Tula ni Vict. V. De la Cruz
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Pebrero 20, 1961)

Ano ang pag-ibig?
Palaman ng isip
Malamig-mainit
Kay-hirap malirip
Laya ay kung bakit
Gapos ng pasakit
Mutyang pumapangit
Sa pananaginip
Minsang nagngangalit
Napakaligalig
Bituin sa langit
Magandang panganib
Ang hugpungang-guhit
Iba’t ibang hugis.

Pag-ibig ay ano?
Alak na panlango
Sulak at silakbo
Kaba, kutob, sikdo
Nagpapakalito
Sa paghihinampo
Kapagka natukso
Ng kislap at bango
At nagsasa-bagyo
Huwag di mabuyo
Munting gamugamo
Nagpapakaabo
Sa buhay na ito
Tamis, buhay, apdo!

Tuwa, kalungkutan
Galak, kalumbayan
Lugod, kahapisan
Ng puso at buhay
Masawi kung minsan
Na di maiwasan
Sa ibang kandungan
At kaligayahan
Pag nilapastangan
Sa palasintahan
Nagbabagong Araw
Ang kapangyarihan
Sa katotohanan:
Walang kamatayan!