ni Richard Faller
MADALAS na ikahon natin ang mga babae sa isang kategorya: tagapaglinis ng bahay, tagapag-alaga ng mga bata o tagapag-asikaso ng asawa. Pumapangalawa lamang ang antas nila sa mga lalaki kaya madalas na sila ay ituring na mahina at walang mahalagang silbi. Ang kanilang mga karapatan at kakayahan ay mistulang naisasaisantabi.
Sa pagdiriwang ngayong Marso 8 ng International Women’s Day, sumisigaw sila ng pantay na karapatan at oportunidad tulad sa kalalakihan – sa tema ng pagdiriwang, “Changing Climates: Equality Today for a Sustainable Tomorrow.” Nilalayon nitong kilalanin ang kanilang kayang iambag sa lipunan at bansa para sa ikapagtatamo ng napapanatiling maunlad na bukas.
Bakit nga ba hindi pantay ang katayuan ng mga babae sa mga lalaki sa lipunan? At ano ang magiging mga kapakinabangan kung paiiralin ang gender equality?
Sa Biblikal na Panahon
Pagkahugot kay Eba mula sa tadyang ni Adan, nagbigay si Jehova ng atas: “Ngayon si Adan ay mayroon nang isang katulong, isang kapupunan, isang kabiyak.” Iniutos Niyang magparami sila at magkaroon ng kapangyarihan sa mga hayop. Ayon sa banal na kaayusan ng mga bagay, si Adan ay mananagot kay Jehova. Nasa ilalim naman ng pagkaulo ni Adan si Eba. Ngunit ang kanilang unang kasalanan ang sumira sa kaayusang iyon ng mga bagay. Winika pa ni Jehova kay Eba: “… at sa iyong asawa ay pahihinuhod ang iyong kalooban, at siya’y papapanginoon sa iyo (Genesis 3:16).” Kinakailangan ding magpasakop ang mga babae sa kanilang mga asawang lalaki (1 Pedro 3).
Sa Matandang Kabihasnan
Sa sinaunang kabihasnan ng Babilonya at Ehipto, pinararangalan ang mga babae bilang simbolo ng pagkapalaanakin. Habang sa sinaunang Asirya naman, magagawang hiwalayan ng isang lalaki anumang oras ang kanyang asawa o patayin ito kung nagtataksil. Kailangan ding magtalukbong ng belo ang mga babae kung nasa labas ng tahanan.
Sa Panahong Pre-kolonyal
Sa ating bansa, noong panahong klasikal, may babaeng kabilang sa uring ‘Maginoo.’ Bago naman dumating ang mga dayuhang mananakop, may karapatan ang mga babae na magkaroon ng ari-arian, makibahagi sa kalakalan at diborsiyuhin o hiwalayan ang asawang lalaki. Puwede rin siyang maging pinuno ng komunidad kung walang tagapagmanang lalaki sa katungkulan. May mga babaylan din o babaeng pari. Gayunman, puwedeng maging asawa at ituring na pag-aari ng isang lalaki, na kadalasang isang datu, ang kahit ilang mga babae – at magpasailalim sa lalaki.
Sa Panahong Kolonyal
Sa pagdating ng mga Kastila, nalagak ang mga babae sa pampangalawang katayuan sa lipunan. Itinakda ang kanilang mga tungkulin sa tahanan at simbahan. Ang babae ang tagapaglingkod at katulong sa buhay ng kanyang kabiyak. Hindi siya puwedeng humawak ng tungkulin sa pamahalaan at iba pang mga sektor.
Sa pagdating naman ng mga Amerikano, ang pagtatatag ng mga paaralan ang nagbigay-daan upang maging propesyonal ang mga kababaihan. Nakaimpluwensiya rin sa kanilang kaisipan ang demokratikong diwa ng halalan at politika.
Sa Kontemporaryong Panahon
Sa kasalukuyan, nagkaroon na ng malaking pagbabago sa antas ng mga babae sa lipunan. Marami na ang nakapag-aaral, nagiging propesyunal o nagkakaroon ng mataas na posisyon sa trabaho o pamayanan. May mga babae pa ngang napapantayan o nahihigitan pa ang kayang maabot ng kalalakihan sa iba’t ibang larangan. Gayunpaman, nariyan pa rin ang mga babaeng pantahanan lamang, lalo na sa mga pook-rural. Marami pa rin ang nagiging biktima ng diskriminasyon – lalo na sa trabaho. Nabibigyan nga sila ng trabaho sa mga kumpanya ngunit mas mababa ang kanilang posisyon at sahod – kahit parehas lang ang kanilang pinag-aralan. Mas marami rin silang gampanin sa trabaho. Hindi pa rin sila puwede sa ibang mga trabaho kahit kaya nilang gampanan. Madalas na ang mga domestikong gawain ay hindi rin nababayaran. Madali rin silang mapinsala sa kanilang pinagtatrabahuhan at posibleng maging biktima ng sexual harassment at iba pang karahasan.
Sigaw Ngayon para sa Pantay na Karapatan at Oportunidad
May angking talino at kakayahan din ang kababaihan para maging karapat-dapat sa pantay na karapatan at oportunidad. Hindi sila dapat maging biktima ng diskriminasyon o sikilin ang kanilang karapatang-pantao. Nagsusumamo sila para sa pantay na karapatang makakuha ng kapangyarihan, ari-arian at magandang pagkakataon. Hangad nilang tratuhin sila nang patas, may dignidad at respeto. Napatunayan na nila ang kakayahan nilang mangibabaw. Dapat na palawakin din ang mga oportunidad sa kanilang pagtatrabaho – na disente at may seguridad. Kailangang isaalang-alang ang kaligtasan nila mula sa pang-aabuso at iba pang karahasan. Dapat ding mapangalagaan ang kanilang kalusugan at kapakanan.
Katuwang sa Magandang Bukas
Kung mabibigyan ng pantay na karapatan ang mga kababaihan tulad sa kalalakihan, maibabahagi nila ang kanilang angking talino, kakanyahan at kahalagahan sa pag-ugit ng lipunan. Makatutulong sila sa pag-aahon sa bansa sa kahirapan. Magiging abot-kamay ang pag-usbong ng ekonomiya, panlipunang katarungan, at nagpapatuloy na panlipunan at pambansang pag-unlad. Ang pagkakapantay-pantay ng kasarian ay hindi lamang isang pangunahing karapatang-pantao – kundi pundasyon din ng isang mapayapa, maunlad at matagumpay na bansa. ◆