ni Jose Domingo Karasig
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Pebrero 22, 1960)

KAHIT sina Selmo at Teroy ang naghamunan ng tagaan ay may nakaramdam ding ilan. Sinadya ni Selmo si Teroy sa salog na pinag-aararuhan nito. Halatang galit agad si Selmo pagkakita kay Teroy.

—Samakatwid pala, kaya hindi ako sinasagot ni Ninay e sinisiraan mo ‘ko?—sita ni Selmo kay Teroy.

—Ano ba’ng sinasabi mo, hindi ko maintindihan?— ani Teroy. 

—Nagmamaang-maangan ka pa!— sumbat ni Selmo.

—Sa hindi ko maintindihan, nagmamaang-maangan ba’ng gano’n?

—Maliwanag na sinabi sa ‘kin ni Ige e!

Napadilat nang madilat na madilat si Teroy.

—Nakita ko nang may iabot kang sulat ke Ige. Sinabat ko sa paraan sa malapit kina Ninay. Tinanong ko kung anong ibinigay mo, sulat daw para kay Ninay.

—Ikaw ma’y sumusulat din ke Ninay, nagalit ba ‘ko?

—Oo, pero hindi kita sinisiraan.

—E sinisiraan ba kita? Lumigaw ka, ako ba’y walang karapatang lumigaw? Ako ngayon ang naniniwalang ikaw siguro’ng naninira, hindi rin ako sinasagot ni Ninay tuloy.

—Hindi ko ugali ‘yon,— ani Selmo.

—Ako man, hindi ko rin gawa ang gano’n.

—Dapat sana’y huwag ka nang magpatuloy, nalalaman mo namang nauna na ‘ko,— sudsod ni Selmo.

—Hindi pa naman kayo nagkakaibigan, e!

—Kahit na, kung lalaki kang kagaya ko, hindi mo gagawin iyon,— sumbat ni Selmo.

MAGKAIBIGANG matalik sina Selmo at Teryo. Matagal nang balak ni Selmo na lumigaw kay Ninay. Alam ni Teroy ang bagay na iyon. Nguni’t napakahirap lumigaw kay Ninay. Walang nakapangangahas lumigaw kay Ninay sapagkat napakahigpit ni Tata Tumas na ama nito. Nambabarungka ng halo ng almires sa sino mang binatang mangahas na pumanhik ng ligaw roon.

—Bata pa si Ninay para guluhin sa bagay na ‘yan,— madalas na ipaliwanag ni Tata Tumas sa sino mang makausap ukol sa kahigpitan niya sa mga manliligaw na nagbabalak na pumanhik sa kanila.

Kaya mahigpit ang bilin ni Tata Tumas kay Nana Sabel na ina ni Ninay.

—Baka kung umalis ako’y nagpapanhik ka ng ligaw sa anak mo, e ‘kaw ang bahala!— mahigpit na bilin sa asawa.

Kilalang-kilala ni Nanay Sabel ang kanyang asawa. Kung may nakakilala kay Tata Tumas, iyon ay si Nana Sabel.

—At ikaw naman Ige,— baling sa binatang inaanak sa binyag na nang maulilang lubos ay doon na pinatira, —baka kung nananaog ako e sinasabayan mo naman ng pakikipagdama sa tindahan, e lilintikan ka sa ‘kin,— madalas na baling kay Ige ng kanyang ninong.

—Hindi ho, Ninong. Hindi ho ba’t hangga’t hindi kayo pumapanhik ng bahay e hindi ako nananaog? Kaya lang ho ‘ko nakapagdama e kung umuwi na kayo.

—Ikaw ang bahala, kapag umalis kang wala ako rito, e tatamaan ka.

Kaya hirap na hirap si Selmo. Hindi niya masulatan si Ninay sapagka’t hinaharang ni Tata Tumas ang karterong si Baldo.

—A, nakaisip na ‘ko ng paraan,— ani Selmo kay Teroy. Napapalatak pa si Selmo.

—Anong paraan?

—Si Ige. Si Ige ang tangi kong pag-asa.

—Gagawin mong tulay? Baka ipanganyaya ka pa ng lintik na ‘yon. Inaanak iyon ni Tata Tumas, siyempre isusuplong ka niyon sa ninong niya.

—Ako’ng bahalang umareglo sa kanya,— ang sagot ni Selmo.

Inabangan ni Selmo isang araw si Ige nang patungo na iyon sa kanyang aararuhin. Buhat nang umali nang panayan ang rayuma ni Tata Tumas ay si Ige na ang nakagagawa nang panay sa saka ng kanyang ninong. Sinasaka na ang talagang saka niya, sinasaka pa ang saka ng kanyang ninong. Malakas naman at kabataan pa si Ige, kaya kaya niya ang dalawang saka.

—Maaga ka namang lumusong,— pasimula ni Selmo sa sinabat niyang si Ige.

—Ibig kong matapos ‘tong sa ninong nang bago mananghali at nang pagkakain e ‘yon namang akin ang maararo ko, baka maiwan ng tubig e tumigas na naman.

Pinasigarilyo ni Selmo si Ige. Akala ni Ige ay isa lamang ang sigarilyong ipinakukuha sa kanya ni Selmo.

—Iyo na’ng ‘sang kahang ‘yan,— ani Selmo.

—’No kamo, e ikaw?— mangha ni Ige.

—Mayroon ako. Dalawang kaha ang dala ko, e! Mahirap na ‘yong kung maubusan ay lilipat ka pa sa pinitak ko. Me posporo ka ba?

—Wala rin nga, e! 

—Mabuti pala’t dalawa ang nadala ko,— wika ni Selmo na inalis ang salakot at kinuha sa tuhog ng baa’t ang nakaipit doong posporo. —Tig-isa rin kita!

—Salamat!— nagtataka man ay nawika ni Ige.

Nang pantay-ulo na ang araw ay isinilong ni Ige ang kanyang kalakian sa lilim ng mangga sa tabi ng hapila. Sumigaw si Selmo sa hindi kalayuang pinag-aararuhan.

—Titigil ka na ba?

—Kakain muna ‘ko!— sigaw rin ni Ige.

—Aahon ka pa ba?

—Oo!

—Malayo rin ang lalakarin mo, sumalo ka na sa ‘kin, dadalhan ako ni inang ng pananghalian, e!

—Huwag na’t baka ka kapusin,— tanggi ni Ige.

—Hindi, pinadagdagan kong talaga at nang magkasalo kita!—malakas na sigaw ni Selmo na papalapit na sa kinalalagyan ni Ige.

Pinagsaluhan nga nila ang dala ng inang ni Selmo. Kahit malakas kumain si Ige ay natira pa rin ang napakaraming kanin at ulam.

Kung nagkakatagpo sila ni Ige sa tindahan, bagay na madalas na pagkikita nitong mga huling araw, ay pinaiinom pa ni Selmo ng serbesa ang inaanak ni Tata Tumas.

Sa kanilang pagdadama ay napatatalong talaga si Selmo. Tuwang-tuwa si Ige. Libre serbesa at sigarilyo siya kay Selmo at tinatalo pa niya ito sa dama. Tatawa-tawa lamang si Teroy na laging kasama ni Selmo sa paglibot. Nalalaman ni Teroy na pinapapasok nang husto ni Selmo si Ige.

—Maaari bang makibigay ako sa iyo kay Ninay ng sulat, Ige?— isang araw na sila’y manlusungan ng pagsusuyod ay wika niya sa inaanak ni Tata Tumas.

—Sulat! Mahirap yata, Selmo, ang bagay na ‘yon. Mahigpit ang ninong ko, e!

—Kaya nga ikaw ang pinagagawa ko ng paraan, e! Kung ihuhulog ko sa presidensiya e tiyak na mahaharang ni Tata Tumas si Baldo. Mahuhuli ang sulat ko.

—Talagang mahuhuli. Sinasala ng ninong ang sulat, e! Pagka umaalis e ako pa’ng pinapag-aabang kay Baldo!

—Kaya kung itinuturing mo ‘kong kaibigan e ikaw ang lihim na magbigay kay Ninay.

—Ganito’ng salitaan ta,— mungkahi ni Ige. —Kapag ka nahuli ang sulat mo e hindi ko aamining ‘ko’ng me bigay. Basta sasabihin kong ikaw ang nag-abot kay Ninay, hana?

—Oo, ako ang bahala kung madisgrasyang malaman ni Tata Tumas.

Hindi lamang sigarilyo at serbesa ang ipinanunuyo ni Selmo kay Ige, ibinibili pa niya ng kamiseta at polo shirt ang kanyang tulay. Nguni’t hindi sumasagot si Ninay.

—Wala bang sagot si Ninay, Ige?— ang madalas itanong ni Selmo sa kanyang tulay.

—Wala pa raw sa loob niya, e! Pero pagtiyagaan mo, walang matimtimang birhen sa matiyagang sumulat,— patawa pang biro ni Ige. 

May lihim din palang paghanga si Teroy kay Ninay. Kinaibigan din nito si Ige. Ang akala ni Selmo kaya kinaibigan ni Teroy si Ige ay nang maging mainam ang paglilingkod nito sa kanya. May lihim na binabalak din si Teroy. Pinaamo rin niya si Ige.

Nang maamo na si Ige ay nakidala rin siya ng sulat.

—Nguni’t huwag mo nang masasabi ke Selmo,— ang bilin pa ni Teroy sa inaanak ni Tata Tumas.

—Hindi, alam kong daan pa ng ipagkakagalit ninyo’ng bagay na ‘yon.

Hindi rin naman sumasagot si Ninay kay Teroy na kagaya ng hindi pagsagot sa mga sulat ni Selmo.

NASUBUKAN nga nang hindi sinasadya ni Selmo si Teroy na may iniabot na sulat kay Ige. Sinabat ni Selmo si Ige. Huling-huli ni Selmo sa bulsa ni Ige ang liham na pakidala ni Teroy. Napilitan niyang aminin.

—Ang kawikaan ko’y nakikidala lamang naman ng sulat, e!— ang naimatuwid na lamang ni Ige.

—Matagal na bang nakikidala ng sulat sa iyo si Teroy?— ang tanong ni Selmo.

—Ikalima na ‘to!

—Sigurong sinisiraan niya ‘ko kay Ninay kaya hindi ‘ko sinasagot.

—Hindi naman siguro, Selmo. Magkaibigan kayo, e.

Noon nga sinita ni Selmo si Teroy.

Nagkasira sila buhat noon. Hindi sila nagsasama sa libutan. Naghihinala si Selmo na sinisiraan siya ni Teroy kaya hindi siya maibig ni Ninay. Ganoon din ang bintang ni Teroy, naninira si Selmo kaya hindi siya tinutugon.

Lihim na kumalat ang balitang sinisiraan ni Selmo si Teroy at ni Teroy si Selmo. Nakararating sa kanilang pandinig ang mga pabalitang iyon ngang mga taong walang inaatupag kundi ang makagawa ng ipagkakasira ng kanilang kapwa.

Ang salop man ay umaapaw rin. Kung apaw ay kinakalos. Dapat nang kalusin sa palagay ni Selmo ang mga balitang yaong pinaniniwalaan niya. Nguni’t hindi sarili ni Selmo ang paniniwalang iyon. Si Teroy man ay naniniwala rin sa mga balitang kumakalat nang lihim. Nang hindi na makatiis si Selmo sapul nang mabalitaan ang mga masasamang bulumbulungang paninira sa kanya ni Teroy ay hindi na lumalabas ng bukid nang hindi may pisaw na namumuti sa talim sa takyaran sa baywang, ay pinuntahan niya si Teroy sa salog na pinag-aararuhan nito.

—Kung lalaki kay ay hinahamon kita ng tagaan,— ani Selmo kay Teroy. —Kung mapatay mo ‘ko e ikaw ang mapangasawa ni Ninay. Kung mapatay kita ay magtiis ka.—Pakitid nang pakitid sa kanilang dalawa itong Ligas. —Kung me dala ka lamang pisaw ngayon ay ngayon na sana. Pero lalaki ako at ayokong sumalakay sa walang armas.

—Ikaw, e! — ang wika naman ni Teroy. —Saan mo gustong lutasin ang bagay neto.

—Sa patay na mangga. Hihintayin kita roon mamayang bago lumubog ang araw! — ani Selmo. 

—Oo, darating ako.

Nguni’t may nakarinig palang binatilyo na nagsisipagpalubalob ng kalabaw sa sapa sa kabila ng kawayanan. Ang mga binatilyo ang nagsabi sa kani-kanilang ama ng narinig na hamunan ng tagaan. Ang mga ama namang iyon ang sumugod sa tininti ng nayon.

Nang dumating ang tininti at ang ilang taga-Ligas sa patay na mangga nang palubog na ang araw ay naggigirian na ang magkaribal. Kapwa may hawak na pisaw na kumikislap ang mga talim sa tama ng huling sinag ng araw. Tumatakbo ang tininti sa pag-agap na malagay siya sa pagitan ng magkaibigan.

Humihingal na nakarating ang tininti sa pag-aabutan ng dalawa. Iniunat ng tininti ang mga bisig.

—Tigilan ninyo ang mga kalukuhan ninyong dalawa,— wika ng tininti. —Kung si Ninay ang dahilan ng inyong tagaan e tumigil kayo. Wala na si Ninay. Kangina pa hinahanap ni Tumas si Ninay at si Ige. Nasa bahay ng kapatid ko sa Sumapa at siya ko ngang ibabalita ke Tumas nang sa darating ang pasabi sa akin na kayo raw dalawa ay magpapatayan.

Nakatingin kapwa ang magkaibigan sa tininti. Hindi nila mapaniwalaan ang sinabi niyon.

—Lintik pala, si Ige pala ang dapat nating tadtarin ng taga e kata’ng muntik nang magkamatayan,— ani Selmo.

—Kaya umuwi na kayo at hahanapin ko si Tumas para maayos si Ninay at si Ige,— wika ng tininti.