ni Benjamin A. Bartolome
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Marso 19, 1951)
NAGMAMADALING nanaog si Renato upang iluwas na niya ang mga isdang pinakyaw ng kanyang asawa. Tatanghaliin siya at mapapanghal ang mga suki niya sa Dibisorya. Kaya’t pinatulin niya ang pagtakbo sa kanyang “jeep” na kinalululanan ng mga isda. Habang tumatakbo ang sasakyang iminamaneho ni Renato ay nayayari sa kanyang isip ang isang balak.
May kapasiyahan na siya sa sulat na ipinadala sa kanya ni Alfredo. Ang sulat na iyong nagsasabing sa araw ng Lunes na darating ay may itatanan ang kaibigan niyang si Alfredo at sa kanyang bahay tutuloy. Matagal din niyang pinagbiling-biling na parang hinahanapan ang liham ng dapat niyang gawin, kung tatanggihan o pauunlakan ang kaibigang magtatanan ng isang dalaga at sa kanyang bahay dadalhin. Ang salita lamang sa liham ni Alfredo na nagsasaad na sa dagat magdaraan ang kaibigan niyang may kasamang dalaga at sa pamamagitan ng bangka sila paparoon sa bahay ni Renato sa Rizal, ay isang dahilan na, upang hinalaing ang gagawin ng kaibigang iyon ay labag sa kagandahang-asal.
Ngunit hindi naman niya matatanggihan si Alfredo, sapagkat nang mag-asawa lamang si Renato napalayo sa kaibigan, buhat nang sa Rizal na nga sila mamuhay na mag-asawa. Si Alfredo ay naiwan sa Maynila.
Ganoon man ay may niyari na siyang pasiya at iyon ang kanyang gagawin.
Habang tumatakbo nga ang “jeep” ni Renato ay naaalaala niya ang aliwaswas na pamumuhay ng kanyang matalik na kaibigang si Alfredo. Makisig kasi si Alfredo, ang nasasabi niya sa sarili. Ngunit kaawaawa naman si Redencion. Nagkakapayat-payat na sa kapabayaan ng alisaga niyang kaibigan. May sampung taon nang kasal sina Alfredo at Redencion. Unang nag-asawa si Alfredo kaysa kanya. Ngunit dalawa na ang anak nilang mag-asawa, sina Alfredo at Redencion ay wala pa ring supling. Maaaring iyon ang dahilan kaya si Alfredo ay nakaisip ng kung anu-anong kabulastugan. Ngunit kahit na, ang tila pasubali ni Renato sa kanyang sarili, hindi dapat na gayunin si Redencion.
Kaawaawa ang isang babaing nagkakangkukuba sa paghahanapbuhay, kung ang pinaghihirapan ay ginagawa lamang ng asawa sa mga walang kapararakang bagay, lalo pa sa hindi katapatan sa pag-iibigan ng magkaisampuso.
Walang hanapbuhay si Alfredo. Ngunit malakas ang paburdahan ni Redencion at dito nagbubuhat ang kanilang ikinabubuhay, at pati na ng iginagara ni Alfredo.
NAGKAKILALA si Alfredo at si Lucia sa isang sayawan sa Kalamba. Kay ganda ni Lucia, sariwa, at kaakit-akit. Nahalal si Lucia na reyna ng pagdiriwang sa Araw ng Pagsilang ng Martir sa Bagumbayan. Taon-taon ay talagang ipinagpipista ang ika-19 ng Hunyo sa bayang sinilangan ng bayani.
Ang pinili ng kapisanan ng mga kabataang namamahala sa kaarawan ng mga bayani na magputong kay Lucia ay ang kanilang makatang pambato, si Jose V. del Pariñas.
Iyon naman ang talagang pangarap ni Pepe, ang siya ang makapagputong kay Lucia. Iniibig niya si Lucia. Wala pa marahil makapapantay na pag-ibig sa pagmamahal na yaong iniuukol ni Pepe sa kayumian ng binibining mahalal na reyna ng kasayahan.
Walang pag-aalinlangan ang sinuman. Nasiyahan ang lahat ng sumaksi sa idinaos na koronasyon. Napuri ng lahat ang mga tulang iniukol ni Pepe, hindi lamang sa kagitingan ni Dr. Rizal, kundi maging ang mga kamanyang na kanyang isinaboy sa paanan ni Lucia nang gabing yaong parangalan niya ito sa kanyang mga tula.
—Lucia, nalalaman mo, pinakaiibig kita! Wala na akong pangarap kundi ang maging hiyas ka ng aking mga pangarap, — ang bulong ni Pepe kay Lucia nang sila ay nagsasayaw na sa gitna ng bulwagan ng malaking paaralang bayang pinagdarausan noon ng sayawan pagkatapos ng koronasyon.
—Hindi ako mabubuhay, Pepe, sa mga pangarap. Ang mabuti ay humanap ka na ng ibang mapangarap ding katulad mo.
Parang sinaksak ang dibdib ng makata. Nakaramdam siya ng kirot na masakit na masakit sa kanyang dibdib.
—Hindi mo ako iniibig, Lucia, ganoon ba?
—Ganoon nga, hindi kita iniibig, Pepe!
—Sa ibang araw? — ang usig pa rin ng makata.
—Hindi kita maaaring ibigin kailanman, hindi ako humahanga sa mga panaginip, Pepe!
Iyon ang huli nilang pagkikita ni Pepe. At nang gabing iyon naman nagkakilala si Lucia at si Alfredo. Nalalaman ni Lucia na si Alfredo ay taga-Maynila. Nakita niya ang kakisigan nito, ang nagkisap-kisap na mga bato ng brilyante sa sinsing nitong nasa daliri. Nagsayaw rin sila nang makaalis na si Pepe. Nagkahulihan agad sila ng loob.
Nang umuwi ang reyna, hindi nayag si Alfredo na hindi sa kanyang magilas na “Lincoln” sumakay ito upang maihatid ng lalaki. Nabigo ang awto ng mga kabataang namamahala sa pagdiriwang na iyon upang siya ay ihatid nila. Sumama si Lucia kay Alfredo at kahit na malalim sa gabi, o baka magmamadaling-araw na, ay inanyayahan din ng Reyna na manhik muna si Alfredo. Nagpaunlak naman si Alfredo. Iyon ang talaga niyang hinihintay.
Walang kamalay-malay si Lucia na nang gabi ring iyon ay lumuwas ng Maynila si Pepe na may sama ng loob. Hindi na niya maaaring pasilay pa sa sikat ng araw, ngayong siya ay isa nang bigo sa pag-ibig.
Mamamalagi na siya sa Maynila.
Makaraan ang ilang araw ay nabalitaan ni Lucia na si Pepe ay lumuwas na ng Maynila. Mamamalagi na sa Maynila. Nalalaman ng reyna na ang ipinagtampo ng makata ay ang pagkakatanggi niya sa pag-ibig na iniaalay niyon, subalit ano ang mawawala sa kanya kung umalis sa Kalamba ang sampu mang makata? Nagkibit lamang siya ng balikat.
Sa kabilang dako, ilang araw lamang ang nakaraan buhat nang parangalan si Lucia bilang reyna ng pagdiriwang sa kaarawan ni Rizal, si Alfredo ay panauhin na ng dalaga. Makalawa sa isang linggo ay nakatapat sa tahanan nina Lucia ang awto ni Alfredo.
At hindi nakalipas ang pitong buwan, sina Lucia at Alfredo ay magkatipan na. Hindi naikaila ni Lucia sa kanyang mga kabigan ang kanilang pagmamahalan ni Alfredo. Tuwing magkakaroon ng kasayahan sa Kalamba, silang dalawa ay magkakasamang dumadalo. Walang batid halos ang kanilang pagsusulatan.
—Hindi ako mapalagay, Alfredo, — ang minsan ay nasabi ni Lucia.
—Nag-aalinglangan ka ba sa akin? — ang tanong ng binata.
—Hindi, kailanman. Ngunit bakit hindi pa tayo pakasal, Alfredo?
—Kaunting panahon na lamang, huwag ka sanang maiinip. Nais ko lamang na makatipun-tipon pa ng kaunti at nang mayroon kitang mapagsaligan ng ating hinaharap, mahal ko!
Ang mga tugong gayon ay pinaniwalaan naman ng dalaga, hanggang sa makaraan pa ang isang taong mahigit, sapagkat nalilibang si Lucia sa mga kasayahan.
Malabis ang pagkahumaling ni Lucia at ni Alfredo sa kaligayahan. Dahil diyan, ang mga nakararating sa Kalamba na mga tagumpay ni Pepe sa pag-aaral at sa kanyang pagsusulat ay hindi na magkaroon ng pagkakataong mapag-ukulan ng pansin ng dalaga.
Ang natigil na pag-aaral ni Pepe ng abogasya ay kanyang ipinagpatuloy. Natigil lamang namang talaga si Pepe ng pag-aaral buhat nang mamatay ang kanyang ama. At ulila na rin lamang siyang lubos kung kaya’t tinamad na siyang magpatuloy ng pag-aaral, kahit ang totoo ay nasa huling taon na siya ng kolehiyo ng abogasya.
Ngunit nang sawiin siya ni Lucia sa pag-ibig, si Pepe ay nagkaroon ng sigasig na maghangad ng katangian. At ang kawikaang ang sawi sa pag-ibig ay mapalad sa ibang bagay, ay napatunayan sa buhay ni Pepe. Pagluwas na pagluwas niya ng Maynila ay nagkataon ang isang pahayagang pang-umaga sa Maynila ay nangangailangan ng isang reporter sa pulisya. Si Pepe ay nagsanay-sanay nang ilang taon sa gawain sa pahayagang arawan, siya ang unang inalok ng patnugot at tinanggap naman niya ang mainam na pagkakataong iyon. Nag-aral siya upang matapos na ang huling taong kinatigilan niya nang mamatay ang kanyang ama.
Nang makatapos na siya ng pag-aaral sa kolehiyo ay humingi ng dalawang buwang bakasyon sa kanyang pasulatan. Nagrepaso siya nang ubos-kaya, bago dumating ang buwan ng pagsusulit.
ISANG araw, dala ang kanyang maleta, si Pepe ay dumating sa Kalamba. Nabalitaan na lamang ng mga kaibigan niyang siya ay umibis sa trak. Ngunit sumakay agad sa isang karumata at nagpahatid sa tabing dagat. Mamamahinga siya roon. Pagod na pagod siya pagkaraan ng pagsusulit sa Korte Suprema. Matagal pa bago malaman ang kinawakasan ng kanyang pagsusulit. May natitipon din lamang siya, doon na niya binabalak na maghintay ng naging bunga ng kanyang mga pagsusunog ng kilay. Nagsisimula nang masira ang bahay na tanging naiwan sa kanya ng kanyang mga magulang. Talaga nga namang malakas masira ang bahay na walang tao. Sa halip na maggagala nang araw na iyon, ang inasikaso niya’y ang ayusin ang tahanang siya nang tunay ang nagmamay-ari. Pagkatapos ay naglinis siya at saka umunat sa lumang katreng nasa silid. Kung anu-ano ang kanyang ginunigunita. Sa Maynila pa ay nabalitaan na niyang si Lucia, na siyang tampulan ng lahat ng kanyang paghanga, ay malapit nang mag-asawa. Parang nakararamdam pa siya ng kirot sa kanyang dibdib tuwing maalaala ang pag-aasawa ni Lucia.
Kinahapunan ay naghanap siya ng mauupahang bangka at lambat. Sanay naman siya sa pangingisda, a! ang naisip niya. Habang naghihintay siya ng kinawakasan ng kanyang pagsusulit ay maghahanap-buhay muna siya ng kinagisnan niyang gawain ng kanyang yumaong ama. Doon galing ang kanyang ginasta sa pag-aaral. Sa hanapbuhay na iyon siya itinaguyod ng kanyang ama. Ano at hindi niya magagawa ang bagay na iyon? Dati naman siyang nakakatulong ng kanyang ama sa pangingisda kung siya ay nauuwi pagka mga araw ng bakasyon.
Buhat nga noon ay mayroon na siyang bangka at lambat. Sa simula ay para siyang naninibago. Ngunit nang lumaon ay nasanay na siya nang nasanay. Nakayag siya ng mga kanayong nagsisipangisda rin na doon na ipundo ang kanilang bangkang may huli sa mamamakyaw sa Rizal na mabuting maghalaga. At doon na nga sila naghulog ng kanilang mga palakaya sapul noon.
Nakawiwili pala ang mangisda, kung gayong lagi na silang mahuli, ang nasasabi ni Pepe sa sarili.
SA lahat ng araw ay noon napakaraming nahuli si Pepe. Naggagayak na siya ng kanyang bangka na katulong ang upahan niyang si Rufo nang may marinig siyang sigawan ng mga tao sa may pasigang pinaghatdan niya ng kanyang huli. Napalingon si Rufo. Ngunit tuloy rin ang pagkakabit ng layag. Ang nakita nila’y isang babaing nakapindong. Hinahabol ng isang lalaki.
Hanggang bukung-bukong lamang ang tubig sa kinatitigilan ng kanilang bangka ni Rufo at natatanaw ni Pepe na pagawi sa kanilang kinalalagyan ang babaing tinutugis ng lalaki.
Ang papalapit na babae sa bangka ni Pepe ay si Lucia. Hinahabol siya ni Alfredo. Noon ang araw ng pagtatanan nina Alfredo at Lucia. Sa tahanan nina Renato itutuloy ng lalaki ang kanyang katipan. Ngunit isang araw bago sumapit ang Lunes ay ipinabasa ni Renato kay Redencion ang sulat ni Alfredo. Kaya’t nang dumaong ang bangkang kinalululanan ng tanan ay si Redencion ang dinatnan ni Alfredo at ni Lucia sa pampang. Gayon na lamang ang gulat ni Alfredo. Noon nalinawan ni Lucia na may-asawa si Alfredo, na hindi pala siya mapakakasalan nito, na ipupugal lamang siya sa isang bahay roon upang lagasin ang kanyang pagkadalaga. Kaya’t siya ay tumakas, nais niyang makarating sa unang bangkang natanaw niya na ibig palaot. Nais niyang makalayo sa pook na yaon. Ibig niyang makaligtas sa kinabingitang panganib. Ngunit hinahabol siya ni Alfredo. Yari na ang pasiya ng lalaki na hiwalayan ang asawa at pakisamahang palagian si Lucia, na maganda, bata at kaakit-akit.
Ni hindi na inusisa ni Lucia kung kaninong bangka iyon. Parang wala siyang nakikilalang tao sa matinding takot.
—Para na ninyong awa, ilayo ninyo ako rito, ilayo po ninyo ako rito, — ang pakiusap ni Lucia kay Rufo. Sumakay na agad si Lucia sa bangka ni Pepe. Hindi na niya napansin si Pepe na nasa dakong hulihan.
Parang nahulaan naman ng makata na kailangan ngang ilayo si Lucia. Itinulak nila ni Rufo ang bangka hanggang sa malalim. At sila’y naglayag na. Hindi man lamang lumilingon si Lucia. Parang natatakot siya na makita pa ang humahabol na si Alfredo. Nang hanggang kilikili na ang lubog ni Alfredo sa tubig ay nagbalik na rin itong pagod na pagod. Nakayuko pa siya nang humarap kay Redencion.
—Saan kita ihahatid, Lucia? — ang unang tanong na narinig ng dalaga buhat sa kanyang likuran. Napalingon siyang bigla. Hindi niya napagsino agad si Pepe. Hindi niya inaasahang ito ang mangingisdang may-ari ng bangka.—Sa inyong bahay ba? — tanong uli ng makata.
—Ewan ko, — ang malungkot niyang wikang tinanaw ng mga matang luhaan ang binata. —O, Pepe, diyata’t ikaw pa ang nakapagligtas sa akin? —ang mga salita ni Lucia ay may himutok.
At sa pagitan ng mga hikbi ay sinabi ni Lucia ang kamuntik nang pagkadaya sa kanya ni Alfredo.
—At ngayon ay walang pagsalang nalalaman na sa amin na ako’y nagtanan at sumama sa lalaking iniibig ko. Nag-iwan pa ako ng sulat na pahimakas sa amin. Pinag-uusapan marahil sa buong nayon namin na ako’y lumipad, nag-asawa, sa ngayon ay uuwi ako, makauuwi kaya ako? May mukha pa kaya ako? —At itinago ni Lucia sa dalawang palad ang mga palad ang mukhang basa ng luha.
—Binabanggit mo ba sa sulat mo ang pangalan ng iyong katanan? — anang makata.
Umiling lamang si Lucia.
—Kung gayon ay ako ang kasama mong nagtanan, Lucia.
Naitaas bigla ni Lucia ang mga mata at minasdan ang binata.
—Hindi ako nagbibiro, Lucia. Alang-alang sa puri mo at alang-alang sa pag-ibig ko ay…— itinigil na kusa ni Pepe ang kanyang sasabihin. Nakatingin lamang sa kanya si Lucia na tila nananaginip. Naisip ni Lucia kung iyon din ang makatang may pag-ibig na niwalang saysay niya, tinanggihan niya, dinusta niya. Kung iyon ang naghahandog sa kanya ng isang pagmamalasakit upang huwag siyang mabilad sa kahihiyan sa kanilang nayon, ay dakilang binata si Pepe.
—Kung hindi kita maaaring ihatid sa inyo, saan kita dadalhin, Lucia?
—Itapon mo na ako sa dagat. Wala na rin lamang akong halaga, — ang sagot ni Lucia na tumalikod sa binatang tumigil ng pagsagwan.
—Itapon man kita ay sasagipin din lamang, bakit pa kita pababayaan ngayon? Kay tagal kong hinintay na maging akin ang pagmamahal mo, Lucia.
Nakangiti na si Lucia. Wala nang luha ang mga mata. Nakatitig na siya sa laot, may nakikita na siyang pag-asa. Napawi na ang pangingilabot niya sa kinabingitang panganib.
NASA harap na ng huwes sa kanilang bayan si Lucia at lumalagda na siya ng isang maputing kasulatan ay para pa siyang nananaginip. Kaya lamang niya napatunayang katotohanan ang lahat ay nang bendisyunan siya ng kanyang ama’t ina nang sila ni Pepe ay humalik ng kamay, pagkatapos na pakasal.
—Ako’y mangingisda muna rito habang hindi nalalathala ang kinawakasan ng aking eksamen, mahal ko! —ang wika ni Pepe sa asawa nang hapong umuwi na sila sa tahanan ni Pepe sa tabing dagat.
—Ako ang magtitinda sa palengke ng mga huli mo, makita mo! — ang nakatawang wika ni Lucia na hinintay ang dampi ng mga labing mapagmahal ng makata. ◆
Bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang ng Sentenaryo ng LIWAYWAY sa taong 2022, magbabalik-tanaw ang LIWAYWAY sa mga natatangi at klasikong kuwento na isinulat ng mga batikan at haligi na sa larangan ng panulat bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag, hindi lamang sa LIWAYWAY, kundi maging sa panitikan sa bansa.