahan ni Claudio bilang “Misteryoso” kaya para bang nawalan na ng bisa ang mainam sanang pantastikong simulaing iyon ng naratibo.
(ITUTULOY)