Tula ni Amante Ernani
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Pebrero 22, 1960)
Labing-apat ng Pebrero: pintakasi’t salamisim
ng lahat ng mga pusong sa Pag-ibig nangingilin!
labing-apat ng Pebrero: Valentine, Valentine!
anong engkanto mayroon ang ngalan mong walang maliw!
O Pag-ibig! O Pag-ibig! O Pagsinta! O Paggiliw!
ikaw’y buhay, ikaw’y langit, ikaw’y araw, ikaw’y hangin!
Anong lagim ng daigdig kung ang kanyang kasaysaya’y
sinulat lang ng sandata sa larangan ng digmaan!
Iyang mga monumento ng labis na katayugan
—piramide ng Paraon, pantiyon ng mga Cesar —
kalupitan ng tirano sa angaw-angaw na buhay,
ang aliw ng mga hari’y sa aliping kamatayan!
Tanging Pag-ibig, Pag-ibig, ang sa mundong tigib-dusa
ay nagdulot ng matamis na balsamo ng ligaya;
bawa’t dakilang Pag-ibig isang tampok ng Istorya:
sina Julieta’t Romeo, Abelardo at Eloisa,
desyerto ang isang bayang walang Pablo at Virginia,
Paraiso’y isang ilang nang si Ada’y walang Eba!
Ang busilak ng taglamig sinimsim ng gintong sinag,
kumanta ang ibon sa taginting ng pangarap
at sumayaw sa aliwiw ang batisang nagagalak,
sa halik ng paruparo’y nagsingiti ang bulaklak,
maligaya ang daigdig sa panahong kulay rosas,
at ang tsampang tinutungga ay Pagliyag, O Pagliyag!
Valentine! Valentine! Natupad kang panaginip…
huwag kaming ulilahing may sugat ang puso’t dibdib;
walang kuros ng dalitang hindi namin matitiis,
walang luha ng pighati, walang lasong anong pait;
nguni’t ikaw, kung magmaliw, Valentine ng Pag-ibig,
walang buhay, walang araw, walang ganda, walang langit!